02

1696 Words
HALOS MAGKANDARAPA SIYA PALAYO SA LALAKI NANG SUMIGAW ITO. Nakapatong siya sa lalaki kanina na tinulungan siya nang mahulog sa bangin. Ang lalaking dahilan din nang pagkahulog niya roon. Kinakabahan siya. Paano kapag nagsumbong ito? Ang takot niya ay hindi matutumbasan ng takot ng lalaki kanina. Takot siyang tugisin siya ng mga normal na tao. Sunod-sunod na pumatak ang mga luha sa kaniyang mga mata. Pinalis niya iyon, ngunit napalitan iyon ng panibago. Gusto niyang magalit sa mga kakambal dahil sa ginawa, pero kapag ginawa niya iyon ay masasaktan din siya dahil magkakonekta sila. Ngunit may sariling utak din ang mga ito, hindi niya makokontrol. Gusto niyang kausapin ang kaniyang mga kakambal na ahas, pero hindi nakapagsasalita ang mga ito. Ang tangi niya lang nagawa ay tahimik na umiyak, sa takot na baka paparating na ang mga taong pinagsumbungan ng lalaki kung nagsumbong nga ito, at marinig siya kung hinahanap na siya. Walang sapin ang kaniyang mga paa kaya naman hindi siya nakaligtas sa matatalim na batong kaniyang naaapakan. Panay ang lingon niya sa kaniyang likuran, tinitingnan kung may nakasunod na sa kaniya. Wala pa, pero kailangan niya pa ring lumayo papunta sa gitna ng kagubatan. Kailangang malayo mula sa kampo ng mga tao na pinuntahan niya. Ang gusto niya lang naman ay masaksihan ang mga bagay na nagagawa ng mga normal na tao. Mga taong hindi nasasabihan ng halimaw. Normal—pero nagising nga ang lalaki kanina at hinabol siya kaya humantong sa ganito. Nagtago siya sa mataas na puno at sa ilalim ng malalaking ugat niyon na nagmistulang maliit na kuweba na kasya lamang ang kasing laki niya. Umupo siya sa madilim na sulok habang yakap ang kaniyang mga binti. Ayaw niyang maulit ang nangyari, ilang taon na ang nakalilipas. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makarinig ng tunog, mga tuyong dahon na nayayapakan. Mas humigpit ang pagyakap niya sa kaniyang sarili at mas tumitindi pa ang kabang nararamdaman niya. "Erena?" Ang malambing na boses na iyon ang nagpakalma sa kaniya. NAGPANGGAP SIYANG HINDI NAPAPANSIN SI JOHN. Simula nang magising sila ay naroon na ang nang-uusisa nitong tingin sa kaniya. Hindi niya alam, ngunit may parte sa kaniyang ayaw sabihin ang nangyari kagabi kahit na alam naman niyang hindi magsusumbong si John sa Commander na lumayo siya sa kampo. "Bakit nangingitim 'yang ilalim ng mga mata mo? Hindi ka ba nakatulog nang maayos?" Nilapitan siya ng kaniyang kaibigan na si John, kalalabas lang nito sa tent at nakapag-ayos na ng sarili. "Magpalit ka na, maabutan ka ni Commander." Dinilaan niya ang kaniyang pang-ibabang labi. Nanatili siyang nakatingin sa lupa na natatakpan ng ilang mabababang d**o at tuyong dahon. Baka panaginip lang. Panaginip lang siguro iyon. Dahil sa pagkukuwentuhan siguro nila ng kaniyang mga kasama kaya niya iyon napanaginipan. Imposibleng mayroon nga niyon. Napapikit siya nang mariin. Nakaupo siya sa nakatumbang katawan ng puno, malapit sa kaniyang tent. Ang kaniyang mga kamay na nakapatong sa kaniyang dalawang hita ay napunta sa kaniyang ulo, ginulo niya ang kaniyang buhok. "Hoy, Sky!" Bumalik na naman si John. Hindi pa rin siya makapagsalita. "Baka maparusahan ka pa! Magsisimula na ang training!" Marahas niyang inalis ang kaniyang kamay mula sa kaniyang ulo at ipinatong ang magkabilang siko sa kaniyang hita, pinagsalikop ang kaniyang mga palad, nag-iisip. "Ngayon ka pa magdadasal?" ani John. Naabutan nga siya ng oras. Ang matindi pa ay pinag-push up nga siya ng kanilang Commander. Mahigit limampu. Hindi pa naman siya kumakain. Naaalala niya kasi ang nangyari. Ang babae… babaeng may ahas sa likod na hindi niya mabilang. Nakakatakot, pero noong una? Paano niya magagawang matakot kung ang maamong mukha ng babaeng iyon ang bumungad sa kaniya? "May mga bandila kaming ikinalat sa kagubatan, kaya namin kayo pinagpangkat ay para masukat ang inyong pagkakaisa bilang grupo. Ang hindi makapagbabalik ng sampung bandila ng kulay na nakaatas bago lumubog ang araw ay magkakaroon ng kaakibat na parusa. Ang mga gamit na hawak ninyo ngayon ay maaari ninyong gamitin para sa pagpunta roon at kung paano kayo didiskarte para makabalik at hindi maligaw. Nagkakaintindihan ba tayo?" "Sir, yes. Sir!" "Fifty-nine. S-sixty!" Halos bumagsak si Skyler sa lupa nang matapos na sa pagpu-push up. "Sir!" Lanta siyang tumayo at sumaludo. "Yes, Sir!" "Liu! Red Team! Now, proceed. Bago ka pa maiwan ng mga kagrupo mo." SA TOTOO LANG, KUNG PUWEDE LANG AY HINDI NA SIYA BABALIK SA PARTE NG GUBAT NA ITO, PERO HINDI PUWEDE. Wala siyang magawa kundi ang pumunta sa mas liblib na parte ng kagubatan. Dalawang kulay pulang bandila palang ang hawak ng kanilang pangkat, walo pa ang kailangan. Hindi biro kung saan inilagay ng Commander at ng mga sangay nito ang mga bandila. Ang isa ay inakyat pa nila sa puno, ang isa ay nakatago sa may ugat. "Kanina ka pa wala sa sarili, Sky. Umayos ka nga. Kailangan ka ng team!" Tinapik siya ni John sa balikat. Talagang kagrupo niya pa ito. Hindi niya namalayang nakahinto na naman siya at nakatingin sa lupa. Sa loob ng limang oras ay nakahanap sila ng apat pang bandila. Magtatanghali na kaya naisipan muna ng kaniyang mga kagrupo na kainin ang kanilang dalang pananghalian. Kaniya-kaniyang hanap ng mauupuan. Magkatapat ngayon sila ni John ng inuupuan at sinasandalang puno. "Kanina ka pa, Pare. Ano bang nangyayari sa 'yo?" Hindi niya na pala nagagalaw ang kaniyang pagkain. Nakatulala na naman siya sa kaniyang baunan na may kanin at ulam na karne. "May nangyari ba kagabi?" dugtong pang tanong ng kaniyang kaibigan. Hindi niya na kaya. Hindi niya na kayang itago ito. Kailangan niya nang mapagsasabihan. "Nakita ko..." Nahinto niya ang sanang sasabihin nang pumasok sa kaniyang utak ang mukha ng babae, tila ba nakikita niya ulit ito ngayon, talagang napaka amo at inosente. "Anong nakita mo?!" Tarantang tanong ni John sa kaniya. "B-baboy ramo... kagabi." "Baboy ramo?" taka pang tanong nito. "Lumabas ka? Lumayo ka sa kampo, 'no?" "Shh!" Mabilis niyang ibinaba ang kaniyang pagkain at tinakpan ang bibig ni John na hindi naman malayo nang isang metro mula sa kaniya. "'Yung pagkain ko muntik nang matapon!" sigaw sa kaniya nito nang alisin niya ang kaniyang palad sa pagtakip sa bibig nito. Napagpasyahan nilang limang magkagrupo na maghiwalay para mabilis na mahanap ang apat pang pulang bandila at bumalik sa puno kung saan malapit sa kinainan nila kanina makalipas ang dalawampung minuto. Ala-sais na ng gabi at hindi pa rin nila mahanap ang natitirang bandila. Ang kulay kahel na langit ay unti-unti nang nagiging kulay lila. Mangha niyang pinagmasdan ang paglubog ng araw mula sa pagtapak niya sa ibabaw ng bato sa gilid ng rumaragasang tubig pababa sa talon. Bakit ba hindi sila rito pinaliligo ng kanilang Commander? Delikado ba? Makahahanap naman siguro siya ng daan pababa roon? Masyado kasi itong mataas para talunin, hindi niya rin alam kung mababaw lang ba ito o napakalalim. Napakalinaw ng tubig, kahit sa dilim ay nakikita niya kung gaano ito kaasul; tila mahiwaga. Parang gusto niya na ngang maniwala na may isang nilalang na nagbabantay sa kagubatan dahil sa ganda ng talon, samahan pa ng tanawin ng kalangitan. Inayos niya ang kaniyang unipormeng bago humakbang patawid sa mga bato papunta sa dako kung saan naroon ang kampo. Ngunit sa hindi inaasahan, namali siya ng hakbang. Nadulas siya sa batong huli niyang tinapakan. Malakas ang agos ng tubig na pababa sa talon at nadala siya. Gumawa siya ng paraan para makakapit sa ilang batong nadaraanan niya na dinadala na ng agos pababa. "Tulong!" Kahit nahihirapan ay buong lakas niya itong isinigaw, paulit-ulit hanggang sa nakasabit na lang siya sa matulis na bato sa gilid ng bangin papunta sa talon. Nanghihina na siya. Kapag bumitaw o makabitaw man siya ay tuluyan na siya mahuhulog sa ibaba. Kung umaga ay magagawan niya pa naman siguro ito ng paraan, pero gabi na. Paano kung may buwaya sa ibaba? Paano kung hindi siya makita ng mga kasamahan niya? Paano? Marami pang paano na nabuo sa kaniyang utak. Natigil lang ito nang mula sa pagdungaw niya sa kagubatan at sa gilid ng agos ay may naaninaw siyang nakatayong babae, naka-asul na bestida ito at lumilipad ang maikling buhok. Napakadilim na kaya hindi niya agad nakita ang kabuuan nito, pero dahil sa buwan na kung mula sa kaniyang puwesto titingnan ay tila nasa likuran lang ng babaeng nakatayo at nakadungaw sa kaniya ang buwan—pero mula sa likod nito ay lumabas ang kaniyang kinatatakutan. Noong una nilang pagkikita ay hindi niya ito nabilang, ngunit ngayon, dahil sa sinag ng buwan mula sa likuran nito at mula sa perpektong paglantad ng mga ahas na iyon ay malaya niya itong nabilang. Siyam. Nagpakawala siya nang malakas na sigaw. Dahil doon ay napabitaw siya sa bato. Handa na sana siyang mahulog, pero sa hindi inaasahan ay may kamay na humuli sa kaniyang pulso. Sa isang iglap, mula sa mataas at patulis na batong kinakapitan niya kanina ay dumungaw ang babae. "H-huwag kang bibitaw!" Ang sigaw na kaniya sanang pakakawalan ay naudlot. Nagawa niya pang dungawin ang kalmadong mga ahas sa likuran nito na nakadungaw rin sa kaniya. Natutop ang kaniyang labi. Tinulungan siya ng babaeng ahas. Naulit ang senaryo noong nakaraang gabi, siya nga lamang ang nasa ibabaw ng babae. Mabilis siyang umalis mula roon sa takot na baka tuklawin siya ulit ng mga ahas sa likod nito, alinman sa mga iyon, kahit na hindi naman natuloy dahil napigilan nito. Samantalang, nasa gilid na sila nang rumaragasang tubig. Paupo siya umatras mula sa babae na marahan nang tumatayo mula sa paghiga. Base sa hitsura nito ay mukhang nasaktan ito dahil sa bigat niya. Nakita niya pang hinawakan nito ang isa sa mga ahas na dumungaw sa kaniya, nanghihina rin ang mga ito gaya ng babae at humuhuni. Tila magkakonekta. Dumapo ang paningin nito sa kaniya. Nagtagal sa kaniya. Nagtagal. Matagal. Sobrang tagal. At wala siyang ginawa kundi makipagtitigan din sa babae na noong una ay may takot pa, pero habang tumatagal ay napalitan iyon ng pasasalamat at paghingi ng paumanhin. Madali niyang nabasa ang reaksiyon ng babae, naaawa ito sa sarili at natatakot sa reaksiyon niya. "Natatakot ka pa rin ba?" Matapos nitong magsalita ay nasundan iyon ng huni ng mga ahas, malungkot ang mga tinig. Natatakot pa rin nga ba siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD