28 (Part 1)

1191 Words
IBA ang pagpili sa kusang pag-asa, sa hindi sinasadyang pag-asa. At ang mananagot doon ay ang taong sinadya na may taong umasa sa kaniya o kaya naman ay ang tao na sinadyang umasa sa taong iyon. Mahirap man ipaliwanag, pero ano mang uri ng pag-asa sa isang relasiyon na ang iisang tao lang pala ang gumugusto at may nararamdaman ay lubhang masakit. Ngunit ang tanong, ano nga ba ang mas masakit sa dalawa ang umasa na ginusto at sariling desisyon o ang umasa dahil sa hakbang ng taong gusto mo, na sinadya para manatili ka? Pero sa kaso ni Catalina, hindi niya naman alam kung alin doon ang nararanasan niya. At ngayon niya lang napagtanto na hindi niya na pala masiyadong napapagtuunan ng pansin na nawawala na ang respeto niya sa sarili, dahil puro pagmamahal na lang sa taong hindi siya gusto ang naiisip niya. Lumaki siya na mag-isa at suportado ng kaniyang ama, ang naiiwan niyang magulang sa kahit na anong mga bagay, siguro isa iyon sa rason kung bakit siya ganito ngayon, na sanay siyang nakukuha lahat ng gusto niya at nang hindi niya makuha si Skyler, hinabol habol niya naman ito na hindi niya na namamalayang nawawalan na pala siya ng respeto sa sarili at higit sa lahat, hindi niya na napapansin na sobra na pala ang bawat sugat at sakit na nakukuha niya. Heto siya... tuluyan nang ipinamulat ng reyalidad sa kaniya ang dapat niyang makita. At lahat ng sakit na iyon ay tila ngayon niya lang naramdaman. Nagsama sama, mas mabigat at mahirap kayanin. "I want Skyler, Dad! Kung magpapakasal man ako, I wanted him to my groom!" Isang linggo matapos siyang tulungan ni Skyler, iyon ang napagtanto ng walang muwang niyang utak, walang muwang sa kung ano ang dadalhin sa kaniya ng pag-ibig na sinisimulan niya nang idikta sa sarili. "I don't even know him, Catalina." Sa totoo lang ay hindi naman talaga gusto noon ng Daddy niya kay Skyler, pero nang ipakilala niya ito ay nagustuhan naman nito. Sa totoo nga lang ay hindi niya maintindihan... bakit kaya bigla na lamang pumayag ang Daddy niya sa gusto niya? Nagsinungaling pa naman siya na nililigawan na siya ni Skyler kahit na hindi naman, para kung tututol man ito ay wala nang magagawa dahil gusto rin siya ni Skyler at handang ligawan. Kahit na... sa mga kilos naman ni Skyler ay halatang ayaw nito sa kaniya at hindi naman talaga mukhang nililigawan siya. Pumupunta lang ito sa mansiyon nila kapag siya ang nagpapatawag, o kaya ang Daddy niya at kapag may mga events. Masiyadong mahiwagang hindi man lang nagtaka ito... hindi man lang napansin ang kasinungalingan niya... o talaga bang... ganoon lang siya kamahal ng Daddy niya? "C-catalina... ano ang nilalang na 'yan?" Bumalik sa kasalukuyan ang utak niya nang sabihin iyon ni Korina. "U-umalis na tayo! Tara!" Hihilain pa sana siya nito, kung saan man, para makaalis na nang makarinig sila ng pagsabog sa 'di kalayuan. WALA siyang paborito. Sa totoo lang ay niya nagustuhan, bilang commander na sabihing may kinikilingan siya. Nang malaman niya tungkol kay Skyler ang akusasyong iyon ay hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Paano niya magiging paborito ang lalaking nanakit sa puso ng anak niya? Ang tanong na iyan ang palaging sumasagi sa isipan niya. Pero... hindi rin pala siya naging patas, dahil kung ano lamang ang nakikita niya ay iyon lang din ang pinagbabasehan niya Bawat pangyayari, bawat emosiyon ay palaging may dalawang pananaw. Bata pa ang anak niya, para sa kaniya, pero hindi naman siya pusong bato para hindi maramdaman na nagmamahal na ito... ngunit lahat ng bagay ay tila ba palaging komplikado. Si Skyler na akala niya ay ordinaryong binatilyo lamang na nangangarap maging sundalo ay ang taong nais lang naman pakasalan ng nag-iisang anak ng alam niyang sakim na gobernador ng kanilang lalawigan. Lalong naging magulo para sa kaniyang anak ang malahok dito. Ngunit ano ang magagawa niya? Alam niyang iisa lang naman ang tinitibok ng puso ng dalawang ito at narito siya para lang gabayan ang dalawa. At habang tinatahak nga nila ang daan papunta sa talon, masuwerteng nakakita ng tiyansa si Travis at sa awa ng Diyos ay nagawa nilang malamangan ang mga ito. Si Travis na isa sa mga gustong gusto na maging paborito niya na hindi niya rin nga maintindihan. Ano nga ba ang espesiyal pa sa kaniya bukod sa mataas ang posisyon niya? Tumango sa kaniya si Skyler bago nito itinakbo si Erena. Ang mga mata niya ay itinutok niya lang sa Governor hanggang sa masigurado niyang nakalayo na ang dalawa. "Alam mong hindi mangyayari ang gusto mo, Chavez. Ilang minuto lang ay paparating na ang mga kadete mo. Tutugisin ka, mauuwi sa walang sawang putukan hanggang sa lahat kayo, ng mga maliliit mong alaga ay maubos." Tumalim ang titig niya rito, hindi siya nagsalita. "Mas pinapahirap mo ang sitwasiyon mo. Imbis na naroon na sana tayo sa talon, nahanap na ang hinihingi ko-" "Hindi ako inutil, Javier." Alam niyang sa huli ay papatayin lang din sila ng mga ito. Naroon ang sarkastikong pagkamangha sa mukha nito nang mahinuha siguro ang nasa isip niya. "Dapat pa ba akong humanga riyan?" Kalmadong kalmado ito, dahil sa inaasahang pagdating ng mga kadete. Malapit na ang mga iyon, sigurado, dahil sa narinig na mga putok ng baril nila kanina. "Travis!" si Romulo iyon. "Talagang itutuloy mo ang pagtataksil sa amin?!" Seryoso lang ang mukha ni Travis nang balingan niya. Nanatili ang pagkakatutok ng baril na hawak nito sa isa sa mga tauhan ng Governor. "Umayos ka, kapag nakawala ako rito bobombahin ko ang ulo mo!" banta pa ni Romulo. Hindi ito makakagalaw dahil nakatutok naman ang isa pang baril ni Louie rito. "Isuko niyo na ang lahat, Chavez. Tatlo lang kayo at kulang-kulang singkuwenta ang mga kadete," anang Governor. Mas humigpit ang hawak niya sa baril. Nagiging maingat siya at hindi hinahayaang manguna ang galit kung hindi ay mas makakaapekto pa ito. Hangga't maaari, ang isip ang una niyang pakikinggan. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung hanggang saan pa aabot ang natitira niyang lakas, dahil habang tumatagal ay mas sumasakit ang tama niya ng bala. Bumaba ang paningin ng Governor sa dibdib niya, naroon ang tama. "Hanga ako sa tapang mo, pero kung patuloy kang magmamatigas, ibabagsak ka ng sarili mo," dugtong pa nito. "Hindi ko kailangan ng komento mo," anang niya. Binalingan niya si Louie sinenyasan na alalayan si Manang Tessing na nanginginig na sa nerbiyos at si Travis. Sabay ang galaw nilang apat sa pag-atras habang ang mga baril ay nakatutok pa rin sa tatlong natitirang nakatayo "Commander," si Travis. Alam niyang hindi lang siya ang nakakakita sa ginagawa ni Romulo. "Takbo!" anunsiyo niya. "T-tito..." si Louie. "Narinig mo ako, Louie! Takbo!" Labag man sa loob ay sumunod na lang ang dalawa sa utos niya, patuloy na inalalayan si Manang Tessing palayo habang ang hawak na dinamita ni Romulo ay buong lakas nitong ibinato sa kanila. Kasabay niyon ay ang pagsigaw at pagmumura ng Governor, kung mamamatay siya, kung aabutan siya ng dinamita na papalapit na sa kinaroroonan niya ay hindi na makukuha ng Governor ang gustong makuha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD