MABIGAT ang loob ni Skyler nang lisanin ang kampo. Hindi niya gustong piliin na dumalo, pero kailangan. Kilala niya ang ugali ng pamilya ni Catalina, lalo na ang Governor. Iyon ang hindi maintindihan ng Mama niya, pero siya naman ang dahilan kung bakit nangyayari ang mga ito, kaya siya lang din ang kailangan kumilos.
"Babalik ako..." anang niya sa sarili.
Gagawin niya ang lahat para makahabol, para mapatunayan kay Erena na hindi totoong mas pinili niya si Catalina.
"Sigurado ka?" si John.
Nawala pa sa isip niya na kasama niya nga pala ito.
Hindi siya nakasagot.
"Ingat na lang, Sky." Tinapik pa nito ang balikat niya bago siya pinagsaraduhan ng pintuan ng sasakyan na pinahiram lang sa kaniya ng Commander.
Naalala niya tuloy ang nangyari kagabi nang manghiram siya ng gitara rito. Sinabihan pa siya nito na galingan niya, pero nauwi lang sa pantataboy sa kaniya ni Erena. Masakit iyon, sobra, pero sa kabila niyon ay nagawa niya pa ring unawain si Erena.
Nakarating siya sa bahay nila. Doon muna siya dumaan para magpahinga ng ilang oras at para makapagpalit ng damit at maisabay si Claude at ang Mama niya na imbitado rin.
"Dapat ay guwapong-guwapo ka talaga ngayon!" anang pa ng Mama niya, inaayos ang necktie niya.
Napabuntong-hininga na lang siya.
Dahil nga mabait makitungo ang pamilya ni Catalina sa Mama niya, lalong-lalo na si Catalina kaya naman kuhang kuha nito ang loob ng Mama niya at botong-boto kay Catalina.
Kung kilala kaya nito si Erena... ang kalooban ni Erena, magugustuhan din kaya ng Mama niya ito?
"Ma..."
"Ano iyon?"
Kinakabahan siya. "May gusto rin akong ipakilala sa inyo-"
"Oh?" Eksakto pang nag-ring ang cellphone nito. "Malapit na raw mag-start sabi ni Catalina."
Napaiwas na lang siya ng paningin.
"Ano nga ang sinasabi mo kanina?"
Mabigat ang loob siyang napailing. "'Tsaka na lang po, Ma. Tara na."
Kahit habang nagmamaneho ay lumilipad pa rin ang utak niya. Ano na kayang nangyayari roon? Sana ay maging masaya si Erena, kahit iyon lang para sa kaarawan nito.
Ilang minuto lang ay nakarating na sila sa mansiyon ng Governor. Wala pa si Catalina, siyempre para sa grand entrance. Kaya naman ang nakikita niya pa lang ngayon ay ang mga bisita, ilan sa mga kaedad nila na may estado rin sa buhay at karamihan, kung hindi mga nasa politiko ay mga mayayamang businessman o businesswoman.
"Skyler! Sinasabi ko na nga bang pupunta ka!" Niyakap at tinapik pa nito ang likuran niya, tila talagang natutuwa na makita siya.
"Tamang-tama!"
"Magandang gabi, Governor."
Sandali lang ang batiang iyon dahil sunod na bumati ang Governor sa Mama niya, sandaling kinumusta ang kalagayan ni Claude at iyon na naman ang Mama niyang lubos kung magpasalamat. Hindi bagay sa okasiyon ngayon, pero sa susunod ay bubuksan niya rin ang usapang iyon para sabihing babayaran niya ang hiniram na pera ng Mama niya.
"Salamat naman at nandito ka na pala!" Sumulpot sa gilid niya si Korina, ayos na ayos rin ito, tila talagang binagayan ang okasiyon ngayon. "Hinahanap ka na ni Catalina, nagmamaktol na. Naroon siya sa kuwarto niya."
Kailan ba matututo si Catalina na hindi ipagmaktol ang mga ganito kaliit na bagay?
"Kung puwede lang sana... puntahan mo siya?"
Napapikit na lang siya bago nagtuloy sa kuwarto ni Catalina.
Nilingon niya si Korina nang buksan niya ang pintuan.
"Nako, ikaw na lang ang pumasok. Dito lang ako sa labas, ikaw naman ang hanap."
Nagtagal pa ang paningin niya rito bago nagpasiyang pumasok.
"Ano ba? I said, mamaya mo na ako make-up-an!" si Catalina iyon.
Nakatalikod si Catalina sa pintuan kaya siguro hindi napansin ang pagpasok niya. Mukhang heto na naman, masasaksihan niya na naman ang ganitong ugali ni Catalina.
"Ma'am, pasensiya na. Malapit na po kasing mag-start, dapat naayusan na namin kayo. Baka kami naman ang mapagalitan." Sa gilid naman ni Catalina na nakaharap sa vanity mirror ay naroon ang dalawang stylist.
"Just get out-"
"Catalina." Naudlot ang pagsigaw ni Catalina nang magsalita siya.
"S-sky..." Tila ba nabuhayan ito at naging maamong tupa nang makita siya. "You came..."
Nag-iwas siya ng paningin bago lumapit. "Magpaayos ka na, naghihintay na ang mga bisita."
Ngumuso pa ito, tila inosente. "Ayusan niyo na po ako."
Nagkatinginan pa ang dalawang stylist sa biglaang pag-amo at paggalang ni Catalina.
"Sige na, ayusan niyo na siya. Pasensiya na."
Tumango sa kaniya ang dalawa bago nagsimulang ayusan si Catalina na nasa kaniya lang ang paningin.
"It's my 19th birthday already, but I still requested the organizer for us to have time to dance!" bakas ang pagkasabik sa boses nito.
"Gaya nung debut ko!"
Naiilang pang dumapo sa kaniya ang paningin ng dalawang stylist. Napabuntong-hininga na lang siya at nakapamulsang sumandal sa pader, hinihintay na matapos si Catalina.
"May important announcement mamaya! I thought, hindi na rin matutuloy kasi wala ka pa, but you are here and I am so happy!"
Tinignan niya ang relong suot. Alasais na. Anong oras kaya matatapos ang party na ito?
"My gown is color blue, kasi naisip ko, paboritong color mo ito."
Pang-ilang buntong-hininga niya na ba ito?
Mabuti na lang at hindi niya na kailangang magkomento dahil pumasok na mula sa pintuan ang organizer kasunod si Korina.
"Tapos na ba 'yan?" anang pa niyon sa stylist.
"Tapos na po, Ma'am."
"O siya, sige." Lumapit pa ito kay Catalina na kaagad na nag-project dito para makita nang maayos kung maganda ba ang ayos nito.
"Ito ba si Skyler?"
Sa kaniya naman ito sunod na lumapit, tinignan pa siya mula ulo hanggang paa.
"Guwapo pala ito, Cat. Skyler, i-escort mo palabas ng venue si Catalina, okay?"
Tumango na lang siya at naglahad ng kamay kay Catalina. Kaagad naman itong umagkla sa braso niya, halos mauna pa sa paglalakad hanggang sa marating na nila ang malawak na ballroom ng mga ito kung saan naroon ang venue.
"Hello po!" At siyempre, bilang escort ni Catalina, hindi niya ito puwedeng iwanan. Kaya naman bawat bisita na batiin nito ay nakasunod siya para maalalayan ito. Natapos lang iyon nang kailangan nang magpasalamat ni Catalina sa gitna ng venue para sa pangkalahatan.
Halos lahat ng sinabi nito ay nasabi na rin nito noong nakaraang kaarawan lang nito.
"And I'll always thank this man beside me for being with me on my birthday for four consecutive years."
