Chapter 03

2193 Words
I wasn’t expecting to end my eighteenth birthday with worry. Ang tangi kong ginawa bago sumapit ang alas dose ay maglakad pabalik-balik sa harap ng aking kama at panay kung lumingon sa orasan. Napamura ako nang mahina. Paano na iyon? Ang pag-aalala ko’t takot dahil sa lalaking iyon ay lalo pang lumala. Malay ko ba kasing siya ang may hawak ng cellphone ni Ada? Kung alam ko lang ay hindi na ako nag-abala pang makipag-chat doon. Sa takot ko lang. Hindi pa yata ako natakot nang ganito sa buong buhay ko. Ni hindi ko pa naranasan mag-alala sa paraan kung paano ako nag-aalala ngayon. Iba ang aura ng lalaking iyon. Iba ang pakiramdam ko sa tuwing naiisip siya. Iba siya sa mga ma-awtoridad na taong nakilala ko. Iba siya. Madalas ko namang marinig noon ang tungkol sa Kuya Kaloy na iyon. Classmates pa lang kami ni Ada noon, nakikita ko na iyon sa harap ng gate upang sunduin ang kapatid. Iyong ekspresyon niya ay parang wala lang, malamig na hindi maaninag. Gayundin sa tindig na animo’y sundalo. Tila batak sa pagtatrabaho ang pangangatawan lalo’t ang kulay ng kaniyang balat ay sakto sa kayumanggi. Kung may marinig man ako tungkol sa kaniya noon, iyon ay ang pagiging istrikto niya sa manliligaw ni Ada. Kaya nga si Trivo ay hindi naka-score. Talagang dapat maghintay na marating ni Ada ang legal na edad dahil kung hindi, baka mapatay siya ng Kuya. Thinking of his image now, alam kong sobra ang naging pagbabago sa kaniya. Mas naging mature pa ‘yong pangangatawan niya at lalong nadepina ang kaniyang muscles. Napaisip tuloy ako kung puro trabaho lang ang inaatupag n’on. May oras din kaya siya para sa sarili niya? Masyado siyang seryoso at natatakot talaga ako sa impresyon niya sa akin! Isipin mo ‘yon, siya pa talaga mismo ang nakabasa ng panlalait ko sa kaniya sa chat. Ang careless naman kasi ni Ada. Paano ba napunta sa kuya niya ang account niya? Habang naghihintay ng teacher, bumuntong hininga ako at kinuha sa bulsa ang cellphone. Dumeretso kaagad ako sa Pazelite app at nakitang online si Ada. Isang chat ang nag-pop up mula sa kaniya. Mabilis ko itong binasa. Adalyn Laroque: Pasensya na kung ngayon lang nag-reply. Kagigising ko lang. Tumingin ako sa oras. Grabeng gising naman iyan. Ala una na ng hapon ha? Kumunot ang noo ko habang nagtitipa ng mensahe. Ako: Ikaw na talaga ‘yan? Adalyn Laroque: Ha? Oo naman, bakit? Binaba ko saglit ang cellphone at matamang nag-isip. Dinelete siguro ng kuya niya ‘yong convo namin sa account niya. Para ano? Para hindi na iyon mabasa ni Ada? Kung sasabihin ko ba sa kaniya na pinakealaman ng kuya niya ang account niya, sasabihin niya kaya sa kuya niya? Pero paano kung magalit lalo ang kuya niya sa akin at isiping sumbungera ako? Paano kung lumala ang tingin niya sa akin? Parang ang hirap naman ng ganoon kung kaibigan ko ang kapatid niya at kaaway ang turing niya sa akin. Mahina kong tinampal ang sariling pisngi at ibinalik muli ang mga daliri sa screen. Ako: Wala naman. Ayos ka naman ba? Nakauwi naman kayo nang maayos? Adalyn Laroque: Nahirapan lang dahil bahagyang nagwawala ang dagat. Pinilit na lang namin kasi kung hindi, baka abutin kami ng umaga