Prologue
“SIGURUHAN MO NA may pagkain ang lahat, okay?” ang bilin ni Beatrice sa kanyang assistant bago niya binalikan ang kanyang anak na si Tilly.
Kasalukuyan silang nasa eskuwelahan nito nang araw na iyon. May ginaganap na malaking family event. Hinikayat ang mga bata na dalhin ang mga lumang kagamitan kagaya ng libro, damit at mga laruan upang ibigay sa mga batang nasalanta ng kalamidad. The children were required to bring their parents. Layon ng event na ipakita sa mga bata ang kahalagahan ng pagbabahagi ng biyaya sa mga nangangailangan. Panahon din iyon upang magkausap at magkakilala ang mga magulang.
Dahil nasa restaurant business, nagdala ng maraming pagkain si Beatrice. Maganda ang layunin ng eskuwelahan at kahit na sa munting paraan ay makatulong naman siya.
Pinagsumikapan talaga niyang makarating sa event na iyon ng anak kahit na abala siya sa ilang gawain. Ilang gabi nang sinasabi ni Tilly na dadalo ang mga magulang ng mga kaibigan nito. Walang ama ang kanyang anak kaya ayaw naman niyang lumiban sa mga ganoong pagkakataon. Nahihirapan na siyang makita si Tilly na pinapanood ang mga kaibigan at kaeskuwela na hindi lang nanay ang kasama, maging ang mga tatay.
Hinagkan ni Beatrice ang ibabaw ng ulo ni Tilly. Ngumiti siya nang tiningala siya ng bata. Gumanti ng ngiti si Tilly ngunit nabasa pa rin niya ang lungkot at pagtatanong sa mga mata nito. Ibinalik nito ang paningin sa mga kaibigan na kasama ang nanay at tatay at pagkatapos ay malungkot na napabuntong-hininga.
Pinigilan ni Beatrice ang sarili na mapabuntong-hininga rin. Sinisikap niyang ibigay sa anak ang lahat ng kailangan at kaligayahan nito, ngunit may mga bagay na hindi pa rin niya maibigay. Katulad ng ama.
Tilly’s father was not a part of her life. Sa kanyang palagay ay hindi na kailanman magiging parte ng buhay ni Tilly si Alvin. Nasa sinapupunan pa lang ang bata ay nilinaw na ng dati niyang nobyo na hindi nito gusto ang bata. He wanted her to get rid of it. Minsan ay nakiusap siyang panagutan siya nito ngunit wala ring nangyari.
Si Alvin marahil ang pinakamalaking pagkakamali ni Beatrice sa kanyang buhay. Ngunit hanggang sa maaari ay ayaw niyang pakaisipin iyon nang ganoon dahil kung wala ang lalaking iyon ay wala rin siyang Tilly sa kasalukuyan.
Madalas niyang sabihin sa sarili na kaya niya kahit na wala ang ama ng kanyang anak. Ngunit kahit na gaano kalalim ang pagmamahal niya para kay Tilly, hindi maiwasan na maghangad ang bata ng isang ama, maging katulad ng mga kaibigan at kalaro nito. Kahit na moderno na ang mundo at magbago man ang tingin ng karamihan sa mga katulad niya, iba pa rin kapag kompleto ang pamilya.
“Bakit wala akong daddy, Mommy?”
Halos wala sa loob na napatingin sina Beatrice at Tilly sa pinanggalingan ng munting tinig. Isang batang lalaki na sa palagay ni Bea ay nasa edad na lima ang nagtanong niyon. Nakatingala ang batang lalaki sa isang babae na sa hula niya ay ang ina ng bata. Inosente ang mukha ng bata, puno ng pagtataka ang mga mata nito. Ibinuka ng nanay ang bibig ngunit walang tinig na namutawi. Waring hindi nito malaman kung paano sasagutin ang tanong ng anak.
Waring may malaking kamay na pumisil sa puso ni Beatrice. Naiintindihan niya ang ina. Simple lang marahil ang tanong sa pandinig ng karamihan, ngunit sa mga katulad niya ay walang simple sa tanong na iyon. Siyam na taong gulang na ang kanyang anak. Nakakaintindi na ngunit may pagkakataon pa rin na tinatanong siya nito kung bakit hindi ito katulad ng ibang bata na may ina at ama na kasama. May mga pagkakataon na hindi rin niya malaman kung paano sasagutin ang anak.
Nagsimulang lumapit si Tilly sa bata. Pipigilan sana ni Beatrice ang anak ngunit napagpasyahan niyang sumunod na rin. Nginitian niya ang ina ng batang lalaki na gumanti ng alanganing ngiti.
“It’s okay. I don’t have a daddy, too,” ang banayad na sabi ni Tilly sa batang lalaki pagkalapit nito.
“Ako rin, walang daddy.”
Bahagyang ikinagulat ni Beatrice nang marinig ang isa pang munting tinig. Isang batang babae na hindi nalalayo sa edad ni Tilly ang lumapit, nakangiti. Nasa likuran nito ang ina na mukhang nag-aalala dahil sa tinuran ng anak.
“Kami rin!”
Dalawang bata pa ang lumapit. Sa palagay ni Beatrice ay kambal ang batang babae at lalaki. Napangiti siya nang makitang parang pinilas mula sa kiddie magazine ang mga ito. Ang kambal na marahil ang pinaka-fashionable sa mga batang naroon. Ang kambal din ang pinakabata sa nagkumpulang mga bata. Hindi na siya nagtaka dahil mukhang fashionista rin ang ina ng mga ito.
Nagkatinginan ang apat na ina. Waring nais mabaghan ng mga ito at nais ding matawa. Napangiti na lang si Bea. At least, alam niya na hindi lang ang anak niya ang naiinggit sa mga batang may ina at ama sa paligid. Hindi sa konsolasyon iyong maituturing. Siguro ay nakatagpo lang ang mga bata ng makakaramay. Nakatagpo rin ang mga ina ng may kaparehong sitwasyon.
Nagpakilala si Bea sa mga ina habang abala na ang mga bata sa paglalaro. “Beatrice. That’s my daughter Tilly.”
Sunod na nagpakilala ang ina ng batang malapit sa edad ni Tilly. “Soledad.”
“Carlotta,” ang pagpapakilala ng ina ng kambal.
“And I’m Monica,” ang sabi ng ina ng batang nagtanong.
Magaan kaagad ang loob ni Bea sa mga bagong kakilala. Siguro ay dahil pareho sila ng sitwasyon kaya hindi mahirap intindihin at magustuhan ang isa’t isa.
“Bakit nga ba wala silang daddy?” ang tanong ni Bea habang nakatingin sa kanilang mga anak na mukhang nagkakasundo rin.
“I don’t wanna talk about that here,” ang nakangiting sabi ni Monica. “Not when the kids are near.”
“Kape tayo minsan,” ang suhestiyon ni Carlotta sa magaang tinig, halos nagbibiro. “I-share natin ang drama ng buhay ng isa’t isa.”
“Let’s do that,” ang sabi ni Soledad sa mas seryosong tinig. “Sino-sino pa ba ang magdadamayan kundi tayong mga single moms?”
“I know a good coffee shop,” ang sabi ni Beatrice. It was a great coffee shop and it was hers.
ANG BIRU-BIRUAN ay tinotoo ng apat na single moms. Isang hapon ng Lunes at nagtipon-tipon ang mga ito sa paboritong coffee shop ni Bea. Tahimik at charming ang coffee shop. Hindi iyon ganoon kalaki ngunit mayroong privacy ang bawat table. Masarap ang kape at pastries. May mga libro sa malalaking shelves na malayang hiramin ng costumers. Mabilis ang Internet connection. Relaxing ang ambiance. Palaging mayroong sariwang bulaklak sa paligid.
Mayroon ding magandang hardin sa labas. Isang mesa ang inireserba ni Bea para sa mga bagong kaibigan at mula roon ay matatanaw ang hardin na maraming halamang namumulaklak.
“Bakit walang daddy ang mga anak natin?” ang nakangiting tanong ni Beatrice sa mga kasama sa mesa. “Importante ba talagang sagutin iyon?”
Pare-perehong napangiti ang tatlong babae.
At doon nagsimula ang isang magandang pagkakaibigan sa pagitan ng apat na single moms. Nang araw na iyon nagsimula ang isang tradisyon. Kada Lunes, alas-tres ng hapon ay nagkikita sina Beatrice na nasa restaurant business, Soledad na isang abogado, Carlotta na isang fashion designer at Monica na isang medical research analyst sa coffee shop na iyon. Ibinabahagi ang ilang pangyayari sa buhay at suliranin sa mga anak at pag-ibig.