21

1947 Words
HABANG nagpapaalam siyang Gobernador sa mga bisita ng anak niya ay sumulpot sa likuran niya ang kaniyang sekretarya, naglaho ang ngiti niya sa bawat bisitang lumalabas nang hindi niya mabasa ang ekspresiyon sa mukha nito. "Governor," panimula nito. "May balita po na dumating galing sa kampo." Hindi siya nakapagsalita, naroon ang pagkasabik niyang marinig ang kabuuan ng balita. "Our assumptions... the rumors are true." NARATING niya sa wakas ang paanan ng kagubatan. Nakakapagod man, nakaya niya pa ring lakarin ang kagubatan, pasukin ito sa gitna ng dilim. Tanging lente lamang ang nagsisilbing ilaw, hindi niya pa sigurado kung anumang oras ay maaaring mawalan iyon ng baterya. Ang bilin sa kaniya ng Commander ay kinabukasan na bumalik, pero nangako siyang babalik siya. "Ah!" Patalon niyang inangat ang paang nauntog sa batong nasa lupa. Napaupo siya, sobrang sakit niyon na hindi niya na napansin dahil talagang nagmamadali siya. Sinipat niya ang relo habang abala sa paghawak sa daliri niyang nasaktan. Siguradong mamamaga iyon. Kalahating minuto na lang, mag-a-alasdose na. Nakakatawa na positibo pa rin siyang makakaabot siya. Malapit naman na siya. Malapit na siya sa mansiyon. Kaya naman sa kabila ng dinaramdam ay nagpatuloy siya. Dumaan siya sa parte kung saan hindi niya madaraanan ang kampo, dahil talagang magtataka ang mga iyon kapag nakitang umuwi siya sa kampo, pero umalis din at pumunta sa ibang parte ng kagubatan. Pakiramdam niya ay nakaramdam siya nang ginhawa nang makita na ang mansiyon. Ngunit nang silipin niya ay masaya na ang mga ito... nagtatawanan... tulong-tulong na itinatabi ang mga dekorasiyong ginamit. Tapos na... At mukha namang masaya na ang mga ito na wala siya at ganoon din ang nakikita niya sa mukha ni Erena. Matapos ay halos sabay-sabay ring pumasok ang mga iyon sa mansiyon, pinatay ang bawat ilaw sa mansiyon, paunti-unti. Natigilan siya nang makarinig ng tila kaluskos malapit sa bakod ng mansiyon. Kaagad niya namang pinuntahan iyon. "Anong..." pero wala siyang ibang nakita roon. Posibleng hayop lang iyon na napadpad dito. Mapait na lang siyang napangiti nang talikuran ang mansiyon. Hindi niya alam kung bakit masakit ang puso niya, dahil ba sa pagod na inabot niya o dahil alam niyang hindi na talaga siya naiisip ni Erena...? Na kahit wala siya sa kaarawan nito, hindi na siya naging kakulangan. At imbis na bumalik sa kampo ay rito siya dinala ng mga paa niya. Ang talon kung saan nangyari ang lahat. Kung saan siya iniligtas ni Erena, kung saan sinubukan nitong tumalon... Kung saan nabuo ang tiwala niya rito, na nawala ang takot niya. Hanggang ngayon ay nararamdaman niya pa ang kamay ni Erena sa kamay niya nang tulungan siya nito noong gabing iyon. Kung gaano kahigpit ang kapit nito, kung gaano nito binuhos ang lahat ng lakas para maangat siya mula roon. At habang patagal nang patagal mas gumaganda sa paningin niya si Erena. Pero lahat ng pinagsamahan nila, tila ba naglaho na lang bigla. Muli siyang natigilan nang makarinig na naman ng kaluskos, ngunit hindi ito kagaya ng kanina. Ang lakad kasi na ito ay tila patalon, masigla, alam kung saan papunta. Pakiramdam niya ay bumagal ang oras kasabay ng pag-awang ng labi niya habang unti-unti niyang hinaharap ang kaniyang likuran. Huminto ang yabag ng mga paa. Huminto iyon dahil ngayon ay nasa harapan niya na ito. Suot ang kulay asul na bestida, ang pamilyar na bota at ang umiilaw na porselas. Ang paghinto nito ay sanhi ng pagkagulat na makita siyang naririto. Bigla niyang naisip kung ayos lang ba ang itsura niya, kung hindi na ba siya mukhang presentable o mukhang miserable. "Erena..." tawag niya. Marahan na itinago ni Erena ang suot na porselas na para bang hindi iyon dinapuan ng paningin niya kanina. At sa ilalim ng bilog at maliwanag na buwan, tila ba ito ulit ang unang beses ng pagkikita nila. Tumunog ang suot niyang relo, senyales na alas dose na ng gabi. Tamang tama lang ang oras. Umabot siya... hindi ba? "B-bakit... nandito ka?" Nag-iwas siya ng paningin nang maramdamang magtubig ang mata niya. Pinilit niyang ngumiti, tumawa. "Na... natagalan na naman kasi ako." Tinago niya ang pag-iyak sa pagtawa. Hindi magandang ganito ang ihaharap niyang mukha kay Erena. "Happy... happy birthday, Erena." Matagal siyang naestatwa, habang ang mga mata ni Erena ay nakatutok lang sa kaniya. Hindi niya inaasahan ang paglapit nito sa kaniya, mas inaasahan niyang itataboy siya nito, pero hindi naman iyon ang nangyari. Imbis na sa paglapit nito ay tiningala siya nito at marahang pinunasan ang mga luha sa mata niya. Unti-unting sumibol ang emosiyon sa dibdib niya, hindi niya na kayang pigilan. Kinuha niya ang palad nito at hinaplos sa pisngi niya. Pakiramdam niya ay nawala ang lahat ng pagod na naramdaman niya. "Huwag ka nang umiyak, Skyler." At ang pagtawag nito sa pangalan niya? Heto at naririnig niya na ulit, kung gaano kalambing, kung gaano kaingat at kainosente. "P-pero... galit ka sa akin, hindi ba?" Imbis na sagutin siya nito ay kinuha nito ang sariling kanang kamay mula sa pagkakahawak niya at inilagay sa balikat niya, samantalang ang kabila naman ay marahang dinala sa kanang kamay niya, pinagkrus iyon sa porma ng pagsayaw. "Umabot ka, Skyler." Puno ng emosiyon ang ngiti nito sa kaniya, maraming sinasabi ang mga mata. Tila nagkusa ang kaliwang kamay niya na dalhin ito sa beywang ni Erena. "Kanina... may music kami, pero ngayon, ayos lang naman kahit wala." Napahagulhol siya, kaagad niya rin namang pinalitan iyon ng tawa. "Natupad mo ang promise mo, Skyler. Bakit umiiyak ka pa rin?" Umiling siya. "Masaya ako." "Masaya?" Tumango siya. "Hindi totoong naaawa lang ako sa'yo, kaya ako nananatili." Lumamlam ang mga mata ni Erena, ngunit hindi na kagaya dati. Ngayon ay alam niyang handa na itong makinig. "At hindi ka man normal sa paningin nila, para sa akin normal ka, Erena. At masakit sa akin na sa ganoong paraan mo nakikita ang sarili mo." Sa gitna ng dilim na sinag ng buwan lamang ang nagbibigay liwanag. Pakiramdam niya ay ligtas silang dalawa. "Hindi totoo na sinasabi ko lang na maganda ka ng dahil sa awa... at hindi ko gusto si Catalina." Naroon ang pait nang ngumiti si Erena, maging ang pagtanggap. "Kaarawan niya ang una mong pinuntahan." "Kailangan..." Tumango si Erena, tila kahit hindi niya na dugtungan iyon ay naroon ang paniniwala sa mga mata nito. "Palaging tinatanong ni John, kung bakit hindi ko magustuhan si Catalina, pero kahit pilitin ko, kahit ipilit na sa akin ng lahat... wala. Wala akong naramdamang espesiyal, na kakayanin kong ibuwis ang buhay ko maging ang nararamdaman ko." Nahinto sila sa pagsayaw. "Lahat ng iyon sa'yo ko naramdaman, Erena." Lalong lumambot ang ekspresiyon sa mga mata ni Erena, ngunit naroon ang hindi pagkasigurado kung maniniwala sa sinasabi niya. "Iyon ang dahilan kung bakit gusto kong makita mo kung gaano ka kaganda, hindi lang sa panlabas kundi sa panloob, para sana alam mo... para sana madali sa'yong maniwala na gusto kita... na posible na magustuhan kita." Lumandas ang luha sa mga mata ni Erena. Hindi niya kayang panoorin na lang ang pagluha ng inosente nitong mga mata. Kaya naman kaagad niyang inagapan iyon, pinunasan. "Maganda ang lahat sa'yo... maganda ang mga mata mo, ang ilong mo, ang labi mo, ang mga ngiti mo." Nagsunod sunod ang pagpatak ng luha ni Erena. "Gustong gusto ko kapag tinatawag mo ang pangalan ko, gustong gusto ko kapag nakikita ka, kapag alam kong hinahanap mo ako." Kinagat niya ang labi para pigilan ang sariling pagluha. "Iba ang saya na nararamdaman ko sa tuwing tinatanggap mo lahat ng bagay na naibibigay ko, sa kaya ko lang, na nakikita kong ginagamit mo, inaalagaan mo... at higit sa lahat gustong gusto ko kung gaano ka makitungo kahit pa sa mga taong nahusgahan ka na, nagawan ka ng mali... na kaya mong magpatawad at magbigay ng pagkakataon sa kabila niyon." Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Erena. "Ganoon ka kaganda." Nagtama ang mata nila nang hawakan din ni Erena ang magkabila niyang kamay sa pisngi nito. "At hindi na ako natatakot kung lalalim man ang nararamdaman ko... kung umabot man 'to sa pagmamahal mas magiging masaya pa ako." Hinapit niya si Erena at mariin na niyakap. Pakiramdam niya ay nanlalambot ang tuhod niya nang marinig ang paghagulhol nito. Napangiti na lang siya. Ganito ito ka-inosente, na hindi alam kung anong emosiyon ang ilalabas, naidaan sa iyak. Nang kumalma si Erena ay 'tsaka niya kinuha sa bulsa niya ang kuwintas. "Ito muna ang regalo ko para sa'yo... pero sa oras na makalabas tayo rito, ipapasiyal kita at bibilhan ng bagong kuwintas." Namilog ang mga mata ni Erena. "I-ibibigay mo sa akin iyan?" Taka siyang tumango. "Oo naman, bakit?" Ang cute talaga. Bakit kahit sa ganito lang ay mukha na itong masaya? Itong ito ang tinutukoy niya. Umiling ito, pero mukhang may gusto talagang sabihin. "Sabihin mo na," pilit niya. "E-eh... gusto ko sana ng kuwintas na kaparehas niyan dahil nakita ko sa'yo, hindi ko alam na ibibigay mo sa akin!" Natawa siya, napapailing na sinuot iyon kay Erena at matagumpay niyang nagawa iyon. Ngayon ay sa nagniningning na mga mata ay hindi iyon malubayan ng paningin ni Erena, nagtatatalon pa ito. "Ang ganda, Skyler!" Nakapamulsa niyang ginulo ang buhok nito, ngunit hindi siya nakontento. Ibinaba niya ang mukha niya para magkapantay sila. Naramdaman niya ang gulat ni Erena, pero tila hinanda rin ang sarili nito sa maaari niyang gawin. Inilapit niya ang labi niya sa labi nito, marahang hinalikan iyon. Sandali lamang, tila dampi, pero kontento na siya. "Puwede ba kitang ligawan?" Muling nanlaki ang mata nito. "Liligawan kita," ulit niya. "Halika nga." Muli niya itong kinabig at niyakap. Dumapo pa ang paningin niya sa mga kakambal nito na dumadapo sa kamay niya. Naalala niya ang bagay na tinanong sa kaniya ni John, na kung ayos lang ba sa kaniya na manirahan sa kagubatang ito buong buhay niya para lang makasama si Erena, na hindi niya nasagot. Ngayon alam niya na ang sagot. Sa gubat na ito, gusto niyang tumanda kasama si Erena. Kahit habang buhay, basta mananatiling ligtas ito kasama niya. MULA sa pagkakayakap ni Skyler, mas hinigpitan ni Erena ang pagkakayakap dito habang mas lumalakas ang t***k ng puso niya sanhi ng halo-halong nararamdaman; saya, takot at kaba. Sana ay may oras pa. Sana ay sapat ang oras na ito. Muling pumasok sa utak niya ang nangyari bago siya makarating rito nang tumakas siya mula sa mansiyon. Hinila siya ng isang pamilyar na lalaki, naging maagap ang pagtakip nito sa bibig niya nang isandal siya sa pader ng bakod ng mansiyon, tila sinadya siyang abangan. "Tangina, totoo ka nga!" Nagsimula nang mamuo ang mga luha niya noong minutong iyon, pero sa pagbuhos niya ng lakas niya ay nagawa niyang makawala, tatakbo na sana. "Hindi mo kailangang matakot, babaeng ahas. Kinumpirma ko lang. Ang sabi naman sa akin ay hindi ka mapanganib kaya wala akong gagawing masama sa'yo. Isa pa, ang gusto ko ay maging paborito ng Tatay mo at dahil mabait pa ako sa lagay na 'to, gawin mo na lahat ng gusto mong gawin, dahil malapit nang dumating ang araw na makikilala ka ng lahat... pagpipiyestahan ka, binibini." Nagpatuloy siya sa pagtakbo habang nagsusunod sunod ang pagpatak ng luha niya bago niya ikinalma ang sarili. Sino ang lalaking iyon... At ano ang ibig sabihin nito? Bagama't nagtataka ay sinunod niya ang sinabi nito. At nang makita niya si Skyler na narito, pagod na pagod, malungkot ang mga mata ay kusang lumambot ang puso niya kasabay ng pagpasok ng mga sinabi ng lalaki kanina. At may pagsisisi sa kaniya na sana... hindi na siya nagmatigas. Bakit kung sino pa ang nanahimik iyon pa ang mas ginugulo ng taong walang mga puso? Na puro kapangyarihan at papuri lamang ang nais?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD