03

1541 Words
NATALO ANG GRUPO NILA SKYLER. Hindi sana matatalo o idedeklarang talo kung hindi lang niya sinabi na sa talon siya huling napadpad bago umuwi sa kampo sa kabila ng aksidente. Naroon ang huling pulang bandila na hinahanap. Isa pa, lumubog na ang araw. Dahil ang mga kalaban na grupo ay nakompleto ang kanilang mga bandila, sila lang ang naparusahan at pinatakbo nang apat na pung beses paikot sa kampo. Kaya naman nang oras na ng hapunan ay pagod na sila. "Ayos lang 'yon, Pare. Hindi mo naman kasalanan." Tinapik siya ni John sa balikat at umupo sa nakatumbang puno na inuupuan niya rin. Ngayon ay magkatabi na sila habang pinanonood ang kanilang mga kasama sa kampo na nakakalat, at ang iba ay nakaupo malapit sa bonfire. "Anong sinasabi mo?" sabi niya. "Mukha kang malungkot, e. 'Wag ka nang ma-guilty." Nakangising umiling si Sky. Ang babae ang nasa isip niya. Kung may ikagi-guilty man siya ngayon ay ang nangyari kagabi. Kagabi kung saan ang babae ay tinanong siya nang may lungkot sa mga mata. Natatakot ka pa rin ba? Hindi niya iyon nasagot. Dahil ang totoo ay natatakot pa rin siya. Natatakot pa rin siya sa anyo nito, pero ang ipinakikitang kilos at damdamin ng babae ay unti-unting tinutunaw ang takot na nararamdaman niya para rito. Paanong nabuhay ang ganoong nilalang? Paanong totoo ang isang alamat na gaya nito? "Pare, napapaamo ba ang ahas?" wala sa sarili niyang naitanong. Nang lingunin niya ang kaibigan ay nagtataka na natatawa na itong nakatingin sa kaniya. "Seryoso ka ba? Hindi ko alam. Hindi naman napapaamo 'yon, e. Puwera na lang kung papatayin mo at..." Umismid siya nang marinig ang sinabing ‘papatayin mo’, pero nagkaroon siya nang kaunting pag-asa nang mapagtantong may pagpipilian pa. "O ano?" atat niyang itinanong. "O kung may utak tao at puso 'yung ahas!" Nasundan iyon nang nakalolokong tawa mula sa kaniyang kaibigan na si John. "E, wala namang ganoon. Kaya obviously, walang napapaamong ahas. Traydor ang ahas kaya dapat pinapatay. Alam mo bang may nabasa akong..." Humina ang boses ni John sa pandinig niya. Nagpaulit-ulit ang mga salitang iyon na ngayon lang rumehistro sa utak niya. NAGAWA NIYANG TUMAKAS SA KAMPO. Dala ang flashlight sa kaniyang kanang kamay ay tinahak niya ang masukal na kagubatan. Natatakot ka pa rin ba? Muli iyong nagpaulit-ulit sa kaniyang pandinig na naging dahilan kaya siya nakonsensiya. Hindi man lang siya nakapagpasalamat sa pagtulong nito sa kaniya. Paano kung wala ang babae roon ng mga oras na iyon? Ano na kaya ang sanang nangyari sa kaniya? Isa pa, namamangha siya rito. Hindi dahil sa kakaiba nitong anyo, kundi dahil kinatakutan niya ang babae, ipinakita at isinigaw niya kung gaano siya katakot dito, pero walang alinlangan pa rin siyang tinulungan nito. Mahigit kalahating oras na siyang naglilibot sa kagubatan at malalim na ang gabi, pero hindi niya pa rin makita ang babae. Nawawalan na siya ng pag-asa. Napaupo siya sa puno na may malaking ugat. Pinagkiskis niya ang kaniyang mga palad para makaramdam ng init. Ngunit natigilan siyang nang makarinig ng huni at isang boses na nagpapatahimik. Patalon siyang umalis mula sa pag-upo sa mataas na ugat ng puno at dinungaw ang ilalim niyon. Isang paa na walang suot na sapatos ang nakita niya. Bahagyang gumalaw ito, patago sa dilim at palapit sa nagmamay-ari. Nagulat siya noong una pero napalitan iyon nang unti-unting pamumuo nang maliit na ngiti sa kaniyang labi. "Miss? Ikaw ba 'yan?" sa malambing na tono ay itinanong niya. Natahimik ito lalo. Maging ang huni ng mga ahas ay nawala na. Hindi sumagot ang inaasahan niyang dapat na sumagot. Umupo siya sa tabi ng bukana ng ugat na mistulang kuweba, kung tutuusin siguro ay parehas na sila ng puwesto kung hindi nga lang nasa loob ng mga ugat ang babaeng iyon—Ang Babaeng Ahas. "Nakita na kita nang dalawang beses. Bakit nagtatago ka pa rin?" Nilingon niya ang mga ugat. Nakita niya ang bahagyang paggalaw ng babae at narinig ang kaluskos. "Tinanong mo ako kung natatakot pa ako sa 'yo. Siguro, oo. Natatakot pa pero naiintindihan mo naman siguro kung bakit? Hinanap kita kasi, gusto kong magpasalamat sa pagligtas mo sa akin kanina." Tumahimik siya nang ilang minuto, inaasahan na may tugon na ang babae pero wala pa rin. "Alam kong natatakot ka na baka may pinagsabihan na ako tungkol sa 'yo, kaya huwag kang mag-alala dahil naiintindihan ko ang sitwasiyon mo. Wala akong pagsasabihan." Humikab siya, inaantok at napapagod na. Gusto niya nang magpahinga, pero alam niyang hindi siya patutulugin ng konsensiya niya kung hindi niya ito gagawin. "Maiwan na kita. Kailangan ko nang magpahinga para sa mga gagawin namin bukas. Salamat ulit, Miss." Nang lingunin niya ang kanan kung saan naroon ang ugat na parang kuweba ay napapitlag siya, nakausli sa butas ang ulo ng isang ahas. Napalunok siya at pinigilan ang sigaw saka pasimpleng lumayo roon at tumayo. Nasapo niya ang kaniyang dibdib sa takot. Oo, takot pa rin nga siya at hindi niya iyon maikakaila. Maaaring mabait nga ang babae, pero ang mga ahas sa likuran nito? Kunot-noo niyang nilingon ang likuran niya nang may maramdaman. Lumabas na mula sa mataas na ugat ang babae. Nakatayo ito ngayon sa tapat niyon at nakatingin na sa kaniya. Ngumiti siya, dinasal na sana makita ng babae ang sinseryo niyang ngiti sa kabila nang dilim ng paligid. Matapos ay sumaludo siya rito. Matagal na natulala sa kaniya ang babae na may anim na metro ang layo mula sa kaniya. Mayamaya pa ay tumakbo na ito palayo. Tipid siyang natawa. "Saan ka nanggaling kagabi? Pasalamat ka, hindi ka nahuli ni Commander." Nakahalukipkip sa harapan ng tent niya si John nang buksan niya ang zipper niyon. "Lagi kang nawawala gabi-gabi, ha?" "Dalawang beses pa lang," pabalang niyang sagot. "Saan ka nga pumupunta?" Lumabas siya ng tent nang nakabihis na. Tinapik niya lang sa balikat si John bago pumunta sa isang malapit na puno para umihi. "May tinatago ka ba?" "Anak ng! Umiihi ako!" asik niya nang sumulpot sa harapan niya si John. "'Sus, sabay pa nga tayong naliligo noong bata tayo, e. 'Wag ka nang mag-inarte at 'wag mo nang iwasan ang mga tanong ko." Dali-dali niyang isinarado ang zipper ng pants na kanilang uniporme. "Sino bang may sabi na iniiwasan ko ang tanong mo?" "Pare, seryoso ako. Hindi ka ba natatakot? Kahit gaano ka pa katapang, walang magagawa ang tapang mo kapag nakasalubong mo ang babaeng ahas!" Nahinto siya mula sa paglalakad. "O? Hindi ka pa rin naniniwala? Kumakain daw ng tao 'yon. Halimaw 'yon, Pare. Walang awa kang pipirapirasuhin—" "Nakita mo na ba 'yang sinasabi mo?" Matagal na natahimik ang kaniyang kaibigan bago muling nakapagsalita. "Hindi pa, pero ang sabi nila—" "Huwag kang maniniwala sa sabi-sabi hangga't hindi mo pa nakikita, John." Matapos sabihin iyon ay iniwan niya na ang kaibigan at sumunod sa mga kakampo na papunta na sa bukal para maligo dala ang mga pamalit. Tahimik na sumunod sa kaniya si John. Mula kanina ay hindi na ito muling nangulit na kung tutuusin ay hindi nito alam ang salitang tahimik. Nang marating nila ang bukal ay nagkaniya-kaniyang ligo na ang mga kasamahan niya pati na rin sila ni John. Huhubarin niya na sana ang kaniyang damit nang makita ang pamilyar na tela ng bestida, ngunit iba na ang kulay. Kulay dilaw na iyon. Binalingan niya ang mga kasamang abala sa pagligo. Hindi na siya nagdalawang-isip at tinungo ang parte kung saan niya nahagip ng paningin ang babae. "Miss—" Hindi niya na naituloy ang pagtawag nang makita ang reaksiyon nito. "B-bakit ka nandito?" Takot ang nakita niya sa mga mata nito. Hindi siya agad nakapagsalita. Nilubos niya ang oras para kabisaduhin ang mukha nito dahil ito ang unang beses na makita niya ito sa kagubatan nang maliwanag. Pagala-gala ito buong araw at gabi, pero bakit maputi at makinis pa rin ito? "Skyler! Skyler, nasaan ka?" Nasapo niya ang kaniyang noo nang marinig ang boses na iyon, si John na naman. Kahit kailan, alam na alam talaga nito kung kailan maninira ng pagkakataon. Naalala niya tuloy ang mga panahong may nililigawan pa siya at ganitong-ganito rin ang nangyayari. Kahit saan ay sumusulpot si John. Gulat na tumingin ang babae sa likuran niya. Napaungol siya sa inis bago umatras at tuluyan nang naglakad palayo, papunta kay John bago pa nito mapuntahan ang kinaroroonan ng babae. Kailangan niyang maunahan si John. "Anong ginagawa mo roon? Oras ng pagligo!" Pupuntahan pa sana nito ang pinanggalingan niya pero nahila niya na ito pabalik sa bukal. "Teka! Ano ba?" Siya lang ang dapat na makakita sa babae. Delikado at ayaw niya na may iba pang makakita rito. NATIGILAN SI ERENA NANG UMALIS AT TUMAKBO NA PALAYO ANG LALAKI NANG MAY TUMAWAG DITO. Takbo na hindi natakot dahil nakita siya. Iba ang takot na nakita niya sa lalaki kanina, pero hindi niya rin mapangalanan. "Skyler?" bulong niya sa sarili. Skyler ang pangalan nito? Konti pa lang ang klase ng mga lalaki na nakikita niya, pero masasabi niyang guwapo at maganda ang pangangatawan ni Skyler. Ngayon, hindi siya makapaniwalang sinundan pa siya ni Skyler at tinawag nang may ngiti sa labi. Sa ilang segundong iyon, naramdaman niya na normal siya gaya ng mga taong nasa kagubatan at ng mga nasa labas nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD