PARA KAY JOHN AY BAYANI NIYA SI SKYLER. Noon pa man ay masigla ng tao si John, pero dahil sa pagiging anak ng lasinggero noong elementarya ay naging tampulan siya ng tukso.
Marami naman ang kaibigan niya, pero kahit na tatlo lamang ang talagang humihila pababa sa kaniya, iba ang mga ito. Kilala na nananakit ng mga bata, gaya niya na dalawang taon lang yata ang ibinata sa mga ito.
"Nasaan tatay mong lasinggero?"
Noong anim na taong gulang siya ay inutusan siyang bumili ng asin para sa ulam na pananghalian. Samantalang, gaya nang inaasahan niya ay nakasunod na naman sa kaniya ang tatlong batang lalaki.
Dahil nga mas matatanda ang mga ito, naging mas matatangkad din ang tatlo. Sapat na para katakutan ng gaya niyang mura lamang ang isipan.
Hindi siya nagsalita, bagkus ay hinigpitan ang paghawak sa biniling asin.
Malas.
Mukhang malayo-layo pa ang lalakarin niya para makauwi.
Bawat talbog tuloy ng bola na dala ng nasa gitna sa tatlo ay mas nagbibigay ng kaba sa kaniya kasabay nang pagtibok ng puso niya.
"Aba, hindi sumasagot ang anak ng lasinggero!" gatong pa ng isa sa mga ito.
Sa kabila niyon ay hindi pa rin siya nagsalita.
"Ano, kakasa na ba?" Binangga siya ng isa na nasa gilid ng nasa gitna, ang pinakamalaki at pinakamasama rin ang ugali sa mga ito.
Kung makabuyo naman ang tatlo parang hindi rin lasinggero rin ang mga tatay. Pareparehas lamang sila, ang malala lang ay nambubugbog ang mga tatay ng mga ito.
Kaya lang naman naging tampulan siya ng tukso tungkol sa tatay niya ay dahil lasinggero nga ito at ginagawang alalay ng mga tatay ng mga ito sa inuman.
"T-tama na," sabi niya. "Kailangan kong iuwi 'to sa nanay ko."
"Tapos ano? Magsusumbong ka at iiyak sa mama mo?" Umasta pa ang tatlo na tila umiiyak at nagpupunas ng luha para mas asarin pa siya.
At siyempre bilang bata ay nasasaktan siya habang naiiyak at natatakot. Lalo na kung iisipin na pinagkakaisahan siya ng mga ito at wala siyang kakampi.
"Amin na nga 'yan."
Ni hindi niya makuha pabalik ang supot ng asin dahil sa bilis at tangkad ni Jobert, ang nasa gitna.
"Hoy!"
Sinubukan niyang habulin ang supot na itinapon nito sa lupa, pero wala na. Nakakalat na iyon, imposible nang makuha at maibalik sa supot.
Lagot siya sa nanay niya.
Kung puwede nga lang siyang magsumbong, ginawa niya na. Puwede naman, pero alam niya na agad na hindi siya pakikinggan dahil masyado nang maraming problema ang mama niya para intindihin pa ang away-bata.
Kaya heto siya at nagtitiis.
Nang magtangka siyang abutin ang supot at ang ilang natitirang asin sa loob nang umupo siya malapit sa pinagtapunan ni Jobert ay ganoon din naman nito kabilis na naapakan ang supot na iyon.
Wala na talaga.
At hindi niya na nga napigilan ang umiyak.
"Ano 'yan?"
Halos sabay-sabay silang napayuko sa pagdating ng isang batang lalaki. Hindi niya ito kilala, baka bago lang sa baranggay nila.
"O bakit, ha? Bakit?" anang ng mga ito sa bagong dating na iyon.
Kusa tuloy siyang nahinto sa pag-iyak dala ng pagtataka at kyuryosidad.
Nilagpasan nito ang tatlo at pumunta sa kaniya, dahil nga nakaupo siya kaya tinitingala niya ito ngayon. Kunot na kunot pa ang noo nito at iiling-iling nang dapuan ng paningin ang lupa kung saan natapon ang asin at sa kaniya na katatahan lang.
"Umuwi na kayo," utos nito sa tatlo.
"Aba, bakit kami makikinig? Sino ka ba, ha?"
Sino nga ba ito?
"Ako si Skyler."
"Pakialam namin?" Nagtawanan ang mga ito.
Maging siya nga, kung sa kasalukuyang edad ay matatawa dahil sa paraan ng pagpapakilala ni Skyler.
"Bakit sundalo ba ang tatay niyo?"
Natahimik sila sa itinanong ni Skyler. Hindi niya inaasahan na maging sina Jobert ay matatahimik. Natagalan pa bago makasagot ang tatlo.
"Hindi!" Mayabang pang sabi ng mga ito.
"Akin, oo. Kaya kung ayaw ninyong ipagsusumbong ko kayo, umalis na kayo. At itong batang 'to," tukoy nito sa kaniya. "Huwag na huwag niyo nang aawayin."
Humanga siya sa puno ng awtoridad na pagsabi nito roon na kahit kung tutuusin ay kaedad niya lang ito noong mga panahong iyon.
"'Eto kayo, oh!" Itinaas pa ng mga ito ang gitnang daliri bago sumibat, pero natakot din naman.
Ilang segundo matapos makaalis ng mga iyon ay muli siyang hinarap ni Skyler.
Gamit naman ang bilugang mga mata niya ay tiningala niya si Skyler.
"Tara."
Umawang ang labi niya. Tara?
"H-hindi puwede, ang mga asin ni Mama."
Tipid itong ngumiti sa kaniya, siguro ay para makampante siya.
"Kaya nga inaaya kita."
Dinala siya nito sa tindahan. Ang sabi pa nito ay ibibili siya ng bagong supot ng asin para may maiuwi pabalik sa bahay nila at nang hindi siya mapagalitan.
Hindi niya alam na may ganito palang kabuting tao at bata—sa paningin niya noon na maaaring tumulong sa kaniya nang bukal sa puso.
"‘Eto..." Inabot ni Skyler ang supot sa kaniya matapos kunin ang sukli.
Pinunasan niya pa ang luha niya sa mga pisngi galing sa away kanina bago abutin iyon.
"S-salamat, Skyler."
"Ano nga palang pangalan mo?" tanong nito.
"J-john," sagot niya.
"O, sige. Kapag inaaway ka ng mga 'yon sabihin mo lang sa akin o kaya ay tawagin mo ako." Sabay silang nahinto sa paglalakad pauwi nang matapatan na nila ang bahay nila. "Ito ba ang bahay mo?"
Tumango siya. "Oo."
"Ayos, ah. Magkatapat at magkalapit lang pala ang mga bahay natin."
Kung ganoon ay tama siya, ito pala ang mga bagong lipat diyan na natanaw niya noong isang ara na naghahakot ng mga gamit.
"Puwede mo akong bisitahin tuwing hapon. Mauna na ako, ha?" Sumenyas pa ito bago tumakbo papunta sa loob ng bahay sa tapat ng kanila.
Hindi muna siya pumasok kaya naman narinig niya pa ang pinakanakatatawang senaryo nang una silang magkakilala ni Skyler.
"Skyler! Nasaan na ang pinabili kong toyo! Kahit kailan ka talagang bata ka!"
Sinabi ni Skyler sa kaniya noong sumunod na araw na ang ipinambili pala nito ng asin na kapalit ng natapon ay ang perang ibinigay ng nanay nito na pambili ng toyo.
Hindi na nga rin alam ng nanay ni Skyler kung dapat ba nitong ipagmalaki ang anak dahil sa pagiging matulungin o mas mangamba na wala nang maitira sa sarili.
Pero, posible kaya iyon? Na sa pagiging matulungin nito masyado ay makalimutan na nito ang sarili?
Bakit maging siya ay nakaramdam na ngayon nang matinding pangamba?