14

1973 Words
TINALIKURAN SIYA NI ERENA MATAPOS NANG SINABI niya. Hindi niya na napigilan ang sarili. Inunahan niya si Erena at hinarang para hindi na ito makalakad palayo. Agad naman nitong pinunasan ang mga mata. "Umiiyak ka," sabi niya. "Hindi." Tumagilid ito sa kaniya, akala siguro nito sa paraang iyon ay hindi niya na masasabing talagang umiiyak ito. "Wala ito." Inis siyang nag-iwas ng paningin nang makaramdaam ng kirot sa dibdib na ngayon niya lang naramdaman. Hindi siya pinagkatitiwalaan ni Erena para sabihin kung ano ang gumugulo sa isipan nito. "Puwede mo akong pagkatiwalaan, Erena." Nagtama ang paningin nila. Sa mga mata ni Erena ay naroon ang panibagong luha. "B-baka hinahanap na ako ni Daddy." Sa kabilang direksiyon ito dumaan at bawat lakad nito ay mas bumabagal. Naroon pa rin ang anyo na mukhang may iniinda. Agad niyang sinundan si Erena. "Anong problema?" Nanatili siya sa likuran ni Erena na hindi tumitigil sa paglalakad. "Umalis tayo nang maayos ka. Anong mali? Anong nangyari?" Ngunit wala siyang natanggap na sagot mula rito, kundi ang mas paghigpit ng pagyakap nito sa sarili na tila giniginaw. "Kung ano man ang iniisip mo..." Naudlot ang pagsasalita niya nang huminto si Erena, ngunit nanatili sa unahan nito ang paningin. "Bakit pakiramdam ko, ang hirap maging gaya ko?" Lumamlam ang mga mata niya nang tiningnan si Erena, nakatalikod man mula sa kaniya, alam niyang ngayon ay lumuluha na ito. Hindi ganito si Erena. Ang Erena na kilala niya, tanggap kung ano man ito. "E-erena," tawag niya. "Si Catalina, ang ganda-ganda niya, Skyler. Hindi ba puwedeng maging gaya niya na lang ako? Hindi ba puwedeng maging normal na lang din ako?" "Normal ka para sa akin, Erena—" "Hindi ko normal!" Nagsunod-sunod ang paghikbi ni Erena. Nanlambot siya nang makitang umaakto ng ganito si Erena. "Alam kong hindi ako normal na kahit gaano pa kamangmang ang tingin niyo sa akin hindi niyon mabubura ang katotohanan na tama sila. Tama ang mga tao na halimaw ako—" "Hindi ka halimaw!" Hinawakan niya ang magkabilang braso nito. "E-erena," puno ng pakiusap niyang tawag dito. "Hindi ka halimaw. Maganda ka at napakaganda, pero hanggang ngayon—" "Alam mo ba kung ano ka, Skyler?" Natigilan siya nang maramdaman ang galit ni Erena sa tono pa lang ng pananalita nito at sa matalim na titig sa kaniya. "Sinungaling ka." Walang habas na sinabi nito na ikinagulat niya. "Sinasabi mo lang iyan dahil naaawa ka sa akin. Sabihin mo nga, kung totoo ang sinasabi mo, bakit hindi mo ako gusto gaya nang pagkagusto ko sa 'yo? Bakit ang pag-amin ko tila binabalewala mo?" Nagtubig ang mga mata niya. Gusto niyang dipensahan ang sarili pero hindi niya magawa dahil sa pagkabigla. "Dahil hindi ako normal at hindi naman talaga ako maganda." Pinunasan nito ang mga luhang pumatak sa mga pisngi at pinigilan ang paghagulhol. "Masaya ako na naging magkaibigan tayo pero hindi ko kakayanin na habang nandito ka at habang magkasama tayo, puro awa lang ang nakikita ko sa mga mata mo. Maraming salamat, pero hindi ko kaya ang ganoon." Nasa gitna pa rin siya ng pagkabigla kaya naman nang talikuran siya ni Erena ay hindi niya ito agad na nagawang sundan. Masakit. Ganito pala kasakit na pagbintangan sa sariling nararamdaman na wala namang katotohanan. Akma siyang susunod rito, ngunit napahinto na agad siya nang bahagyang huminto at lumingon sa kaniya si Erena. "At pakiusap, huwag mo na akong susundan." Doon na naputol ang pag-asa niyang maaayos niya ang nangyari sa pagitan nila. Wala siyang magawa kundi ang panoorin itong maglakad palayo sa kaniya habang yakap ang sarili hanggang sa tuluyan na itong mawala sa paningin niya. Kuyom ang mga kamao niyang pinigilan ang pagtulo ng luha niya. Pakiramdam niya ay nabigo niya ang sarili. Duwag siya. Napakaduwag. Ngunit kasalanan pa rin ba niyang ayaw niyang magpadalos-dalos? Pero bakit ganito? Bakit pakiramdam niya rin ay mawawala na sa kaniya si Erena? At hindi niya gustong mangyari iyon dahil hindi niya kaya. Napapikit siya nang maramdaman ang patak ng ulan na tumama sa talukap niya. "Umuulan," bulong niya sa sarili. Naging hudyat iyon ng paghakbang niya na naging pagtakbo para hanapin si Erena, ngunit dahil din sa unti-unting paglakas ng buhos ng ulan ay mas lumalabo sa paningin niya ang paligid at mas lumalabo ang tsansang makita niya si Erena agad. Ngunit sa kabila niyon ay hindi siya tumigil. "Erena!" tawag niya. Ngunit hanggang sa mapagod na lang ang mga paa niya ay hindi na ito nakita ni Skyler. Halos kusa siyang natumba at napaupo sa basang lupa. Dinala niya ang magkabilang kamay sa kaniyang buhok at hinila iyon na tila ba sa paraang iyon ay mababawasan ang nararamdaman niyang pagsisisi. Namalayan niya na lang, umiiyak na siya at tumatangis kasabay nang paulit-ulit na pagpasok ng nangyari kanina sa isipan niya. Nasaktan niya si Erena. Nasaktan niya ito dahil sa pagiging duwag niya sa pagdipensa sa sarili. Kung sinabi niya lang sana na mali si Erena at mali lahat ng iniisip nito, kung sinabi niya lang sanang hindi niya binalewala ang pag-amin nito. "S-sky..." Punong-puno ng luha ang mga mata niya nang mag-angat ng paningin kay John. "A-anong nangyayari sa 'yo? Nasaan si Erena?" Imbis na sagutin ito ay mas lumala pa ang pag-iyak niya. Estupidong tingnan, tila siya bata, pero hindi niya na kayang pigilan. Masakit iyon, sobrang sakit. "Skyler..." Ibinaba ni John ang hawak na kapote para makasilong din siya pero basa na rin naman siya ng ulan at naagusan na ng tubig na naiipon sa lupa. "Ano ba kasing nangyayari?" "Kaya kong ipagtanggol ang kahit na sino, John. Pero k-kanina, bakit hindi ko nagawa para sa sarili ko?" Natawa siya na nauwi sa tawang miserable. Awang ang labi naman siyang sinapo ni John, naguguluhan. "H-hindi kita maintindihan, pero ilabas mo kung ano man iyan. N-nandito lang ako." Marahan nitong hinagod ang likuran niya na naging sanhi nang pagbalik niya sa pag-iyak. Hanggang sa tumila na lang ang ulan at naiwan sa tabi niya si John na hinintay na dumating ang oras na tumahan na siya, at sa awa ng Diyos ay nangyari naman. Nangyari dahil wala na rin naman siyang mailuluha. "Alam kong iniisip mong nakakahiya ang ginawa mong pag-iyak kanina kaya ako na ang magsasabi. Normal ang umiyak kahit na lalaki tayo." Tipid siyang ngumiti habang nakatingin sa kawalan. Pakiramdam niya ay hindi niya na rin kayang magsalita pa. Sandali pa siyang kinausap ni John bago siya nito napilit na umakyat sa kampo, ngunit kakaibang pakiramdam na agad ang naramdaman niya nang oras na makarating sila ni John doon. Ang mga tingin ng Commander nila ay hindi gaya ng parati. "Commander—" Naudlot ang kamay niya sa pagsaludo nang makatanggap siya nang malakas na sapak mula rito. "Commander." Agad namang umawat si Santos. Ngunit hindi ito nagpaawat at nagawa pa siyang kuwelyuhan. Sa likuran niya naman ay naging alerto si John pero wala rin namang magawa. At isa pa siya, ni hindi siya makaramdam ng kaba. Umugong ang bulungan mula sa mga kakampo niya na nagtipon na mula sa malayo. Nanatili namang tahimik lang na nakamasid ang mga senior nila. Nanginginig na nilapit ng Commander ang labi sa tainga niya para bumulong. "Huwag na huwag na kitang makikitang lalapit kay, Erena. Mapapatay kita." Pabato siya nitong binitawan na sa lakas ay napaupo pa siya sa lupa. Agad naman siyang dinaluhan ni John para tulungan. "Umuwi na muna tayo, Commander." Hinawakan ni Santos ang balikat nito. "Tara na po." Marahas na binawi ni Commander Chavez ang braso mula kay Santos bago inayos ang uniporme. Tiningnan pa siya nito nang nakamamatay na tingin bago naglakad palayo sa nag-uumapaw na galit. Dinampi niya ang hintuturo sa gilid ng labi para makita kung gaano karaming dugo ang tumulo roon. "Skyler..." tawag ni John sa kaniya ngunit umakto siyang parang wala lang ang lahat sa kaniya hanggang sa makapasok na siya sa loob ng tent niya. Nagpatuloy ang usapan tungkol doon sa kanilang kampo at naging halo-halo ang bawat suspetya. "Tingin mo, sinapak ka ni Commander dahil itinakas natin kanina si Erena?" sa tent niya nagpasyang matulog si John. Wala siyang ganang kumontra kaya naman hinayaan niya na lang ito. Nagpanggap na lamang siya na natutulog na kahit na hindi naman talaga para lamang tumahimik na si John. Hindi. Ang pagpapaiyak niya kay Erena ang pinakamatibay na rason doon. At tama lang iyon sa kaniya. Dapat lang sa kaniya. "Paano ka niyan bukas? Galit sa 'yo si Commander. Paano kung hindi ka makapag-ensayo nang maayos?" Mapait siyang napangiti. Mas ikinababahala pa niya ang banta ng Commander nila kaysa sa bagay na iyon. Tumayo siya, hindi na gaya dati na patago. Alam naman na nito ang lahat. Para saan pa? "Saan ka pupunta?" Pero siyempre, hindi mawawala ang tanong nito. Hindi siya nagsalita bagkus ay kinuha ang lente ni John at dumiretso palabas ng tent. "Narinig mo ang sinabi ni Commander kanina. Huwag mo nang ipahamak ang sarili mo—" Naudlot sa pagpigil si John nang makalabas silang pareho nang makita si Travis. Hawak nito ang isang stick ng sigarilyo malapit sa madalas nilang upuan na nakatumbang katawan ng puno. Ang paningin nito ay nasa kanila na tila inaabangan talaga siya. Pambihira. Kailan ba siya tatantanan nitro? "Sabi ko na nga ba." Naroon agad ang mapang-asar na anyo nito. "Saan ang lakad, Skyler? Routine?" Hindi siya nagsalita bagkus ay kinuyom ang mga kamao upang magpigil. "Nakabibilib, sinapak ni Commander ang paborito niya—" "Puwede ba, Travis." Umabante si John. Hinarang niya naman ang braso niya pero hindi niya rin ito napigilan sa ganoong paraan. "Puro ka sabi na paborito, ikaw na rin naman nagsabi na sinapak. Kung paborito ni Commander si Skyler, tingin mo sasapakin niya si Skyler?" "Maliban na lang kung may ginawa ang kaibigan mo na ikagagalit ni Commander?" Umupo roon si Travis at nagpatuloy sa paghithit ng sigarilyo. "Hindi mangmang ang mga tao sa kampo, halata na paborito ka ni Commander at halata ring sobra mo siyang ginalit." Patindi nang patindi ang inis na nararamdaman niya. Ngayon lang yata siya nakaramdam nang ganito kalalang inis na gusto niyang padapuin ang kamao niya sa mukha nito. "Ano na naman kayang dahilan?" "Tumigil na sabi, e!" Nagtaas na ng boses si John, alam na naiinis na siya, pero nagawa niya pang ikalma ang sarili para hindi ito madamay. "Hayaan mo na, John. Matulog na tayo," sabi niya. "Balita ko ay busy si Commander bigla?" Nahinto siya mula sa pagtalikod. "Hindi makapapasok ng ilang araw sa kampo." Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad nang sundan pa iyon ni Travis. "Nagka-emergency raw at malalang-malala. Anong kinalaman mo roon?" Mas tumindi pa ang pang-aasar sa boses nito. Pakiramdam niya ay nakalutang siya ng mga sandaling iyon. Iba ang pakiramdam at kutob niya roon. Nagpanggap siya na matutulog na nga noong gabing iyon pero nang sumapit ang ika-alastres ng gabi ay muli siyang lumabas. Sa kabutihang palad ay nakasiguro naman siyang tulog na ang lahat. Tinahak niya ang daan papunta sa mansiyon, ngunit nang makarating na roon ay saka naman siya nahinto. Dahil hindi niya alam ang gagawin. Bumuhos ang malakas na ulan at wala siyang magawa kundi ang tanggapin iyon. "Skyler?" Marahan niyang nilingon ang pamilyar na boses sa likuran niya. "S-sir..." si Santos iyon. "Anong ginagawa mo rito?" Marahan siya nitong inakay papunta sa gilid. "Hindi ka puwede rito. Sinabihan ka na ni Commander." Hindi siya nakapagsalita. Pakiramdam niya kasi, ang kapal ng mukha niya kung tatanungin ang kalagayan ni Erena matapos niya itong... "Kung si Erena ang iniisip mo, maayos na siya ngayon at nagamot na rin ang mga kakambal niya—" "S-sir?" Sa naguguluhang asta ay itinanong niya. "Hindi ba..." Bumalatay ang pagtataka sa mukha nito. "Hindi mo alam ang nangyari kay Erena?" Hindi siya nagsalita. "Kayo ang magkasama kanina. Bakit hindi mo alam na sinubukan ni Erena na alisin ang mga kakambal niya?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD