MAY mga bagay na hindi dapat kinukubli. May mga problemang hindi lang dapat iisang tao ang may alam, dahil walang sino man ang may kasiguraduhan sa akung anong maaaring mangyari at kung anong maaaring maging resulta.
Sinisisi ni Erena ang kaniyang sarili. Dapat ba ay nagsalita na lang siya? Dapat ba ay sinabi niya na lang kaagad ang nalaman niya?
Natakot siya, hindi siya sigurado kaya hindi niya ginawa.
Maagapan pa sana kung naglakas loob siya. Baka sakaling walang mga nadamay.
Baka sakaling... buhay pa si John.
At nang makita niya kung paano iniyakan ni Skyler ang matalik na kaibigan... nanlumo siya, tinubuan ng pagsisi at ng hiya.
Nangyari lang naman ang lahat ng ito dahil habol siya ng mga masasasamang taong ito.
Kundi sana... hindi kakailanganin nila Skyler na dipensahan siya.
Patawad, John...
Skyler...
Nanatili ang pagkakatali ng mga lalaking armado sa kaniyang mga kamay sa likuran, samantalang hindi niya naman makita ang paligid dahil sa puting sako na isinaklob ng mga ito sa kalahati ng katawan niya, sa takot na matuklaw ng mga kakambal niya.
At oo, naririnig niya ang pagtawag ni Skyler sa kaniya, pero wala na siyang mukhang maiharap.
Simula nang dumating si Skyler sa buhay niya, wala na itong ginawa kundi ang iligtas siya sa panganib, ngunit ang sarili nitong kaibigan... hindi nito naligtas.
"Malapit na ba?" Alam niya ang boses na iyon, siguradong pagmamay-ari iyon ng Governor. "Kalahating oras na tayong naglalakad!"
"Konti na lang, Governor." Naroon ang bakas ng inis sa boses ni Skyler, ngunit pinanatiling kalmado ang sarili, marahil sa isang dahilan.
Naitikom niya ang labi.
Sa totoo lang, hindi niya rin naman alam kung ano ang mayroon sa kaniya, bukod sa kakaiba siya, 'halimaw' kung tawagin ng mga ito. Ano ba talaga ang rason kung bakit siya ginawa ng ina niya?
"Siguraduhin niyo," anang pa ng Governor. "Masiyado niyo nang sinasayang ang oras ko."
Halos mapatid pa siya sa bawat hila sa kaniya ng mga tauhan nito para umusad, nagsisilbing mga mata niya sa marahas na paraan.
Nagpatuloy sila sa paglalakad.
Nakatawang ngayon niya lang naramdaman ang pagod, ngayon niya lang naisip na malayo pala talaga ang talon. Siguro, dahil pursigido siya at palaging sabik sa tuwing pupunta dahil kay Skyler kaya ni minsan ay hindi niya iyon alintana.
"Naiihi ako!" Kay Travis ang boses na iyon.
Hindi niyon kaagad na napatigil ang mga yabag ng paa na atat nang marating ang destinasiyon.
"Naiihi sabi ako!" nang ulitin pa ni Travis iyon.
"Gov... naiihi raw, e." Hinuha niya ay tauhan ito ng Governor na siyang may hawak kay Travis ngayon.
"Sige na! Paihiin mo na 'yan!" Pumayag ito. "Wala ng lalayo!"
"Yes, Sir!" anang tauhan nito.
Nakahinto na silang lahat, sinisiguradong mababantayan si Travis.
Ngunit hindi pa man nakalilipas ang isang minuto ay nagkagulo na.
At sa pagliwanag ng paligid... mukha ni Skyler ang nakita niya.
Ligtas na ba sila?
MAKAKABALIK siya. Ipinangako ni Skyler iyon sa sarili niya. Alam niyang imposible, pero kakayanin niyang malabanan ang mga ito, mailigtas si Erena, ang mga kasama niya at makabalik nang buhay sa tahanan nila.
Naalala niya tuloy ang araw na aalis na siya sa bahay nila para sa training. Hinding hindi siya bitawan ng nakababata niyang kapatid na si Claude. Akalain mo nga namang malakas ang instincts ng kapatid niya? Nagagawa niya pa talagang biruin ang sarili niya.
Wala siyang magagawa kundi ang bumalik ng buhay, dahil siguradong naghihintay sa kaniya si Claude... at isa pa, hindi niya pa napapakilala si Erena sa mga ito at isa iyon sa mga pangako niya. Ang maipakilala ang babaeng nagugustuhan niya.
Kunot-noo niyang tinignan si Travis na tila ba pasadya siyang binangga matapos magpaalam na magbabanyo.
Sumenyas ito sa kaniya, pasimple habang hinihila ng tauhan ng Governor papalayo.
Awtomatiko niyang binilang kung ilan ang mga malapit sa kanila. Karamihan kasi ay halos hindi na matanaw, dahil naunahan nila, ang mga naiwan na iyon ay ang mga kasamahan nila sa training.
Sampu ang mga ito kasama na si Romulo at ang Governor.
Anong pumasok sa kukote ni Travis?! Kaya ba nila ang mga ito? Wala silang mga armas nang kaninang kunin sa kanila nang madakip.
Titignan niya na sana pabalik si Travis para senyasan na huwag nang ituloy ang binabalak nang marinig na nila ang pagbaril ni Travis sa lalaking may hawak rito. Nakakamangha na naalis na rin pala nito ang tali sa mga kamay at naagaw na ang baril mula rito.
"Anak ng-" Wala na rin siyang nagawa kundi ang rumisponde nang madalian habang nagpapaputok ng baril si Travis.
Naging maagap din ang Commander at si Louie na kapwa nakawala na rin. Dahil doon ay kalahati sa mga tauhan ng Governor ay napatumba ng kanilang puwersa habang ang natitira naman ay matagumpay nilang naagawan ng baril at itinutok sa mga ito, kabilang na ang Governor at si Romulo.
"Liu! Si Erena!" anang Commander.
Kaagad siyang sumunod sa utos ng Commander at pinuntahan si Erena na tila nawawala, naestatwa at nanatiling nakatayo sa puwesto kanina.
Marahan niyang inalis ang sako na nakasaklob sa mukha nito.
Pakiramdam niya ay ngayon niya na lang ulit nakita ang maamong mukha ni Erena.
Sa mas malapitan... mas nakikita niya kung gaano kalamlam ang mga mata ni Erena. Wala ang dating buhay niyon na palagi niyang nakikita sa tuwing nagtatama ang mata nilang dalawa.
Nasaan na ang pag-asa sa mga mata ni Erena?
Bakit... hindi niya makita?
"Skyler..."
Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at hinila ito sa pulso. Alam niyang wala sa wisyo si Erena, ngunit nagpadala lang ito sa agos ng kaniyang pagtakbo, sa gabay niya palayo sa gulo. Kailangan niyang mailayo si Erena. Hindi pa huli ang lahat... maabutan naman nila, hindi ba?
Mas humigpit ang kapit niya sa kamay nito nang marinig ang sunud-sunod na pagputok ng mga baril. Muling sumiklab ang gulo sa pag-alis niya... at nag-aalala siya.
Wala ng dapat pang mawala, pero kailangan niyang unahin si Erena. Hindi na siya puwedeng bumalik pa.
"M-malapit na tayo..." Pinakalma niya ang sarili para hindi kabahan si Erena, para hindi ito matakot, para makampante ito.
Ngunit awtomatiko siyang napahinto nang hindi na magpadala si Erena.
"A-anong problema?" Kaagad niyang inilibot ang paningin sa katawan ni Erena. "May masakit ba sa'yo?"
"Ayaw ko nang tumakbo pa, Skyler..."
Umawang ang labi niya sa pagkabigla.
Anong...
"Erena..." tawag niya rito.
"Skyler... masiyado nang maraming nadaramay dahil sa'kin. Ayaw ko na... huwag mo na akong itakbo... huwag mo na akong iligtas, Skyler. Isuko mo na lang ako sa kanila-"
"Erena, hindi mo naiintindihan ang sinasabi mo. Kung mapupunta ka sa kanila, hindi ka magiging ligtas."
Marahas nitong binawi ang pulso mula sa kaniya. "Mamatay ako?"
At ang Erena na nakikita niya ay iba. Tila ibang tao.
"Makinig ka... malayo na ang narating natin, Erena. Hindi ko hahayaang mapunta ka sa kanila-"
"Pero habang hawak niyo ako... hindi na mawawala ang panganib sa buhay niyo! Ayaw ko ng tumakbo! Ayaw ko ng magtago! Ayaw ko na sabi! Ayaw ko na!" Tila bagay na nabasag si Erena sa harapan niya nang sunud-sunod na umagos ang mga luha nito habang mariin na nakatitig saa kaniya, pilit na pinipigilan ang bawat paghikbi niya.
At nasasaktan siya... hindi kaya ng puso niya na makitang umiiyak ito nang ganito. Hindi kaya ng mga mata niyang makita na nawawalan ito ng pag-asa.
"Erena!" sigaw niya.
Tumakbo papalayo sa kaniya si Erena, pabalik sa pinaggalingan nila.
Kaagad niya namang tinakbo ang agwat nilang dalawa at nahuli niya ito gamit ang mga bisig niya. Hinigpitan niya ang pagyakap dito, kuyom ang kamao, pilit na pinipigil ang luha, ganoon na rin kung paanong pinilit ni Erena na makawala sa kaniya, patuloy sa pag-iyak.
"B-bakit mo ako ililigtas? Bakit?!" Magkahalong galit at hinagpis na itinanong ni Erena sa kaniya. "Dahil sa akin... dahil sa pilit niyong pagtago at pagtakas sa akin... wala na si John."
Nabitawan niya si Erena nang dahil doon. Gusto niyang sabihin na wala itong kasalanan, pero ayaw niyang tuluyan nang magsinungaling kay Erena para lang sa ikagagaan ng kalooban nito.
