09 (Part 1)

1180 Words
NAHINTO SI ERENA NANG MABASAG ANG BASO nang matabig niya ito. Nagmamadali kasi siya, kahit na sinabi ni Skyler sa kaniya na huwag magmadali tuwing sasapit ang gabi para magkita sila. "Naku, Erena." Lumapit agad si Manang Tessing sa kaniya. "Baka naman masugatan ka niyan, magdahan-dahan ka." Umawang ang labi niya sa mga basag na piraso ng baso, matapos ay tiningnan ang orasan. Ala-sais na. Mukhang mauuna ulit siya kay Skyler, pero ayos lang naman iyon sa kaniya dahil alam niya ang buhay na mayroon ang mga gaya ng mga ito na pagod sa ensayo. "Umuwi na po ba si Daddy?" Dinaluhan niya si Manang Tessing para tumulong, pero mahina lang nito na tinapik ang kamay niya. "Ako na rito, mag-iingat ka sa susunod. At ang Daddy mo, pauwi na rin siguro." Pinaglapat niya ang kaniyang labi. "Puwede pasabi na lang kay Daddy na aalis na ako, Manang? Baka naghihintay na si Skyler, e!" "Sinasabi ko na nga ba! Nagmamadali ka na naman! Ang lalaki dapat ang nauuna sa tagpuan—" Hindi niya na pinakinggan ang sinasabi nito dahil talagang atat na siyang umalis. Nakakahiya pa rin kung mauuna si Skyler para sa kaniya, kahit pa sinabi nitong maghihintay ito palagi. Nakangiti niyang sinuot ang bota na ibinigay ni Skyler sa kaniya at siyempre, hindi niya kalilimutan ang lente nito. Ilang beses niya pang kinulit ang ama niya para ibili siya ng baterya niyon nang maubusan bago siya nito ibili sa bayan. Minsan lang naman siya humiling kaya pinagbigyan na. "Aalis na po ako!" anunsiyo niya. Masaya siyang nagpalundag-lundag palayo sa mansiyon, ngunit hindi pa man siya nakalalayo ay natanaw niya na ang daddy niya, dahilan para mapahinto siya. Tiningala niya ito dahil sa katangkaran. Hinuha niya ay mukhang pagod ito sa pag-e-ensayo sa mga trainee. Ano naman kayang ginawa ng mga ito sa kampo? "Erena." Inagaw nito ang paningin niya nang mapansin siguro na panay ang pagsulyap niya sa likuran nito. "Hindi ka muna lalabas ng mansiyon." Umawang ang labi niya sa narinig. Hindi iyon agad na rumehistro sa kaniya. Nagawa niya pang tingnan ang liblib na kagubatan sa likuran nito. Nag-ingay ang mga kakambal niya, nararamdaman din ang kaniyang pagtutol. "P-pero maghihintay po sa akin si Skyler, Daddy." Tumikhim ito. "Nasabi ko na ito sa kaniya." Nagbaba siya ng paningin. Kung ganoon, hindi muna sila magkikita? Mga ilang araw kaya? Isa? Dalawa? Kapag sobra pa roon, mukhang hindi niya kaya. "S-sigurado po bang nasabi ninyo, Daddy?" ulit niya nang hindi makontento. "Maiintindihan iyon ni Skyler, dahil para ito sa kapakanan mo. Kaya sana, intindihin mo ring hindi ako naghihigpit at hindi ko hinahadlangan ang pagkakaibigan ninyo. Ito ay para sa kapakanan mo lang." Bumilis ang paghinga niya at pinigilan ang pagdaloy ng kaniyang emosyon. Kahit na napaliwanag na ng daddy niya, naroon pa rin ang kagustuhan niyang umalis para puntahan ito. Para saan pa ang pagkasabik niya kanina kung hindi sila magkikita? Nang hindi siya kumibo ay kusa na siyang inakay ng daddy niya sa balikat para sabay silang pumasok sa loob ng gate, pero hindi niya rin maiwasan ang lumingon. At oo, wala na siyang magagawa kapag ang hadlang ay ang takot na makita siya ng mga taong hindi alam na buhay ang isang gaya niya, lalong-lalo na ang mga tao na naniniwala sa mga haka-haka tungkol sa babaeng ahas. "Oh? Bumalik ka?" Dala ni Manang Tessing ang dustpan na ginamit na panghakot sa mga basag na baso kanina nang salubugin sila nito. Nakatungo niyang nilagpasan ito, narinig niya pa ang pagtatanong nito sa daddy niya at ang pagpapaliwanag nito. Minsan na nga lang siya magkaroon ng taong tatanggap sa kaniya—ng kaibigan—palagi pang may limitasiyon. Parang si Louie lang. Kumusta na kaya si Louie ngayon? Dalawang taon din noong huli itong magpaalam sa kaniya para roon na mag-aral sa ibang bansa. Tingin niya ay magkasing-edad lang si Louie at Skyler. At sa parehas na tao, ang pakiramdam niya ay nakababatang kapatid na babae ang turing ng dalawa sa kaniya. "Sayang naman, ipapakita ko pa naman kay Skyler ang bago kong hikaw," bulong niya sa sarili. Umupo siya sa sofa ng basement kung saan sila naroon ni Skyler kagabi. Niyakap niya ang kaniyang tuhod at marahang kinapa ang bagong butas na tainga. Literal pang nagwala ang mga kakambal niyang ahas nang masaktan siya. Ang totoo ay bata pa lang noong sinubukan siyang hikawan ni Manang Tessing. Nagulat nga ito nang kusa siyang lumapit para sabihing gusto niyang magpalagay ng hikaw. Nakita niya kasi iyon sa palabas at maganda ang babae na nakasuot ang hikaw. "Magagandahan kaya siya?" Wala sa sarili niyang naitanong sa sarili. Samantalang, mula sa bintana sa itaas ng sofa ay makikita ang bilog na buwan. Kung saan, natatanaw rin ito ng binata na nasa kampo. WALANG KASIGURADUHAN KUNG NASABI NA BA NG COMMANDER kay Erena na hindi muna sila dapat na magkita ni Skyler, pero paano kung nauna si Erena sa may talon ay hinihintay na siya? Hinding-hindi siya matatahimik hangga't hindi nakikita kung naroon ba talaga ito o wala. Hindi siya mapapakali hangga't hindi nakukumpirma kahit hindi niya na malaman kung alin ba sa katawan niya ang masakit dahil halos lahat yata ay kumikirot, dahilan ng bugbog na natanggap niya. "Napagod lang ako sa walang kuwenta." Dumura sa gilid niya ang isa sa mga kasamahan ni Travis. Tinapik lang ni Travis ang dalawa at pinaalis matapos utusan na bugbugin siya. "Ang usapan, ha? Kapag may tinanong, hinding-hindi kayo aamin?" Paninigurado pa nito. "Matik, ayaw ko ng one-thousand push ups." Nagawa pang magtawanan ng tatlo bago sumibat. Nagsalita lang si Travis nang naglaho na ang dalawa sa paningin nila. Lumuhod pa ito para yata mas marinig niya ang sasabihin nito. "Alam kong tinatanong mo na sa sarili mo kung bakit ka namin binugbog." Sandali pa itong huminto at tila tiningnan ang paligid para makasigurado. "Inutusan lang naman ako, pero gusto ko ring gawin kasi medyo nakakapuwing ka na, Liu." Gusto niya na lang mapaismid kahit na hindi niya na maigalaw nang maayos ang talukap niyang nasama sa napuruhan dahil sa pagpapaligoy-)igoy nito. "E, hindi ka naman magsusumbong. Kasi automatic, madaramay ka rin." Natatawa siyang napangisi. Agad na hinila ni Travis ang damit niya, napikon marahil sa ginawa niya. "Anong nakakatawa?" "T-tingin mo ba..." Pinilit niyang magsalita. "Mapaparusahan ako kahit na hindi ako lumaban? Ako lang ang may g-galos, pareparehas kayong wala." Akma sana siyang sasapakin nito nang marahas na lang siyang bitawan. Napuno agad ng pagsisi ang mukha nito nang makuha ang punto niya. "Kinabukasan, siguraduhin mong iisipin mo na lahat nang puwede mong idahilan kapag tinanong ka ni Commander. Dahil sa oras na magsumbong ka, idaramay ko ang kaibigan mo." Tatayo na sana siya sa galit nang maisip niya si Erena kundi lang nito sinundan ang sinabi. "Lalampa-lampa 'yang si John, mas madali takutin." Hindi niya alam kung dapat bang magpasalamat siya na si John lang ang kilala nitong kaibigan niya rito—o dapat na hindi pa rin siya mapanatag dahil hindi imposibleng alamin nila ang tungkol kay Erena, para mas may matibay na panamang maibato sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD