ARABELLA:
LUMIPAS ang mga araw, linggo at buwan. Nakakalungkot man pero. . . magtatapos na kami sa senior high school. Papasok na kami sa college ng mga kaibigan ko. Magkakaiba pa man din kami ng mga kurso kaya magkakahiwalay na kami ng university na papasukan.
“Ano na, Ara? Magtatapos na tayo oh? Wala pa ba kayong label ni Dexter?” tanong ni Tina habang nandidito kami sa gym court at pinapanood sila Dexter sa basketball.
Napabuntong hininga ako ng malalim. Sa nakalipas na apat na buwan, ilang beses na rin akong inililibre ng meryenda at tanghalian ni Dexter. Inihahatid niya rin ako sa bahay sa hapon at ang iniisip ng mga schoolmates namin, magkasintahan kaming dalawa.
Kapag magkasama kami, wala naman kaming mahalagang napag-uusapan. Madalas siyang seryoso at saka lang siya nanlilibre o ihahatid ako, kapag nag-aalok si Inigo. Kaya palagi akong tumatanggi kay Inigo dahil ayaw ni Dexter na nagpapalibre ako kay Inigo, lalo na ang ihatid niya ako sa bahay. Hindi ko rin alam kung bakit iyon ginagawa ni Dexter. Ayokong pangunahan ito lalo na’t kita ko namang wala siyang interes sa akin.
“Hindi ko na nga alam ang gagawin ko e. Siguro, dito na magtatapos ang kabanata naming dalawa. Bahagi lang siya ng makulay at masayang high school life ko, bestie. Wala e, hindi ko siya maabot. Masyado siyang mataas. Isa pa, tiyak na hindi na niya ako mapapansin pagka-graduate natin. Baka nga sa Manila pa siya magpatuloy sa pag-aaral e.” Matamlay kong sagot na pinapanood si Dexter kung gaano ito kagaling sa basketball.
Ang galing nitong umagaw ng bola mula sa mga kalaban. At kahit malayo siya kapag siya ang mag-shoot ng bola sa basketball ring, pasok ito. Kaya naman lamang na lamang kaagad ang score ng team niya dahil napakahusay ni Dexter sa larong ito.
“Bakit hindi ikaw ang unang magtapat, Ara? Total naman, magtatapos na tayo. Isang linggo na lang oh? At least, nasabi mo sa kanya ang nararamdaman mo sa kanya bago kayo magkakalayo,” wika naman ni Jessa na sinang-ayunan ni Tina.
“Hindi ba't nakakahiya naman iyon? Alam naman nating walang pagtingin si Dexter sa akin e. Nakakahiyang magtapat ako sa kanya na alam ko namang mababasted lang ako at baka pagtawanan niya pa ako,” sagot ko sa mga ito.
“Kung nahihiya kang umamin sa kanya ng harapan? E ‘di idaan mo sa ibang paraan, bestie. Bakit hindi mo siya itext?” tugon ni Jessa sa akin.
“Hwag, baka mamaya ay hindi niya pa mabasa iyan. E kung– love letter kaya, hmm? Hindi ba't mas romantic iyon? Sulatan mo na lang siya at doon ka umamin ng nadarama mo sa kanya, Ara. Sabihin mo lahat ng nasa puso mo sa kanya sa sulat. Para kapag binasa niya iyon, mararamdaman niya ang damdamin mo,” suhest’yon naman ni Tina na nagtaas baba pa ng mga kilay.
Napalapat ako ng labi. Nabuhayan sa kanilang mga suhest'yon. Pakiramdam ko, may idea na ako kung paano magtapat ng nadarama kay Dexter. Kahit hindi niya na ako sagutin dahil magkakalayo naman na kami e.
“Tama, sulatan ko na lang siya at ibigay. . . sa graduation day natin. At least, hindi na ako mahihiya sa kanya dahil magkakalayo naman na kami. Imposibleng magkrus pa ulit ang landas namin sa hinaharap.” Pagsang-ayon kong ikinangiti ng mga ito.
“Ganyan nga, Ara, dapat fighting lang,” pagsusuporta ni Tina sa aking ikinangiti ko.
“Salamat sa inyong dalawa ha? Malulungkot ako na magkakalayo-layo na tayo sa susunod na enrollment pero– napakasaya ko rin na maging kaibigan at bahagi kayo ng masayang high school life ko.” Maluha-luhang wika ko sa kanilang dalawa na napangiting niyakap ako.
“Salamat din, Ara. Maswerte kaming maging kaibigan ka.”
KINAGABIHAN, hindi ako makatulog kaya nagsimula akong magsulat sa notebook ko. Panay ang punit ko na nilulukot ang papel kapag may mali akong naisulat o masyadong corny, walang dating o pasikot-sikot ang naisusulat ko.
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko at nanginginig pa ang kamay ko habang sinusulat ang love letter ko kay Dexter! Hindi rin kasi ako makatulog. Kaya napagpasyahan kong gawin na ang love letter ko para maghahanap na lang ako ng tamang t’yempo para ibigay kay Dexter ang love letter ko.
Hanggang sa inabot na ako ng dalawang oras na nakaupo dito sa study table ko sa silid. Nagkalat na rin ang mga nalukot na papel ko sa ibabaw ng mesa at sa sahig dahil maya’t-maya kong pinupunit ang isinusulat ko kapag namamali ako ng naisusulat. Kahit ang buhok ko ay sabog-sabog na sa kakakamot ko.
“Kainis, bakit ba ang hirap maghayag ng damdamin? Sasabihin ko lang naman na matagal ko na siyang crush e. Hindi naman na kami magkikita pagkatapos ng graduation kaya bakit ba hirap na hirap akong isulat ang damdamin ko para sa kanya? Dito ko na nga lang masasabi sa kanya na gustong-gusto ko siya e. Alam ko namang walang pagtingin ‘yon sa akin pero– ang hirap pa ring umamin,” usal ko na naiinis.
Nakalahati ko na kasi ang notebook ko sa kakapunit ko. Dalawang oras na akong nakaupo sa silya at nangangalay na ang katawan ko pero– wala pa akong nasusulat! Napabuga ako ng hangin, inabot ulit ang pen ko at nagsimulang magsulat sa notebook ko.
“Dear, Dexter:”
Paninimula ko. Napapikit ako, huminto na muna at huminga ng malalim. Kinakalma na muna ang puso kong kay bilis ng t***k! Inaantok na rin ako at gusto kong matapos ko na ito para ang poproblemahin ko na lang, kung paano maibibigay kay Dexter ang love letter na ginawa ko.
Nang mas makalma ko na ang sarili, napangiti ako na muling huminga ng malalim. This time, mas kalmado na ang puso at isipan ko. Mas nakakapag-isip na ako ng maayos-ayos na isinusulat ko sa papel. Tiyak kasing kung masyadong mahaba ang isusulat ko, tatamarin lang si Dexter at baka itapon lang ang sulat ko kahit hindi pa nababasa. Kaya bawat isinusulat ko ay may kabuluhan.
Nangingiti ako habang isinusulat kung gaano ko siya kagusto. Kung kailan ko siya unang nakita at nagustuhan. Ang mga tumatak sa akin na achievement niya yearly. Ang mga alam kong paborito niyang laro, meryenda at mga paborito niyang binabasang libro na nakita ko. Nagpasalamat din ako sa mga ala-ala naming dalawa nitong mga nagdaan. Sinabi ko sa sulat kung gaano niya ako napasaya na iniangkas niya ako sa bigbike niya, na inilibre niya ako ng meryenda at kung gaano ako kasaya kapag kinakausap niya ako, lalo na ang ngitian ako o mapatawa ko siya.
Nag-goodluck din ako sa kanya sa pagpasok niya sa college para abutin ang pangarap niyang maging. Alam kong pangarap ni Dexter na maging doctor. Pinalakas ko ang loob niya at sinabi na kayang-kaya niyang abutin ang pangarap niyang maging. Na kapag doctor na siya, palagi ko siyang dadalawin sa trabaho at magpasuri sa kanya kahit simpleng kagat lang ng lamok para lang may dahilan akong dalawin siya. Habang sinasabi ko ang damdamin ko para sa kanya sa pamamagitan ng sulat, napapangiti at kinikilig ako. Excited na akong maibigay sa kanya ito.
Binati ko rin siya dahil kahit hindi na naiaanunsyo ang mga rank namin, alam kong siya ang validictorian namin sa batch. Dahil mula first year, siya naman palagi ang top sa klase. Palagi itong perfect ang score sa lahat ng exam. Kaya lahat ay inaasahan na na siya ang hihiranging validictorian.
Matapos kong maisulat ang mga iyon, napangiti ako. Binasa ulit ang sulat ko at satisfied ang loob kong iyon na ang ibibigay ko kay Dexter. Bukod sa wala akong mali sa mga naisulat ko kaya malinis iyon tignan, mas malinaw kong naihayag sa kanya ang aking damdamin, ang aking pagtingin sa kanya, pasasalamat ko sa mga memories ko na kasama siya, pag-goodluck ko sa future niya at ang pagbati ko sa kanya sa aming pagtatapos. Masaya na ako, masaya na ako at kuntento na nasabi ang lahat ng mga iyon na nagmula sa puso ko. Alam kong hindi siya mag-aaksayang subalitan ang sulat ko, gano'n pa man, masaya na ako na napagtagumpayan isulat ang damdamin ko at maibigay ito sa kanya.
KINABUKASAN ay para akong panda sa laki ng eyebags ko! Nangingitim ang palibot ng mga mata ko at kitang walang maayos na tulog ang mga mata ko!
“Ano ba'ng ginawa mo kagabi, bestie? Para ka ng si kung fu panda a,” tumatawang kant’yaw ni Jessa akin.
Natawa din si Tina kaya napabusangot ako. May suot akong reading glasses pero kita talaga sa mga mata ko na napuyat ako.
“Nag-review ako,” nakabusangot kong sagot.
Nagkatinginan pa sila na namilog ang mga mata. Kitang hindi naniniwala. Maya pa'y humalakhak sila na animo'y nakakatawa ang sinabi ko.
“Nag-review daw, bestie! Hahahahah!” tumatawang wika ni Tina kay Jessa sabay nag-apiran ang mga ito.
“Magkakaila ka na nga, hindi pa kapani-paniwala. Iyong totoo, Ara?” tanong ni Jessa na tumigil na sa pagtawa.
Napapahawak na nga sila sa kanilang tyan na sumakit na sa kakatawa nila. Naiiyak pa ang mga ito sa pagtawa sa akin na kanina pa pinagdidiskitahan ang itsura kong mukha daw akong panda.
“Haist, matutulog na muna ako. May fifteen minutes break pa naman tayo e. Hwag kayong magulo,” ingos ko na yumuko sa mesa at ipinikit na ang mga mata.
Sobrang inaantok pa kasi talaga ako. Maga-absent nga sana ako pero ayaw ni mama. Pinagalitan niya nga ako at pinilit maligo. Nakakainis. Graduation naman na namin sa susunod na linggo. Wala na kaming mahalagang ginagawa dito sa school dahil tapos na ang final exam. Wala na kaming lessons. Ang ginagawa na lang namin, mag-practice ng pagmart’ya sa stage. Mga dapat naming gawin kapag magmamart’ya na kami kasama ang mga magulang paakyat ng stage para tanggapin ang award, honor at diploma. Pero sa aming mga nasa section E, diploma lang. Hindi na kami nagi-expect na may awards at honor kami dahil sabi nga, mga pasang-awa lang kaming mga nasa section E.
Habang natutulog, gising ang isipan ko. Dinig ko ang magulong mga kaklase ko at ang kwentuhan ng dalawang kaibigan kong katabi ko. Hindi ko pa kasi nasasabi sa kanila na nakagawa na ako ng love letter ko para kay Dexter. Nakatitiyak kasi akong babasahin na muna nila iyon bago ko pa maibigay kay Dexter. Kahit mga kaibigan ko sila, nahihiya pa rin naman akong ipabasa ang love letter ko sa kanila.