13 (Part 1)

1127 Words
ALAM NI SKYLER ANG GANITONG KLASE NG NGITI, ang ngiti na mayroon si Erena ngayon. Masayang-masaya ito habang nagniningning ang mga mata at malinaw ang pagkasabik. Wala namang gaanong espesiyal sa mundo sa labas ng gubat, pero hindi siya si Erena. Iba ang tiningin niya sa pagtingin na mayroon ito. Nakagat niya ang labi nang maalala ang pag-amin sa kaniya ni Erena—na gusto niya ito. "Ngayon ko lang nakita na naghikaw ka." Sandaling natigilan si Erena at tila kinakabahan, pero masayang napansin niya iyon. Abala naman sa sariling mundo si John na kinakapa pa rin kung paano makikitungo kay Erena. "Nagpalagay ako kay Manang Tessing!" Masigla nitong sinabi. "Nagpa butas ka?" Umawang ang labi niya. Tumango si Erena. "Masakit 'yon, ah?" Nilingon niya si John na sumapaw bago muling bumaling kay Erena. "Medyo." "Bagay sa 'yo." Bagay naman talaga at lalong gumanda si Erena. "Talaga?" Siya naman ang tumango bago muling ginulo ang buhok ni Erena. Malayo-layo na rin ang nalakad nila at tama nga siya. Ilang lakad na lang ay malapit na sila sa sasakyan ni Commander Chavez. Wala kasing daan para sa ganito kalaking sasakyan kaya naman dito iyon iniiwan. "Sa wakas." Nauna agad si John sa driver's seat. Imbis naman na sa shotgun siya maupo ay tinabihan niya si Erena sa passenger's seat. Lumingon naman si John sa kaniya nang mapansing doon na talaga siya mauupo. "Diyan ka na?" Pagkokompirma pa nito. "Para may katabi si Erena," sagot niya naman. Tipid lang na tumango si John bago i-start ang makina. Nakita niya pang tumingin ito sa salamin sa unahan ng sasakyan para sa repleksiyon nila ni Erena bago nito pinaandar ang sasakyan. "Saan ba tayo unang pupunta?" Niliko ni John ang sasakyan. Malapit na sila sa kalsada. "Kausapin natin ang nag-aayos ng supply ng idi-deliver na pagkain natin sa palengke. May ipinabibilin si Commander, tapos bibili tayo ng mga ikukunsumo ngayong araw." Nagpatuloy ang biyahe. Pakiramdam niya rin tuloy ay bago ang lahat sa kaniya dahil ilang linggo na rin pala sila sa kampo. Nanawa rin naman siguro siya sa puro kapunuan na nakikita roon. Nakarating sila sa palengke. Agad niya namang inalalayan si Erena, halata ang paninibago sa mukha at mas lalong naroon ang kaba. "Ngiti," anang niya. "Maging natural ka lang, Erena." Kaagad namang tumango si Erena. Ngumiti naman siya para ipakitang kalmado rin siya para kumalma na rin ito. "Ikaw muna kay Erena," anang niya. "Kakausapin ko lang 'yung supplier." Alanganin pang tumango si John, pero wala naman itong pagpipilian kaya talagang o-oo ito. "Bukas pa kasi darating ang mga hinirang talagang i-deliver, pero made-deliver naman kaagad ng bukas ng umaga 'wag kang mag-alala bata," anang supplier. Kung bakit ba naman kasi imbis na military food ang kanilang kainin, ito pang mga sariwa. Mula sa malayo ay tinignan niya nama si John at Erena, ni hindi man lang nag-uusap ang dalawa, pero okay na rin atleast walang bakas ng 'di pagdisgusto sa mukha. "Ganoon po ba?" Nilibot niya ang paningin. "Kukuha na lang kami ng ilang kilo ng karne, babalikan namin." Nakangiti naman siyang bumalik sa dalawa. "Oh, nasaan na?" Tukoy nito sa dapat na bibilhin niya. "Babalikan natin. I-drive mo papunta sa paborito nating karinderya." Inalalayan niya si Erena na naguguluhang nakinig sa kanang dalawa ni John. "Tara," anang niya pa. "Anong gagawin natin doon?" Humabol naman kaagad si John na naiwan pa, nabigla 'ata sa sinabi niya. "May oras pa ba?" Muli niyang inalalayan pabalik sa sasakyan si Erena. "Mayroon pa." Binuksan niya naman ang pintuan sa upuan niya. "Tara na, miss mo rin naman sigurado." "Siyempre!" si John. "Bahala na, basta ikaw rin bahala kay Commander kapag nalaman 'to. Lalong lalo na ang pagsama mo sa kaniya." Naramdaman niya ang paninigas ni Erena nang tukuyin ito ni John. "I-start mo na nga." Nilingon niya si Erena sa tabi niya. Marahan niya pang inayos ang suot na hood at jacket nito. "Pupunta tayo sa paborito naming kainan ni John." Tipid lang na tumango si Erena, naroon pa rin ang pag-aalala sa mukha dahil sa sinabi ni John. Nagsimula naman ang biyahe nila papunta roon. "Huwag kang kabahan. Sanay na 'ko sa push ups ni Commander. Ang isipin mo, ngayon araw. mag-e-enjoy ka. Malinaw ba?" Nakarating sila sa karinderya. Masuwerteng halos isang pamilya lang ang naroon na kumakain. Estilong restaurant kasi ang karinderya kaya maraming lamesa at mga upuan na puwedeng pagpilian. "P-pinagtitinginan t-tayo..." Natawa siya. "Kasi naka-uniporme kami. Dito kasi, kapag nakakita ng sundalo o kaya pulis ganiyan talaga ang reaksiyon." Naroon pa rin man ang takot sa mukha ni Erena, kahit papaano naman ay kumalma ito. Hinatid niya muna sa paborito nilang puwesto si Erena bago niya sinamahan sa counter si John. Bahagya siyang nakaramdam ng kirot nang makitang balisa talaga si Erena, paulit-ulit na hinahapit sa katawan ang suot na hood at jacket. "Nako ang mga suki ko keguguwapo lalo!" Bati sa kanila ni Aling Sela. Kaagad naman silang nagmano. Siyempre pinagmukha niyang mas ekstra ang paggalang niya nang maramdamang nakatingin si Erena. Ewan niya ba, gusto niya lang. "May kasama kayo?" Tinignan pa nito si Erena. Sabay rin silang nagkatinginan ni John. "Kasama mo namin sa kampo, h-helper doon." Sinagi niya ang balikat ni John. Sinagi rin siya pabalik ni John, ayaw magpadamay, pero natawa rin para hindi sila mahalata. "O-opo... Kaibigan na ‘rin’ namin." Mariin pang dugtong ni John para mas pagtibayin iyon. Ilang sandali lang matapos um-order ay naglakad na sila pabalik sa lamesa. Hindi naman matigil karereklamo sa tabi niya si John. "Naku,Skyler. Sinasabi ko talaga sa'yo bahala ka kapag nabuko tayo." Tinapik niya ang balikat nito. "Sabi ko kalma lang, baka talagang ikaw pa magbuko sa'tin sa akto mo, sabi ko naman sa'yo." INIS na pinagpag ni Catalina ang kamay. Kanina kasi sa capitol ay may nakipagkamay na matandang babae sa kaniya dahil nakilala siya bilang anak ng Governor. Kadadalaw niya lang doon, siyempre para hingin ang allowance niya kahit na wala namang pasok. Ayaw na ayaw niya nga palang hinahawakan siya. "Ew!" Maarte niya pang sinabi. Nasa loob na naman sila ng sasakyan kaya walang ibang makakakita sa akto niya kundi ang driver nila, ang isa niyang bodyguard at siyempre ang Yaya Korina niya. "Maka-ew 'to," kontra kaagad nito. "Bakit hindi ka kanina um-acting nang ganiyan noong kaharap mo 'yung matanda? Aba, e, kanina nakakangiti ngiti ka pa at pasabi sabi ka pa ng 'ingat po'!" Ginaya pa nito ang tono ng pagkakasabi niya kanina. Kaagad naman siyang nagpahid ng alcohol. Papansinin niya sana ang sinabi nito nang makita ang pamilyar na tao sa karinderya na malapit lang sa capitol. Noong una ay hindi siya makapaniwala, pero nang tagalan niya ang pagtitig dito ay tama siya. Si Skyler nga iyon, kasama si John at ang isa pang babae?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD