NANG MATAPOS KUMAIN PARA SA HAPUNAN ay napagpasyahan na ni skyler na dumiretso sa tent para matulog. Tatlong araw na siyang puyat dahil sa pagsuyod sa gitna ng kagubatan dahil sa mga pangyayaring hindi niya inaasahan.
"Pare, diyan ako matutulog."
Umasta siyang kinikilabutan nang sumulpot sa likuran niya si John at sinabi iyon. "Mandiri ka nga, John."
"Gago. Hindi gan'on. Ilang gabi ka nang nawawala at bumabalik nang madaling araw, babantayan lang kita."
Tinaboy niya ang kaibigan. "Kadiri. Tumigil ka nga!"
Pero dahil sa may angking tigas ng ulo ang kaibigan niya ay nauna na itong pumasok sa loob ng tent. Nang silipin niya naman ay nagtutulug-tulugan na ito.
"Hoy! Bumangon ka nga riyan, John!"
Nakailang sigaw at tulak na siya rito, pero balewala lang iyon. Inis siyang napaupo sa bungad ng tent. Ngayon ay nakaharap siya sa ilan niyang mga kasama sa kampo na pumapasok na sa kaniya-kaniyang tent para matulog. Napatitig siya sa bonfire na nasa gitna na nagbibigay liwanag at init sa madilim at malamig nilang gabi.
Umurong siya papasok sa tent at isinarado na ang zipper niyon. Wala na siyang magagawa kay John na desidido na sa pagtulog kasama siya; kahit pa nakakakilabot iyon para sa kaniya.
"Pare, may nakita talaga akong babae. Maganda."
"Sinong tangang babae ang gagala sa gitna ng kagubatan na 'to sa dilim ngayon? Walang nakatira rito, baka multo pa 'yon o engkanto."
"O kaya 'yung babaeng ahas!"
"Gago, pangit ang babaeng ahas. Maganda ang nakita ko."
"Baka nag-transform." Nasundan iyon ng pagtawa ng mga kakampo niya na nag-uusap sa labas.
Mula sa patagilid na higa ay bumalikwas siya.
"Hindi nagta-transform ang babaeng ahas, gago!"
Pilit niyang kinumbinsi ang sarili na kumalma at matulog na lang. Kailangan niyang matulog nang maaga para magkaroon ng lakas para bukas. Kailangan niyang matulog. Kailangan niyang—
"Ano puntahan natin?"
Matulog!
Pero ilang sandali pa ay tuluyan na siya umupo mula sa paghiga. Hindi niya kayang matulog na lang habang iniisip niya na kung ano ang maaaring mangyari kapag nakita nila ang babaeng iyon at nalaman ang totoong katauhan nito.
"Tara."
Hinintay niyang mawala ang mga yabag ng paa na nagdahan-dahan pa para siguro hindi mahuli ni Commander. Matapos ay saka siya lumabas ng tent dala ang flashlight, pero bago pa man siya makaalis ay narinig niya na ang pagtawag sa apelyido niya.
"Liu!" Napamura siya sa isipan nang makita kung sino iyon, ang Commander. "Saan ka pupunta? Ala-siyete na nang gabi."
Nagpabalik-balik ang paningin niya sa tent at sa kanilang Commander. May hawak siyang flashlight kaya malamang ay mahihinuha na nito na malayo ang pupuntahan niya.
"T-tawag ng kalikasan, Sir!" Sumaludo siya.
Nanatiling seryoso ang mukha ng Commander. "Diyan ka lang sa malapit."
"Pero, Sir. Hindi kaya... mangamoy?"
"And what do you mean by that, Liu?"
"Sir..."
Nawala ang seryosong ekspresiyon ng Commander at tinalikuran siya. "Huwag kang magpakalayo-layo. Alam mo naman siguro ang kuwento tungkol sa kagubatang ito."
Noong una ay natulala pa siya sa likuran ni Commander Chavez, pero nang magtagal ay dahan-dahan na siyang napaatras bago tuluyang tinakbo ang masukal na kagubatan.
Samantalang, napupundi na ang lente niya pero hindi niya pa rin nakikita ang babae kahit ang mga kasama niya sa kampo. Paano na lang kapag natunton na pala nila ito?
Napapihit siya sa likod niya nang makarinig ng yabag ng paa na mabilis na nawala. Taka niyang dinungaw ang mga puno.
"May tao ba riyan?" tanong niya nang wala siyang makita.
Naglakad siya palapit sa puno kung saan siya may nakitang pamilyar na tela ng dilaw na bestida.
"Pare, dito 'yon sigurado ako."
Naalarma siya nang marinig ang mga boses na palapit sa kinaroroonan nila; ang mga kasama niya iyon sa kampo.
Dali-dali niyang tinungo ang puno at hinila sa pulapulsuhan ang babae.
"A-ano!" Hindi na nakapagsalita ang babae nang takpan niya ang bibig nito.
"Saan ba kasi?" Hayun na naman ang mga papalapit na boses.
Bumaba ang paningin niya sa walang sapin nitong mga paa. Napamura siya sa isip niya, pero palapit na ang mga kasamahan niya at hindi nila puwedeng makita ang babaeng ito.
Kahit natatakot na baka sunggaban siya ng mga ahas sa likod nito ay hindi na siya nagdalawang-isip na buhatin ang babae na agad na umalma.
"Hinahanap ka ng mga iyon." Tukoy niya sa mga boses na palapit. "Kailangan mong lumayo rito."
Nang sabihin niya iyon ay gulat na napatingin sa kaniya ang babae at hindi na muling umangal. Kumapit ito sa balikat niya habang buhat niya ito na parang prinsesa. Kataka-takang kalmado ang mga ahas sa likuran nito. Nga lamang, ang buntot na ahas ng babae ay pumupulupot na sa beywang niya, pero tiniis niya iyon.
Tiniis niya ang takot para mailayo ang babae. At nang makuntento sa layo ay ibinaba niya na ang babae sa lupa. Nadantay niya pa ang kaniyang kanang braso sa may puno habang awang ang labi na nakatingin sa maamong mukha ng babae na naguguluhan at nag-aalalang nakatingala sa kaniya. Doon niya nadepina na hanggang dibdib niya lang pala ang babae.
Ilang taon na kaya ito?
Napailing siya sa naisip.
"Magtago ka. Kahit malayo na tayo, baka mahanap ka pa rin nila."
Bumukas at sarado ang bibig ng babae, may gustong sabihin.
"Aalis na ako. Ilalayo ko na lang sila kapag nakasalubong ko." Tatalikod na sana siya, ngunit hindi niya inaasahang magsasalita ang babae.
"B-bakit mo ako tinulungan?" Maliit ang boses nito at mahina.
Sa unang pagkakataon, wala siyang makapang sagot sa tanong na iyon. Ngumiti lang siya at tumalikod para sana umalis dahil wala nga siyang maisagot, pero muli siyang nahinto nang maramdaman ang maliit na kamay na pumulupot sa pulapulsuhan niya.
"Hindi ka na ba n-natatakot sa akin?"
Pumihit siya paharap sa babae at ngumiti. Pinagmasdan niya ang mga ahas na nakadungaw rin sa kaniya mula sa iba't ibang anggulo pati na rin ang buntot nito pabalik sa maamo nitong mukha at sa mga mata nitong kumikislap habang nakatingin sa kaniya.
Inangat niya ang kanan niyang kamay at dahan-dahang itinapat sa bumbunan ng babae. Hindi niya pa man iyon tuluyang nailalapat ay pumikit na ang babae.
Inaakala ba nitong sasaktan niya ito?
Nagpakawala siya nang maikling tawa bago tuluyang inilapat ang kamay sa ibabaw ng ulo nito. Dahil sa ginawa niya ay muling nagmulat ito sa kaniya nang may pagtataka sa mga mata, pero nang makita ang ngiti niya, sa hindi inaasahan ay ngumiti rin ito pabalik sa kaniya na ikinamangha niya. Maganda ang ngiti nito. Napakaganda.
"Kung hindi mo ako iniligtas, baka patay na ako ngayon," sabi niya.
Ang labas na ngiping ngiti ng babae ay nauwi sa tipid na ngiti, pero hindi niya naman nakita iyon bilang isang dismayadong ngiti.
"H-hindi ka na natatakot sa akin kasi niligtas kita?"
Gulat siyang napailing. "Hindi."
"Hindi?"
"Hindi na ako natatakot sa 'yo kasi alam kong mabuti ka. Kasi kung hindi, hindi mo naman ako tutulungan, 'di ba?"
Naguguluhang tumingin ang babae. "M-magkaiba ba iyon?"
Lumawak ang ngiti niya. Inalis niya ang kamay sa ulo nito at inabot dito ang flashlight na hawak niya. "Sige na, aalis na ako. Gamitin mo 'yan. Madilim ang paligid."
Pumihit siya patalikod nang hindi nawawala ang ngiti sa labi. Magkaiba iyon. Magkaibang-magkaiba ang dahilan niya sa naiisip na dahilan ng babae.
PINAGLARUAN NI ERENA ANG HAWAK NA LENTE. Napahawak siya sa kaniyang bumbunan, naalala ang ginawang paghaplos ng lalaki roon. Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman.
Ngayon ay nakaupo siya sa bato malapit sa agos ng tubig papunta sa talon habang pinagmamasdan ang pagsikat ng araw.
Bagong umaga na naman.
Tuluyan niyang pinatay ang lente.
"Erena?"
Ang boses na iyon ang naging dahilan ng pagbalik niya sa kaniyang ulirat. Hindi siya nagsalita bagkus ay tiningnan lang ang bagong dating.
"Hindi ka na naman umuwi sa mansiyon," anang nito. "Delikado sa kagubatan."
Malungkot siyang ngumiti. "Bukod po ba sa inyo may tao pa po bang kaya akong tanggapin at hindi matatakot kahit na ganito ako? Kahit hindi ako kadugo, hindi gaya ninyo?"
Nagtataka siyang tiningnan nito. Malungkot na ngumiti ang kaniyang kaharap sa kaniya. "Erena, huwag ka nang lalapit sa mga taong hindi ka naiintindihan... sa mga taong hindi naiintindihan kung ano ka talaga."
"Pero hindi naman natatapos sa hindi naiintindihan ang lahat, hindi po ba? Maiintindihan din nila ako."
Umiling ito sa kaniya. Bakas ang pagpapahiwatig ng awa sa mga mata. Doon pa lang, sinasabi na nitong imposible ang kaniyang adhikain. Bumaba ang paningin nito sa lenteng hawak niya na agad niya namang itinago sa likuran niya.
"SKY, BILIS BUMANGON KA NA! Galit na galit si Commander!"
Dahil sa sinabing iyon ni John ay agad siyang bumangon at lumabas ng tent. Naabutan niyang nakahilera na ang lahat ng mga kasama niya sa kampo sa harap ng Commander. Agad silang nakihilera ni John sa mga iyon.
Nagpalakad-lakad ang Commander sa kanilang harapan, huminto ito sa harapan niya. Aaminin niyang talagang kinakabahan siya.
Lahat sila ay diretsong nakatayo nang taas ang noo, mabuti na lang at hindi puwedeng tingnan ang Commander kapag nasa ganitong sitwasiyon dahil binubundol na nang matinding kaba sa kaniyang dibdib.
"Anim ang nawala sa inyo kagabi. Ang lima ay bumalik bandang alas onse y punto at ang isa ay bumalik bandang alas onse at ika-tatlumpong minuto. Saan kayo nanggaling at ano ang ginawa ninyo? Malinaw na bago tayo magsimula ay pinagsabihan ko na kayo tungkol sa mga batas na kailangang sundin habang naririto tayo. Ganiyan ba ang balak ninyong gawin sa hinaharap kapag kayo'y naging ganap ng sundalo? Sagot!"
"Sir, no! Sir!" Halos sabay-sabay nilang sinabi.
"Hindi ko alam kung bakit kinailangan niyo pang lumayo sa kampo gayong narito na naman lahat ng kailangan maliban na lang sa isang bagay na may kinalaman sa inyong katawan."
Nakahinga siya nang maluwag nang banggitin iyon ng Commander. Inaakala niyang maliligtas na siya, pero hindi iyon nangyari dahil nadugtungan pa iyon.
"Pero ang halos isang oras at kalahati para roon ay hindi na kapanipaniwala. Sigurado akong walang sinuman sa inyo ang aamin sa inyong mga pinaggagagawa kaya ngayon, kuhanin ninyo ang inyong mga lente na ipinahiram sa inyo para sa ensayo."
"'Yung sa 'yo? Kukunin ko rin ba sa tent mo?"
Napangiwi siya sa ibinulong ni John. Ang kaniya ay ibinigay niya. Bakit ba kailangan pang ipakita iyon?
Sa huli ay dalawa sila ng isa sa kaniyang mga kakampo ang nawawalan ng lente. Parehas silang nakaharap ngayon sa Commander habang ang iba ay malaya nang kumakain, maliban kay John na hindi pa kumakain para hintayin siya.
"Bibigyan ko kayo ng tatlumpong segundo upang magpaliwanag."
"Sir, noong isang araw pa pong nawawala ang sa akin nang magkaroon ng gawaing pampangkat, Sir!" sagot ng kaniyang katabi.
Seryoso itong tiningnan ng Commander. "Nagsasabi ka ba ng totoo?"
"Sir, yes. Sir!"
Sa huli ay siya na lang ang naiwan na nakaharap sa kanilang Commander.
"At nasaan ang sa 'yo, Liu? Nakita ko pang hawak mo iyon kagabi bago ka umalis."
Hindi niya alam ang idarahilan niya. Nablangko siya. Ang tangi lang na nagpaulit-ulit sa kaniyang utak ay kung paano niya ito ibinigay sa babae.
"Hindi naman po siguro masamang ibigay iyon sa nangangailangan, Sir!"
Inaasahan niyang may karugtong pang itatanong ang Commander para sa sagot niya, pero nagtagal lang ang matapang, ngunit may tagong emosyong tingin nito para sa kaniya. Sa huli ay pinakain na rin siya kahit ang inaasahan niya ay mapaparusahan siya.
"Bakit kaya pinakuha pa 'yung flashlight para malaman kung anong ginawa niyo? Hindi kaya may lead na si Commander?" tanong pa ni John. Nagsimula na rin itong kumain nang pinakain na rin siya ng Commander. "Ano nga bang ginagawa niyo? Mga tukmol kasi kayo, e."
"Siguradong nakita ni Commander 'yung isa sa mga flashlight sa isang lugar o kung saan pa man," sagot naman ng isa.
Nahinto siya sa pagkain. Napailing siya sa isipan niya. Hindi naman siguro iyon. Baka ang nakita ng Commander ay ang nawawalang flashlight ng kasama niya kanina o baka itinapon ng babae ang sa kaniya?
Bahagya siyang nakaramdam ng kirot. Napakababang dahilan niyon kung tutuusin.
"Kung saan-saan ka pa kasi pumupunta! Anong ibinigay sa nangangailangan? Superhero ka ba tuwing gabi kaya lagi kang nawawala?"
Umismid siya sa sinabi ni John.
Nagsipagtawanan naman ang mga nakarinig.
"Sinong nangangailangan naman kaya?" tanong pa ng isa. "May iba pa bang tao rito? Wala namang ibang nakatira rito, e."
"Baka may third eye 'tong kaibigan ko."
NAATASAN SILANG KUMUHA NG MGA PUNONG-KAHOY na panggatong para magamit sa bonfire para mamayang gabi. Marami na rin siyang nakuha kaya naman naramdaman niya na sa kaniyang balikat ang ngalay at pagod dahil sa bigat niyon.
Sinadya niyang lumayo sa kaniyang kaibigang si John dahil sa ingay nito at ilang ulit na pagtanong sa kaniya kung bakit siya laging nawawala gabi-gabi.
Natigilan siya sa pangunguha ng tuyong kahoy nang may maaninag sa gilid ng kaniyang mga mata. Agad niyang nilingon iyon, pero agad din na nagtago ang bulto.
"Sinabi ko na namang hindi mo na kailangang magtago, 'di ba? Baka ikaw naman talaga ang takot sa akin?" pabiro niya pang sinabi.
Dahan-dahang lumabas mula sa likod nang malapad na puno ang babae. Ito ang kanina pang nagmamasid sa kaniya.
"H-hindi ako natatakot sa 'yo."
"Talaga?" Ngumiti siya.
Nanatiling nakayuko ang babae.
"Bakit nagpapagala-gala ka? Nakakalat ang mga kasama ko sa kampo ngayon. Hindi ka ba natatakot na makita ka nila?"
Nanatiling nakatayo ang babae nang apat na metro ang layo mula sa kaniya. "Hindi naman ako m-magpapakita."
Nagpatuloy siya sa pagkuha ng panggatong habang nakikinig sa babae. "E, bakit nagpakita ka sa akin?"
"K-kasi, hindi ka takot sa akin? Sabi mo, hindi mo rin ipapaalam sa iba na nakikita mo ako."
Tumawa siya sa naging sagot ng babae. "Anong pangalan mo?"
"H-ha?" Para bang hindi ito makapaniwala na itinatanong niya ngayon ang pangalan nito.
"Pangalan, mayroon ka bang pangalan?" ulit niya nang hindi ito sumagot.
"M-mayroon!"
Ngumiti siya sa padipensang sagot ng babae.
"E-Erena. Erena!"
Natawa siya. Ang cute naman. "O sige, Erena. Ako si..."
"Skyler..."
Nagtataka niyang tiningnan si Erena. "Alam mo na pala ang pangalan ko?"
Kumibot ang labi nito. Naaninaw niya ang bahagyang pamumula ng mga pisngi nito. "N-narinig ko noong isang araw pa."
Itinigil niya ang pagkuha ng mga panggatong at inilapag iyon sa isang tabi bago umupo sa tapat ng puno na kaniyang sinandalan. Naramdaman niyang pinanonood siya ng babae sa kaniyang ginagawa pero nang ibaling niya na rito ang kaniyang paningin ay nag-iwas agad ito ng paningim at tumingin na sa ibaba.
"Baka gusto mong maupo?"
Nagtataka at gulat na napatingin ang babae sa kaniya. "S-saan?"
"Kahit saan?" Natawa siya. "Joke, dito ka na lang malapit sa akin."
Noong una ay nag-alinlangan pa ito, pero sinunod din naman ang sinabi niya. Ngayon ay nakaupo sa tabi niya ang babae, nga lang, dalawang metro ang layo nila mula sa isa't isa.
"Bakit marunong kang magsalita kung lumaki ka rito sa kagubatan?" Ganoon kasi sa mga palabas. Ang mga taong sa kagubatan lumaki ay hindi marunong magsalita.
Nakita niya sa gilid ng kaniyang mga mata ang ginawang paglingon ni Erena sa kaniya, pero pinanatili niya ang paningin sa harapan niya.
"E-ewan ko."
"May bahay ka rito?"
"M-mayroon."
Sandali siyang natigilan.
"Hindi ka ba hinahanap sa inyo?"
Panandaliang natahimik si Erena sa kaniyang tanong.
"H-hindi!"
"Hindi?" May sagot na namuo sa kaniyang utak pero ipinagsawalang-bahala niya na lang iyon. Imbis ay pinasadahan niya ng tingin nang mabilisan ang kabuuan ng babae.
Nagpapalit naman ito ng damit, ngayon ay nakakulay rosas na bestida ito. Pero bakit hindi ito nagsusuot ng kahit tsinelas man lang?
Hinubad niya ang suot niyang sapatos. Hinagis niya ito sa tapat ng babae. Muntik pa itong mapapitlag dahil sa kaniyang ginawa. Maging ang mga ahas sa likuran nito ay naalerto.
"B-bakit mo hinagis?"
"Hindi naman mabaho ang paa ko, isuot mo 'yan pauwi sa inyo. Maraming tinik ng mga halaman at matutulis na bato rito."
Pinagmasdan niya kung paanong dahan-dahan na kinuha ng babae ang mga bota niya. May isa pa naman siyang dala kaya okay lang siguro kung ibibigay niya iyon sa babae.
"P-paano ka?"
"Okay lang ako." Muli niyang nginitian ang babae.
Nanatili sa mukha nito ang inosenteng tingin sa kaniya, nagpabalik-balik iyon sa sapatos at mukha niya. Mayamaya pa ay marahan na nitong isinuot ang pares ng bota.
Samantalang, isinandal niya ang kaniyang ulo sa puno. Nakataas ang kanan niyang tuhod na pinagpapatungan ng kaniyang kanang braso. Hindi naman siguro masamang umidlip muna?
Nang magising siya ay wala na ang babae sa tabi niya. Napagpasyahan niya na lang na bumalik sa kampo dala ang panggatong. Gabi na at siguradong lagot na naman siya sa Commander.
TUMALON-TALON SI ERENA GAMIT ANG ISANG PAA. Pinaglalaruan niya ang suot niyang sapatos. Hindi siya komportable na magsuot ng ganito, pero dahil sa bigay iyon ni Skyler, kahit na maluwag ay ayos lang sa kaniya.
Natigil lang siya nang mamataan ang taong nakatayo sa tapat nang malaking hagdanan ng kanilang mansiyon. Natakot siya sa magiging reaksiyon nito kapag nakita na naman nito ang mga gamit na hindi sa kaniya. Katulad na lang ng lente na akala ng kaniyang ama ay walang paalam niyang kinuha, pero kinagabihan ay nanghingi ito ng paumanhin sa kaniya, pero hindi nito ipinaliwanag kung bakit.
"Erena."
Nanatili ang takot niyang tingin sa kaniyang Ama habang hinihintay ang reaksiyon nito.
"Kumain ka na ba?"
Tila ay nawala ang mabigat na nakadagan sa dibdib niya. "O-opo!"
Nakita niya ang dahan-dahang pagbaba ng paningin nito sa kaniyang mga paa. Nakanguso rin siyang tumingin doon. Ngayon pa lang ay nalulungkot na siya na baka ipabalik o ipatapon ito ng kaniyang ama.
"Nagsusuot ka na ng sapatos?" Kalmado ang tanong nito.
"Pinahiram lang po."
"Pinahiram? Sino naman ang kakausap sa 'yo, Erena?"
Bahagya siyang nasaktan sa sinabi ng ama, pero alam niya namang nag-aalala lang ito sa maaaring mangyari sa kaniya.
"Hindi po ba sinabi ninyo na hindi kailanman ako maiintindihan ng mga normal na tao na hindi ko kadugo o hindi ako nakamulatan? Pero nagawa niya po akong maintindihan."
Umiling ang kaniyang ama. "Erena, alam kong mahirap para sa 'yo na ako lang at si Manang Tessing ang nakakausap mo pero huwag ka namang gumawa ng mga imahinasyon—"
"Pero, Daddy! Daddy taga-kampo siya!"
"Anak, Hija."
"Tanungin mo siya, Daddy! Skyler po ang pangalan niya."
Awtomatikong bumakas ang gulat sa mukha ng kaniyang ama nang marinig ang pangalang kaniyang sinabi.