Nagpalakpalak ang mga bisita habang nakangiti at nakatingin sa kaniya, mas malakas pa ang palakpak ng Mama niya sa mga ito, samantalang tahimik lang si Claude.
"Dad." Nakangiti ring pinasa ni Catalina ang mikropono sa Governor.
"I am really happy that we are able to raise Catalina as a fine young woman and, as a nineteen-year-old lady, I can finally allow her and Skyler to upgrade their relationship. Alam niyo, noong una pa lang na ipakilala sa akin ni Catalina si Skyler ay nagustuhan ko na ang batang ito."
Umawang ang labi niya. Anong pinagsasabi ng mga ito?
"To those who don't know, Skyler is now training to serve our country, like what I am doing right now!" Halos hindi na pumapasok sa utak niya ang sinasabi ng Governor dahil pakiramdam niiya ay nabingi siya.
Umangkla sa braso niya si Catalina, ngumiti na para ang wala lang dito ang reaksiyon niya, kahit na halata ang pagdisgusto niya sa mga nangyayari.
"Smile, Sky!" bulong pa nito, pero imbis na ngumiti ay mas sumama pa ang mukha niya.
Tangina. Hindi siya puwedeng umalis, tumutol, dahil siguradong kung ano mang gawin niya ay madadamay ang Nanay niya at ang kapatid niya.
Paano pa siya makakaalis? Paano siya makakabalik...
HINDI makapaniwala si John na inimbitahan siya ng Commander para sa kaarawan ni Erena. Masaya siya, pero nang maalala niyang wala si Skyler ay nalungkot din siya. Ngayon kasi ay tumutulong siya sa pagdidisenyo ng garden nila Erena.
Para naman hindi magtaka ang mga naiwan sa kampo, idinahilan na lang ng Commander sa mga ito na kailangan siya nito. Restricted area rin ang mansiyon mula sa kanila, kaya naman wala ring nagtatangka na magpunta, iyon ay matapos malaman ng mga ito na may mansiyon pala rito ang Commander.
"Really?" Nang makalapit siya ay narinig niya ang usapan ng Commander at Louie. "The Governor wants to buy this property? What is he gonna do with this? Nasa gitna ng kagubatan ang mansiyong ito."
"Iyon na nga rin ang naiisip ko... hinding-hindi ko ito ipagbibili, pero kilala ko ang Governor. Maaaring gumawa ito ng hakbang sa ginawa kong pagtanggi. Natatakot ako para kay Erena."
"I can always help, Tito."
Umawang ang labi niya at hinanap ng paningin si Erena na nakaupo patalikod sa bench ng garden, malayo mula sa kanila, pero matatanaw pa rin naman mula sa puwesto nila.
Hindi kaya... may alam ang Governor tungkol kay Erena?
"You are listening."
Halos mapatalon siya nang sumulpot si Louie. Nakapamulsa itong sumandal sa haligi ng mansiyon.
Nakanguso naman siyang nag-iwas ng paningin. "Magtatanong sana ako kung may balloon pa sa loob."
Nakangisi itong tumango sa kaniya. "Bakit naisipan mong maging sundalo?"
Nagsalubong ang kilay niya sa tanong nito. Bakit biglang napunta sa kaniya?
"Gusto ko lang." Naiilang siyang ngumiti, lalagpasan na sana ito nang hatakin pabalik ang braso niya.
Sila na lang ang pala ang naiwan doon.
"Sandali, what's your name again?"
Kahit nagtataka pa rin ay sumagot na lang siya. "John."
Tumango tango ito, tila may iniisip. "Okay, John. What do you prefer the most?"
"H-ha?" Hindi niya alam kung bakit kinakabahan siya nang ganito ngayon.
"Girls... or perhaps... boys?"
ININGATAN niya ang kilos habang umuusad ang party ni Catalina, pero ngayong tapos na may karapatan naman na siguro siyang umalma, hindi ba?
"Ma, pumasok na kayo sa sasakyan, iuuwi ko na kayo."
Kahit naguguluhan pa ay sumunod na lang ang Mama niya.
Busy pa ang Governor sa mga bisita na unti-unti na ring nagsisipag-alisan kaya naman si Catalina at Korina lang ang nasa harapan niya ngayon.
"Aalis ka na ba talaga, Skyler? Please, stay here muna." Kumapit pa sa braso niya si Catalina.
Alas diyes na ng gabi, anong oras na siyang makakabalik sa kampo.
"Kailangan ko ng bumalik," anang niya.
"H-ha?" Talagang naroon ang pagtutol sa mukha nito. "But..."
"Gabi na, ah?" si Korina. "At mukhang masama rin ang panahon."
Hindi niya ito sinagot. Wala siyang pakialam. Ang mahalaga ay makabalik siya sa kampo... at umabot siya.
"I'll talk to Dad. Baka puwede niyang kausapin ang commander-in-chief niyo na mag-extend ka pa kahit hanggang bukas-"
"Tigilan mo na 'to, Catalina."
"S-sky..." Tila natatawa pa ito sa pagkabigla nang magseryoso na siya, nang ipakita niyang hindi na siya natutuwa.
"Tigilan mo na ang pagpilit sa mga bagay na ikaw lang naman ang may gusto."
Nagtubig ang mga mata nito. Kaagad namang inalalayan ni Korina ang alaga.
"What... are you saying? We helped you at every chance that we could-"
Mariin siyang napapikit. "Lahat ng 'yon, ipinagpapasalamat ko, pero alam mo ring hindi ko hiniling iyon. Kung iyon man ang ihahabol mo sa akin, babayaran ko lahat-"
"That's not the issue here!" Nagtaas na ng boses si Catalina. "You know I liked you!"
"Catalina, kumalma ka," sinubukan pa itong sawayin ni Korina.
"No!" Matapos kumawala sa pagkakahawak ni Korina ay muli itong bumaling sa kaniya.
"I did everything for you to like me! Wala kang utang na loob!"
Tinanggap niya ang sampal ni Catalina, sa lakas niyon ay tumagilid ang mukha niya.
"I don't know why you still don't like me!" sigaw pa nito.
"Anak... pakiusap naman," pagmamakaawa pa ni Korina.
Nasa tagong parte sila ng mansiyon, pero kung lalakas ang boses ng kung sino man sa kanila, malalaman ng mga ito kung ano ang nangyayari.
"Kasalanan mo kung bakit kita nagustuhan!" Dinuro nito ang dibdib niya nang paulit ulit, bawat salitang bigkasin nito. "Kung hindi mo ako tinulungan, kung hindi ka nagbait baitan! Kasalanan ko bang wala pang gumagawa sa akin n'on? Na sa'yo ko unang naranasan, that's why I became like this! I don't want to be like this also, but you! You are too damn hard to dislike!"
Sinalo niya ang kamay ni Catalina. "I'm sorry."
Aaminin niyang tumagos sa kaniya ang sinabi ni Catalina at nauunawaan niya ito sa parteng iyon, pero hindi, e. Hindi ito ang tamang oras para hayaan niyang mangibabaw ang guilt niya.
"Bakit mo kasi ako tinulungan!" Hindi na nito napigilan ang paghagulhol.
Tinignan pa siya nang masama ni Korina bago sinubukang saluhin si Catalina nang mapaupo ito sa sahig ng hallway.
Kuyom ang kamao siyang naupo para magkapantay sila.
"Tahan na," anang niya.
Pupunasan pa sana niya ang luha ni Catalina nang yakapin siya nito.
"P-please... please, Sky... gustuhin mo rin ako.." At tuluyan na itong humagulhol sa dibdib niya samantalang tila naestatwa siya.
Bakit kailangang maging mahirap ng mga bagay-bagay sa paligid niya? Bakit naging ganito kakomplikado?
Sorry, Erena...