CHAPTER SIXTEEN

2176 Words
Matapos akong makausap ng mga pulis ay dinala na muna ako rito sa loob ng opisina ni Ross para mas mapanatag na raw muna ako kahit papaano. Siya na rin kasi ang nag-asikaso sa labas kaya wala na rin akong ideya kung ano na ang mga kaganapan doon. Minabuti ko na lamang na sundin ang ibinilin sa akin ni Ross at nagpahinga rito pansamantala sa sofa. Maraming umiikot sa aking isipan ngayon lalo pa na tanging ako lang ang tao rito. Ngayon ay may masasabi na talaga akong ‘unforgettable experience’ sa buong buhay ko. Kung dati ay tanging sa mga balita ko lang napanonood o nakikita ang mga ganitong klaseng kaganapan, ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na maaari din pala talaga siyang mangyari sa akin. Wala nga namang imposible. Bukod pa rito ay ikinababahala ko kung ano ang ipaliliwanag ko kay Tita Rubi. Nahihiya at kinakabahan ako sa maaari niyang sabihin o isipin man lang sa akin—na baka ay nagpabaya ako. Sobra-sobra na nga ang nararamdaman kong hiya kay Ross, lalo na sa pamilya niya, tapos ganito pa ang mangyayari. Hindi kaya may balat lang talaga ako sa p'wet pero invisible lang? Isa pa sa ikinatatakot ko ay kung paano ako haharap kila Mama nang ganito. Baka mahalata nila na hindi ako ayos. Natatakot akong ipaalam sa kanila ang tungkol dito. Panigurado ako na pahihintuin nila ako rito sa ginagawa kong pagpa-part-time. Nakarinig ako ng komosyon mula sa labas kaya marahan akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sa sofa para tingnan kung ano na ang nangyayari. Bago ko pa man maihakbang ang aking paa ay bumukas na rin ang pinto. Ibinungad niyon ang nag-aalalang mukha ni Tita Rubi habang bakas sa hitsura nito ang labis na paghangos, dala siguro nang sobrang pagmamadali. Mabilis niya akong dinaluhan at niyakap nang mahigpit. Sa kabila man ng pangamba ko ay nagawa ko pa ring suklian ang mga yakap nito. "O-Okay ka lang ba, 'nak? May ginawa ba sila sa iyo, ha? Ano ang nararamdaman mo ngayon? Gusto mo ba d-dalhin ka namin sa ospital para masigu—" Nagawa ko nang putulin ang sasabihin nito dahil sa sunod-sunod niyang pagtatanong sa akin. Halata ang sobrang pag-aalala sa akin na labis ikinatunaw ng aking puso. Hindi ko inaasahan na mas inuna pa nila akong kumustahin kaysa sa lagay ng shop o kung magkano ba ang nalimas na pera. "O-Okay lang po. Hindi naman po nila ako nagawang saktan, eh," mahinang tugon ko sa kanya sa kabila ng panay suri niya sa bawat bahagi ng katawan ko. "Sa katunayan po . . . n-nahihiya ho ako sa inyo. Sorry po sa nangyari," nakayuko kong dagdag pa. Dinig ko ang ginawa nitong pagtutol at kasabay niyon ang pagtingin niya sa akin nang mariin. "Hindi mo ginusto ang nangyari, Rosie. Biktima ka lang din kaya hindi mo kinakailangang humingi ng paumanhin. Ang mahalaga sa akin sa mga oras na ito ay ang ligtas ka. Alam mo bang grabe-grabe na ang pag-aalala ko sa iyo nang tawagan ako ni Ross dahil sa nangyari?" naiiyak nitong pahayag sa akin. Inabot pa kami ng ilang minuto dahil sa maya't mayang pangungumusta ni Tita Rubi sa akin. Ganoon din ang ginawa pag-asikaso niya sa akin habang nasa labas pa rin si Ross. Nang sa wakas ay pumasok na rito si Ross ay kaagad na nagtagpo ang aming mga paningin. Alam kong bakas sa aking mukha ang pamamaga ng mga mata ko dala ng pag-iyak kanina pa. Lumapit ito nang bahagya sa kinauupuan ko nang hindi iniaalis ang paningin sa akin. "Ihahatid ko na si Rosie, Ma. Kailangan na niyang makauwi," imporma nito sa kanyang ina pero nanatiling nakatuon ang mga mata sa gawi ko. Tinamaan ako ng kaba dahil sa sinabi nito. Parang ayaw ko pang umuwi. Maraming katanungan at paniniguro pa ang ibinato sa akin ni Tita Rubi bago ako nito pakawalan at ihabilin sa sariling anak. Tahimik naming nilalandas ang madilim ng kalsada. Bahagya ring mabagal ang usad ng mga nasa unahang sasakyan namin dahil ganitong oras talaga ang uwian ng halos karamihan. Laking pasalamat ko rin dahil kahit papaano ay nabibigyan ako ng pagkakataon para maihanda ang aking sarili. Dala na rin ng pagod at kaba ay hindi ko na magawang makapagsimula ng usapan kay Ross. "Rosie." Napalingon ako kaagad nang banggitin ni Ross ang aking pangalan. "I'm sorry pero . . . kailangan nating sabihin sa pamilya mo ang nangyari. At kailangan mo ring sabihin ang tungkol sa part-time job mo sa shop ni Mama," dugtong nito sa seryosong tono. Kaagad naman akong umalma. "P-Pero, Ross . . . Hindi ba napag-usapan na natin iyon noon?" "Noon no'ng hindi ka pa napahamak. Rosie, kailangan nating ipaalam sa kanila ang nangyari sa iyo ngayon. Hindi natin—mas lalong ako, hindi ko dapat alisin sa kanila ang karapatan nila na malaman iyon. Anak ka nila," depensa pa niya. Hindi ko na nagawang sumagot pa at itinikom ko na lang ang aking bibig. Mas lalo kong isinandal ang aking likuran sa sandalan ng upan at saka sumulyap sa labas ng bintana. Abot-abot na ang kaba ko pero hindi ko maialis sa aking isipan na tama naman ang sinabi ni Ross sa akin. Matapos ang pananahimik ay narinig ko ring napabuntonghininga si Ross pero hindi ko siya nagawang lingunin. "Alam ko at naiintindihan ko ang dahilan mo kung bakit ayaw mong ipaalam sa mga magulang mo. Natatakot ka na baka mag-alala sila sa iyo pero, Rosie, kahit ako nag-alala sa nangyari sa iyo. Pananagutan ka namin at mas lalong hindi ko rin kakayanin kung sakaling may nangyari na mas grabe pa sa nangyari sa iyo kanina. Natural na mag-aalala ang mga magulang mo kasi magulang mo sila," pahayag nito sa akin. "Natatakot ka na malaman at pahintuin ka sa part-time job mo? P'wede mo naman silang kausapin, eh. P'wede ka makipag-kompromiso sa kanila kung iyan talaga ang gusto mo. Pero sa nangyari ngayon . . . hindi ko alam kung ano ang magiging desisyon nila. Believe me, Rosie . . . naiintindihan kita. Pero naiintindihan ko rin ang mga magulang mo." Sa pagpikit ko nang mariin ay naging kasabay niyon ang pagbagsak ng aking mga luha. Pigil ang ginawa kong pag-iyak para lang hindi marinig at malaman ni Ross na umiiyak na naman ako. Nang tuluyan kaming makaalis kanina sa trapiko ay siya ring bilis ng biyahe kaya halos tanaw ko na mula rito ang eskinita namin. Nakahinto na ang sasakyan pero hindi ko pa rin kinakalas ang seatbelt sa akin. Wala rin naman akong narinig mula kay Ross kaya sa tingin ko ay binibigyan niya ako ng oras para makapaghanda. Nakailang buntonghininga na rin ako. "Sasamahan naman kita," biglang usal ng katabi ko kaya nilingon ko na siya. Nginitian ako nito nang bahagya pero alam kong may mensahe ang ngiti niyang iyon. Na para bang sinasabi niya na magagawa kong sabihin sa magulang ko ang nangyari at maging sa ginawa kong paglilihim. Matapos ko siyang ngitian nang pabalik ay saka ako nagpasyang mag-ayos at tuluyang kinalas ang seatbelt. Sabay naming tinatahak ang tarangkahan ng bahay namin. Nagawa pa nga akong tapikin sa likod ni Ross. Pagpasok sa bahay ay naabutan ko sila sa sala. Si Mama na mukhang naghahanda ng hapunan, si Papa na mukhang kauuwi lang galing trabaho, si Kuya na naghahanda naman na sa kanyang pagpasok, at si Rookie na katabi ni Papa habang nanonood ng balita. Kaagad na nabaling ang tingin nila sa aming dalawa. Gulat ang mga mukha nila pero pinapasok at binati rin nila si Ross. Naupo kami parehas sa sofa kahit na alam kong abot-abot na ang kabang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. "Magandang gabi po," rinig kong bati ng katabi ko. "Magandang gabi rin, Ross. Nag-hapunan ka na ba? Tamang-tama at malapit nang maluto ang pagkain. Ano nga pala ang sadya mo?" sabi naman ni Mama habang palapit sa gawi namin. Saka lang nadako ang paningin niya sa akin nang malapit na siya. Bakas sa mukha nito ang pagtataka habang nakatingin sa akin. "Ano ang nangyari sa iyo, Rosie? Masama ba ang pakiramdam mo?" tanong nito sa akin nang hindi naaalis ang paningin sa akin. Ngayon ko masasabi na tunay ngang gumagana ang kasabihang, “Mother knows best.” Napadako ang tingin nila sa akin at maging na si Ross. Mukhang tinatantiya ako at pati na ang sitwasiyon. Alam kong ayaw niyang nangingialam sa iba, pero alam ko rin na ipagkalat niya ang tama. Tumikhim siya kaya napunta sa kanya ang atensiyon ni Mama. Napayuko naman ako habang kinukutingting ang aking mga daliri sa kamay. "May gusto ho sana akong sabihin sa inyo—ang anak ninyo. Nagtatrabaho si Rosie sa shop ni Mama bilang part-timer." Iyon pa lang ang sinasabi ni Ross ay mabilis nang dumako ang tingin sa akin nina Mama, Papa, at Kuya. Nagtataka. "Anong part-timer? Wala naman siyang nababanggit sa amin na nagtatrabaho siya." Bakas sa boses ni Kuya ang pagtataka at nagawa na ring lumapit sa amin. "Sa flower shop po ni Mama. Sinadya niya ho talagang hindi sabihin sa inyo dahil . . . " Lumingon sa akin si Ross na para bang ipinapahiwatig na magsalita na ako at hindi dapat siya ang nagpapaliwanag niyon. Pero nagawa kong magbigay ng senyales sa kanya na hindi ko kaya at binibigyan ko siya ng pahintulot na siya na ang magtuloy. " . . . alam niya ho na hindi niyo gusto na magtrabaho siya ngayon. Gusto lang po sanang makatulong ni Rosie sa inyo." "Rosie." Mabilis kong naiangat ang aking ulo nang banggitin ni Papa ang pangalan ko sa mariing paraan. "Totoo ba iyon?" paniniguro nito. Hindi ko na nagawa pang makapag-isip at saka marahang tumango bilang tugon. "Hindi ba ang sabi naman namin sa iyo ay kaya naman namin?" apila pa ni Mama. "Gusto ko rin po sanang ipaalam sa inyo ang nangyari kanina," muling saad ni Ross. Yumuko ito saglit bago muling hinarap sila Mama. "Nilooban po kasi ang shop kanina. Nagkataon po na siya lang ang tao roon kaya—" Hindi na natapos pa ni Ross ang kanyang sasabihin nang umalma na kaagad si Mama kasabay nang panlalalaki ng kanyang mga mata. "Ano?" sigaw nito. "May nangyari ba sa iyong masama kanina nang hindi namin alam, Rosie ha?" Hindi ko na napigilan at naiyuko ko na nang tuluyan ang aking ulo at kasabay niyon ang pag-iyak ko. "Pare, ano ang nangyari kanina?" seryosong tanong naman ni Kuya. "Base ho sa CCTV footage at maging sa sinabi ni Rosie sa mga pulis ay may mga dala raw hong patalim at kutsilyo ang mga suspek. Mabuti na lamang po at hindi na nagawang saktan si Rosie at umalis din kaagad kanina matapos makuha ang mga kinitang pera," paliwanag ni Ross. Dinig ko na ang mga reaksiyon nila Mama. Naroon na nagmura si Kuya. Alam kong galit at pag-aalala ang nangunguna sa kanila ngayon. "Kung wala pa palang nangyaring ganyan ay wala kang balak na sabihin sa amin iyang part-time mo, Rosie?" gigil na tanong sa akin ni Kuya. "Paano na lang pala kung may nangyari sa iyong masama kanina? Eh, 'di mukha pala kaming mga tanga kasi hindi namin alam kung ano ang ginagawa mo roon?" dugtong pa nito. "Ross, pasens'ya na, ha kung iba man ang maging labas nito sa iyo pero p'wede ba na umuwi ka na muna sa inyo?" ani Papa. Napaangat ako ng aking ulo at saka tiningnan si Ross. Bigla akong mas nakaramdam ng pangamba dahil hindi ko alam kung paano ko dedepensahan at haharapin sila Mama ngayon. Tumingin din ito sa akin pero kalaunan ay tumayo rin at tumango kay Papa. "Naiintindihan ko ho. Pasens'ya na ho sa inyo. Babalik na lang po ako sa ibang araw nang kasama si Mama para pormal na humingi ng pasens'ya sa inyo," sinsero nitong imporma saka muling nagpaalam. Nagpaalam din naman nang maayos sila Mama't Papa kay Ross at hinatid pa nila sa pintuan. Nang makalabas na nang tuluyan si Ross ay pakiramdam ko bigla akong nasikipan sa buong paligid. Hindi pa man nakapagsasalitang muli si Papa matapos bumaling sa akin ay tumayo ako. "I-I'm sorry po," hinging paumanhin ko kasabay nang paglabas ko ng bahay. Rinig ko ang pagtawag nila sa pangalan ko pero nagbingi-bingian ako hanggang sa makalabas na nga ng bahay. Tumakbo ako para mahabol pa si Ross na kasalukuyang malapit na sa kanyang sasakyan. "R-Ross!" Lumingon ito sa akin habang may pagtatanong sa kanyang mga mukha. "Gusto ko na munang sumama sa iyo. H-Hindi ko alam kung paano ko haharapin sila, eh. N-Nahihiya ako. Wala akong makuhang t-tamang sagot sa mali kong ginawa," kaagad kong sabi nang makalapit sa kanya. "P'wede ba?" pakiusap ko. Hindi ito umimik na tila nag-iisip. "S-Sige na, oh. Kailangan lang kita ulit. H-Hindi ko intensiyon na kailanganin o gamitin ka sa tuwing nasa ganitong sitwasiyon ako, pero sana payagan mo akong . . . gamitin ka ulit." Puno na ng luha ang aking mukha habang nag-aabang ng sagot mula sa kanya. "Sakay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD