TINANGGAP niya ang tubig na inabot sa kaniya ni John. Kahit habang umiinom pa ay talagang tutok pa rin ang paningin nito sa kaniya. Hindi naman siya mawawala, e.
"Kailan ako pupuwedeng makaalis dito?" tanong niya.
Awtomatiko namang napakamot sa batok si John. "Hindi ko alam, e. Pasensiya na..."
Tumagal sila ng ilang minuto nang walang ginagawa at walang pinag-uusapan. Talaga lang sigurong sinusunod nito ang sinabi ng Doctor. Halata namang gusto nitong magsalita, na gusto siya nitong tanungin.
Pero, pinili niya na lang na magbukas ng usapan dahil interesado rin naman siya.
"Puwede ba akong magtanong?" Panimula niya.
Tumingin pa sa magkabilang gilid si John bago siya balikan ng paningin. "Tungkol ba sa nakaraan ang itatanong mo? Kasi kung oo, sabi ni Doc Gabby, hindi pa puwede."
Kaagad siyang umiling. "Hindi naman."
Hindi naman siya magtatanong tungkol sa nakaraan, naiintindihan niya naman kung bakit hindi puwede. Ayaw niya rin namang mapasama ang lagay niya. Isa pa, kung magtatanong naman siya, sa totoo lang ay hindi niya alam kung saan mag-uumpisa.
"Akala ko, e..." anang pa nito. "Sige, ano bang tanong 'yan?"
Binasa niya ang pang-ibabang labi. Iba kasi ang pakiramdam niya sa isang ito.
"Nasaan tayo?" tanong niya. "Ano ang lugar na ito? Bakit narito ako imbis na nasa hospital. Isa pa, sino ang tinatawag niyong lider at bakit utang natin ang buhay natin sa kaniya?"
"Teka... teka. Dahan-dahan naman sa tanong, Skyler."
Natahimik naman siya. Matapos siya pahintuin ni John, taka naman siya nitong tinitigan.
"Pasensiya na, naninibago ako. Sanay kasi akong binabara..." Natigilan naman ito sa sariling sinabi at natawa pa. "Pasensiya ulit. Ganito kasi, Skyler. Itong lugar na kinaroroonan natin... malayo ito sa siyudad. Tago ito at piling tao lang ang nakakaalam, in short, nasa establisiyemento tayo ng isang sekretong organisasiyon."
Nanatili naman siyang tahimik at piniling munang makinig.
"Isa sa founder ng organisasiyong ito ang tinatawag nating lider."
"Lider?" anang niya. "Anong pangalan niya?"
"Hindi namin alam. Walang may alam. Basta... dumating ako rito na nakilala siya sa tawag na lider. Ganoon na rin ang iba. At kaya... rito ka dinala imbis na sa hospital ay bahagi iyon ng nakaraan mo. Narito ka, tayo para sa kaligtasan mo. Utang din natin ang buhay natin kay lider dahil halos lahat, iniligtas niya mula sa panganib, mula sa kapahamakan bago niya dalhin dito."
Kinuyom niya ang kamao. Ang hirap iproseso ng sinabi nito sa utak niya. Sinusubukan niya, pero mahirap marahil dahil hindi naman kagaya ng iba; ni John, wala siyang alam tungkol sa pagkatao at nakaraan niya.
"Kung ganoon, anong klaseng organisasiyon ito?" anang niya.
Sandaling namuo sa mukha ni John ang pagdadalawang-isip. Pagdadalawang-isip kung dapat nga ba nitong sabihin sa kaniya.
"Ang layunin ng organisasiyong ito ay hanapin ang mga itinatago ng mga siyentista sa bansa natin. Ang mga kaalaman na iyon ay maaaring makatulong... o kaya naman ay makasama sa lahat."
Umawang ang labi niya. Paano niya naman ito paniniwalaan?
"Lahat ng narito, may karanasan sa science, sa pagdodoktor kagaya ni Doc Gabby at sa pakikipaglaban. Kasi may pakinabang. Ako, kagaya ko. Dati isa akong..." Nasapo nito ang sariling noo. Tila ba sawang sawa na sa sarili dahil may muntik na namang masabi. "Kagaya rin ni lider, dating doktor sa military na pinapadala sa mga misyon sa gyera sa iba't ibang bansa. Hanggang ngayon talaga sa totoo lang... isa pa rin misteryo para sa akin si lider. Napakahirap niyang basahin, hindi rin pala-salita at pala-kaibigaan o pala-kuwento."
Sandaling namutawi ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
"Siguro... kapag magaling ka na at puwede ka ng mag-ikot ikot, ililibot kita sa buong building at iga-guide na rin sa mga dapat at hindi mo dapat na gawin tutal parte ka na rin nito, parte na tayo. Grabe... hindi ko inaasahang ganito ang mangyayari sa ating dalawa. Naaalala mo kaya si-"
Hindi na naituloy ni John ang gusto sanang sabihin sa biglaang pagbukas ng pintuan.
Lumitaw roon ang hindi pamilyar na lalaki. Malaki aang katawan nito, naka-itim; lahat ng suot ay literal na itim, walang buhay ang mga mata, walang reaksiyon sa mukha at may pilat din sa gilid ng kanang mata.
Nagmistulang isang magiting na tao ang lalaking iyon para sa kaniya, sa unang beses na magharap sila.
"John," anang pa nito. Nalaman niya ring malaki pala ang boses nito, nakakatakot din at tila ba puno rin ng awtoridad. "Iwanan mo muna kami."
Kaagad namang tumayo mula sa pagkakaupo si John at magalang na tumungo rito bago sumenyas nang palihim sa kaniya habang nakatalikod pa ang lalaki, tumuturo, may tinutukoy at isinisenyas ng bibig ang salitang "lider".
Kung ganoon ay ito ang lider na tinutukoy nila.
Kaya siguro iyon ang una niyang naramdaman at unang inilarawan ng isip niya.
Nanatili ang paningin nito sa dingding at nagsimula lamang siyang balingan at umupo sa sofa na naroon matapos maramdamang wala na si John. Nakakahanga na para bang may taglay itong mata sa likuran.
"Gising ka na nga. Isang taon ka rin naming hinintay." Magka-krusang braso itong sumandal sa kinauupuan. "Nag-aagaw buhay ka nang dalhin dito, masaya akong nabuhay ka, kahit na kinailangan pang maglaan ng panahon para makasigurado."
Nag-iwas siya ng paningin. "Kaya ba ako narito dahil may pakinabang ako sa lugar na ito?"
"Don't humble yourself too much, kid."
Doon siya natahimik.
"Maaaring tama ka, pero hindi sobra-sobra. Hindi mo kailangang manghinala. Malalaman mo rin kung bakit, baka magkusa ka pang tumulong sa proyektong ito."
"Anong proyekto... ang sinasabi mo?"
Bahagya siyang nilingon nito. "Proyekto na hindi mo aakalaing totoo. Sabagay, may mga napagdaanan ka na rin namang hindi kapanipaniwala. Ang kaibahan nga lamang, wala na iyon sa memorya mo."
Kinuyom niya ang kamao niya. Hindi niya maramdamang ligtas siya sa lugar na ito at sa kamay na kung tawagin nila ay lider. Isa pa, hindi niya alam kung talaga bang dapat siyang magtiwala.
"Bibigyan kita ng ilang clue." Tila natatawa pa ito. Sa totoo lang ay hindi niya inaakalang mukha pang bata ang tinutukoy nilang lider. "Ikaw si Skyler, hindi ko alam ang apelyido mo, pero ngayon, makalipas ang isang taon nasa bente na ang edad mo. Kung maniniwala ka, hindi ko rin naman alam ang lahat ng detalye tungkol sa'yo, pero napanood kita, napapanood hanggang sa mangyari ang trahedya na nagdala sa'yo rito."
Alam niyang bawal, pero nauubos na ang pasensiya niya sa bawat pagpapaligoy ligoy nito. Bakit hindi na lang sabihin sa kaniya? Hindi kaya mas makabubuti pa iyon sa kaniya?
"Sa ngayon, magpahinga ka muna. Bawiin mo ang lakas na nawala sa'yo sa tagal mong natulog. Kapag may lakas ka na, pumunta ka sa opisina ko, doon natin pag-usapan ang proyektong ibibigay ko sa'yo-"
"Wala pa akong sinasabi na pumapayag ako sa proyektong sinasabi mo." Pinutol niya ito sa pagsasalita.
Nahinto ito mula sa paglalakad paalis.
Namutawi ang sandaling katahimikan.
"Sinabi ko na, Skyler. Ang proyektong ito ay hindi mo matatanggihan. Baka pagsisihan mo pa sa araw na bumalik lahat ng alaala mo sa oras na tanggihan mo ito."
Hindi na ito nagpapigil sa kaniya at tuluyan na itong lumabas sa silid. Samantalang naiwan naman sa isip niya ang sinabi nito. Ano naman ang pagsisihan niya kung sakaling tatanggihan niya iyon?
SIYA rin naman, hindi niya alam na mabubuhay pa siya matapos ng trahedyang iyon, matapos mabaril at maubusan ng dugo.
Ang huling naaalala ni John ay ang pag-iyak sa kaniya ni Skyler bago siya tuluyang bawian ng malay.
Narinig niya pa ang pagtangay ng mga tauhan ng Gobernador sa mga kasama niya noon kabilang na ito.
Ang dahilan marahil kaya hindi na siya ginalaw ay talagang wala na sa mukha niya ang pag-asang mabubuhay pa. Kung hindi lamang siya... natagpuan ng mga ito; ng kanilang lider.
Sa eksaktong higaan kung saan nakahiga ngayon si Skyler ay roon din siya mismo nagising matapos magamot ng parehas na doctor, si Doc Gabby.
Halos magwala rin siya, pero nang malamang nasa emergency room ng building si Skyler na kasunod lang din niyang dinala sa lugar na ito, kumalma siya at inisip na iniligtas lang sila. Unti-unti, tinanggap niya ang biglaang obligasiyon na ibinigay sa kaniya ng mga ito.
Isa pa, matagal niya nang inaasam ito. Ang magkaroon ng pakinabang. Mapunta sa sitwasiyon kung saan umaangkop ang kakayahan niya sa kung saan siya pinaka magaling.
At sa nakikita niya, mukhang mahihirapan si Skyler. Pero tama naman ang sinabi ng lider nila.
Kung may alaala lang si Skyler, hindi nito tatanggihan ang proyektong inaatas dito.
Kailan kaya nito maaalala... ang tungkol kay Erena?
At si Erena... nasaan na kaya? Maging ang mga kasama nila sa trahedya na iyon?
"May nasabi ka ba tungkol sa nakaraan ni Skyler?" Paglabas pa lamang ng lider sa silid ni Skyler ay tinanong na iyon. Dumiretso ito sa paglalakad, kaya naman kusa na siyang humabol roon para masagot ang mga susunod pang itatanong.
"Wala, lider." Kinagat niya ang labi at nilingon pa ang silid nito habang unti-unti silang lumalayo.
"Wala kang sasabihin tungkol sa Erena. Hindi pa, hindi pa ngayon."