Chapter 1
ARABELLA:
LIHIM akong nangingiti habang pinagmamasdan si Dexter na naglalaro ng basketball dito sa court ng school namin. Graduating na din kami ng senior high school. For the past six years, si Dexter ang inspiration ko sa pag-aaral. Kahit nahihirapan ako ay ginagawa ko lahat para makapasa ako at makasabay ko siya.
Hindi ko kasama sa room si Dexter. Nasa section A kasi ito. Kung saan naroon ang mga matatalino. Habang ako at mga kaibigan ko? Nasa section E. Kung saan naroon ang mga pinakamababa ang IQ sa klase. Si Dexter ang pinakamatalino sa aming lahat na ka-batch niya. Palaging perfect ang score niya sa lahat ng subject. Siya rin ang class president at pinakagwapo sa lahat ng mga estudyante dito.
Hindi lang matalino, gwapo, matangkad at president si Dexter. Siya rin ang pinakamayaman sa amin at anak lang naman siya ng aming governor dito sa probinsya. Napakaastig niyang tignan sa lahat ng anggulo, sa school uniform, sa PE, sa jersey nila bilang mga basketball player, lalo na kapag naka-casual siya na nakasuot ng black leather jacket at nakashades habang minamaneho ang service niyang black Ducati.
Marami ring nagpapapansin kay Dexter dito sa school. Mabuti na lang at hindi ito babaero. Kahit babae na ang lumalapit sa kanya, hindi siya nakikipag harutan sa mga ito. Ang alam din namin, wala pa itong girlfriend. Kaya naman sobrang saya ko na wala pang babaeng nakakapag patibok sa puso niya.
“Ang galing talaga!” piping irit ng maharot kong utak na nai-shoot ni Dexter ang bola bago pa umabot sa time.
Nakabibinging tilian at hiyawan ang naghari dito sa gym court na nanalo ang team ni Dexter. Nangingiti namang nakipag kamayan si Dexter at mga team niya sa kanilang nakalaban.
“Ara, tara na. Baka maubusan na tayo ng kikiam at kwek-kwek ni Mang Lando,” untag ni Jessa sa akin– isa sa mga kaibigan ko.
“Ito na. Ang takaw mo talaga e. Kaya ang taba-taba mo,” ingos ko na tumayo na rin.
“Hmfpt, mas maganda na ‘yong obsessed ka sa pagkain dahil mabubusog ka, kaysa maging obsessed sa isang tao na imposible mo namang makuha,” pasaring naman nito na ikinabusangot ko.
Nakayakap ako sa braso niya habang palabas na kami ng school. Alam kasi ni Jessa na gustong-gusto ko si Dexter. Sila ni Tina na kaibigan ko rin ang tanging may alam na gustong-gusto ko si Dexter.
“Pagbigyan mo na, Jessa. Doon masaya ang frennie natin e.” Ani Tina na ikinangiti ko.
“Thanks, bestie, mabuti ka pa, ang supportive mo sa feelings ko,” kinikilig kong sagot dito sabay hagikhik kaming dalawa.
“Hoy, supportive din naman ako pero– sa'yo, Ara. Kasi alam kong masasaktan ka lang kay Dexter. Ni hindi ka nga sinusulyapan no’n e, ang mahalin o magustuhan ka pa kaya?” ingos ni Jessa na ikinalapat namin ng labi ni Tina.
“Oo na. Kaya nga mga kaibigan ko kayo e. Salamat sa suporta sa akin, mga bestie.” Sagot ko na hinila na silang dalawa sa pwesto ni Mang Lando na abala na sa pagluluto ng mga paninda niya.
Tuwing hapon, bumibili na muna kami ng meryendang tusok-tusok ni Mang Lando. Marami din namang nagbebenta ng meryenda dito sa harapan ng school namin. Pero ang karamihan sa mga schoolmates namin ay maaarte. Mas gusto pa nilang pumila sa milktea-han sa tindahan at magpaluto ng fries o burger kaysa magmeryenda dito sa gilid ng daan.
“Mang Lando, sampung piso po sa kikiam niyo at sampung piso rin sa fishball.” Nakangiting wika ni Tina na ikinangiti sa amin ni Mang Lando na makita kami dahil isa kami sa mga suki niya.
“O sige.” Aniya.
“Ako po, isang stick ng kwek-kwek, sampu din sa fishball at sampu ulit sa kikiam, Mang Lando.” Turan naman ni Jessa.
“Ikaw, Arabella? Ano ang sa'yo?” aniya na napasulyap sa akin habang nilalagay sa palayok niyang puno ng kumukulong mantika ang mga order ng mga bumibili.
“Uhm, kwek-kwek at fishball po, Mang Lando. Sampu din po.” Sagot ko na ikinatango nito.
“Uy, sila Rebecca oh?” bulong ni Jessa sa amin habang nakatayo kami dito sa gilid ng daan at hinihintay maluto ang mga order namin.
Umasim ang mukha ko na makita ang grupo ni Rebecca. Aminado ako na maganda sila. Lalo na't may kaya sila at nagmi-make-up din sila. Ang ganda ng buhok niyang mahaba at unat na unat dahil na-rebond iyon. Siya ang muse dito sa school namin at kasama din siya ni Dexter sa section A. Maaarte sila ng mga kaibigan niya at suplada din.
“Ang ganda talaga ni Becca noh?” bulong ni Jessa na ikinaismid ko.
“Maganda na ‘yan? Hindi lang tayo nagmi-make-up, luma ang mga sinusuot natin at buhaghag ang buhok pero maganda din naman tayo,” ingos ko.
“Luto na ang mga ito,” pagtawag ni Mang Lando sa amin kaya lumapit na kami.
Nagtungo naman sila Rebecca at mga kaibigan niya sa milktea-han sa store. Kahit may mga nakapila na, pinauna sila ng mga nauna. Napaismid na lamang ako.
“Tama ka naman do’n, Ara.”
Napalingon ako kay Tina sa kanyang tinuran habang kumakain na kami ng aming mga binili.
“Ang alin, Tina?” tanong ko habang nginunguya ang isinubo kong isang buong kwek-kwek.
“Si Becca. Kung tutuusin, mas maganda ka sa kanya, Ara. Palagi lang maayos siya tignan kaya tingin ng karamihan, napakaganda niya. Pero tayo, kita naman namin ni Jessa, mas maganda ka, Ara.” Sagot nitong ikinatikhim ko at muntik pa akong masamid.
Lihim akong napangiti. Pakiramdam ko, humahaba ang tainga ko sa narinig at sinabi ni Tina.
“Kayo naman. Ang itim ko nga kumpara sa kanya e,” pabebe kong saad.
“Problema ba iyon? E ‘di magpaputi ka, Ara. Kapag pumuti ka at mapaunat natin ‘yang buhok mo, mapapansin ka na nila dito sa school. Malay natin, mapapansin ka na rin ni Dexter,” pabulong tudyo ni Jessa sabay irit sila ni Tina.
Napalapat ako ng labi na nagpipigil mapangiti sa sinaad ng kaibigan ko.
“Tingin niyo?” pabebe ko pang tanong.
Sabay silang tumango na napakalapad ng ngiti.
“Si Dexter oh?” nguso ni Tina sabay siko sa akin.
Napasunod ako ng tingin sa inginuso nito at napangiti na makita si Dexter. Palabas na ito ng gate sakay ang Ducati nito. Napakagwapo at hot nitong tignan kaya lahat ng mga babae, napapalingon sa kanya na napapaawang ng labi.
“Ang gwapo niya talaga, my leading man,” usal ko na nakatulala kay Dexter.
Napatuwid kami sa pagkakatayo nang harangin ito nila Rebecca at huminto ito. Matamis na ngumiti si Rebecca sa kanya na iniabot ang bagong bili nitong milktea. Napababa ang tingin ko sa hawak kong plastic cup na may lamang fishball at kwek-kwek na puno ng sweet and chili sauce. Mapait akong napangiti. Kahit sa meryenda, mas angat si Rebecca kaysa sa akin. Kaya paano naman ako magpapapansin kay Dexter?
“Uhm, Dex, medyo masakit kasi ang ulo ni Becca e. Baka pwede mo siyang iangkas,” dinig naming wika ng isa sa mga kaibigan ni Rebecca.
Nag-angat ako ng mukha. Tumingin sa kanila na ilang dipa lang naman ang layo sa amin dito sa gilid. Napahigpit ang hawak ko sa plastic cup na nakamata sa dalawa. Napahawak pa si Rebecca sa ulo niya na umaarteng masakit ang ulo.
“Hwag kang pumayag, please?” piping usal ko na parang maiiyak na habang nakamata sa crush ko at sa babaeng nababagay sa kanya!
“Okay,” tugon ni Dexter na ikinanghina kong nabitawan ang hawak kong plastic cup.
Parang gumuho ang mundo ko na sumampa na si Rebecca sa ducati nitong inabutan niya pa ng helmet. Napapairit ang mga schoolmates namin na nakamata sa dalawa at pinupuri silang bagay na bagay sila.
“Ang sakit sa mata,” usal ko na napaiwas ng tingin bago pa kami mapansin ni Dexter.
Dumaan ang mga ito sa harapan namin. Nakahawak naman si Tina at Jessa sa akin at alam nilang nadudurog ako sa mga oras na ito. Hanggang makaalis na sila Rebecca at Dexter. Nakayakap pa siya sa baywang ni Dexter at nakapatong ang mukha sa balikat ng crush ko. Pakiramdam ko– pinipira-piraso ang puso ko sa kaisipang yakap-yakap ngayon ni Rebecca ang lalakeng. . . matagal ko nang lihim na minamahal.