"Tinanong sa akin ni John... kung kakayanin ko raw ba na tumira rito, para sa'yo, nang pang habang buhay..."
Mula sa pagtatangka ni Erena na maglakad papalayo mula sa kaniya ay napahinto ito, tuluyan niyang naagaw ang atensiyon nito.
"At ng mga oras na 'yon... hindi na ako nag-isip pa." Nanatili naman ang mga mata niya sa likuran ni Erena. "Dahil kaya ko. Dahil gusto kita... dahil mahal na kita, bigla akong nakuntento. Nawalan ako ng pakialam, kahit na alam ko kung gaano kahirap ang papasukin ko sa oras na mahalin na nga kita."
Namutawi ang katahimikan sa paligid nila, ngunit hindi sa labanan na nangyayari roon.
"Erena... hindi lahat kasalanan mo. At sa mga panahong nag-iisip ka nang ganiyan, hindi ako magsasawang ipaintindi sa'yo kung ano ang totoo para mabawasan ang palagi mong pag-iisip na mababa ka lang, na lahat kasalanan mo... na hindi ka mawalan ng pag-asa kung kailan mas kailangan mo."
Humakbang siya papalapit dito. "At kung nandito si John, isa pa siya sa magagalit kung hindi ko itutuloy kung ano ang nagbibigay saya, ligaya sa akin. Ikaw 'yon, Erena. Ang makita kang maayos, ligtas, ang mailigtas ka... iyon ang kasiyahan ko, iyon ang kapayapaan ko. Hindi ko hahayaang masaktan ka at kamuhian ka. Dahil kung puwede lang, isisigaw ko sa buong mundo kung gaano ka kaiba sa kung paano ka nila nakikita, makikita."
Hinintay niyang magbigay ng reaksiyon o kahit konting galaw man lang si Erena bago siya magsalita, para masiguradong nakikinig nga ito at kung hindi man buong puso niyang uulitin lahat ng mga sinabi niya gaya ng ipinangako niya sa kaniyang salita.
"Kung puwede lang... kung hindi lang sarado ang utak ng iba, ikukuwento ko kung ano ka... Erena, kung hindi puwede sa ibang tao, kahit man lang sa mga apo ko ay maikuwento kita... sa mga apo natin, sa pamilyang mabubuo natin kung hindi tayo hihinto lang sa ganito. Gusto pa kitang makasama nang matagal, gusto pa kitang mas makilala at maipagmalaki nang hawak kita. Gusto kong mabuhay ka, kasama ko. Kaya natin, Erena. Makakaalis tayong ligtas dito."
Sa wakas... sa mabagal na paraan ay hinarap na siyang tuluyan ni Erena.
Kapwa nagtutubig ang kanilang mga mata, puno ng emosiyon... nang pagmamahal at ng bagong pag-asa.
Nilakad niya ang pagitan nila at muling hinawakan ang kamay ni Erena.
"Hindi ako papayag na sa ganitong paraan matapos ang kuwento natin, naiintindihan mo ba?"
Marahan niyang pinunasan ang nagbabadyang luha sa mga mata nito, kasabay niyon ay ang pagtango ni Erena sa kaniya.
Isang hakbang ang ginawa nila para muling makalayo at makapunta sa talon nang isang nakakayanig na pagsabog ang narinig nila. Mula iyon sa pinanggalingan nila.
"Ang... ang D-daddy ko..."
NAPATALON sa tuwa si Catalina nang makitang malapit na silang dalwa sa talon. Konting-konti na lang ay malapit na malapit na sila sa kampo at makikita niya na si Skyler.
Sa totoo nga lang yata ay ito pa lang ang unang beses na nag-abala siya ng ganito. Talagang nagpakapagod siya at nagpakahirap.
At narito na nga sila.
"We are here! I can't believe it! We are here na, Yaya!"
Hindi man mukhang masaya ang Yaya Korina niya, alam niya namang natutuwa ito na masaya siya ngayon sa kabila ng pagod.
Ngunit sabay rin silang natigilan nang makita ang kakila-kilabot na nilalang.
Narinig nila ang lahat...
At hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala. Ni hindi sila makasigaw sa kabila ng takot na naramdaman dahil sa halo-halong emosiyon na dumaloy sa kanila.
Pamilyar ang kakaibang nilalang na iyon...
Ngunit paanong nangyaring ang lalaking mahal niya ay mahal ang halimaw na iyon?
"C-catalina..." Natatakot na anang ng kaniyang Yaya.
Hindi niya nilingon si Korina. Abala siya sa sariling nararamdaman. Kakaibang sakit ito. Dahil ni isang butil ng luha ay walang pumatak sa kaniya.
Ito ba ang dahilan kung bakit ayaw sa kaniya ni Skyler?
Paano niya lolokohin ang sarili niya na mali ang nakikita niya, kung sa kakaibang anyo ng babae ay nagawa pa rin itong mahalin ni Skyler? Paano niya sasabihin sa sariling mali ang narinig niya at pupuwede pang mabago iyon kung wala siyang ibang nakikita kundi ang purong pagmamahal ng dalawa sa isa't-isa?