25

2227 Words
KAILAN kaya mapapawi ang kaba at takot na nararamdaman niya? Iisa lang naman ang layunin nilang lahat. Iyon ay ang makatawid sa kabilang panig ng kagubatan para masabing talagang ligtas na nga ang lahat. At hindi dapat siya sumuko. Kakayanin ni Skyler para kay Erena. Pagkatapos nito... baka sakaling pagkatapos nito ay maging maayos na ang lahat. Itinakbo nila si John. Hindi pa rin humuhupa ang putok ng mga baril... at pakiramdam niya ay mas dumarami pa ang mga humahabol sa kanila. Hindi na rin nagmatigas pa si John na magpaiwan, dahil kung ipagpapatuloy pa nito, siguradong pareparehas lang din silang maabutan ng mga tauhan ng Governor. Ngayon ay kapwa nakaakbay ang mga braso nito kay Travis at kay Louie na kahit papaano ay hindi pa rin nawawala ang focus sa pagpapakawala ng mga bala pabalik sa mga humahabol sa kanila. "Yuko!" si Travis. Mas lumala ang kaba na nararamdaman niya nang dumaplis ang bala sa puno na malapit lang sa kanila ni Erena. Mas hinigpitan niya ang pagkakayakap dito, siniguradong kung may ligaw mang bala na mapupunta malapit sa kaniya ay maliligtas si Erena dahil siguradong masasalag niya. "S-skyler..." Tumikhin siya at mas binilisan pa ang pagtakbo kasabay ni Erena. "Shh... magiging ligtas tayo." Tumango si Erena at sumabay na sa kaniya. Kahit papaano rin ay nakakalayo na sila, nang marinig ang impit na ungol ni John. Umuulan. Labis ang inis na naramdaman niya nang sumabay pa ang ulan. Magiging maputik ang daanan at mahihirapan silang tumakbo, makalayo, malaki ang tiyansa na madisgrasiya lang sila. "Ang tama mo, hijo!" si Manang Tessing. "Sobra na ang pagdudugo." Tambol. Tila tinatambol ang puso niya, nabibingi, hindi magproseso nang maayos sa isipan kung ano ang maaring maging solusiyon doon. "D-doon!" Tinuro ni Erena ang nagtataasang ugat ng mga puno. "Sumilong muna tayo roon!" Lahat ng mga mata ay bumaling sa kaniya, hinihintay ang desisyon niya. Pinakiramdaman niya ang tunog ng mga baril. Malayo pa nga ang mga iyon. Mariin siyang napapikit matapos balingan ang tama ng bala sa binti ni John. Lumalala na nga ang pag-agos ng dugo roon. Kailangang malunasan muna. "What?" si Louie. "What are we gonna do now, Liu?" "Sky..." Muli siyang tinawag ni Erena na nanatili sa tabi niya, ang mga kamay nito ay nasa braso niya, marahang pinipisil iyon marahil para kumalma siya. "Bilisan mong magdesisyon!" si Travis. "Malapit na ang mga iyon, sigurado!" Unti-unting kumulimlim ang mga ulap, badya na mas lalakas pa nga ang buhos ng ulan. At ang paligid.. malabo na dulot niyon. "Magtago muna tayo." Sa wakas ay nakabuo na siya ng pasiya. Marahan niyang hinila si Erena, kaagad namang sumunod ang apat sa kanila at sa ilalim ng matataas at makakapal na ugat ng puno ay nagsiksikan sila. "Ah!" Halata ang pagpupumigil ni John para hindi lumakas ang bawat pag-inda niya sa sakit na nararamdaman, ayaw silang ipahamak. "John... calm down." Marahan ang boses ni Louie nang sabihin iyon, talagang may pag-iingat. Ganoon din nito kabilis na hinagip ang mahabang manggas ng suot na polo, pinunit ito sa saktong laki at haba. "John," tawag niya. "Tumingin ka sa akin." Dinala niya ang magkabilang palad sa pisngi nito. Namumutla na si John at wala ng lakas... at kumikirot ang puso niya na makita sa ganitong kalagayan ang matalik niyang kaibigan. "Kumapit ka, John." Inilingan siya nito, ngunit umiling din siya, senyales na hindi niya hahayaang sumuko ang kaibigan. Napapikit siya nang muli itong mapaungol, labis ang sakit na nadarama nang talian ni Louie ang paanan nito ng pinunit na tela mula sa polo upang maibsan kahit papaano ang pagdurugo ng tama nito. "Iuuwi pa kita sa Nanay mo. Gusto mo bang habulin ka na naman ng pamalo ni Tita?" Naroon ang natatawang reaksiyon ni John, ngunit mas sumakit lang ang dibdib niya nang makitang hinaluan iyon ng sakit at takot na nauwi sa hagulhol. Si John na lang ang mayroon ang Nanay nito at alam niyang hindi rin gugustuhin ni John na iwanan ang Nanay nito. "H-hindi ko na kaya, Sky..." Galit siyang umiling, pilit niyang hinarap ang mukha nito sa kaniya na para bang sa ganoong paraan ay makikinig na sa kaniya si John. "Kung patuloy niyo akong dadalhin, magiging pabigat lang ako." "Tangina, ano ba?!" Hindi niya na napigilan ang galit. "Liu, kumalma ka," si Travis iyon. Mula sa kabilang gilid ng espasiyo ay naroon si Manang Tessing na pinakalma rin si Erena. "John, makisama ka naman!" Patuloy niya. "Hindi ako papayag na sa ganitong paraan ka mamamatay! Wala pa tayo sa pangarap natin! Hindi pa tayo nagkakaranggo, hindi pa sundalo! Hindi ka bibigay nang ganito lang, John! Mangako ka..." Umiling si John. "S-sky..." Kaagad naman silang hinawi ni Travis, inilagay ang hintuturo sa labi upang kapwa sila patahimikin. "Daraan sila rito..." anang nito. At nangyari nga ang prediksiyon nito. Ilang segundo lang ay papalapit na ang mga yabag ng paa sa direksiyon nila. Mas lumakas pa ang pagbuhos ng ulan at mas lumabo pa ang paligid, ang labas na natatanaw nila mula sa kinaroroonan. "Bilisan niyo!" ika pa ng mga kalalakihang iyon. Halos sabay-sabay silang nakahinga nang maluwag nang makitang wala na at nakalagpas na ang mga ito. "S-sky..." Mula sa gilid nila ay umabante si Erena. Ang paningin ay na kay John. Hindi kaagad rumehistro sa kaniya ang nakita, ang nakapikit na mga mata nito... Hindi... Mali ang nakikita niya. "J-john..." Marahan niyang tinapik ang palad sa pisngi nito na kanina lang ay nakahawak doon. "John, g-gumising ka. Aalis na tayo..." Ngunit sa kabila niyon ay hindi na ito nagmulat pa. "John..." ulit pa niya sa pagtawag dito. "Alam kong masakit ang tama ng bala, pero 'tsaka na tayo magpahinga, naiintindihan mo ba ako? Malapit na tayong makaalis dito." "Sky..." si Travis. "Tama na." "Bitawan mo ako." Kaagad na inalis nito ang pagkakahawak sa balikat niya para sana pigilan siya. Nahihibang na ang mga ito. Kailangang gumising ni John dahil hindi puwedeng maunahan sila ng helicopter na pinadala ng Commander. "John, tumayo ka na riyan!" Inalog niya pa ito. "John..." Naramdaman niya ang pagtahimik ng mga nasaa paligid niya, nakayuko, gumagalang sa paghihinagpis na pilit niyang itinataboy. Hindi siya magluluksa... narito pa si John. Napagod lang ito. Nalapatan nila ng panlunas ang pagdurugo ng binti nito... "He's gone, Skyler." At talagang naglakas ng loob pang sabihin ang bagay na iyon sa kaniya?! Kuwinelyuhan niya ito, nanginginig ang kamao niya sa galit. "Hijo!" si Manang Tessing. "Hindi mo kami kalaban dito, Skyler! Ano ba?!" Marahas na inalis ni Travis ang kamay niya mula sa kuwelyo nito. "Skyler..." at ang malambing na boses na iyon ang tuluyang nagpatigil sa kaniya. "Tama na... pakiusap." Matagal siyang natulala sa kalagayan ni John nang ibalik niya ang pansin doon. Mas namutla ito... mas nawalan ng buhay ang kulay... at kagaya kanina ay nanatiling nakapikit. John. Hindi mo naman sinabing aalis ka nang ganito kaaga... Marahan niyang binuhat ang katawan nito. Walang emosiyon, ngunit nagsunod sunod ang pagpatak ng luha niya. Hindi pa man kompletong rumirehistro sa kaniya ang lahat, natagpuan niya na lang na sa lagusan ng kinaroroonan nila ay nakatutok na ang mahabang baril, hudyat na wala na silang takas. HINDING HINDI niya ibibigay ang anak niya sa mga ito. Alam niya na noong una pa lamang na hindi ang mansiyon ang talagang gustong makuha ng Gobernador kundi ang anak niya. Oo, kakaiba nga si Erena, pero hindi niya pa rin maintindihan. Bakit ganito kagusto ng mga ito na makuha ang anak niya na wala namang ibang ginawa kundi ang manahimik? Inalagaan niya nang mabuti si Erena, para sa kapakanan ng lahat, para hindi ito makapaminsala o makatakot sa mga taong nasa labas ng kagubatang ito. Ginawa niya ang lahat... para hindi malaman ng kahit na sino na may nabubuhay na kagaya ng anak niya. Ano pa ba ang kulang? Mula nang ipanganak ito, puro lungkot at takot na ang nadarama nito. Hindi pa ba sapat iyon? Hindi pa ba sapat ang mga napagdaanan ni Erena? Inosente ito... inosente mula kamay ng mga sakim at mga mapaghangad na kamay ng mga tao. At oo, hindi niya maikakaila na isa si Melissa roon. Isa ang asawa niya roon. Ngunit hanggang ngayon ay wala siyang ibang masisi kundi ang sarili niya. Mahal na mahal niya si Melissa. Ginawa niya rin ang lahat upang manatili ito sa tabi niya... kahit na alam niyang napipilitan na lang ito sa kaniya, dahil siya lang naman ang nasa tabi nito; dahil sa kaniya pa ito ikinasal. Anak... mag-iingat ka... Nakipagpalitan siya ng putok ng baril, nagtatago sa puno. Marahas siyang bumuntong-hininga matapos makitang iilan na lamang ang bala ng baril niya. Papalapit na ang mga kalaban, at hindi na siya makakausad. Hindi niya na matutupad ang pangako niya na hindi siya maiiwanan... na darating siya sa talon sa pagdating ng helicopter. "Ah!" Buong lakas siyang sumigaw habang pinapaputok ang hawak na baril. Mula sa pagkakasilip sa puno ay kaagad siyang sumandal, talagang muntik nang madaplisan ng bala. "Nasaan ka na, Chavez?!" Iyon ay ang boses ng Gobernador. Siguro ay nahinuha na ng mga tauhan nito na wala na siyang laban, wala ng bala, kaya naman may lakas na ng loob ang Gobernador na magsalita. "Kung isusuko mo nang maayos ang halimaw, hindi na aabot sa ganito!" Anak niya si Erena. Hindi basta bagay lang na madaling ipamigay nang walang nararamdaman, nang hindi pananabikan ang pagkawala, nang hindi aalalahanin ang nararamdaman. Hindi nito alam ang sinasabi nito. Hindi ba nito alam ang pakiramdam na maging isang ama? Na ingatan ang anak, protektahan sa anumang kapahamakan? Bakit kung makapagsalita ito, tila ni minsan ay hindi lumagay sa posisyon niya? Ama rin ito... may anak din na babae. "Hibang ka na yata, Javier!" sigaw niya. Panandaliang huminto ang putukan. "Hindi mo dapat na basta hinihingi ang isang bagay na alam mo namang wala kang karapatan. Makapangyarihan ka lang dahil sa posiyon mo ngayon, pero ang anak ko? Wala kang karapatang basta na lang kunin, i-ambush kami na akala mo ay nasa kamay mo lang ang batas!" Natatawa niyang hinagis ang baril, wala nang saysay. "Anak