NAIWAN si Skyler sa garden nang bumalik na sa party si Erena. Sa totoo lang ay pinag-iisipan niya pa kung tama ba ang sinabi niya kanina, pakiramdam niya kasi ay nagtunog makasarili siya kanina. Hindi niya na rin naman mababawi. Nasabi niya na, at papanindigan niya iyon. Babalik na sana siya roon nang biglaan na lamang sumulpot sa tabi niya si Dion, kagaya nang palagi ay magkakrus ang braso nito, parating galit sa mundo. "Nasabi mo na ba?" tanong nito. Oo, isa sa dahilan kung bakit niya sinabi iyon ay dahil inutos sa kaniya ni Dion. Kailangan nilang magkalapit ni Erena, para makuha niya ang loob nito, kagaya nang paliwanag ni Dion sa condo pa lang bago sila tumungo rito. May punto si Dion, pero may parte lang talaga sa puso niya na gustong mangyari iyon kahit na walang mag-utos. Gusto

