ARABELLA:
NATULALA ako na mapatitig sa sulat na hawak nito. Halatang nabasa na niya iyon dahil iba na ang pagkakatupi niya.
“Uhm, anak, maligo ka na muna para makapagbihis ka na, hmm?” ani mama na ikinabalik ng ulirat ko.
“Tumabi ka nga,” mahinang sikmat ko dito na maalala na pinagtatawanan nila ako kanina ng mga kaklase niya.
Mahina ko itong itinulak at nakaharang siya sa daan. Hindi naman na ito sumagot. Dama kong nakasunod sila ng tingin sa akin ni mama pero hindi ko na sila nilingon pa. Umakyat ako sa second floor namin at tumuloy sa silid ko.
Naghubad na muna ako at basang-basa ang suot ko. Tumuloy ako sa cabinet ko at kumuha ng pagbibihisan. Nasa baba pa ang banyo namin dahil iisa lang naman ang banyo dito sa bahay. Nagsuot ako ng roba at dinala ang mga damit kong nabasa at pagbibihisan na muling bumaba ng bahay.
Napalingon pa si Dexter sa akin na kasalukuyang kausap ni mama dito sa sala pero inirapan ko lang. Dapat masaya ako na nandidito siya sa bahay ngayon. Pero sa nangyari kanina, sa mga narinig ko na pinagtatawanan nila ako, at ang katotohanan na magiging kuya ko siya dahil magpapakasal ang mama ko at papa niya? Hindi ko alam kung matutuwa pa ba ako na makasama siya sa iisang bubong.
Sa unang pagkakataon, hindi ako nakadama ng saya, kilig at excitement na makakasama siya. Dati, pangarap ko lang na masilayan siya palagi. Pero heto at sobra-sobra naman ang ibinigay. Dahil literal na masisilayan ko siya palagi at makakasama sa iisang bubong, iyon nga lang. . . dahil step brother ko na siya.
Naligo ako at nagkuskos ng katawan. Nilalamig na rin kasi ako. Malakas pa rin ang ulan sa labas kaya tiyak na dito maghahapunan si Dexter at baka dito din matutulog. May isang bakanteng silid naman kami dito sa bahay. Kaya nakatitiyak akong doon patutuluyin ni mama si Dexter, at ang nakakainis? Katabi iyon ng silid ko.
Pagkatapos kong naligo, sa banyo na rin ako nagbihis. Inayos ko sa timba ang mga basa kong damit bago lumabas ng banyo.
“Anak, halika, humigop ka muna nitong sopas para mainitan ang sikmura mo,” pagtawag pa ni mama sa akin na makitang lumabas na ako ng banyo.
Walang imik na lumapit ako. May sopas nga sa lamesa at kasalukuyang kumakain si Dexter. Tiyak na niluto ito ni mama at masarap magluto ng meryenda at ulam ang mama ko.
“Sa silid na lang po ako kakain, mama,” aniko.
“Anak, may bisita tayo, dito ka na, hmm?” pakiusap pa ng mama.
Napalunok ako na hindi sinusulyapan si Dexter na tahimik na kumakain.
“S-sige po,” pagsang-ayon ko na naupo sa tabi ni mama.
Napangiti naman ito na iniabot sa akin ang isang bowl na puno ng sopas. Tamang-tama at nilalamig na ako. Kailangan kong makahigop ng mainit na sabaw na bagay ngayong maulang panahon.
“Dahan-dahan, anak, mainit at bagong luto lang ‘yan,” paalala pa ng mama nang akmang hihigop ako sa sabaw.
Habang kumakain kami ng sopas, walang imikan sa amin ni Dexter. Ni hindi ko ito sinusulyapan. Masama pa rin ang loob ko sa mga narinig ko kanina na sinabi niya at mga kaibigan niya. Na para akong isang nakakatawang bagay o laruan sa kanila. Hindi porket nasa matatalinong classroom sila, minamaliit na nila akong nasa section E. Kung tutuusin, kaya ko naman talagang mapataas ang grado ko. Sadyang inaakupado lang ni Dexter ang isipan ko araw-araw at gabi-gabi. Kaya siya palagi ang laman ng utak ko at hindi ang mga lesson ko. Kung magfo-focus lang ako sa pag-aaral at kakalimutan ko na siya? Baka nga mapantayan ko pa siya e.
“Siya nga pala, anak ko, ano'ng nangyari sa'yo kanina, hmm? Hinahanap ka namin nila Jessa at Tina noong tinawag na ang section niyo para makaakyat din kayo sa stage a. Pero natapos na silang lahat, wala ka pa rin,” tanong ng mama habang kumakain kaming tatlo ng sopas.
Kita ko sa peripheral vision kong natigilan si Dexter sa pagsubo pero hindi ito umimik o sumulyap sa akin. Muli ay nagpatuloy din itong kumain na tila balewala ang narinig niyang tanong ni mama sa akin at walang pakialam.
“Uhm, may inasikaso lang po ako, Mama. Kaya hindi na ako nakabalik. Pasensiya na po kayo, alam kong pinaghandaan mo din iyon pero hindi ka nakaakyat ng stage kasama ako,” paumanhin ko ditong ngumiti at umiling.
“Okay lang iyon, anak. Kilala kita, tiyak kong may mabigat at valid reason ka na hindi nagpakita kanina. Ang mahalaga naman sa akin, maayos ka, Ara.” Sagot ni mama na napaka-understanding.
Pilit akong ngumiti na nagpatuloy sa pagkain ko. Hinaplos pa ako ng mama sa ulo kong may balot na towel ang buhok at basa pa ito.
“Ara, okay lang naman sa'yo na dumito muna si Dexter, ‘di ba?” tanong pa nito.
Natigilan ako na napalunok. Biglang binundol ng kaba ang dibdib ko.
“Wala naman po akong magagawa kung patutuluyin niyo siya dito, Mama,” sagot ko na hindi sinusulyapan si Dexter kahit alam kong naririnig niya kami.
“Hindi naman sa gano'n, anak. Syempre, anak kita at mahalaga din ang opinion mo para sa akin. Buong buhay mo ay tayong dalawa ang magkasama at magkaagapay sa buhay. Kaya mahalaga din sa akin ang opinion mo,” wika ng mama.
“O-okay lang po, Mama. Wala namang problema sa akin,” pagsang-ayon ko na lamang at ayokong dagdagan ang sama ng loob ni mama.
Alam kong may tampo siya dahil hindi ako dumating kanina para makaakyat kami ng stage. Anim na taon ako sa highschool pero heto at sinayang ko ‘yong pinakamahalagang moment sana namin ni mama. Ngayon ko lang na-realized kung gaano kahalaga ang itinapon ko dahil lang sa isang tao.
At ngayon ay kasama na namin sa bahay ang taong iyon.
“Oh siya, kumain na muna kayo at maghahanda ako ng hapunan natin,” wika ng mama na iniwan na kaming dalawa ni Dexter.
“Tutulungan ko na lang po kayo, Mama.”
“Hwag na, anak ko, walang kasama si Dexter,” pagtanggi nitong ikinangiwi ko.
Muli akong naupo ng sofa namin at nagpatuloy sa kinakain. Kita ko namang inilapag na ni Dexter ang bowl niya sa mesa at naubos niya ang laman no'n.
Wala kaming imikan habang nagluluto si mama sa kusina. Ewan ko pero, nawalan ako ng gana na kausapin siya at nagre-replay sa isipan ko ang sinaad niya kanina na hinding-hindi siya magkakagusto sa isang probinsyana na katulad ko. Sobrang nadurog ako na marinig iyon mula sa lalakeng anim na taon kong sinusundan, pinapangarap, inspirasyon at minamahal. Alam ko naman na hindi ako nababagay sa kanya e. Pero masakit pa rin na marinig iyon mula sa kanya.
“Maliit lang ang bahay namin. Bakit gusto mong tumira dito?” hindi ko na naiwasang itanong.
Nilingon ko ito na abala sa cellphone niya. Hindi pa rin siya nakakapagbihis. Iyon pa rin ‘yong suot niya kanina at aminado akong. . . napakagwapo niya lalo na ngayon. Bagong gupit kasi siya. Naka-wax pa ang buhok niya at nakasuot siya ng dark blue polo at black pants na pinaresan ng black shoes niyang napakakintab. Mas makintab pa nga ang sapatos niya sa sahig namin.
“Hindi ako ang may kagustuhan na tumira dito– kundi ang daddy ko,” malamig niyang sagot na hindi manlang ako tinitignan.
Abala ito sa ka-chat niya. Nakikita kong mabilis siyang magtipa at maya’t-maya na tumutunog ang cellphone niya kapag may chat siyang natatanggap.
“E ‘di sana tumanggi ka,” mahinang usal ko na napaismid at kita kong masaya siya sa ka-chat niya.
“Hindi ako katulad mo na sinusunod ang gusto. I'm not immature like others. Hindi ako– pasaway na anak,” aniya pa.
Sinamaan ko siya ng tingin, pero hindi ito tumitingin sa akin at abala siya sa cellphone niya.
“E ‘di ikaw na ang perpektong anak,” ismid ko na inubos ang sopas ko at tumayo na.
Kinuha ko rin ang empty bowl na pinagkainan nila ni mama at dinala sa kusina. Napasulyap pa ang mama sa akin na abala dito sa kusina ng mga nilulutong hapunan. Dinala ko sa lababo ang mga pinagkainan namin at hinugasan na muna.
“Ang dami mo naman po yatang iluluto, Mama. Baka masayang lang ‘yan e tayo-tayo lang naman ang kakain,” wika ko.
“Hindi naman, anak. Isa pa, parang celebration na din natin sa pagtatapos niyo ni Dexter. Siya nga pala, bukas ay dadalo tayo sa party ni Dexter sa bahay nila sa bayan ha? Isa pa, susunod mamaya si Damian dito para makasalo tayo sa hapunan. Tiyak na nagpapatila lang iyon ng ulan,” wika ni mama habang abala sa mga iluluto.
Napanguso ako. “Hindi mo po sinabi na si Gov pala ang boyfriend mo, Mama.” Mababang saad ko.
Pilit itong ngumiti na nilingon muna ako. “Pasensiya ka na, anak. Alam mo namang kilalang tao si Damian e. Ang totoo niya'n, magmula noong naging nobyo ko na siya, hindi na siya pumapayag na magtinda ako sa palengke. Araw-araw akong naroon sa opisina niya at doon naglalagi. Kaya napapadalas na magdidilim na akong nakakauwi. Siya rin. . . ang nagbibigay ng pera sa akin na nagagamit natin at ayaw niyang magtrabaho pa ako,” pag-amin nitong ikinalunok ko na nagulat sa nalaman.
Nabanggit lang niya minsan noong nakaraang buwan na may kasintahan siya. Pero hindi niya sinabi kung sino at ang alam ko, araw-araw pa din siyang nagtitinda sa palengke.
“O-okay lang po, Mama. Kung saan po kayo masaya, doon po ako. Isa pa, wala naman akong papa e. Karapatan niyo rin pong sumaya.” Mababang saad ko na pilit ngumiti ditong lumamlam ang mga matang nakatitig sa akin. “Malaki na po ako. Buong buhay niyo, nakatuon kayo sa pag-aalaga sa akin at paghahanap buhay para may makain tayo at magamit sa araw-araw. Kaya hindi ko po kayo hahadlangan sa kasiyahan niyo.”
Napangiti ito na binitawan na muna ang ginagawa at naglahad ng braso. Niyakap ko ito na mahigpit akong niyakap.
“Salamat, anak ko. Salamat. . . naiintindihan mo ang mama.”
Nangilid ang luha ko dahil ang kapalit ng kaligayahan ng ina ko. . . ang maging step brother ko na ang ultimate crush ko ng anim na taon!
"Walang anuman po, Mama. Kung saan ka masaya-- doon din ako."