CHAPTER EIGHT

2680 Words
“Mag-search na muna tayo ng mga target company na pagpipilian para sa paper natin. Hayaan na natin kung mahuli man tayo sa pagpapasa o maunahan nila tayo, atleast, hindi puro common ang nakuha natin. For sure kasi niyan, puro sikat na kompanya ang pipiliin ng ibang grupo." Tatango-tango ako habang nakikinig sa meeting ng grupo namin. May gagawin kasi kaming Research Paper para sa isang major subject. Hindi pa man nakaaalis ang Professor namin ay marami na ang nagsilapitan kay Ross para kuhanin siyang ka-miyembro nila. At aaminin ko na kinabahan talaga ako dahil kung sakali man na makuha nila si Ross, mahihiwalay ako sa kanya at mapupunta ako sa ibang grupo. Samantalang, mas komportable ako kapag kasama ko siya kung ikukumpara sa ibang kaklase namin. "Kasama ko si Rosie," rinig kong imporma niya sa kanila. Napanatag naman ako nang dahil doon. "Okay lang. Tutal, kulang pa rin naman kami ng dalawa kaya sakto lang kayong dalawa ni Rosie," sabi pa ng isa naming kaklase. Kaya nagkaroon kaagad ako—kaming dalawa ni Ross ng ka-grupo nang walang kahirap-hirap. Sila na ang lumapit. Saglit lang ang itinagal ng group meeting namin kaya mabilis din na nagkanya-kanya ang bawat isa. Wala na rin naman kaming klase pa. At as usual, sabay kaming uuwi ulit ni Ross pero sa pagkakataon na ito ay dala na raw niya ang sasakyan niya. Habang naglalakad kaming dalawa ay hindi ko napigilang sabihin ang ikinabahala ko kanina lang. "Kinabahan ako kanina," pagsisimula ko. Nilingon niya naman ako nang bakas sa kanyang mukha ang pagtataka. "Saan naman?" "Akala ko kasi, maiiwan ako. O kaya ay mapupunta ako sa ibang grupo, gano'n. Akala ko, iiwan mo ako," mahinang pag-amin ko. Napangiti naman ito sa akin. "Paano kung hindi nga tayo magka-grupo?" tanong pa niya sa akin. "S'yempre, lalapitan pa rin kita para humingi ng tulong kahit na ba hindi kita ka-grupo," nakatawa kong tugon sa kanya. "Hindi papayag ang mga iyon lalo na kung sa ibang grupo ka naman," aniya pa. "Sino ba ang may sabing ipapaalam ko sa kanila na hihingi ako ng tulong sa iyo? S'yempre, patago akong lalapit sa iyo," depensa ko pa. Hinawakan ako nito sa kanang bahagi ng aking balikat at saka iniusog sa puwesto niya para siya ang pumalit sa aking puwesto kanina. May iilan kasing sasakyan na dumaraan sa nilalakaran namin. "Hindi naman sa lahat ng oras ay matutulungan kita, Rosie." Nilingon ko siya. "Alam ko naman iyon. Pero huwag muna ngayon," nakasimangot kong saad. "Hayaan mo muna akong lubusin ka," dugtong ko pa nang natawa. Napaingos lang si Ross sa akin. "Basta kailangan, maging magka-grupo tayo sa Thesis. Magpapakabait ako sa mga susunod na semester para dinggin ni Lord ang hiling kong ito," habol ko na siyang tuluyang nagpatawa sa kanya nang sobra. "Nagiging banal ka kapag ganitong gipit ka, ano?" pang-aasar niya sa akin. Napanguso naman ako. "Sino ba namang hindi? Pero huwag mo akong husgahan, hindi ako perpekto." Tanaw na namin ang parking space nang may isang babae ang nakatayo mula sa hindi kalayuang puwesto sa amin habang kumakaway. May kaputian ito at nakasuot ng ibang uniporme mula sa isang kilalang private university rito. "Xedric!" Maganda sana kaso iskandalosa. