FLORENCIO RESORT IYON ang nabasa ni Anicka sa malaking arko pagbaba niya pa lamang ng taxi. Ito na siguro ang resort na pag-aari ng asawa ni Chelsea. Muli niyang tiningnan ang hawak na calling card ng kaibigan at binasa ang nakasulat na pangalan. Chelsea O. Florencio Huminga muna siya ng malalim at bitbit ang hindi kalakihang maleta ay lumakad siya papalapit sa gate upang magtanong sa naroong security guard. "Magandang umaga ho, manong guard, hinahanap ko po si Chelsea..." magalang na sabi niya rito. Magalang din naman itong ngumiti sa kanya. "Magandang umaga din po, Ma'am. Ano pa ang pangalan n'yo?" balik-tanong nito sa magalang ding paraan. "Anicka Escudero po..." Sukat ay nagliwanag ang mukha ng gwardiya. "Ah, opo, itinawag na po kayo ni Ma'am Chelsea. Darating nga raw po kayo.

