ARABELLA:
AKALA ko ay nagbibiro lang si Dexter kaninang umaga na ihahatid niya ako pero– nagkakamali ako. Paglabas namin ng classroom, narito siya sa tapat na naghihintay. Napaka astig niyang tignan habang nakasandal ng dingding at nakapamulsa ng kamay sa school slacks nito. Para siyang modelo na naka-pose sa kanyang tindig lalo na't matangkad siya, mistiso at maganda ang pangangatawan.
“Ara, ikaw na talaga. Nandito nga si Dex,” impit na irit ni Jessa na sinusundot sundot ako sa tagiliran.
“Oo nga, Ara. Ang swerte mo naman. Samantalahin mo na siyang yakapin mamaya,” maharot na panunulsol pa ni Tina na ikinahagikhik namin.
“Tumigil nga kayo. Sige na, alis na,” pagtataboy ko na sa kanila.
“Yiee, ikalma ang p***y, bestie. Baka naman halayin mo si president ha?” tukso pa ni Jessa na ikinainit ng mukha kong pinanlakihan ito ng mga mata.
Napapahagikhik sila ni Tina na umalis na at tinutukso pa rin ako. Naiiling naman akong nakasunod ng tingin sa kanilang bumaba na ng hagdanan. Lumapit na ako kay Dexter na nasa kinatatayuan pa rin nito. Pinagtitinginan tuloy siya ng mga estudyante. Maging si Rebecca at mga alipores niya ay nakamata sa amin at kitang naniningkit ang mga mata na makita akong lumapit kay Dexter.
“Uhm, hi,” nauutal kong pagbati dito.
Napatuwid siya sa pagkakatayo na napasulyap sa wristwatch niya.
“What took you so long? Pinaghintay mo talaga ako ng ten minutes?” pagalit nito na ikinangiwi ko.
“Pasensiya na. Kami kasi ang naatasan na maglinis ng classroom namin e. Tara na,” sagot ko ditong nakabusangot pa rin pero humakbang na din kasabay ko.
Pinagbubulungan pa kami ng mga schoolmates namin at naiinis ang marami na makitang ako ang kasama ni Dexter.
“Ano ba ‘yan? Bakit kasama na naman ni Dexter ang Ara na iyan? Hindi naman sila bagay.”
“Kaya nga e. Nakakainis ang babaeng iyan. Inaagaw si Dexter kay Becca. Akala mo naman maganda.”
“Baka kaya nag-break sila Dexter at Becca, kasi iyan na ang bagong girlfriend ni Dexter.”
“Imposible iyan. Tignan niyo nga si Ara, kumpara kay Becca? ‘Di hamak namang mas maganda si Becca kaysa sa Ara na iyan.”
“Tama, at mas matalino at mas malinis tignan si Becca. Kaya sila ni Dexter ang bagay.”
“Mukhang nanggagayuma ang nerd na ‘yan kaya kasama niya si Dexter ngayon.”
“Mukhang hindi naman si Ara ang naghahabol sa kanila. Nakita ko si Dexter kanina, naroon siya sa tapat ng classroom nila Ara at may hinihintay. Mukhang si Ara ang hinihintay niya.”
“Oo nga. Saka hwag kayong ganyan kay Ara. Kahit luma siya manamit at nasa last section, mabait naman ‘yan. Wala pa siyang nakakaaway dito at ang alam ko, noong nakaraan, inihatid ulit ni Dexter si Ara sa kanila. Magkasama pa nga kaninang recess ‘yang dalawa e. Baka sadyang si Ara ang tipo ni Dex, hindi si Becca.”
Samo’t-saring bulungan at usapan ang mga naririnig namin habang naglalakad kami ng hallway ni Dexter. Hindi naman ito kumikibo. Naka-pokerface na naglalakad habang napapayuko naman akong sinasabayan ang bawat paghakbang niya.
Sanay naman na ako na hindi ako gusto ng mga kapwa ko estudyante, lalo na ang maibigan ako para kay Dexter. Pero okay na iyon. May dalawa naman akong supportive na kaibigan na nakahandang samahan ako sa bawat laban ko.
Pagdating namin sa parking lot ay nanatili kaming walang imikan ni Dexter. Hindi ko rin alam kung ano ang mga tumatakbo sa isipan niya. Baka nga nagsisisi na rin siyang lumalapit sa akin.
“Sakay na,” aniya na ikinakurap-kurap ko.
Sa dami ng mga iniisip ko, hindi ko napansin na sumakay na pala siya sa bigbike niya. Nahihiya akong ngumiti na dahan-dahang inihakbang ang mga paa. Masyado kasing mataas ang bigbike niya kaya kailangan ko pang kumapit sa kanya.
“Uhm, pasensiya na. Pwede bang kumapit?” nahihiya kong tanong.
Hindi ito sumagot na kinuha ang kamay ko at tinulungan akong makasampa sa kanyang bigbike. Lihim akong napangiti na maramdaman ang mainit at malambot niyang palad. Nang makaupo na ako, binitawan na niya ang kamay ko. Hindi naman ito umangal nang pasimple akong yumakap sa kanyang baywang. Nagmaneho ito palabas ng school kahit na pinagtitinginan kami ng mga schoolmates namin.
Habang nasa daan, walang imikang namagitan sa amin ni Dexter. Gusto ko man siyang kausapin, pero nag-aalangan ako. Ano naman ang itatanong ko sa kanya? Sa mga katulad niyang genius ay tiyak na wala sa vocabulary niya na makipag kulitan at kwentuhan ng mga walang kwentang bagay-bagay.
“Nasa bahay niyo ba ang mama mo?” tanong nito nang malapit na kami sa bahay.
“Siguro. Depende kasi kung maaga niyang maipaubos ang mga paninda niyang gulay sa palengke o hindi. Kapag nali-late sa pag-uwi si mama, ibig sabihin, hindi kaagad naubos ang mga paninda niya. Kapag naman maaga siyang makauwi, ibig sabihin ay maagang naubos ang mga paninda niya,” sagot ko dito na napanguso.
“You know my dad, right?” aniya pa.
Nagsalubong ang mga kilay ko. Biglang kumabog din ang dibdib ko sa hindi ko mapangalanang bagay.
“O-oo naman. Si Gov Damian, ‘di ba?” sagot ko dito na hindi na umimik.
“Do you want him to become your father?” tanong niya pa na ikinakunot lalo ng noo ko na napatitig ditong bakas ang kaseryosohan.
“Ha? Ano'ng ibig mong sabihin? Tinatanong mo ba ako kung gusto kong maging papa ang papa mo?” paniniguro kong tanong.
Inihinto niya sa tapat ng bahay ang bigbike niya. Napapalingon tuloy ang mga kapitbahay namin at nakikilala nila ang naghatid sa akin– ang anak ng governor namin. Nagbubulungan pa ang mga ito na nakamata sa amin ni Dexter.
“Uhm, mukhang wala pa si mama. Gusto mo bang uminom muna sa bahay? May juice, soft drink at kape naman kami d'yan,” wika ko na ngumiti sa kanya.
“No thanks, panget. Uuwi na ako,” aniya na pinigilan ko sa braso.
Natigilan kami pareho na napalunok. Hindi ko alam kung naramdaman niya, pero ako? Damang-dama ko ang kakaibang boltahe ng kuryente na dumaloy sa aking ugat na mahawakan ko siya.
“What?” tanong nito na napasulyap sa kamay kong nakahawak sa braso niya.
Napangiwi ako na binitawan ito. “Uhm, bakit mo itinatanong kung gusto ko bang maging papa ang papa mo?” tanong ko dito na nag-iwas ng paningin.
“Wala naman. Naitanong ko lang,” sagot niya pero halatang nagpalusot lang.
Tumango-tango ako na pilit ngumiti sa kanya. “Okay, salamat sa paghatid ha? Mag-iingat ka.” Tugon ko dito na nilingon ako at ilang segundo akong pinakatitigan.
Nailang tuloy ako na hindi masalubong ang kanyang mga mata. Hindi ko pa naman mabakasan ng emosyon ang mga mata niyang napakalamig tumitig at nakakakilabot.
“Hindi mo pa ako sinasagot, panget. Kung gusto mo bang maging papa ang papa ko.” Aniya na seryoso ang itsura.
Alanganin akong ngumiti na napakamot sa ulo. “E. . . sino naman ako para tawaging papa ang papa mo? Isa pa, mataas na tao ang ama mo. Hindi ako. . . nararapat at wala akong karapatan na tawagin siyang papa.” Sagot ko sa kanya na matiim na nakatitig sa akin.
“Ayaw mo siyang tawaging papa?” muling tanong nitong ikinailing ko.
“Hindi naman sa gano'n. Ang ibig kong sabihin– hindi ako nararapat tawagin siyang papa.” Pagkaklaro ko ditong napanguso.
“What if you have the right to call him papa, gusto mo na ba siyang tawaging papa?” tanong niya pa na ikinalunok ko.
Hindi ko alam kung paano ko siya ngingitian lalo na't seryoso ito at matiim na nakatitig sa akin.
“K-kung may karapatan na ako, o-oo naman. Sino ba naman ako para tanggihang maging papa ang papa mo, ‘di ba?” sagot ko ditong hindi na sumagot.
“Pero ayoko.” Aniya na in-start na ang motor niya.
“Ha?”
“Tsk. Alis na ako,” anito na pinaandar na ang bigbike nito.
Napasunod na lamang ako ng tingin ditong umalis na hanggang mawala na siya sa paningin ko. Bagsak ang balikat ko na nagtungo ng bahay. Naka-lock pa ito kaya nakatitiyak akong nasa palengke pa rin si mama hanggang ngayon.
“Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Tinanong tanong ako kung gusto kong maging papa ang ama niya pero– ayaw din naman niyang tawagin kong papa ang ama niya,” usal ko na nahihiwagaan sa mga naiisip.