diyan sa Capgahan. Gusto ko sanang sabihin na hinanap siya ng kuya niya kahapon. Nais ko ring ipaalam na hindi ganoon kaganda ang interaksyon namin ng lalaking iyon. Siguro ay hindi ko na dapat sabihin. Baka kasi mainit lang talaga ang ulo n’on at napag-initan lang ako. Malay ko naman, baka humingi ng tawad, ‘di ba? Ngunit naging curious ako bigla kung ano ba talaga ang pangalan ng kuya niya nang ma-search din sa Pazelite upang mai-chat at linawin kung bakit ko nasabi sa chat ‘yong kagabi. Ako: Bago ako mag-out, tanong ko lang kung ano ba pangalan ng kuya mo, at kung may Pazelite ba siya? Nanginig nang kaunti ang mga daliri ko. Tama bang naitanong ko pa iyon? Anyway, hindi naman ganoon kung mag-isip si Ada. Siya pa ba. Hindi iyon malisyosa. Adalyn Laroque: Karlito Laroque ang buong pangalan ni kuya pero wala siyang Pazelite account. Bakit mo pala naitanong? Muntik na akong masamid ng sarili kong laway nang mabasa ang pangalang iyon. Seriously? Karlito? Ngisi na lamang ang nangyari sa labi ko dahil sa kapipigil ko ng tawa. Mamaya isipin pa ng mga kaklase ko na para akong baliw dito pwesto ko. Kagyat akong nanghina nang malamang wala siyang Pazelite account. Sabagay, mukhang si Ada pa lang ang merong smartphone sa kanila. Nababanaag kong hindi siya techie tulad ng iba. Kaya siguro ganoon ang chat style niya kagabi. Jejemon. “Huy. Mukhang kinikilig ka sa kachat mo ah! Sino ‘yan?” Muntik na akong mapatalon sa kinauupuan at nabitawan pa nang isang kamay ang cellphone. Pa-irap kong binaling ang pansin kay Carrie na ngayon ay nakangisi sa aking gilid. Parang sumpa rin minsan maging katabi ang babaeng ito eh. “Wala,” walang buhay kong sagot. Pinatay ko na ang cellphone at muling ibinalik sa bulsa. Hindi na tuloy ako nakapagpaalam kay Ada. Lalo siyang ngumisi na parang aso. Natawa na lang ako dahil nakakatawa kung paano iyon remistro sa paningin ko! “Maniwala. Siguro si Jaguar ano?” Mabilis akong umiling at hinawi sa gilid ng tainga ang kaunting talikwas ng buhok. Tinuko ko ang siko sa armrest at ibinalik ang tingin sa blackboard. “Malisyosa ka talaga. Sinabi na niya sa akin kagabi na wala siyang balak mag-girlfriend…” Pero siyempre, hindi ko na sasabihin na makikipagrelasyon siya kung gugustuhin niya. Dahil sa halip na mapanatag na ako rito, baka mas lalo pa niya akong aasarin. Minsan talaga hindi ko rin alam kung paano ko naging kaibigan itong si Carrie. Dahil sa totoo lang, iwas ako sa mga madadaldal at mapang-asar. Siguro nakasanayan ko na rin dahil elementary pa kami naging magkaklase at lagi pa kaming seatmate dahil sa apelyido namin. Cascayno ako at siya naman ay Dalisay. Lagi rin kasi nakabase sa alphabetical order ‘yong seat plan. Sanayan na lang talaga. Sa kabila nito, malaki rin talaga ang pagpapasalamat ko dahil matalik na kaibigan ko ang isang ito. Bukod kasi sa siya na lang ang natitira mula noong huminto sa pag-aaral si Ada, epektibo rin talaga ang mga salita niya upang i-motivate ako. May mga tao talaga na kahit taliwas sa standard ay magugustuhan din kalaunan. Patunay na roon si Carrie na tila nakalunok ng micriphone at hindi mauubusan ng laway. “Sana manlang ay may abiso itong teacher natin kung darating o hindi. Nakapag-review ka na ba para sa sinasabi nilang exam?” tanong niya at itinuro ang mga kaklase kong nakapalibot ang upuan at may group study. Umiling ako. “Yan! May karamay ako, apir!” Natatawa kong inangat ang kamay ko at nakipag-high five sa kaniya. Sa lagay kong ito? Makakapagreview pa ako? Debut ko kahapon at madaling araw pa ako nakatulog dahil kakaisip sa Karlito na iyon. Kanina ngang umaga ay binalewala ko kung ano ang babala ng iba tungkol sana sa magaganap na exam. Buti na lang at hindi pa dumarating ang teacher. Ten minutes na lang at sasapit na ang uwian. Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa sarkasikong reaksyon ni Carrie nang sumapit na ang alas dos. Kung sabagay, advantage na rin naman ng mga nakapag-review na nagbalik-tanaw sila sa notes. Mamayang gabi ay aasikasuhin ko na lang iyon at nang makaraos na. “Tara, punta tayo sa library,” ani Carrie nang masukbit na niya ang kaniyang bag. Tumaas naman ang kilay ko habang isinusukbit sa balikat ang akin. “Bakit?” Lumapit siya at nagsalita nang pabulong. “Siyempre, bibisitahin si Jaguar.” “Ha? Loko ka ba? Walang dahilan para bisitahin siya. Baka makaistorbo pa tayo eh. Masyadong busy ‘yon.” She glared and a line appeared between her brows. “Akala ko ba kumportable na kayo sa isa’t isa?” “O-oo naman, pero parang ang weird sa part niya kung magpapakita tayo nang biglaan.” “Eh anong gusto mo, i-chat muna siya para maabisuhan? Naku, Mossa, ganon din naman iyon. Huwag ng maarte.” Wala akong nagawa kundi ang pumyag kaysa makipagtalo. Tahimik akong naglakad habang siya naman ay daldal nang daldal sa tabi ko. Ngayon, si Jaguar naman ang gumugulo sa isip ko. Hindi kaya mawirduhan siya’t mailang? Kung sa bagay, mahaba naman ang naging usapan namin kagabi at mukha namang nag-improve ang closeness namin. Debut ko lang pala talaga ang katapat para makausap siya nang ganoon. Sa hinaba-haba ng panahon ko rito sa Capgahan High School, kung kailan nasa huling year na kami ay saka ko lang siya makikilala nang lubos. Akalain mong nalalapitan na namin ang dati’y hanggang tanaw lang? Hindi ko napansing narating na pala namin ang library. Doon lang yata rumehistro sa akin na makakausap ko siya uli. Goodness naman Mossa, akala ko ba kumportable nang kausapin siya? Lalo akong natameme nang makita siyang mag-isa sa isang table, tahimik at seryosong naglilipat ng pages ng libro. Hindi ko tuloy mawari kung para saan ang pagbilis ng t***k nitong puso ko. Dahil ba sa kaba? O dahil kinikilig? Dahan-dahan ang yapak namin sa sahig upang hindi ma-warningan ng librarian. Hindi naamn ganoon karami ang tao pero minor offense na kung maituturing ang mag-ingay dito. Sa huling hakbang namin upang makapwesto sa tapat ni Jaguar, kumalabog na nang husto ang puso ko. Inangat niya ang tingin sa amin ni Carrie at kagyat na sumulyap sa akin. Isang simpleng ngiti ang sumilay sa kaniyang labi. Matutunaw na yata ako. “Mukhang busy ah,” ani Carrie. Tumango si Jaguar at iminuwestra sa amin ang mga upuan sa tapat. Umupo ako roon ngunit tumanggi naman sa alok si Carrie. “No. No. Hinatid ko lang talaga so Mossa rito, gusto ka raw kausapin eh. Hindi na rin talaga ako pwede magtagal dahil naroon na ang sundo ko.” Namilog ang mga mata ko sa sinabi niya at mabilis siyang pinandilatan. Lokong babae talaga ito. Hindi ako aware na ito pala ang dahilan kung bakit kami naparito. Pahamak talaga. “Ah ganon ba, ingat kung ganoon,” ani Jaguar sa mahinang boses at umupo sa aking tapat. Umalis naman si Carrie at patuyang ngumiti bago mawala sa aking bisyon. Nakakainit ng dugo! “Uh, bakit mo pala ako kakausapin?” Binaling ko kay Jaguar ang pansin, nahihiya dahil sa inasta ng kaibigan. Sana naman ay ininform niya ako ‘di ba? Para naman handa ako at may baong sasabihin. Hindi ‘yong ganito. Sobrang biglaan. Ano na lang ang isasagot ko rito? Mga kalokohan? Sa pagtanong niya nito sa akin, pinulot niya ang bookmark sa gilid at ipinuwesto sa pahina kung saan siya huminto. Saka niya ito ipinatong sa gilid at inosente akong tinutukan ng tingin. “I-ita- itatanong ko lang sana kung ano ang mabibigay mong tips. E-exam kasi namin bukas at medyo… medyo hirap akong magkabisa…” Iyon ang tuloy-tuloy na lumabas sa bibig ko kahit pa nau-utal. Natatakot man sa posibilidad na isipin niyang bobo ako at hindi brainy tulad niya, mas nanaisin ko pa iyon kaysa magsalita ng hindi maganda. Umaliwalas ang kaniyang mukha at saglit na nag-isip. Ilang segundo pa ay sinabi niya ang tips kuno na hinihingi ko para sa exam ko bukas. Hindi ko naiwasang mapatitig sa kaniya habang naglalahad. Swabe ang pagkakatiklop ng kaniyang labi sa tuwing nagsasalita at ang mga mata niya ay prenteng nakalapat sa aking kabuuan. Ang hawi ng buhok niyang paitaas ay mas nakadagdag sa kaniyang karisma. Holy cow, tingin pa lang pamatay na. Para bang nag-exceed na siya sa standard ko. Sayang dahil magkaiba kami ng strand. STEM kasi ‘yong kaniya samantalang ako ay HUMSS. Binabalak ko kasi mag-take ng Broadcasting sa college at sa strand naman na iyon inclined ang kurso ko. “Did you get it?” Mabilis kong tumango kahit hindi naman talaga ako nakinig. Masyado yata akong nagpalipad sa sarili kong isip kaya ni isa sa mga sinabi niya ay wala akong natandaan. “Ano oras ka susunduin?” tanong pa niya. Ngayong natanong na nga niya iyon, bigla akong nataranta. Hala, baka kanina pa naiinip ang driver kahihintay sa akin. Dinukot ko ang cellphone ko at tumingin sa oras. Ang bilis naman. Halos twenty minutes rin pala akong preoccupied habang nagsasalita si Jaguar? Ibig sabihin ganon rin pala kahaba ang sinabi niya sa akin pero ni isa ay wala akong natandaan? “Naghihintay na pala siya sa akin sa labas,” wika ko nang makita ang ilang missed calls ng driver. May ilan ring text na alam kong nababahiran na ng pag-aalala. Takot na takot na iyon dahil strikto si Daddy pagdating sa performance ng kaniyang mga tauhan. At ang unang requirement upang masabing epektibo nga ito ay nadadala ako sa bahay nang nasa tamang oras, unless kung nag-text ako at nagpaalam na medyo male-late. Pero hindi eh. Tumayo ako. Ganoon din siya. “Tara, sabay na tayo,” aniya nang may ngiti sa labi. Pilit ko namang inangat ang dulo ng labi ko ngunit sa halip na ngiti ay ngiwi ang kinalabasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD