ANG kuwento ay kadalasang nagsisimula sa pagkakakilala ng dalawang indibiduwal, dalawang tao na hindi pa kahit minsan na nagkikita, dalwang nagkita na, ngunit walang interaksiyon, o meron, pero hindi ibig sabihin ay kilala na ng lubos ang isa't isa.
Sa pagpasok ng pagsubok, doon nagsisimula ang unti-unting pagkabuo ng koneksiyon, bubuuin at pagtitibayin.
Pumasok sa training si Skyler na hindi alam ang kahahantungan ng kuwento niya. Ang gusto niya lang naman ay matupad ang unang hakbang para sa kaniyang pangarap; at iyon ay maging isang ganap na sundalo.
At sa pangarap na iyon, kasama niya si John.
Kapatid na ang turing niya rito. Hindi niya man ipakita kung gaano niya pinapahalagahan ito ay ayaw na ayaw niya naman itong naagrabyado.
Makulit si John, ngunit maalahanin at totoong kaibigan.
Ang pagiging sundalo ay hindi nito nanaisin kung hindi dahil sa kaniya... dapat nga siguro siyang sisihin. Kung hindi naenganyo si John sa kaniya, hindi naman ito sasama sa mga training at hindi maagrabyado.
"Sky, bakit mo gustong pumasok sa army?" Tila ba naririnig niya sa utak niya ang boses nito nang oras na maalala niya ang senaryong ito.
"Gusto kong makatulong, e. Isa pa, pakiramdam ko, iilan na lang ang nagliligtas sa bayan nang may mabuti at totoong hangarin."
"Ano kaya kung gayahin na lang kita?" Tumingin ito sa langit. Nakaupo kasi sila sa labas ng bahay nila kaya tanaw ang langit at mga bituin. Ang naaalala niya, kaya nakatambay roon si John ay para mangopya ng assignment, isa rin kasi sa kahinaan nito ang makaintindi kaagad ng lessons, nahihirapan, kaya nagapag-iiwanan. "Hindi naman ako matalino, parang wala akong future sa pangmatatalinong trabaho. Tutal naman palagi mo akong sidekick tuwing tutulong ka, susundan na lang din kita!"
Napailing siya. "John, hindi magandang parati ay maging sidekick lang kita. Dapat, may pagkakataong nangunguna ka rin kaysa sa akin."
Umasta itong parang nadidiri sa isiping iyon. "Hindi naman ako tipong nagliligtas, may initiative kagaya mo. Okay na ako roon! Ano, sama mo na ako ha? Magpapalista na rin ako!"
At pagdating ng panahon na ito, mas nakilala niya pa ang kaniyang kaibigan. Mas nakita niya ang halaga nito, ngunit huli na ang lahat.
Hindi niya na makikita ang mukha nito, hindi niya na makakasama, hindi niya na makakausap at hindi niya na kailanman mararamdaman ang pangunglit na hindi niya naman alam na ikakapangulila niya.
Hindi na mababalik pa ang buhay ng nawala na.
Walang laman ang isipan niya kundi mga sana, na hindi na matutupad.
Humikbi siya, mahina, walang tunog ngunit talagang napakasakit sa puso. Hindi niya alam kung ang tubig ulan ba ang halos maihilamos niya habang hinihila sila palabas sa kuwebang ugat ng mga tauhan ng Governor o ang luha na hindi niya mapigil habang bumabagal sa paningin niya ang unti-unting pagkawala sa paningin niya sa nakahandusay na katawan ni John sa loob niyon.
"H-hindi... John!"
"Tangina, babarilin ko na 'to!" anang isa sa mga iyon nang sinubukan niyang makawala para balikan si John, ngunit muli rin siyang nahabol, madali, dahil wala naman siya sa balanse, mabagal at nanghihina na rin.
"Huwag! Lagot tayo kay Gov!" Pigil naman ng isa.
Malabo na ang paningin niya sa luha. Hindi na nga niya makita ang iba pang mga kasama na nauna nang kaladkarin ng mga armadong lalaki.
"Skyler!" si Louie iyon.
Tila bumalik siya sa ulirat at hinanap ng paningin niya si Erena na itinuro ni Louie sa kaniya.
"Huwag niyo siyang gagalawin!" Muli siyang nakawala sa lalaking may hawak sa kaniya, ngunit hindi siya tuluyang nakalapit kay Erena sa bilis ng lalaking iyon na nahampas ng baril ang likuran niya. Napaungol siya sa sakit, namumula na ang mukha niya sa galit. "Pakawalan niyo siya!"
Samantalang hindi mabasa ang ekspresiyon ni Erena. Blangko.
Nakaupo ito sa basang lupa habang patuloy ang pagtulo ng ulan.
"H-huwag!"
Walang imik itong nakatingin sa kaniya, hanggang sa tuluyan nang matakluban ng dalang sako ng mga ito ang mukha ni Erena at bitbitin palayo sa kaniya.
"Saan niyo siya dadalhin?!" At wala siyang magawa kundi panoorin ang pagtangay ng mga ito papalayo sa kaniya. "Erena!"
"Tumahimik ka!" anang lalaking may hawak sa kaniya. "Talagang ipagpasalamat mo na espesiyal ka sa mahal na anak ni Gov, kung hindi lang, pinasabog ko na ang ulo mo! At kung ayaw mong galusan namin ang halimaw na 'yon, umayos ka!"
Matalim niyang tinignan ang lalaki. Pakiramdam niya ay puputok ang ugat niya sa pagpipigil ng galit, na lumaban.
"Tayo!" Marahas siyang hinila nito pataas.
At sa takot na may mangyari kay Erena sa kamay ng mga ito ay napilitan siyang sumunod at lakarin ang gustong puntahan ng mga ito.
Hindi nagtagal ay narating nila pabalik ang mansiyon.
Pabato silang binitawan ng mga ito sa sala ng mansiyon, kapwa nakatali, tila mga basurang nakasako lang nang ihagis.
Nahagip ng mata niya ang pagdala ng mga ito kay Erena sa basement.
Mula naman sa harapan nila ay naroon ang pinaka mga tauhan ni Governor, kapwa mga nakaputing polo. Sa labas naman ay nadaanan n
"Anong pagtataksil ito, Skyler?"
Kinuyom niya ang kamao, pinanatili ang paningin sa sahig upang hindi magtama ang mga mata nila ng Governor.
Nasaan... ang Commander?
Labis ang galit niya rito, baka hindi niya matantiya.
"Ikaw pa naman ang inaasahan ko sa mga kasundaluhang ito, ikaw pa ang poprotekta sa bagay na iyon. I am disappointed. You can do better than this."
"Hindi bagay ang kinuha niyo, Governor. Alam niyo ang mga batas, k********g ang ginagawa niyo."
Nangibabaw ang katahimikan matapos nang sinabi niya.
Natatawang nagpalakad lakad sa harapan niya ang Governor.
"Skyler, hijo? Hindi pa huli ang lahat, maari ka pang maglipat bakod." Tumingin ito kay Romulo na bahagyang nasa likuran nito.
Kung ganoon ay tama ang hinala niya. May koneksiyon ang mga ito. Pinagkaisahan ang mga walang laban, ang nanahimik na pamilya.
Nilingon niya si Travis.
Inosente naman siya nitong tinignan.
Matapos ay muli niyang ibinalik ang paningin sa Governor.
"Piling tao lang ang pagsisilbihan ko, Gov. Ang may mga mabubuting adhikain-"
"Skyler, alam mo, bata ka pa. Kaya ngayon, nakikita mo ang ginagawa ko bilang masama. Hindi mo maiintindihan ang mga dahilan."
Humugot siya ng hininga. "Mas makakabuti kung papakawalan niyo si Erena."
"Mas makabubuting magkaalaman muna tayo bago ang lahat." Tinalikuran siya nito at mas isinenyas kay Romulo.
Kapwa siya napahugot ng hininga nang kaladkarin ng mga ito ang Commander. May tama ito sa balikat, sa braso at talagang halos lumampaso na ang dugo nito sa puti at marmol na sahig ng mansiyon.
Nabigo niya ang Commander...
Ngayon ay pareparehas na silang nasa kamay ng Governor at mga tauhan nito.
"C-commander..." tawag niya rito.
"Ito ngayon ang amo mo, Skyler. Hawak ko, mukhang basahan, mukhang talunan," anang Governor.
"Tito!" si Louie iyon.
Tumalim ang tingin niya sa Governor.
Alam niya na noon pa lang na may hindi maganda sa awra nito, pero hindi niya rin lubos akalain na kaya nitong gawin ang ganitong mga bagay. Naaawa siya kay Catalina. Marahil ay isa nga sa dahilan kung bakit lumaki itong may hindi magandang ugali ay marahil nakikita na sa ama nitong mapagmataas.
Tila ito ang sentro ng lahat ng paningin ng mga narito.
Mayabang itong lumuhod sa harapan ng Commander. Nanghihina na rin ito at namumutla. Mukhang maraming dugo na rin ang nawala rito. Hindi... hindi na puwedeng maulit pa ang nangyari kanina.
"Nasaan ang mga impormasiyon tungkol sa eksperimento?" Mariin nitong hinawakan ang baba ng Commander matapos marahas na alisin ang tape na nakatapal sa labi nito.
Sarkastiko at nang-iinis naman itong natawa, walang balak sabihin.
"Alam mong hindi ko ibibigay sa mga masasamang makikinabang ang mga iyon, Governor."
Marahas na binitawan ng Governor ang Commander.
"Huwag ka na sabing magmatigas!" Nagtaas na ito ng boses mula sa pagkakalmado kanina. "Siyentista si Melissa, ang mga proyekto ng kagaya ng mahal mong asawa ay hindi ginawa para itago lang at alam mo kung ano ang pakinabang ng itinatago mo-"
"Tama ka at alam ko nga, pero ang anak ko ay hindi bagay, lubayan niyo ang anak ko-"
"Hindi mo dapat na itinuring na anak mo ang proyekto nang hindi nagkaganito sana ang utak mo. Sundalong mataas, pero may malambot na puso. Sige, gagamitin ko ang lambot ng puso mo para mapaamin ka."
Makakapatay ang titig ng kanilang Commander, ngunit hindi niyon napahinto ang Governor sa nais mangyari.
"Isa-isa kong tatanggalin ang mga palamuti sa likuran ng anak mo, bawat limang minuto na pinaghihintay mo ako."
Umawang ang labi niya.
Tila namanhid siya sa kilabot, galit at kaba.
"Subukan mong gawin at ididiretso kita sa impyerno, Javier!"
Sa kabila niyon ay hindi nagpasindak ang Governor. Muli nitong sinenyasan si Romulo.
"Simulan niyo na 'yan!" sigaw pa nito sa amga tauhan na naroon sa basement.
Ilang segundo lang ay nakarinig na sila ng sigaw mula roon.
Sinubukan niyang tumayo, ngunit kaagad din siyang naibagsak pabalik ng lalaking nakabantay sa likuran niya.
"Kanina ka pa!" Galit pang anang nito.
Ngunit ang masama niyang paningin ay nanatili lang sa Governor.
"No... no..." si Louie iyon, bakas ang takot, ganoon na rin si Manang Tessing na walang magawa kundi ang umiyak, hinihiling na huminto na ang mga ito.
Sinubukan din na tumayo ng kanilang Commander, ngunit hindi kinaya, kapwa nakatali ang dalawang paa.
"Mga hayop kayo!" anang Commander.
"Ang anak mo lang ang nakikita kong hayop dito, Chavez."
"Tama na, Governor!" Hindi niya na napigilan ang magsalita. "Tama na!"
Sumeryoso mula sa pagkakangisi ang mukha nito nang harapin siya.
"Kahit para kay Catalina na lang, Governor. Tigilan mo na ito."
"Walang kinalaman si Catalina rito," malamig na anang nito.
"Isa ring ama ang kinukunan mo ng anak, Governor. Isa ka ring ama, at hindi mo rin gugustuhing masaktan si Catalina kung siya ang nasa posisyong iyon-"
"Wala akong panahon sa drama at simpatya! Ilabas niyo ang chip!"
Tumingin sa relong pambisig si Romulo, senyales na...
"Nakalipas na ang limang minuto, Governor."
"Ipagpatuloy na iyan!"
"Nasa talon!" Hinabol ng Commander ang paghinga.
"Stop!" Ganoon kabilis na pinahinto ng Governor iyon.
Halos lahat ng paningin ay bumaling sa Commander.
"Ituturo ko kung saan sa talon... basta isasama mo kaming lahat at ang anak ko papunta roon para masigurado kong ligtas sila. Pagkatapos mong makuha... ang gusto mong makuha. Patahimikin mo na ang buhay namin, ang buhay ng anak ko."
"Sobra iyon, Chavez. Kaya nga ako narito ay para makuha ang chip at ang halimaw na tinatago mo, ngayon ay hinihiling mong palayain ko iyon?"
Unti-unting lumambot ang mukha ng kanilang Commander habang nakatingala rito. "Hindi niyo kailangan si Erena. Nasa chip lahat ng kasagutan."
Namutawi ang katahimikan kasabay ng unti-unting pagbabago ng ekspresiyon nito.
"Siguraduhin mong hindi ako mabibigo, Chavez. Uubusin ko kayo kapag trinaydor mo ako."
Matapos ang bantang iyon ay tila hinakot silang mga bagay papunta sa talon. Sinubukan niyang lapitan si Erena na hanggang ngayon ay sinasakluban ng sako, pero talagang hindi hinahayaan ng mga tauhan ng governor na magkalapit man lang sila.
Gusto niyang malaman ang kalagayan ni Erena...
"Kaya kong maglakad!" Binawi niya ang braso, nakatali pa rin ang mga kamay niya.
Hindi naman na umalma ang lalaking may bantay sa kaniya.
"Erena..." tawag niya rito.
Ngunit hindi niya maunawaan...
Bakit... ganito si Erena?
Hanggang ngayon at ng umaga bago ang delubyong ito ay napapansin niya na ang kaibahan sa asta nito, ngunit sa ano bang dahilan?
Erena... anong nangyayari sa'yo? Ano ang tumatakbo sa isip mo?
INIS na sumilong si Catalina at Korina sa pnaka malaking puno. Hindi naman kasi inaasahan ng mga ito na uulan. Ayaw man ni Catalina sa ulan, biglaan na lang siyang napangiti nang may maalala.
Noong araw na ipinasan siya ni Skyler sa gitna ng ulan.
"Napaka dami ng dala, pero ni payong o kung ano mang puwedeng silungan wala!"
Pasiring siyang nag-iwas nang paningin.
"Umuulan, lalo nang delikado rito. Tapos, tayong dalawa lang rin ang magkasama! Umuwi na lang kaya tayo, Catalina? Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko rito."
Binuklat niya ang mapa na hawak. "Look. We are here na. Konti na lang, malapit na us, Yaya! Nandito na tayo," tinuro niya ang location nila. "At 'eto na ang talon. Pagtawid daw natin sa talon, naroon na ang camp! And you want us to stop pa kung kailan malapit na?"
"Ewan ko sa'yo, Catalina! Baliw na baliw sa pag-ibig. Bahala ka na talaga. At kapag nagalit ang Daddy mo, siguraduhin mo lang na ikaw ang sasalo, dahil naku! Talagang magre-resign ako!"
"Yaya naman, e!" Niyakap niya ang braso nito, ngumuso para magpa-cute, lambingin ito at mapapayag.
"O sige na, sige na! Pero narinig mo 'yung malakas na tunog kanina, 'di ba? Tingin mo ano 'yon?"
Napaisip naman siya. "Uh... Probably nag-start na sila mag-train for gunfirring! Oh my gosh! Super excited na ako to see Skyler!"
At kapag nakita niya ito, sisiguraduhin niyang yayakapin niya ito nang napaka higpit.