Malapit nang matapos ang bahay na pinapagawa ni Elton pero hindi pa rin siya bumisita ulit. Nakapagtataka tuloy. Ano naman kayang nangyari sa kanya?Dahil kayo iyon sa nangyari sa hotel?
"Bakit kaya hindi na bumisita si Elton." pagtatakang tanong ni Chloe habang kumakain kami ng hapunan.
"Babalik rin iyon, iha. Ikaw na mismo ang nagsabi sa akin 'di ba, na baka may emergency sa kanila."
Napaisip ako sa sinabi ni Tiya. Emergency? Gano'n kaya ang nangyari?
"Ikaw GG, may nasabi ba sayo si Elton? Kayo naman ang huling magkasama no'n hindi ba?" tanong sa akin ni Tiya kaya nag-angat ako ng tingin sa kanya at nakita ang mapanuring mga mata niya na para bang nagdududa siya sa akin.
Umiling ako agad. "Wala naman po, Tiya." sagot ko.
"Baka naman may ginawa ka kaya hindi na iyon bumalik. Malalaman ko rin ang dahilan." sabat ni Chloe at binigyan ako ng isang masamang tingin.
"Wala naman akong ginawa, Chloe." mataman kong sinabi at inirapan niya lang ako.
Kahit hanggang sa pagtulog ko ay iniisip ko pa rin iyon, kahit hindi naman dapat. Pagkakamali lang iyon. Hindi iyon dapat nangyari.
Araw ng Sabado at kakailanganin naming linisan ang paligid ng palayan dahil tumutubo na ang mga ligaw na damo. Maaga akong gumising at nagluto na rin ng agahan. Nauna na rin ako sa palayan dahil nagkakape pa si Tatay ng umalis ako sa bahay.
"Bakit ka pa kasi sumama sa akin. Hindi mo naman na kailangang tumulong." sabi ko kay Amalia dahil sumama siya sa akin nang makita niya akong papunta sa palayan.
"Hindi naman talaga ako tutulong, GG. May gagawin tayo." aniya at Nakita kong nagningning ang kanyang mga mata. Masama ang kutob ko kapag ganito ang nakikita ko sa mukha niya. Sigurado akong may kabulastugan na naman itong naisip.
Tinapunan ko siya ng isang nanlilit na mga mata.
"Ano na nman ba 'yan, Amalia?" tanong ko.
Ngumisi siya sa akin at hinila ako patakbo sa sapa. Hindi ito ang daanan para sa palayan. Sa gawing kaliwa ang daan papuntang palayan. Agad akong huminto sa pagkakahila niya at pareho kaming habol ang mga hininga.
"Saan tayo pupunta, Amalia? Bakit papunta tayo sa sapa?"naguguluhan kong tanong sa kanya.
Hawak-hawak niya ang kanyang dibdib at taas baba ang paghinga niya.
"May ipapakita lang ako sayo. Kung ayaw mong magalit ang Tatay mo dahil wala ka sa palayan. Pwes, bilisan na natin ang takbo!" sigaw niya at hinila na naman ako ulit. Imbis na magalit sa ginagawa niya dahil possible nga na mapagalitan ako ni Tatay kapag naabutan akong wala sa palayan. Sa halip ay natawa na lang ako.
Nang makarating kami sa sapa ay tumawid kami sa kabila. Ni minsan ay hindi pa ako na gawi sa parteng ito ng sapa.
"Amalia... saan ba talaga tayo papunta? Nasa gubat na tayo! Baka makatagpo tayo rito ng ahas.!" sikmat ko sa kanya.
"Wala sa gubat ang ahas, GG. Nag-anyong tao na sila. Hindi mo ba alam 'yon?" sagot niya at hindi ka makuha ang sinabi niya.
"Malapit na tayo!" sigaw niya habang lakad takbo na ang ginagawa naming dalawa.
Pareho kaming nakayuko at hinihingal at nagkatinginan sabay tawanan namin kahit wala namang nakakatawa. Ngumuso siya at napa-angat ako ng tingin kung saan siya ngumuso.
Nalaglag ang panga ko sa aking nakita. Isa itong lumang kubo. May nakatira pala rito dati? Agad akong napatingin kay Amalia para sana tanungin siya kung paano niya nalaman ang lugar na ito, ngunit nauna na siyang naglakad papunta sa maliit na kubo.
Gawa ito sa kawayan at yero naman ang bubong. Mayabong na ang mga damo roon. Halatang matagal ng walang nag-aalaga.
"Sumama ako kay Mama para mangahoy no'ng isang lingo, at aksidente naming natagpuan ang lugar na ito. Hindi alam ni Mama kung sino ang nakatira rito noon. Pati si Papa ay napaisip, wala talaga silang maalala na may tumira sa lugar na ito, GG. Sa tingin mo, sino kaya ang nakatira rito dati?" saad niya habang papasok kami sa loob ng kubo.
"Hindi ko alam, Amalia. At bakit naman natin aalamin? Malay mo, aswang ang may-ari nito." giit ko habang sinusuri ng tingin ang lumang kubo.
"Aswang? May aswang bang ganito ka ganda ang mga gamit?" aniya at napansin ko nga iyon. Mula sa mga upuan, gamit sa kusina, at salas ay halatang mamahalin iyon. Ordinaryong kubo lang kung titingnan sa labas, pero nakakamangha ang loob nito. Lalo pa akong namangha ng pinasok namin ang nag-iisang kwarto ng bahay. Mas maganda pa ang kama rito kaysa sa kama namin sa bahay!
"Mukhang may pera ang dating nakatira rito, GG. Pero sino?" kuryosong tanong ni Amalia.
"Kung sino man iyon, ay hindi tayo dapat nandito." saad ko.
"Sabi ni Mama wala daw tayong pagsasabihan tungkol dito. At higit sa lahat, pumayag si Mama na linisan natin ang lugar na ito para dito tayo mamasyal kung may oras tayo." magiliw niyang sinabi habang pinapagpag ang kama at naupo siya roon.
Maganda nga ang ideyang iyon. Bigla tuloy akong na-excite dahil sa sinabi ni Amalia. Nilisan namin ang bahay at nagtungo na sa palayan. Mabuti na lang at wala pa si Tatay nang dumating kami roon. Pinag-usapan namin ang planong paglilinis sa naturang bahay. Hindi naman na yata babalik ang may-ari no'n.
Kalahating araw lang kaming naglinis sa palayan, kaya ang natitirang kalahating araw naming ay ginugol namin sa paglilinis ng bahay na iyon. Gumawa na lang ako ng alibay na mangangahoy si Amalia at magpapasama sa akin.
Hindi pa natatapos ang pagkamangha namin sa kubo dahil nadiskubre naming may gripo ang kusina pati na rin ang banyo! Hindi namin alam kung paano nagyari iyon. Pero sigurado naman kami kung saan nanggagaling ang tubig. Sa sapa.
Ang problema, walang kuryente para sa ilaw. Pareho naman kaming walang alam ni Amalia tungkol sa elektrisidad, o baka pundido na ang mga ilaw.
Hindi kami masyadong nahirapan sa paglilinis ng buong bahay dahil alikabok lang naman ang nasa loob. Sa labas kami pinagpawisan ng todo. Matigas at matatanda na kasi ang mga damo. Hindi namin ito matatapos ngayong araw.
Bukas na magsisimula ang intramurals kaya sigurado akong magkakaroon kami ng panahon na balikan ang kubo para linisan. Pareho kaming walang sinalihan na sports ni Amalia. Pagkatapos ng opening salvo bukas ay uuwi kami agad.
"May practice tayo mamaya, Georgina." sabi sa akin ng kasamahan kong muse. Nandito kami ngayon sa basketball court ni Amalia nanunuod ng laro ni Joseph.
"Uh.. hindi ako makakasali sa practice mamaya. May ano kasi, may... may bisita kami sa bahay. Kaya kailangan kong makauwi ng maaga." pagsisinungaling ko sa kasamahan ko. Kumunot ang noo niya sa sinabi ko.
"Ikaw bahala. Hindi naman kami ang mapapagalitan." giit niya at agad umalis sa harapan namin. Nagkatinginan naman kami ni Amalia at bahagyang napangisi sa isat-isa.
Alas 4 y medya pa lamang ay nakauwi na kami ni Amalia. Dumiretso kami agad sa kubo at tinapos ang naiwan naming trabaho. Sa may parteng likod bahay na lang ang lilinisan at matatapos na kami. May dala rin kaming gasera at posporo para kung sakaling gabihin man kami ay may liwanag kaming magagamit para sa pag-uwi namin.
Binabad namin ang mga kumot at kurtina para pagbalik namin bukas ay lalabhan namin ang mga ito. Kahit mga sabon at iba pang gamit sa bahay ay pwede pang gamitin. Kaso, expired na ang iba.
Pasalampak kaming nahiga sa malambot na kama kahit wala na itong bed sheets. Pagod na pagod kami sa ginawang paglilinis at maya-maya lang ay uuwi na kami dahil nagsisimula ng dumilim.
"Kung may boyfriend ako, dito ko siya dadalhin." sabi ni Amalia at ngumiwi ako sa sinabi niya.
"Ayoko diyan sa naiisip mo, Amalia." tugon ko. Tumawa naman siya nang bahagya.
"Bakit? Date ang nasa isipan ko, GG. Ikaw itong may masamang iniisip." sabay kurot niya sa tagiliran ko.
"Hindi, ah! Hindi ako magdadala ng boyfriend dito, no! At... wala naman tayo no'n." giit ko.
"Nasaan na ba 'yong si Kuya Elton? Hindi ko na siya nakikita, ah." napansin din pala niya. Sino ba kasing hindi? Halos araw araw iyon sa amin dati.
"Ewan ko." tanging nasagot ko.
Bumangon naman si Amalia at napaupo sa kama paharap sa akin.
"Pustahan tayo, GG." anyaya niya sa akin. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Anong pagpupustahan natin?" takang tanong ko.
"Dalhin mo dito si Kuya Elton. At sabihin mo sa akin ang nangyari, saka ko pa sasabihin sayo kung anong pagpupustahan natin." nag ngising aso naman siya.
"Huh? bakit ko naman gagawin iyon? Ni hindi na nga 'yon nagpapakita 'di ba?" giit ko.
"Hindi ko naman sinabing ngayon na. Saka na kapag napadalaw siya ulit!" sikmat niya.
Umiling ako. "Ayoko, Amalia. Ayoko nang mapalapit pa sa kanya." mataman kong sinabi.
"Bakit?" tanong niya.
Nagkibit-balikat lang ako. Hindi ko rin alam. Pero matapos ang pangyayaring iyon sa hotel ay gusto ko na siyang iwasan. Dahil alam kong nagsisimula na akong magka-crush sa kanya.
Crush lang naman.