TININGNAN NG BINATA ANG COLORING BOOK NA GALING PA SA KABABATA NIYA. Babae, kakaiba at hindi gaya ng mga tipikal na mga batang babae, pero mabuti ang kalooban—bagay na nagustuhan niya rito.
Malapit na silang magkita. Balak niya nang umuwi magtapos lamang ang klase niya sa ibang bansa.
Hindi naman na mahirap para sa kaniya ang bumiyahe galing America pabalik sa Pilipinas.
Nang mag-college kasi siya ay nagpasya ang parents niya na sa ibang bansa na siya pag-aralin, sumang-ayon naman siya dahil maganda ang edukasiyon sa ibang bansa, kahit na hirap din siyang umalis ng mga panahong iyon dahil sa iisang rason.
Paano ang kababata niya?
Tuluyan na itong mawawalan ng kaibigan kapag nawala pa siya.
"Don't worry, Erena. I'll be back."
Isang matamis na ngiti ang pinakawalan niya bago isarado ang bintana sa kaniyang condo.
NAPATAYO SI ERENA MATAPOS MARINIG ANG YABAG NG MGA PAA, nagmamadali iyon. Mula sa hagdanan paakyat sa first floor galing basement ay huminto siya para silipin kung sino iyon.
Ang kanang-kamay ng kaniya ama.
"Commander!" Puno nang pag-aalala ang boses nito. "Si Liu, m-mukhang nangyayari na ang ikinakatakot natin!"
Bumakas ang gulat at pamumuo ng pag-aalala sa mukha nito habang napaisip.
"Kailangan nating mapuntahan ang batang iyon." Lumingon ang daddy niya sa gawi niya.
Agad siyang napatago at napabalik sa loob ng basement. Alam niyang sinigurado lang nitong hindi niya maririnig ang pinag-usapan ng mga ito dahil alam na hindi siya magdadalawang-isip na sumunod.
At ngayon ay talagang gagawin niya iyon.
"Tara na," mahinang anunsiyo nito.
Skyler.
Marahan niyang dinala ang mga kamay sa ibabaw ng kaniyang dibdib. Malakas ang t***k niyon, puno ng takot at pag-aalala.
Hindi maaaring pabayaan niya lang na makarating sa kaniya ang balita kung maayos ba si Skyler ngayon o hindi, dahil hindi siya mapapakali hangga't hindi niya mismo ito nakikita.
Ngayon ay maingat siyang lumabas sa mansiyon gamit ang pintuan sa likuran ng mansiyon.
"Erena!"
Naudlot pa siya sa pagtakbo.
Si Manang Tessing! Nahuli siya.
Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay titigil na siya.
"Babalik po ako!" Matapos sabihin iyon ay binilisan niya ang pagtakbo. Nagsimulang mag-ingay at gumalaw ang mga kakambal niya na nararamdaman din ang takot niya. "Huwag ngayon, pakiusap."
Pinunasan niya ang namamasang mga mata dala ng kaba.
"Sigurado ka bang dito, Santos?"
"Oo, Commander!"
Naabutan niya na ang daddy niya at kanang-kamay nito.
"Dito ko siya iniwan bago kita tawagin, Commander. Ang sabi ko ay hihingi lang ako ng tulong at huwag na huwag siyang aalis pero..."
"Hindi kaya, kinuha?" anang daddy niya.
Napatango siya sa katawan ng puno nang lumingon ito kay Santos na nasa likuran nito.
Napaisip siya.
Kinuha?
Mariin siyang napapikit. Hindi maaari.
NAMALAYAN NA LANG NI SKYLER NA NAKATULOG siya nang magising mula sa mahihinang tapik at boses na pamilyar sa kaniya.
Nang unti-unti niyang imulat ang mga mata niya, malabo pa iyon bago luminaw.
At tama siya, pamilyar nga ang boses. Iyon ay ang kanang-kamay ni Commander na si Santos.
"Liu, anong nangyari sa 'yo?" tanong nito.
Samantalang, hindi siya makapagsalita dahil wala pa rin sa wisyo.
Sinubukan siya nitong buhatin pero hindi siya kinaya nito.
"Sino naman kayang may pakana..." Nahinto ito sa sanang sasabihin nang tila may mapagtanto. "Huwag kang aalis dito, Liu. Tatawagin ko lang si Commander."
Pinakinggan niya ang paglalaho ng tunog ng mga yapak nito na nagmumula sa mga tuyong dahon at sanga na nagkalat sa lupa.
Pinagmasdan niya ang maliwanag na buwan. Mabuti na lang na hindi iyon natatakpan ng mga dahon ng puno sa paligid niya at nagkaroon siya ng karangalan na pagmasdan ang perpektong hugis niyon.
At muli niyang naalala ang unang beses na pinatunayan sa kaniya ni Erena na hindi siya dapat matakot rito. Kung paanong humanay ang mga kakambal nitong ahas sa likuran nito na tila pumapatong sa bilog na buwan.
Talagang mahiwaga.
"Ah..." Impit siyang napaingit nang pilitin niyang umupo. Nabugbog masyado ang bandang tiyan niya kaya nang magdesisyon siyang kumilos ay talagang nahirapan siya.
Ilang segundo ang itinagal niyon pero nagawa niya.
Gamit ang paghawak sa bawat katawan ng mga puno sa kagubatan ay nagawa niyang makausad.
Kailangan niyang masigurado na hindi naghihintay si Erena sa lugar nilang dalawa.
At maraming salamat sa maliwanag na sinag ng buwan at may nagsisilbing liwanag sa daraanan niya.
Ilang hakbang na lang ay naririnig niya na ang rumaragasang tubig sa talon. Narito na siya at pinagmamasdan sa pinakamagandang puwesto ang buwan na tila nakalutang sa ibabaw ng talon.
Kasabay ng pagsuyod niya sa paligid para makita ang hinahanap ay siyang pag-ilaw ng mga alitaptap sa paligid.
Wala si Erena roon.
Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa na hindi niya ito napaghintay o malungkot dahil hindi niya ito nakita ngayong araw.
Naiintindihan niya naman na para iyon sa kaligtasan ni Erena.
"Marami pa namang susunod," ibinulong niya sa sarili.
Marahan siyang naupo at sumandal sa malaking bato na naroon. Mukhang pagmamasdan niya na lang ang tanawing ito hanggang sa manawa siya.
Doon na tuluyang binawi ang lakas niya na pinilit niya lang na makuha makapunta lang dito.
Unti-unti rin ay muli siyang nanghihina.
Nang muntik niya nang ipikit ang mga talukap ng kaniyang mga mata, isang malabong imahe ang tumambad sa harapan niya.
Babae iyon at maikli ang buhok.
"E-erena," tawag niya.
Pakiramdam niya ay nananaginip lamang siya kahit nakumpirma niya nang si Erena nga iyon.
Pagkasabi niya niyon ay agad nitong hinaplos ang magkabila niyang pisngi.
"Anong nangyari sa 'yo, Skyler?"
Sa kabila nang pag-aalala nito ay nagawa niya pang ngumiti. Ayaw niyang isipin ni Erena na kasalanan nito kung bakit siya napalapit sa Commander at kung bakit siya pinag-iinitan ngayon ng ilan sa mga kasamahan sa kampo.
Napailing siya at wala ng lakas para magsalita.
"Sino ang may gawa nito?" tanong ni Erena.
Nilagay niya ang palad sa ibabaw ng kamay ni Erena at marahang pinisil iyon para pakalmahin.
Nang may mapagtanto ay bumakas ang gulat sa mga mata niya.
Anong ginagawa ni Erena rito?
Akala niya, hindi na ito pupunta.
"U-umuwi ka na," sa nahihirapang pananalita ay sinabi ni Skyler.
Ngunit ganoon din kabilis na umiling si Erena. "Dadalhin kita sa mansiyon, Skyler. Ipagagamot kita kay Manang Tessing."
Napangiti siya sa nakitang kainosentehan sa mga mata ni Erena.
"A-ayos lang ako. Ano ka ba? Malayo ito sa organs."
"P-pero..." Naroon na ang pagtutol sa boses nito nang makarinig sila ng mga kaluskos at bulungan.
"E, gago ka!" sigurado siyang si Travis iyon. "Hindi mo naman sinabi na may mansiyon si Commander dito! Paano kung doon pumunta ang pabibo na 'yon, ha?"
"Ngayon ko lang nalaman! Hanapin na lang natin imbis na nagtatalo tayo!" anang isa pa.
Awtomatikong nagtama ang mga mata nila. Naroon na ang pangamba sa ekspresiyon ni Erena.
Ngunit hindi man siya makakilos nang maayos ay sinisigurado niyang ilalayo niya si Erena rito.
"S-skyler palapit na sila," ani Erena.
"Shh..." Nilagay niya ang hintuturo sa labi nito. "S-sumunod ka muna sa akin."
"Sky..." Inalalayan siya ni Erena sa pagtayo at sumunod din sa bawat lakad niya.
May hangganan ang bawat sulok ng kinatatayuan nila. Palapit na ang mga hakbang, ang mga boses na nagsisisihan at ang mga lente na hawak ng mga ito.
Ang tanging daan lamang ay ang daan na tinatahak ngayon nina Travis.
"Gaano kalalim ang tubig?"
Umawang ang labi ni Erena sa itinanong niya, pero ipinakita niyang seryoso siya roon.
"Malalim..." Humigpit ang pagkapit nito sa kaniya. "A-anong binabalak mo, Skyler?"
"Tatalon tayo."
Ngayon naman ay naramdaman niya kung paanong lumuwag ang paghawak sa kaniya ni Erena kasabay nang pagsulyap nito sa likuran nila.
"Kung hindi tayo tatalon, makikita ka nila."
"Pero, paano ka? Hindi maayos ang lagay mo, Skyler."
Mariin siyang napapikit nang hanggang dito ay siya pa rin pala ang inaalala nito.
Pero wala ng oras.
"Magtiwala ka sa 'kin," sabi niya.
At sa bawat paglapit ng mga hakbang ay mas tumatahip nang malakas ang puso niya.
Inaamin niyang natatakot din siya at hindi sigurado sa kahahantungan ng desisyon niya, pero kailangan niyang tatagan ang loob niya kahit na hinang-hina siya.
"Isa," bilang niya.
Humigpit ang kapit ni Erena sa kaniya.
"Dalawa."
Kasabay niyon ay ang pagpikit nito sa mga mata para mabawasan ang kaba.
"Tatlo!"
At tuluyan na nilang tinakbo ang agwat papunta sa bangin at tumalon patungo sa malalim na tubig ng talon sa kabila nang rumaragasang agos niyon, sa dilim ng kalangitan, lamig ng gabi, at liwanag ng buwan.