PINIPILIT NAMAN NI SKYLER NA HINDI ISIPIN ang inamin ni Erena sa kaniya pero tila ba sirang plakang umuulit iyon sa isip niya.
Inalog niya ang sariling ulo.
Sa hindi naman maipintang ekspresiyon ay tiningnan siya ni John na tila nagtatanong kung okay pa ba siya.
"Kain na, Erena." Nang dumating naman ang mga in-order nila ay agad niyang inayos iyon sa harapan ni Erena.
Hindi niya alam kung bakit ganoon siya kabilis na napaiwas ng paningin nang ngitian siya ni Erena dahil na rin sa mga mata nito.
"Salamat, Skyler!"
Naiilang siyang natawa bago binalingan ang sariling pagkain. Aabalahin niya muna siguro ang sarili habang kaharap niya pa si Erena. Pakiramdam niya ay kailangan niyang iwasan ang pagtingin-tingin dito.
Sinagi pa siya ni John nang pasimple.
Nang sulyapan niya naman si Erena ay abala na ito sa pagkain.
"Bakit ganiyan ka tumingin?" pasimpleng bumulong si John.
"Saan?"
"Sa kaniya?"
Hindi niya alam ang isasagot sa pagkakataon na iyon. Halata ba siya?
Naestatwa siya nang mag-angat ng paningin si Erena at muling ngumiti bago muling bumaling sa pagkain.
Nang ibalik niya naman ang paningin kay John ay nakaramdam siya ng guilt.
Napailing lang naman ito sa kaniya at walang sinabi.
Nagpatuloy sila sa pagkain sa gitna ng kapayakan ng paligid, ngunit hindi rin nagtagal ay may huminto sa gilid nilang dalawa ni John. Wala naman siyang balak na mag-angat ng paningin dito kung hindi lamang siya kinalabit ni John.
"Sky!" si John.
"Ano ba?" Nahinto siya nang makita ang itinuturo nito.
Pambihira, anong ginagawa nito rito?
"Skyler?" Naroon agad ang malawak na ngiti ni Catalina sa kaniya, bakas ang pagkasabik nang makita siya. "It's really you and John! And..." Dumapo ang paningin nito sa mukha ni Erena na nahinto na rin sa pagkain. "A girl."
Inosenteng ngumiti si Erena kay Catalina.
Sa tabi niya naman ay naramdaman niya ang kaba ni John.
"C-catalina," tawag pa nito. "Paano ka napunta rito? Timing, ah?"
Makahulugan siyang tiningnan ni John.
"Our car stopped by, and it seems we are fated to see each other here."
Sa blangkong ekspresiyon ay umakma siyang babalik sa pagkain nang sikuhin siya ni John.
"Ano ba?" Inis na bulong niya pa pero napansin din naman ni Catalina.
"Aren't you happy to see me, Sky? Baka may nakakalimutan ka?"
Natahimik siya. Hindi niya gusto ang ganitong pakiramdam at hindi niya rin gusto na natatrato niya nang ganito si Catalina.
Simula nang mangyari ang dinner na iyon, umiwas siya dahil alam niyang bawat pagmamagandang-loob niya ay aasa lang si Catalina.
"Catalina naman!" Humahangos na dumating ang Yaya Korina nito. Noong una ay bakas ang inis at pag-aalala sa mukha, pero nang makita sila at si Erena ay napalitan iyon ng gulat. "Anong ginagawa niyo rito? Hindi ba't nasa training kayo?"
"May inutos si Commander, Ate Korina." At siyempre, si John ang sasagot niyon.
"Ah, ganoon ba? E, sino ito?"
"Tapos na akong kumain." Bago pa humaba ang usapan ay tumayo na siya. Mabuti na lang din at tapos na si Erena, pero si John hindi pa. "Mauna na kami."
Pinandilatan niya agad ng mga mata si John nang hindi ito tumayo dahil tutol sa pag-alis, pero sa huli ay nakanguso lang itong tumayo para sumunod sa kaniya.
Tipid niya lang na nginitian si Erena na inosenteng nakatingala sa kaniya.
Nahinto lamang siya sa paghakbang, ganoon na rin sina Erena at John nang humabol si Catalina.
Naroon ang pilit na ngiti, ngunit nasasaktang anyo nito. "Sky, you really don't remember anything?"
Napabuntong-hininga siya, pero hindi pa rin lumingon para kay Catalina.
"P-pasensiya na Catalina, ha? Marami kasing iniisip si Skyler, kaya siguro kung ano man 'yan baka hindi niya nga talaga maalala."
"Catalina, tara na. Magagalit ang daddy mo." Sinubukan pa itong pigilan ni Yaya Korina, pero si Catalina iyon kaya imposibleng mapigilan.
"But it's my birthday, sa susunod na linggo!" ani Catalina.
Umere ang katahimikan sa pagitan nilang lahat.
Maging siya ay nagulat. Hindi niya rin naman talaga alam na malapit na ang birthday ni Catalina—kahit na palagi siyang imbitado noong mga nakaraang taon.
Kahit papaano ay nakaramdan siya ng simpatya kaya naman nilingon niya na ito.
"Birthday ko na next week..." Pumanglaw ang ngiti ni Catalina. "And you are coming, right? Hindi mo naman nakalimutan, 'di ba?"
Hindi niya alam kung paanong natapos ang usapan. Hinila niya kasi si Catalina sa pribadong espasiyo para makapag-usap sila nang maayos, siya ring dahilan kung bakit pumayag na si Catalina na umuwi.
Kaka-start pa lang ni John ng sasakyan nang magtanong ito.
Samantalang, tahimik at walang kibo naman sa tabi niya si Erena na nasa bintana ng sasakyan lang ang paningin.
"Anong pinag-usapan niyo ni Catalina?" panimula ni John. "Grabe rin na birthday niya, ni hindi mo maalala. E, palagi naman tayong invited."
"Ikaw ba, naaalala mo?"
Natahimik naman si John nang mabara niya.
"Pero siyempre iba pa rin kasi may special something kayo kaya aasa talaga siya na alam mo."
Iyon na nga ang problema niya.
"Pupunta ka ba sa birthday ni Catalina? Nasa kampo pa tayo noon. Kung pupunta ka man, siguro si Gov na ang bahala roon. Hindi naman niyon tinatanggihan lahat ng gusto ni Catalina. Baka nga sa lahat ng tao sa paligid ng anak niya, ikaw lang ang may lakas ng loob na tumanggi roon, e."
Hindi niya na sinagot ang tanong ni John dahil nagtuloy-tuloy naman na ang pagkukuwento nito.
Samantalang, hindi niya alam kung paanong kikibuin si Erena. Pakiramdam niya ay may mali—na kahit gusto niyang tanungin ito, hindi niya magawa.
"S-sandali," si Erena.
"Ihinto mo."
Agad naman sumunod si John sa utos niya.
Sinilip niya mula sa bintana ni Erena ang tinitingnan nito.
"Bakit?" si John.
Sinenyasan niya lang ito na huwag nang magtanong at laking pasasalamat niya naman na sumunod ito sa kaniya kahit papaano.
"Naiihi ako." Kahit sa pagsasabi niyon ay malamig pa rin ang tono ni Erena.
"Iihi? Bababa ka?" si John.
Awtomatiko niyang binuksan ang pintuan ng sasakyan. "May malapit na public toilet dito—"
"Puwede bang ako na lang ang bumaba?"
Nagkatinginan sila ni John.
Tama siya na may mali nga dahil hindi naman ganito umakto si Erena. Dahil din nga sa pagkabigla nila ni John sa inasta nito ay parehas nilang hindi namalayan na nakababa na ito, ngunit nasundan agad iyon nang sigawan ilang segundo pa lang ang nakalilipas.