CHAPTER SEVENTEEN

1101 Words
"You can use this for now," ani Ross habang iniaabot sa akin ang isang panyo nang hindi ako nililingon. "S-Salamat." Kinuha ko ang panyo sa kanyang kamay at saka iyon ginamit. Nakalayo na rin kami sa bahay kaya kahit papaano ay nabawasan ang bigat ng dibdib ko. Alam ko namang pansamantalang kaginhawaan lang ito pero ganyunpaman ay malaking tulong na rin para sa akin. Hindi ko naman din kasi laging matatakasan ang katotohanang ginawa ko. Tanging ang kailangan ko lang muna ngayon ay ang makasagap ng tamang hangin—oo, tamang hangin. Para naman maipaliwanag ko sa mas maayos na paraan ang side ko sa pamilya ko. Nilingon ko si Ross na tahimik lang na nagmamaneho habang nakatingin sa may kadilimang daan. "A-Ayos lang ba na kahit sumama na muna ako sa iyo ngayon sa trabaho mo? Hindi naman ako manggugulo roon. Uupo lang ako roon . . . s-saka magpapalamig na rin," hinging permiso ko sa kanya habang minamasdan ang magiging reaksiyon ni Ross. "Nakapagsabi na ako kanina sa kasama ko na hindi muna ako makapapasok dahil nagka-emergency kanina sa shop," aniya. "Kung ganoon . . . saan pala tayo pupunta?" taka kong tanong na tuluyan niyang ikinatingin sa akin. "May gusto ka bang puntahan?" baling niya sa akin na halatang wala ring kahit na anong ideya kung saan nga ba ang punta namin. Sinubukan kong mag-isip pero talagang blangko ang utak ko sa mga oras na ito kaya naman tiningnan ko siya habang nahihiyang umiling sa kanya. "W-Wala akong alam," mahinang usal ko. Tumango ito saka muling itinuon ang atensiyon sa pagmamaneho. Muling nanumbalik ang katahimikan sa buong sasakyan kaya itinuon ko na lang ang pagkakatingin sa labas ng bintana. Madilim na ang kalangitan at ang lansangan pero sa tulong ng mga makukulay at samu't saring ilaw ay naghatid ito ng payapa at kaaya-ayang atmospera sa buong paligid. Walang isa sa amin ang nagtangka pang magsalita o magbukas ng panibagong usapin. Pakiwari ko nga ay kapwa kaming nagpapakiramdaman sa bawat isa, pero kung sa akin lang ay wala akong lakas na magsalita pa. Hindi ko rin naman alam kung ano ang sasabihin dahil sobra-sobrang abala at kahihiyan na ang naidulot ko kay Ross. Ngayon ko masasabi na baon na talaga ako sa utang sa kanya. Hindi ko rin alam kung bakit sa kabila ng hiyang nararamdaman ko ay sa kanya ko pa rin nagagawang lumapit nang ganito para idamay siya sa sarili kong problema. Siguro dahil pakiramdam ko ay naiintindihan at maiintindihan niya ako sa mga opinyon at sarili kong desisyon. Muli akong napasulyap sa kanya nang mawari ko ang daang tinatahak namin kaya hindi ko napigilang mapausal para lang makasiguro kung tama ba ako ng hinala. "Tagaytay . . . " "Ito lang ang alam kong lugar na p'wede nating puntahan ngayon." Kalaunan din ay huminto na si Ross. Hindi man ako sigurado kung nandito na ba kami pero sa huli ay ginaya ko na lang din ang ginawa nitong pagbaklas sa kanyang sariling seatbelt at saka lumabas. Kaagad akong sinalubong ng malamig na hangin kahit na ba suot-suot ko pa rin ang varsity jacket na ipinasuot sa akin ni Ross. Walang gaanong tao pero alam kong isa ito sa laging pinupuntahan ng mga turista bilang pasyalan. Sinundan ko lang siya at saka lang nahinto nang makakita kami ng isang maganda-gandang spot. Tanaw mula rito ang bandang ibaba ng burol kaya mas lalong malakas ang ihip ng hangin. Mabuti na lamang at mayroong mga lamesa at upuan sa bahaging ito. Sa hindi naman kalayuang parte ay naroroon ang halo-halong food stall. Nauna na akong maupo habang nakatingala kay Ross. "Bibili na muna ako ng pagkain," paalam nito na sinang-ayunan ko lang din sa huli saka siya tuluyang umalis. Pinagmasdan ko lang ang likuran niya hanggang sa ibalik ko ang aking paningin sa unahang bahagi. Napakakalmante ng buong lugar. Hinayaan kong ipikit ang aking mga mata upang mas damhin ang bawat paghaplos ng hangin sa aking balat. Nakapanghehele. Naidilat ko lang aking mata nang maramdaman kong may ipinatong na isang bagay sa aking harapan. Doon ko lang namalayang nakabalik na pala si Ross dala-dala ang biniling mga pagkain. "Kumain ka na muna." Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at nilantakan na nga ang mga nakalatag. Sinaluhan naman niya ako sa pagkain habang maya't maya ang ginagawa kong pagtanaw sa tanawin. "Bakit mas pinili mong tumalikod at tumakbo kaysa harapin at magpaliwanag sa kanila?" kalauna'y tanong ni Ross sa akin na nagpabagal sa pagnguya ko. "Hindi ko rin alam, eh. Baka . . . takot lang ako na hindi maintindihan. Hindi ko rin talaga alam kung paano ko ipapaliwanag ang side ko. May mga bagay kasi na maaaring mali sa kanila, pero tama sa akin. Kaso hindi naman kami magkakaintindihan." "Maiintindihan ka nila kung susubukan mong ipaintindi sa kanila." Matapos iyong banggitin ni Ross ay natahimik na lang ako. Wala naman na akong masasabi pa dahil nasabi ko na rin naman. Saka isa pa, gagawin ko pa rin naman talaga ang bagay na iyon. Kailangan ko lang ngayon ng lakas ng loob. "Nag-chat ako sa Kuya mo para ipaalam na kasama kita ngayon. Ihahatid rin kita mamayang ten dahil iyon ang sabi ng kuya mo," imporma niya sa akin. Hindi ko naman na ikinagulat pa ang bagay na iyon. Sa madalas kong pagsama kay Ross, hindi malabong malaman o mabasa ko ang ugali niya. Nasa panig siya lagi ng tama at patas. Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon sa kanya para wala nang paliwanagan pa na mangyari. "Ross, alam kong nakaiilang hingi na ako ng sorry sa iyo, pero sorry talaga kung lagi kitang nadadala sa mga ganitong klase ng sitwasiyon. Sa sobrang dami yata ng nangyari ngayon . . . sobrang laki na rin ng atraso at abalang naidulot ko sa iyo. Thank you, ha. Kasi hindi ka pa napapagod na magpahatak sa akin kahit na may pagkakataon ka namang umalis o tanggihan ako—salamat sa lagi mong presensya. Feeling ko, ikaw na lang ang laging tumutulong sa akin pero ako wala man lang akong maipagmalaking nagawa ko para sa iyo," mahabang wika ko sa kanya na mataman lang na nakikinig sa akin. "Hindi naman kasi dapat tinatalikuran ang mga taong humihingi ng tulong. Kung alam mong kaya mong makatulong sa ibang paraan, maliit o malaking bagay man, iabot mo nang maayos," matalinghaga nitong sagot. "Just . . . thank you, Ross. Sana dumating din ang araw na ako naman ang mag-aabot sa iyo ng tulong. Hindi ko mapigilang ma-proud sa iyo, at sana . . . duting din ang araw na magiging proud ka rin sa akin." "I am already proud of you, Rosie."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD