11 (Part 3)

1046 Words
BUMILIS ANG TAHIP NG DIBDIB NI SKYLER nang marinig ang sinabi ni Travis. Mayamaya pa ay natawa siya at nagpanggap na tinatapik ang likuran nito. Padabog naman umiwas si Travis. "May nakilala kasi akong usa rito, pinangalanan ko ng Erena. Si John kasi, takot sa usa noon pa man. Nakita niya kaya 'yon?" pagsisinungaling niya. Kunot-noo itong tumingin sa kaniya. "Niloloko mo ba ako?" Tinago niya ang pagkuyom ng mga kamao niya. Hindi nito puwedeng mahalata na kinakabahan siya. Pasimple niya pang inililibot ang paningin niya, umaasang makikita niya si Erena. Nang lumingon si Travis sa tinitingnan niya ay agad niya namang hinawi pabalik sa kaniya ang paningin nito. "Ay—" Magsasalita pa sana siya pero nahila na nito ang suot niyang uniporme. "Ginagago mo talaga ako, 'no?" "S-sandali." Pilit niyang inalis ang pag-angat nito sa damit niya na matagumpay niya namang nagawa. "May sugat ka sa pisngi. 'Yan, o?" Ito naman ang tumabig sa pagduro niya sa bandang iyon. Mukhang suwerte pa rin siya ngayong araw at nagkaroon siya ng idarahilan dahil talaga ngang may sugat ang kanang pisngi nito. "Mabuti pa para malaman kong hindi puro kayabangan ang laman ng utak mo, sumama ka sa akin. Kakausapin natin ang kaibigan mo." Hinila nito ang kuwelyo niya. Halos masakal siya roon pero pinilit niyang hindi iyon indahin. Mas ayos na siguro ito kaysa puntahan nila ang direksiyon ni Erena, mas mainam ang pabalik sa kampo. Gumaan man ang pakiramdam niya, nararamdaman niya pa ring may kulang dahil nawala ang tsansa niyang makita si Erena. Ilang sandali lang ay nakarating na sila sa kampo. Hindi niya inaasahang bigla na lang siyang guguluhin ng isipan niya. Tinatanong ang sarili kung posible bang sinabi na ni John sa mga kakampo niya ang nangyari—na nakita nito si Erena. Nilibot niya ang paningin para hanapin si John, pero hindi niya ito makita. Sa wakas naman ay binitawan na siya ni Travis sa bungad ng kampo, marahil ay nakita si Commander na nakatingin sa kanila kaya nagkunwari pa itong pinaplantsa ang uniporme niya. Sumunod na lamang siya nang maglakad papunta sa mga tent si Travis na si John din siyempre ang hanap. "Nasaan si John?" Naroon agad ang angas nang magtanong ito sa mga kakampo nilang naroon. "Pumasok sa tent niya, kararating lang din." "Sige." Marahan pang tinapik ni Travis ang sumagot bago siya senyasan na sumunod. Habang ginagawa niya naman iyon ay tinitingnan niya ang ginagawa ng mga ito, mukhang inaayos na ang mga panggatong. Lintik. Naiwan niya ang mga kinuha nila ni John. "Ano, Liu? Nagdarasal ka na ba? Kumalma ka muna, malapit pa lang tayo sa kaibigan mo." At ang totoo niyan ay hindi niya magawang kumalma dahil sa parte pa lang na hindi sa tent niya nagtungo si John. Malaki na ang posibilidad na galit na galit ito sa kaniya. Pero sa akto ng mga nasa kampo kanina, mukha namang wala itong nabanggit. Sana nga. Sana nga, John. "Juan," sa ibang paraan ay tinawag ni Travis si John. Parehas silang nasa labas ng tent nito, nakatayo at naghihintay. "Buksan mo 'to." Ilang segundo na ang lumipas, hindi pa rin iyon binubuksan ni John. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magpasalamat o hindi, pero nang unti-unti niyang marinig ang pagbukas ng zipper niyon ay nanlumo rin agad siya. "Bakit?" malamig na turan nito. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya nang sandaling iyon. Iba ang kilos at lamig ng pananalita ni John at ni hindi rin man lang siya nito tinitingnan. "Anong nakita mo kanina?" diretsa ni Travis. Gusto niya sanang pumigil pero sa takot na lalo siyang mahalata, sarili niya na lang ang pinigilan niya. Nang makita niyang dumapo kahit papaano ang mga mata ni John sa kaniya ay agad niyang inilagay ang dalawang kamay sa ibabaw ng ulo, ginamit ito na tila naglalarawan ng sungay. Ito ang palagi niyang pinang-aasar kay John, dahil totoo ang sinabi niyang takot talaga ito sa usa. Nagmamaang-maangan niya namang ibinalik ang mga kamay sa likuran nang nagtatakang lumingon si Travis. Pinagpapawisan na siya nang malagkit habang paulit-ulit na hinihiling na umayon si John sa nais niyang mangyari. "Nakita kitang takot na takot kanina. Anong nakita mo? Anong nangyari?" Umawang ang labi niya at saka siya napaisip. Hindi totoong narinig nito ang pinag-usapan nila ni John! Talagang nakita lang nito ang takot ni John at bahagya nilang pagdedebate. Kakaiba rin ang pagkatuso ni Travis. Umasta siyang nagpapaawa. Kunot-noo namang tiningnan ni John ang mukha niya. Minsan niya lang ito gawin. "Pakiusap," bulong niya sa sarili. "Usa." Pakiramdam niya ay umalingawngaw ang katahimikan sa pagitan nila matapos marinig ang sagot ni John. Aaminin niyang, hindi niya inaasahan na pagtatakpan pa siya ni John matapos nang ginawa niya rito kanina. "Sigurado ka ba?" ulit pa ni Travis. "Sabi ko naman sa 'yo, takot si John sa usa." Padabog na tumalikod si Travis. Nakuha pa siya nitong banggain bago sila lisanin. Hindi man siya makapagpasalamat ay sumenyas na lang siya ng thumbs up kay John, pero imbis na damayan siya nito ay pinagsaraduhan lang siyang muli nito ng tent. Hindi na bale. Masaya na siyang tinulungan siya ni John. Maging sa hapunan ay malamig ang turing ni John sa kaniya at hindi rin siya iniimikan, pero siyempre, hindi niya pinabayaan na ganoon na lang ang kahantungan nila. Sinubukan niya pa ring suyuin ito kahit na matigas talaga. Mukhang ito ang unang beses na kinaya siyang tiisin ni John nang buong araw. Samantalang, sumapit ang gabi ng pahinga. Halos lahat ay nasa tent na. Maging ang mga nagbabantay sa kanilang seniors, dahil nakauwi na ang Commander kaya ang mga iyon na lang ang natira. Mula sa malayo-layong nakatumbang puno kung saan siya at si John madalas maupo tuwing gabi ay naupo siya. "Hirap..." Ibinato niya ang maliliit na bato sa katapat niyang lupa. Buong araw rin kasi ay halo-halong emosyon na agad ang naramdaman niya. "Pasensiya na hindi agad ako naniwala at nagtiwala sa 'yo. Nakalimutan ko kung ano ka at sino ka." Mula sa likuran niya ay nagsalita si John, marahan pa itong umupo sa tabi niya. Hindi niya alam ang sasabihin kaya naman nanatili siyang tahimik, pero isa lang ang masasabi niya. Masaya siya. "Kailan ko ba makikilala si Erena?" sa nakangiting ekspresiyon ay itinanong iyon ni John.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD