Mula sa loob ng VIP room na kanilang kinaroroonan, malayang napanood ni Jethro ang live performance ni Stella.
Kumanta ito nang malamyos na makabagong musika. Hindi maipagkakaila na may talento ito sa pagkanta na lalong nagpaangat sa paghanga niya sa babae.
“She was like an angel while singing, wasn't she? Napakaswerte kung sino mang lalaki ang magiging boyfriend niya. Gorgeous, talented, hot, and I think she’s also smart the way she talks. Almost a perfect ten for me,” komento ni Pancho, nakatanaw sa stage na kinatatayuan ng babaeng lihim niyang hinahangaan.
Sinasabayan ng pag-indayog ng makurba nitong katawan ang saliw ng tugtog. Hindi malaswa ang sayaw nito ngunit naghahatid iyon ng kakaibang pakiramdam sa kaniya.
“Iba rin ang taste niya. Mula pagkarating natin dito ay ako ang kumukuha ng atensyon niya ngunit halatang si Jethro ang kaniyang tipo. Hanga na ako sa lakas ng appeal mo, pinsan!” sarkastikong wika ni Jerome.
Nagsalpukan ang dalawang makapal na kilay ni Jethro sa tinuran ng lalaki. Nasa himig nito ang selos.
“Ang sabihin mo ay naamoy niya na babaero ka kaya hindi ka niya natipuhan. Sigurado ako na paraan niya lamang iyon, ang gamitin ako, para tigilan niyo na siya.”
Muli, dumako ang malamig na kulay tsokolateng mga mata ni Jethro sa gitna ng dancefloor kung saan nakatirik ang stage na kinaroroonan ni Stella.
“Really? Do you think it’s just her way to avoid me? What do you think, girls?” Pumihit ang tingin ni Jerome sa katabing mga babae, sabay akbay sa isa sa mga ito. Gumapang din ang kamay nito sa naka-cross legs na hita ng babae sa kabila.
“Well, wala kaming alam tungkol sa pagkatao niya. Ngayon lamang namin siya nakita rito sa club. Ang sabi ng iba naming kasamahan, isang VIP customer daw ang nakiusap kay manager na pakantahin si Stella kahit isang beses lamang dito sa club. Iyon lamang ang sabi-sabi nila,” saad ng babae.
“Kung ganoon ay may malaking taong kakilala si Miss Stella. I am so curious who it was? Is he her lover? Huwag naman sanang sugar daddy,” biro ni Jerome na ikinahalakhak ng mga tao sa VIP room, maliban kay Jethro na hindi interesado sa kanilang pinag-uusapan.
Nabitin sa ere ang kaniyang kamay na gagamitin sana para inumin ang laman ng baso na hawak niya nang umakyat ang isang lalaki sa stage kung saan nag-p-perform si Stella.
Hinawakan nito sa braso ang babae at pwersahang hinihila sa pababa.
“What the hell is happening right there outside?” react ni Pancho nang mapuna ang nangyayari sa labas.
Napaangat si Jethro mula sa prenteng pagkakaupo, kasunod ang pabagsak niyang pagbitang sa hawak na baso sa babasagin na table. Hindi siya dapat makialam, ngunit ang katawan niya ang kusang gumalaw ng hindi pinag-iisipan.
Malalaki ang hakbang na tinungo niya ang pintuan palabas.
‘Where are you going?” tanong ni Jerome, gusot ang mukha.
Mabilis na sinundan siya ng dalawang pinsan nang hindi niya ito imikan kasunod ang pabalibag na pagsara niya sa pintuan ng VIP room.
“Sige na, Miss! Samahan mo na kami sa room namin. Babayaran ka namin kahit na magkano. Magkano ka ba? One million? Two? Three million?” pangungulit ng lalaki, suot ang mapagnasang ngisi.
“Hindi ako escort dito, Sir. Singer lamang ako!” nakangiwi na sagot naman ni Stella, naiipit siya sa sitwasyon.
“Just name your price! Hindi mo kailangan na magpakipot. I know we can afford you,” singit ng isa pang lalaki, kasama ng lalaking humahatak sa kaniya pababa ng stage.
“Uulitin ko po. . . Singer po ako!” mariin niyang sabi.
Kaunti na lamang ang natitira sa kaniyang pasensya. Malapit na niyang masipa ang pagitan ng mga hita nito.
“Hindi ako interesado kahit na ano ka pa. Kaya kitang bilihin kahit na sino ka pa!”
Wari ni Stella ay malapit nang malasug-lasog ang kaniyang braso dahil sa higpit ng hawak nito.
“T-teka, S-sir! N-nasasaktan na ako! K-kapag hindi ka pa tumigil ay isusumbong na kita sa pulis!”
The ugly man chuckled. “Hindi mo ba ako kilala? Ako ang batas!” pagyayabang nito.
Right! Nakalimutan niyang naroon nga pala siya sa PARADISE ELITES NIGHTCLUB, pugad ng mayayaman na bilyonaryo. Nawala sa isip niya na kalakip ng pagiging mayaman ay ang malawak na koneksyon at pagiging makapangyarihan.
Nahagip ng kaniyang paningin ang manager ng club. Maging ito ay walang nagawa sa nangyayari. Nakatayo lamang ito sa isang sulok, parang isang kawawang tuta na nakatanaw sa kaniya. Sa itsura nito ay wala itong balak na tulungan siya.
“Sasama ka ba sa amin o nais mong hindi ka na masilayan ng pamilya mo?” pabulong na pagbabanta nito.
Dismayadong humigop muna si Stella nang maraming hangin at inipon iyon sa kaniyang dibdib. Pumikit at saka saglit na nag-isip.
Pagkaraan ng ilang saglit ay muli niyang dinilat ang mga mata kasunod ang pagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga.
“O-okay. S-sasama na ako sa ‘yo.”
Hindi niya dapat kalabanin ang mga taong mas mataas sa kaniya. Maraming tao ang kailangan siya.
Ang kaniyang tatay ay isa ng paralisado matapos atakihin ng heat sroke na naging dahilan para mahinto ito sa pagtatrabaho. Kailangan din ng mga gamot para sa maintenance nito.
Mayroon din siyang nakababata na kapatid na nag-aaral ng kolehiyo, si Muriel. Ayaw niyang matulad ito sa kaniya na walang permamente na trabaho kaya naman pinipilit niyang mapag-aral ito maski na sobrang hirap.
Ang kaniyang ina ay isa lamang katulong. Hindi sapat ang kita nito kung iyon lamang ang kanilang aasahan. Ayaw niyang mamatay silang dilat ang mata dahil sa gutom.
“Sasama ka rin pala, ang dami mo pang arte,” patutsada ng lalaki.
Pababa na siya ng stage nang hablutin ang kabila niyang braso ng isang makapangyarihang kamay. Laking gulat niya nang lingunin ang may-ari ng kamay na iyon.
“J-Jethro!” nanlalaki ang mga matang tawag niya sa ngalan ng lalaki. Hindi niya inaasahan na sa dami ng tao na naroon ay ito ang maglalakas ng loob na lapitan siya.
“Sa akin ka sumama.” Utos iyon, hindi pakiusap.
Tila naging makinang at makulay ang paligid. Hawak ng isang guwapong lalaki ang kamay niya, handa siyang iligtas mula sa kamay ng isang pangit na lalaking nais pagsamantalahan ang kaniyang kahinaan.
Ngunit naglaho ang kinang ng paligid nang maramdaman niya ang makadurog butong hawak ng bastos na lalaki. Napangiwi siya at napadaing bahagya dahil sa sakit.
“Ako ang nauna sa kaniya kaya sa akin siya sasama!” pagpipilit pa rin nito.
“Sinong tanga naman ang nagsabi sa ‘yo ng salawikain na ‘yan? Hindi kaya namana mo pa ang paniniwala na ‘yan mula sa iyong mga unggoy na ninuno?”
Naghagalpakan ang tao sa paligid sa sinabi ni Jethro. Umusok naman ang ilong ng lalaki dahil sa matinding galit.
“Hindi mo na ba mahal ang buhay mo?”
“Sa akin niya gustong sumama kaya naman hinihiling ko na bitawan mo na ang kamay niya hangga’t nakakapagpasensya pa ako. Kung hindi ay mapipilitan akong durugin ang mga buto mo,” pantay ang tono ni Jethro ngunit para kay Stella ay napaka-cool nito.
Isang tagapagtanggol na handang patumbahin ang kahit na sinong magtangka na saktan siya, iyon ang pakiramdam niya ngayon para sa lalaki.
“Ha! Hindi mo ba ako kilala? Bumabangga ka sa pader! Piliin mo ang kinakalaban mo!”
Jethro smirked. “Dapat ba ay kilala kita? Sorry to dissappoint you but hindi ko ugali ang magkalkal ng basura.”
Umigkas ang panga ng lalaki.
“Gago ka ba?” Kuyom na ang isang kamao nito, tila nais na suntukin si Jethro. Lihim na kinabahan si Stella sa mga nangyayari.
“Mr. Galvez! Hold your horses! Hindi mo ba siya kilala?” pabulong na tanong ng kasamahan nito na biglang nanahimik kanina.
“Why? Is he a bigger fish than me?” pasimpleng tanong ng lalaki na pinangalanang Mr. Galvez.
“I believe that you are familiar with TG Salvador Corp.”
Lumuwa ang mga mata ni Galvez kasunod ang pagbitaw sa braso ni Stella. Animo’y bigla itong napaso sa kaniyang balat.
“He is the third heir of the Salvador clan.”
“Damn! Bakit ngayon mo lang sinabi? Ang dami ko nang nabigkas na mga pangit na salita!” paninisi ni Galvez sa kasama.
Maliban sa TG Salvador Corp, mayroon pa silang ibang negosyo katulad ng airlines at supermarkets na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Awtomatikong napayuko ang lalaki na kanina ay sobrang magyabang.
“Sa palagay ko ay ikaw nga ang gusto niyang samahan kaya ipapaubaya ko na siya sa ‘yo,” hindi makatingin nang diretso na sabi nito na sinundan ng mabilis na pagtalikod.
“Sandali!”
Napako sa kinatatayuan ang lalaki pagkainig sa tinig ni Jethro. Nakapamulsang nilapitan niya ito.
“Paano naman ang pinsalang natamo niya mula sa ‘yo?”
Maang na nilingon siya ng barumbado. “A-anomng sinasabi mo? W-wala akong ginawa sa kaniya.”
“Nakita mo ba ang malaking pasa sa braso niya dahil sa ginawa mong mahigpit na paghawak? Hindi ba dapat ay pagbayaran mo iyon?”
Sarkastikong halakhak ang pumailanlang sa kapaligiran. Pinasadahan nito ng tingin si Stella, makaraan ang ilang saglit ay umiling ito at ngumiwi.
“Bakit ko naman ibababa ang sarili ko sa isang katulad niya, Mr. Salvador? We are elites! Isa lamang siyang hamak na—”
Nahinto sa pagsalita ang lalaki nang hablutin at pisilin ni Jethro ang isang braso nito. Piniga niya iyon hanggang mapadaing ito sa sakit.
Maging si Stella na nasa isang gilid lamang ay napangiwi. Pakiramdam niya ay kamay niya ang pinipilipit ni Jethro.
“Say sorry to her or I gonna crush this f*****g arm of yours? Choose one.”
Seryoso si Jethro, dahilan para mamutla ang lalaking hawak niya.
“I-I’m fine! J-just. . . let him go. H-huwag na natin palakihin ang gulo, please?”
Kusang bumitaw ang kaniyang kamay sa malaking braso ng lalaking nanggugulo. Animo ay may sariling utak ang kaniyang katawan na kusang sumusunod sa kahit na anong iutos ni Stella.
Sa huling pagkakataon, isang nagbabanta na tingin ang ipinukol niya sa tarantadong iyon. “Don’t dare to mess with this woman again kung ayaw mong ipasundo kita kay Satanas nang maaga.”
Saka niya lamang ito binitawan matapos tumango ng ilang ulit.
Napasinghap si Stella nang mapangahas na hawakan ni Jethro ang kaniyang kamay. Hinatak siya nito hanggang sa makalabas sila sa maingay na lugar na iyon.
“Get in.” Binuksan nito ang pintuan ng isang black BMW car para siya ay papasukin.
Kahit hindi alam kung saan tutungo, parang robot na sumunod si Stella sa mga utos nito.
“Put on your seatbelt,” muling mando nito bago in-start ang makina ng kotse.
Hinatak ni Stella ang seatbelt ngunit tila nakasabit iyon. Napansin ni Jethro na nahihirapan siya sa ginagawa kaya naman dumukwang ito sa kaniyang gilid para tulungan siya.
Pigil ang kaniyang paghinga nang magkalapit ang kanilang mga katawan. Nanuot sa kaniyang ilong ang masculine scent ng pabango nito na nagtutudyo sa kaniya para pumikit at amuyin ang leeg nito.
Ngunit sa ngalan ng kahihiyan, pinigilan niya ang sarili na gawin ‘yon.
Na-estatwa naman si Jethro sa kaniyang posisyon nang mapasulyap sa mukha ni Stella. Dala marahil ng kalasingan kaya tila namamagneto siya sa taglay nitong ganda.
Mula sa kulay itim nitong mga mata, bumaba ang tingin ng lalaki sa hugis katamtamang ilong ni Stella hanggang sa mapadako sa mala-rosas sa pula nitong mga labi na kanina pa siya ini-engganyo na halikan.
He clenched his jaw na para bang may pinipigilan na gawin.
“M-may dumi ba ako sa mukha?” naiilang na tanong ni Stella, hindi matagalan ang uri ng titig na ibinibigay sa kaniya ng kulay tsokolateng mga mata ni Jethro.
“You look gorgeous from every angle. Your beauty makes me crave a little lip action,” he uttered while staring at her lovingly.
Nanlaki ang mga mata ni Stella nang unti-unti nitong ilapit ang mukha sa kaniya.