ARABELLA:
BAGSAK ang balikat ko habang pauwi ng bahay. Naiisip ang eksena kanina na umangkas si Rebecca sa ducati ni Dexter. Ito ang unang beses na may iniangkas si Dexter sa ducati niya, at si Rebecca pa talaga.
“Malamang close sila. Bukod sa muse si Rebecca, magkakaklase din sila,” usal ko na naluluha.
Maganda si Rebecca, maganda siya manamit, maganda ang buhok, maputi siya at mabango rin. Humahalimuyak ang pabango niya na halatang mamahalin kapag dumaraan siya. Habang ako? Luma ang mga sinusuot, kahit nga sapatos ko ay luma na. Hindi ako maputi at wala naman akong pambili pampaputi. Buhaghag din ang makapal kong buhok na palaging nakapusod. Wala akong gamit na pabango at hindi rin matatawag na maganda dahil kahit may itsura ako, hindi naman kapansin-pansin. Kahit nga mga kilay ko ay hindi ko maipaayos kaya ang kapal tignan.
“Oh, Ara, nand'yan ka na pala!”
Napakurap-kurap ako na hindi napansing nakauwi na ako ng bahay. Dahil sa lalim ng iniisip ko, ni hindi ko naramdaman ang pangangalay ng mga binti ko sa layo ng nilakad ko pauwi.
“Magandang hapon po, Mama, mano po.” Matamlay kong pagbati na nagmano sa aking ina.
Napatitig siya sa akin na tila binabasa ang tumatakbo sa isipan ko. Pilit akong ngumiti na inayos ang suot kong round reading glasses.
“Ano'ng problema, anak ko? Bakit ang tamlay mo? May sakit ka ba?” magkakasunod niyang tanong na sinalat ang noo at leeg ko na dinadama kung mainit ako.
Umiling ako na ngumiti. “Wala po ito, Mama. Napagalitan lang po kanina sa school. Maingay po kasi kami nila Jessa at Tina kaya pinagalitan kami ng adviser namin,” pagkakaila ko kay mama.
Napabuntong hininga ng malalim si mama na tumango. Pero kitang hindi siya kumbinsido sa palusot ko. Kaming dalawa lang ni mama ang magkasama sa bahay. Wala akong papa at mga kapatid. Ang sabi ni mama, hindi niya kilala ang ama ko. Kaya hindi na rin ako nagtanong pa tungkol sa ama ko. Lalo na't eighteen na ako pero– wala manlang dumating dito sa bahay na nagpakilalang ama ko.
“Sige na, maligo at magbihis ka na doon. May binili akong bilo-bilo at suman kanina sa bayan, kumain ka pagkatapos mong maligo,” aniya na ikinatango ko.
“Sige po, Mama.”
Dala ang backpack ko ay umakyat na ako sa ikalawang palapag ng bahay namin. Ramdam kong nakasunod ng tingin si mama sa akin na hindi ko na nilingon pa. Kabisado ako ng mama, alam niya kung may pinagdadaanan ako.
LUMIPAS ang ilang araw at balibalita dito sa school namin na magkasintahan na si Rebecca at Dexter. Dahil sa pag-angkas ni Dexter kay Rebecca noong nakaraan kaya hinala ng marami, magkarelasyon sila.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Tina sa akin na mag-excuse ako sa teacher namin.
“Uhm, gagamit lang ng banyo,” pabulong sagot ko.
“Sasamahan kita,” alok niya pa na ikinailing ko.
“Hwag na, magagalit si ma'am,” sagot ko na tinapik ito sa braso.
Tumango itong pilit ngumiti. “Bumalik ka kaagad ha?”
Isang tango ang isinagot ko bago lumabas ng room namin. Habang naglalakad ng hallway, nadadaanan ko ang ilang classroom na ka-batch din namin. Kami kasi ang nasa dulo dahil section E kami– section ng mga bobo, iyon ang bansag sa aming mga nasa section E.
Napalunok ako na bumilis ang t***k ng puso nang madadaanan ko na ang classroom nila Dexter. Ayoko sanang lumingon, pero– siya naman talaga ang rason kaya lumabas ako. Hindi ko kasi nakita ito kanina sa flag ceremony namin. Dahan-dahan bawat paghakbang ko habang nakamata sa loob ng classroom. Lihim akong napangiti na makitang narito na siya. Nagbabasa ng libro at as usual, naka-pokerface siya.
Napaismid ako na naikuyom ang kamao na mapansing magkatabi na pala sila ni Rebecca. Kasalukuyang may ibinulong si Rebecca sa kanya na ikinasilay ng munting ngiti niya– bagay na madalang lang namin makita. Suplado kasi si Dexter, hindi ito basta-basta nakikipag kaibigan. Pero heto at magkatabi sila ni Rebecca at napapangiti siya nito.
Mapait akong napangiti na inayos ang round reading ko at tumuloy na muna sa restroom. Nakakainis. Bakit ba ako nasasaktan? First of all, single sila pareho at kahit masakit? Mas bagay sila. Pareho silang may kaya ang pamilya at parehong matalino. Ano nga ba ang laban ko e ni hindi nga ako sulyapan ni Dexter. Ni minsan, kahit nakakasalubong ko siya ay hindi pa ako no'n kinausap lalo na ang ngitian ako.
Maghapong wala ako sa mood habang nasa klase. Ni hindi mag-sink-in sa isipan ko ang mga lesson namin. Kahit sa meryenda at lunch break namin ay wala akong kasigla-sigla.
“Uy, bestie, maglalaro sila Dexter ngayon sa court, manonood ba tayo?” tanong ni Tina habang naglalakad kami ng hallway.
“Kayo na lang, bestie, uuwi na ako,” sagot ko.
Nagkatingan pa sila na nagulat sa aking tinuran.
“Bakit naman, bestie? Palagi ka namang nanonood ng laro nila a,” tanong ni Jessa na sinang-ayunan ni Tina.
Napabuntong hininga ako na bagsak ang balikat. Nagkukumahog na nga ang mga schoolmates namin na magtungo sa gym court ng school para mapanood sila Dexter na maglaro.
“Wala ako sa mood, bestie. Iiwasan ko nang subaybayan siya sa mga activities niya. Ilang taon na ba natin siyang binabantayan at sinusundan? Pero ni minsan, hindi naman niya tayo napansin e. Okay na ‘yon. Crush ko lang siya pero hindi ibig sabihin no'n ay sa kanya na iikot ang mundo ko,” sagot ko na mapait na napangiti.
Six years. Anim na taon ko siyang crush at inspiration. Palaging pinapanood sa mga activities nila. Palagi nga rin akong nage-excuse sa klase para lang dumaan sa room nila at masulyapan siya. Pero iba na ngayon. Dahil may girlfriend na siya– at si Rebecca pa talaga.
“Mukhang natauhan na ang bestie natin a, Tina. Ganyan nga, Ara, gwapo naman talaga si Dexter pero– ano ngayon? Ang suplado naman niya at ni hindi marunong ngumiti,” wika ni Jessa.
“Makakalimot ka rin, Ara. Magka-college na tayo sa susunod na enrollment. Mas maraming gwapo tayong makakasalumuha kapag nasa college na tayo,” pagsang-ayon pa ni Tina na ikinatango kong pilit ngumiti na lumabas na ng school.
“Tara, mag-tusok-tusok muna tayo,” pag-aaya pa ni Jessa na mahinang ikinatawa ni Tina.
Naiiling naman akong nagpatianod sa kanilang dalawa. “Puro ka talaga pagkain.” Ingos ni Tina dito.
For the first time, hindi ko pinanood ang crush ko sa kanilang laro. Ang totoo niya'n, mabigat sa loob ko. Pakiramdam ko ay nagtatampo ako at nagseselos kahit wala naman akong karapatan. Nakakainis. Bakit ba kasi mahirap lang kami ni mama? Nasaan na ba kasi ang papa ko?
Siguro kung kasama lang namin ang papa ko, mas maayos ang buhay namin ni mama. Kahit gusto kong magpaganda at bimili ng mga bagong gamit ko, hindi ko magawa. Dahil wala kaming sapat na pera ni mama.
Nagtitinda ng mga gulay si mama sa palengke. Araw-araw siyang nagtutungo sa bayan para magtinda. Kapag hindi niya kasi maipaubos ang inangkat niyang gulay at mabubulok lang? Sayang ang puhunan. Maliit lang ang tubo ni mama sa mga pinapamili niyang gulay at nagrerenta pa siya ng pwesto sa palengke. Kaya wala kaming sapat na pera para sa mga gusto ko.
“Wala yata sa mood si Dexter ngayon?”
“Oo nga, paano nangyaring natalo sila?”
“Hindi sila natalo, nagpatalo si Dexter. Halata naman na sinasadya niyang hwag ishoot ang bola e.”
“Ang init nga ng ulo niya sa laro nila ngayon. Baka nag-away sila ni Becca?”
Natigilan kami sa pagkain na marinig ang bulungan ng mga kaklase namin na nanggaling sa court ng school. Nagkatingan pa kaming tatlo. Dati-rati kasi ay inaabot sila ng thirty minutes sa paglalaro. Pero ngayon, wala pang twenty minutes pero natapos na ang laro?
“Huy, narinig niyo? Natalo sila Dex?” pabulong saad ni Jessa na ikinatango namin.
“Mabuti na lang pala hindi tayo nanood,” wika naman ni Tina.
Pilit akong ngumiti na inubos na ang meryenda ko. “Tara na. Maglalaba ako ngayon e.”
“Sige, kita-kits ulit bukas ha?” ani Jessa na tinanguhan namin.
Palabas na kami ng bakuran ng school nang marinig namin ang pamilyar na tunog ng motor ni Dexter. Natigilan ako na napalunok. Nanatiling nakatalikod at hindi siya nililingon katulad ng nakasanayan ko. Habang palapit nang palapit ang motor niya, palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko.
Nanigas ako sa kinatatayuan na huminto siya– sa tapat ko!
“Hoy, panget, mag-usap nga tayo,” ani ng baritonong boses na napakasungit ng pagkakasabi!