HINILAMOS NIYA ANG PALAD SA KANIYANG MUKHA. Nagpalakad-lakad siya sa gitna ng kampo habang pinagmamasdan ang mga kabataang inatas sa kaniya para iensayo.
"May problema ba, Commander?" Nilapitan siya ng kaniyang lalaking kanang-kamay na kung tawagin niya ay Santos.
"May nakakita kay Erena."
Matagal ng alam ng kaniyang kanang-kamay ang tungkol kay Erena. Tanggap nito si Erena hindi dahil sa nakatataas siya ng posisyon, kundi dahil alam nito ang buong istorya kung bakit nagkaganoon ang kaniyang anak.
"Pero bakit ang lalaking ito ay nagawa niyang makausap? Ano ang mga nangyari na hindi ko alam?" anang niya sa sarili.
Gulat siyang tiningnan ni Santos. "Sino? Anong gusto mong gawin, Commander?"
Pinagmasdan niya si Liu na nakikipagtawanan sa mga kasamahan habang naghahanda ng bonfire, handa nang matulog.
"Hindi ko alam."
"Paano kapag napahamak ang anak mo, Commander?"
Tiningnan niya ang kausap bago muling nagbalik ng tingin kay Liu.
Mapapahamak ba ang anak niya? Ang lente? Ang sapatos? Talaga bang ibinigay nito ang mga iyon sa kaniyang anak?
KINUHA NIYA ANG MANSANAS NA HAWAK NI JOHN. "Akin na lang 'to, ha?"
"Anong akin? Kakainin ko 'yan, e! Akin na!"
Natatawang niyang iniwas ang mansanas sa kaibigan. Nag-agawan sila hanggang sa sumuko na si John. Nahirapan yata dahil prente lang siyang nakaupo. Samantalang, halos umikot na sa paligid niya si John.
"Hindi ka naman kumakain ng mansanas, e. Para kanino ba 'yan?" Nanlulumo pang itinanong sa kaniya nito.
"Matulog ka na. Gusto mo bang sipain kita palabas ng tent ko?" biro niya pa rito.
Sa pangalawang pagkakataon ay wala na namang nagawa si John. Matagal siyang nakamulat habang hinihintay na makatulog si John.
Nang mahinuha niyang sa wakas ay nakatulog na ito ay umurong na siya palapit sa zipper ng tent, dahan-dahan para hindi magising si John. Nakahinga siya nang maluwag nang matagumpay siyang nakalabas.
Inilibot niya ang paningin sa buong kampo. Tulog na ang lahat. Makakaalis na siya.
Dala ang lampara ng kaibigang si John, tinahak niya ang gitnang parte ng kagubatan. Hindi tinutubuan nang matatayog na d**o ang kagubatan at tanging ang mga pine trees lang at ilang uri ng puno at halaman ang naroon. Malamig sa umaga, lalo na sa gabi kaya naman hindi nila kinakayang hindi magsuot nang makakapal na damit o jacket.
Nang mapagod sa paglalakad, huminto siya sa tapat ng isang puno at sumandal doon. Mula sa pag-angat ng lampara ay ibinaba niya iyon nang walang gana bago pinagmasdan ang mansanas na hawak niya sa kaliwang kamay.
Pagod niyang isinandal ang kaniyang ulo sa puno at pinagmasdan ang bilog na buwan.
Hindi siya makakatulog kung hindi niya maibibigay iyon.
Hindi niya rin naman alam kung bakit niya naisip na bigyan ng mansanas ang babae, hindi niya alam na baka gumagawa lang siya ng sariling dahilan para makita ito. Para bang naging parte na ng gabi niya ang pagpunta sa gitnang parte ng kagubatan para bisitahin ito.
"Nasaan ka ba?" Mahina niyang naibulong.
Nawawalan na siya ng pag-asa na makita ngayong gabi ang babae... o kung magpapakita pa ba ito.
May nagawa ba siyang masama?
May nangyari ba sa babae?
Bakit hindi ito nagpapakita?
Nilibot niyang muli ang paningin sa paligid bago napagpasyahang maglakad na pabalik sa kampo.
Mga dalawampung metro na ang nalakad niya nang may marinig siya.
Tila tunog ng mga yapak ng paa na parang naglalaro.
Hinanap niya kung saan nagmumula ang tunog na iyon. Ang pagkabigo na naramdaman niya kanina ay natunaw nang makita niya ang pinanggagalingan ng tunog na iyon.
Ang babae. Tumatalon ito gamit ang isang paa. Tila ba nasisiyahan sa ginagawa at ang suot nitong sapatos ay ang sapatos na ibinigay niya.
Marahan siyang naglakad palapit sa kinaroroonan nito. Sa hindi sinasadya ay nakatapak siya ng sanga na lumikha ng tunog dahilan kung bakit natigilan sa paglalaro ang babae at napatingin sa direksiyon niya.
Ngumiti siya na nauwi sa ngiwi.
Noong una ay nagulat at natakot ang babae, pero nang makitang siya ito ay para bang bigla na lamang lumiwanag ang mukha nito.
"Uh, pasensya na," ang nasabi niya.
Kumurap-kurap ang babae habang nakatingin sa kaniya. Nanatiling hindi nagsasalita.
"May ibibigay lang sana..." dugtong niya pa nang walang marinig na kahit na ano mula rito.
Hindi pa rin ito nagsalita.
Ipinakita niya ang mansanas sa kaniyang kamay.
"P-para sa akin?" Tila hindi makapaniwalang tanong ng babae.
"Oo?"
Nanlaki ang mga mata ni Erena. Nahihiwagaang lumapit ito sa kaniya bago kinuha ang mansanas sa kamay niya na ikinagulat niya. Ito ang unang beses na ito ang naunang lumapit.
"Wow..."
Ang mahabang hiningang pinakawalan niya ay sumama yata sa hamog ng paligid. "Ngayon ka lang nakakita ng mansanas?"
Umiling ang babae. "Hindi, ngayon lang may nagbigay sa akin ng mansanas."
Ang bilugan nitong mga mata ay tila kumislap sa paningin niya.
Hindi niya alam ang sasabihin. Napatitig lang siya sa babae. "Hindi ka na masyadong nauutal sa akin."
Nanlaki ang mata nito at tila nabigla sa kaniyang sinabi.
"O? Bakit ganiyan ang mukha mo? Ayaw mo na nagiging komportable ka na sa akin?"
"H-hindi! Hindi!" Mabilis nitong dinipensahan ang sarili. "G-gusto ko lang itanong kung bakit ka ganito sa akin."
Umawang ang kaniyang labi. Gaano ba naging kasama ang mga tao kay Erena?
"Wala namang masama sa ginagawa ko, hindi ba?"
Nabigla siya nang hawakan ng babae ang pulso niya... at hinila siya! Itinatakbo siya!
Bagama't nabigla sa hindi inaasahang ginawa ay nagpadala na lang siya sa babae hanggang sa mapadpad sila sa talon at sa gilid ng agos niyon.
"Teka, delikado rito." Iyon agad ang una niyang sinabi nang makita ang pinagdalhan sa kaniya ng babae.
Pinagmasdan niya kung paano nito marahang inilapag ang mansanas sa ibabaw ng malapad na bato na katabi ng puno na malapit sa agos ng tubig. Matapos ay umatras ito nang bahagya. Nakatalikod ito sa bangin ng talon. Maliwanag sa lugar dahil sa sinag ng buwan kaya naman kitang-kita niya ang pagtama ng ilaw nito sa maputing kutis ng babae na nakasuot ng puti at hanggang tuhod na bestida. Mas maiksi sa unang bestidang nakita niya rito noong una.
Nililipad iyon nang malamig na simoy ng hangin—tila nga isang diwata.
"Teka! Lumayo ka riyan!" Nag-aalala siya na baka mamali ito ng tapak at maaksidente rin gaya niya, ilang araw lang ang nakalilipas.
Ibinuka nito ang magkabilang kamay na tila ba lilipad. Kasabay niyon ay ang parang biglaang paggising ng siyam na ahas sa likuran nito at ang pagwagayway ng buntot nito.
"A-anong ginagawa mo?"
"Natatakot ka pa ba sa akin?"
Natigilan siya sa tanong na iyon. Tiningnan niya ang kabuuan ng babae, ang nakakatakot na anyo nito, pero mayroong perpekto at maamong mukha.
"Erena, lumayo ka riyan!"
"Sabi ng tatay ko, wala raw makaiintindi sa akin nang hindi ako nasaksihan mula nang ipinanganak ako, dahil isa akong halimaw sa panlabas na anyo at nakakatakot ang 'itsura ko."
Namuo ang awa sa kaniyang mga mata habang pinakikinggan at tinitingnan ang babae.
"Hindi ba, gaya ka lang din naman nila? Natatakot ka rin sa akin, 'di ba? Para sa 'yo mukha rin akong halimaw. Iniisip mo rin ba na dapat hindi ako nabuhay?"
"E-Erena."
Tumulo ang luha sa mga mata ng babae. Para bang nararamdaman niya rin ang sakit na nararamdaman nito. Malalim ang sakit na pinagdaraanan nito.
Umiling ang babae.
Hindi niya inaasahan ang ginawang paghakbang nito patalikod dahilan kaya nabitawan niya ang lampara at kusang tinakbo ang hangganan papunta sa babae. Natakot siya na baka hindi niya maabutan at hindi niya maabot ang kamay ng babae—pero nagawa niya.
Natakot siya.
Sobra.
Tuluyan niya itong naangat at sabay silang tumilapon sa gilid ng talon.
"B-bakit mo ako tinulungan?"
Pakiramdam niya ay sinilaban siya dahil sa galit na bigla niyang naramdaman. "Lagi na lang bang ganiyan ang itatanong mo sa akin, Erena? Lagi mo na lang bang kukuwestiyunin ang mga ginagawa ko para sa 'yo?"
Gulat na tumahimik si Erena. Titig na titig sa kaniya ang maluha-luha nitong mga mata.
"Bakit, Erena? Sa tingin mo katulad lang din ako ng mga taong iyon na ganoon ang tingin sa 'yo? Sa tingin mo hindi kita naiintindihan?" Bumilis ang paghinga niya. Naibsan ang takot na naramdaman niya sa kaniyang dibdib pero napalitan iyon ng galit. "Takot ako sa 'yo noong una, Erena. Ipinakita ko sa 'yo kung gaano ako katakot, pero niligtas mo pa rin ako. Hindi lang ako sa pisikal na anyo bumabase."
Lumambot ang ekspresiyon niya nang makitang ang walang tigil na pagtulo ng luha ni Erena.
"Hindi lang nagtatapos doon ang lahat dahil nagawa kitang maintindihan... at kilalanin."
Parehas silang nakaupo at magkaharap sa isa't isa, kaya naman bawat ekspresiyon na ipakita nito ay malinaw sa kaniya.
Pinunasan niya ang luha nito.
Hindi niya alam kung paano niyang nagawang yakapin si Erena nang walang nararamdamang takot sa mga ahas na nasa likuran nito. Naramdaman niya kung paanong tumigil ang paghinga nito dahil sa gulat sa kaniyang ginawa. Gayunpaman, hindi siya nito itinulak palayo.
"Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng tao, ikaw pa ang naging ganito. Hindi karapat-dapat para sa isang mabuting tao na gaya mo ang mapunta sa ganitong sitwasiyon." Gusto niya mang sabihin nang direkta sa babae ay minabuti niya na lang na ikimkim iyon sa sarili at kaniyang isipan.
Niyakap siya nito pabalik nang mahigpit kaya ang galit na naramdaman niya ay tuluyan nang naglaho.
LUMIPAS ANG MGA ARAW AT MAS NAPALAPIT ang loob niya kay Erena. Mas unti-unti niyang nakilala ang babae sa bawat araw, oras, at segundo na magkasama sila at sa mga lumipas na araw ay hindi nagbago ang babae, nanatili itong mabuti. Nanghihinayang siya na siya lang ang nakakikita sa kabutihan nito, pero wala siyang ibang magagawa kundi itago ang babae, hindi dahil ikinakahiya niya ito kundi dahil ayaw niyang may masamang mangyari rito.
"Nag-aaral ka?" Nagulat siya sa sinabi ni Erena.
"May guro na nasa bahay para turuan ako."
Hindi na rin utal magsalita si Erena sa kaniya. Natutuwa siyang isipin na habang tumatagal ay mas nagiging komportable ito sa kaniya.
Maging ang mga ahas sa likuran nito ay para na ring maamo sa kaniya. Gusto niyang ipagmayabang kay John ang tungkol dito, pero hindi puwede.
"Pero, hindi niya ako puwedeng makita."
Umawang ang labi niya, pero naiintindihan niya kung bakit. "Paano?"
"Pinapanood ko siya sa TV."
Kumunot ang noo niya. Hindi niya sinasabi ang mga hinala niya kay Erena. Hinahayaan niyang ito ang magsabi sa kaniya ng mga bagay na iyon.
"Hindi ba siya nagtataka?"
"Hindi siguro."
"Hindi, siguro?"
Inosente siyang tiningnan ni Erena. "Narinig ko na sinabi ni Daddy, kahit sino raw mapatatahimik ng pera."
Natahimik siya nang marinig ang prinsipyong iyon. Wala siya sa lugar para manghusga kaya naman isinantabi niya na lang ang kaniyang naiisip.
"Sa tingin mo ba, totoo iyon?"
"H-ha?" Nangapa siya ng isasagot. Sa totoo lang, para siyang may kaharap na batang nasa limang taong gulang pa lamang kapag kasama niya si Erena. Masyado pa itong maraming hindi alam. "Depende."
"Kung ganoon, mayroong hindi napatatahimik ng pera?"
Nakangiti siyang tumango. "Oo."
"Gaya ng?"
"Taong may dignidad."
Ganito ang nangyayari tuwing gabi at tuwing tumatakas siya sa kampo. Pupuntahan niya si Erena, maglilibot sila sa kagubatan, at mag-uusap na para bang routine na nila iyon sa araw-araw na kapag hindi ginawa ay parang may kulang.
Kapag nahuhuli siya ng Commander wala na lang sa kaniya ang maparusahan, hindi siya nagsisisi sa pagtakas para lang makita at makausap si Erena.
"Ipinanganak ako nang ni minsan hindi pa nakikita ang nagluwal sa akin." Napalingon siya kay Erena nang magsalita ito. Ang mga mata nito ay kumikislap dahil sa sinag ng buwan. Bagama't nakangiti ay nakikita niya pa rin ang tinatago nitong lungkot. "Gusto mo bang malaman kung bakit ako naging ganito?"
Hindi siya nagsalita. May parte sa kaniya na naisip na baka masaktan lang ito kapag inalala iyon, may parte sa kaniya na gustong malaman iyon, may parte sa kaniya na nagsasabing baka gusto lang nito nang may mapagkukuwentuhan.
"Ang Mommy ko ay isang siyentista." Nag-iwas ng paningin sa kaniya si Erena at tumingin sa harapan nito na puro puno at hamog ang makikita. "Bunga ako ng eksperimento. Hindi ko siya naging nanay dahil mahal niya ako at si Daddy, naging nanay ko siya kasi gusto niya lang akong gamitin para sa eksperimento niya na parang pinaglaruan."
Hindi niya napigilang hindi makaramdam ng awa para kay Erena.
"Gusto akong iluwal ni Mommy hindi para alagaan, kundi para ihain sa mundo at ipakita kung gaano siya kagaling na kahit mismo ang sarili niyang anak ang ginamit niya ay wala siyang pakialam, makabuo lang ng isang halimaw na kaya ko."
"Erena..." Sinubukan niyang pigilan ito sa pagsasalita pero pursigido itong magpatuloy.
"Pero, ayos lang. Mahal ko ang Mommy ko at kahit papaano, nagpapasalamat ako sa kaniya na binuhay niya ako at nakita ko ang mundo kahit na may mga limitasiyon."
"Nagagawa mo pa ring magpatawad? Kahit na ganiyan na ang nangyari sa 'yo?"
"Hindi ako nagpatawad. Dahil kahit na kailanman ay hindi ako nagtanim ng galit sa kaniya at para sa akin, wala siyang ginawang kasalanan."
Natatawa siyang tumingin sa lupa. "Marami ka pa ngang hindi alam."
"Ginawa niya iyon para sa ambisyon niya. Lahat ng tao nagkakamali. Kapag ba nagtanim ako ng sama ng loob, mamahalin ako ng Mommy ko? Magiging normal ako? Hindi, 'di ba? Masarap sa pakiramdam na nabubuhay ka nang walang galit sa kung sino man. Kahit na ganito ako, pakiramdam ko napakaginhawa pa rin ng buhay ko."
Awang ang labi niyang tiningnan si Erena. Ang puso nito ay totoong busilak. Tila hindi kulay pulang puso ang mayroon ito, kundi pusong kulay puti na puro. Walang bahid na ano mang kulay—at mananatiling puti.
Bakit hindi nagkaroon nang maayos na pamumuhay ang gaya ni Erena?
"Ikaw, Skyler? Para sa 'yo anong mas magaan? Ang nagtatanim ka ng sama ng loob sa puso mo? O ang patawarin sila o hindi ideklarang kasalanan ang kanilang ginawa?"
Hindi siya nakapagsalita. Ang nangyari kay Erena ay mas malubha kaysa sa naranasan niya nang iniwan siya ng kaniyang ama. Walang pinsalang nangyari sa kaniya, bukod sa kinailangan niyang magtrabaho at isantabi ang pagiging bata. Hindi iyon mabigat, kumpara sa babaeng kaharap niya ngayon na napinsala nang matindi sa loob at labas, pisikal at emosyonal.
Tumawa siya. Hindi niya sinagot ang tanong ni Erena sa halip ay humikab siya. Doon niya napagtanto na magmamadaling araw na pala.
"Inaantok ka na?" tanong nito sa kaniya.
"Medyo, pero ayos lang ako." Nagtataka niyang tiningnan ang ginawang pagtayo ni Erena at paglahad nito ng palad sa kaniya. "Uh, ano 'yan?"
"Tara."
Tiningnan niya nang pabiro si Erena na kunwari ay walang tiwala rito dahil nang huli lamang ay tumalon ito sa talon kung saan niya ito hinila.
"Sige na!" pamimilit pa nito.
Pero dahil si Erena ang kaharap niya ay hindi na siya muli pang nagpapilit at nagpakaladkad na lang sa dalaga. Noong una ay paliblib nang paliblib ang dinaraanan nila hanggang sa nasa harapan na lang sila nang bagama't may lumang estilo ay magarbo at malaking mansiyon.
"Teka, baka—"
"Ito ang bahay ko."
Nalaglag ang panga niya. Base sa mga kuwento ni Erena, nagkaroon na siya ng mga hinala na may kaya ito sa buhay, pero hindi ganito na para bang sobra naman!
Kahit na tinatapakan na nila ngayon ang malawak na hagdanan papunta sa front door ay hindi pa rin siya makapaniwala.
"A-anong gagawin ko rito?"
"Matutulog," walang habas nitong sinabi.
"Matutulog?" Naririnig ba ni Erena ang sinasabi nito?
"Oo... bakit?"
Kinalas niya ang kamay niya mula kay Erena at pinanood niya kung paanong tiningnan nito ang kaniyang ginawa hanggang sa mag-angat na ito ng paningin sa kaniya.
"Erena, hindi puwede 'tong ganito. Sige na, babalik na ako sa kampo."
"Hindi kita maintindihan."
"Mahirap ipaliwanag." Kahit na naiilang ay nagawa niya pa ring ngitian si Erena para sabihing ayos lang ang lahat.
Muli siyang nagpaalam, pumihit siya patalikod. Ngunit sa paghakbang niya ay nahinto siya nang makita ang lalaking nakatayo sa malawak na front door.
"C-Commander?" Agad niyang nilingon si Erena, balak niya sana itong takbuhin para takpan at harangan para itago, pero laking gulat niya sa ginawa nito.
"Daddy!" Tumakbo ito sa Commander at hinila ang braso nito papunta sa harapan niya. "Daddy, siya si Skyler."
"D-daddy?" Halos mangilabot siya nang pabulong niyang masabi iyon.
Tinanguhan lang siya ni Erena. Ang ngiti niya kanina ay naging ngiwi. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari at tila gusto niyang lumubog sa kinatatayuan nang makita ang matalim na tingin sa kaniya ng kanilang Commander.
Halos mapapikit siya sa hiya nang maalala kung paano siyang tinatanong ng kanilang Commander sa tuwing mahuhuli siyang umaalis tuwing gabi. Sa palagian niyang pagsagot na may tinutulungan siya at may gusto lang siyang samahan. Tapat lahat ang sinasabi niya, iyon naman talaga ang kaniyang ginagawa pero hindi niya ibinibigay ang lahat ng detalye.
At ngayon? Malalaman ng Commander ang pinagkakaabalahan niya? Hindi niya alam ang gagawin niya.
"Umakyat ka sa kuwarto mo, Erena."
Doon na siya nagsimulang bundulin ng kaba. Mukhang alam niya na kung ano ang mga mangyayari.
NANG SABIHIN KAY ERENA NI MANANG TESSING NA PUWEDE NA SIYANG BUMABA ay wala na siyang pinalagpas na minuto at tinungo na ang daan pababa. Nadatnan niyang nakaupo sa sofa ang kaniyang ama na may malalim na iniisip. Inilibot niya ang kaniyang paningin pero wala na sa mansiyon si Skyler.
Nilapitan niya ang kaniyang ama at nang maramdaman nito ang kaniyang prisensiya ay agad na nag-angat ito ng tingin sa kaniya. May bakas ng lungkot, saya, at ginhawa ang mukha nito. Hindi niya kayang ipaliwanag.
"Daddy, ano pong nangyari? Nasaan na po si Skyler?"
Tumayo ang kaniyang ama at ipinatong ang palad nito sa kaniyang bumbunan gaya nang ginagawa ni Skyler. "Hindi pala lahat ay napatatahimik at mabibili ng pera, Erena. Masuwerte tayo at mayroon ka nang totoong kaibigan. Tama ka, Anak. Mali ako, may tao pa ring makaiintindi sa 'yo kahit na hindi ka man nila nakamulatan."
Namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang puso, pero hindi dahil sa lungkot kundi dahil sa saya—sobra-sobrang kasiyahan.