mo ngang talaga pala ang usap usapang halimaw sa kagubatan ng Sierra Madre. Sabihin mo, kung ipagkakait mo sa mundo ang batang iyan, bakit binuhay mo pa, binihisan at pinakain?" Nararamdaman niya ang unti-unting paglapit ng kampo nito. Nakakamanghang maging ang mga batang ini-ensayo niya ay rito na pumanig. "Huwag mo sabihing hindi mo alam kung ano ang pakinabang ng Erena," binanggit nito ang pangalan ng anak niya, bilang isang pangalan ng bagay at hindi ng isang tao. "Itinatago mo para sa sarili mo? Ayaw mong makinabang ang lahat?" Sarkastiko siyang napangisi. Nanatili ang pagkakasandal niya sa puno, pinapakiramdaman ang galaw ng mga ito. "Hindi tayo magkaparehas ng takbo ng utak, Governor! Hindi ako sakim, hindi ko kailangan ng kapangyarihan at mas lalong hindi ko kailangan ng limpak limpak na salapi kagaya nang gusto mo kaya wala kang ibang ginawa kundi patusin lahat ng gawaing illegal!" "At ano pa nga ba?!" anang nito. "Kung mabubuhay ka sa mundo nang isang beses lamang, siguraduhin mo nang mabubuhay ka nang naayon sa gusto mo! Mabuti-mabuti! Tingin mo ay importante pa iyon?" Sandali itong natahimik nang hindi na nakarinig pa ng salita mula sa kaniya. "Ibigay mo na ang babaeng ahas, bago ko pa ubusin ang kakarampot mong mga bata." Tumalim ang paningin niya sa daan papunta sa kabilang parte ng kagubatan. Kaya niya... kakayanin niya. Napapikit siya nang makaramdam nang pagkahilo. Pinagpapawisan na siya, nahihilo sa pagod at halo-halong emosiyon na hindi niya mapagtuunan nang pansin. "Wala ka ng bala. Wala ka ng armas. Kaya sumuko ka na, Chavez!" Isa siyang Ama, walang lugar para sa kaniya ang pagsuko. At ito na lang sana ang magagawa niya para sa anak niya... na hinayaan niyang maging ganoon. Ito na lang. Napaungol siya sa sakit nang maramdaman ang pagtama ng bala sa balikat niya. Sa dami nang puwedeng matamaan ay ang masakit na bahagi pa roon. Sa bilis at puwersa ng pagtakbo niya, nang oras na tumama ang bala roon at nang manuot sa kaniya ang sakit, nawala siya sa balanse at pasadsad na nadapa sa lupa. Kasabay niyon ay ang pagpatak ng malalaking butil ng ulan at ang pagkulimlim ng paligid. Mas nagpadagdag pa sa kirot na nararamdaman niya ang pagbuhos ng ulan sa tinamaan mismo ng bala. "Sinabi nang sumuko ka na lang at ibigay ang kailangan namin, e." Mayabang na naglakad papunta sa gilid niya ang Gobernador, hindi alintana ang ulan. Kaagad namang sumunod dito ang mga tauhan at hinawakan siya sa magkabilang braso, sinisiguradong hindi na makakabangon. Halos mahalikan niya na ang lupa nang isubsob ng isa sa mga ito ang mukha niya. Pasensiya na, Erena... Sumablay ang Tatay mo, anang niya sa isipan. "Akin na 'yan." Mula sa gilid ng mata niya ay nakita niya ang pag-agaw ng Gobernador sa baril ng isa sa mga tauhan nito at maagap na itinutok sa kaniya. Sa oras na kalabitin nito ang gatilyo, sasabog ang bungo niya. "Ang hirap mong kausap, Commander. Nawawalan ka na ng silbi!" Handa na sana nitong kalabitin ang gatilyo nang dumating ang isa sa mga tauhan nito, galing sa kabilang direksiyon. Hindi. "Gov, nakuha na po namin ang babaeng ahas at ang mga kasama nito." Isang matagumpay at tusong ngisi ang ipinakita nito sa kaniya bago iutos na kaladkarin siya pasunod sa mga ito. Hindi maaari... malapit nang dumating ang helicopter.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD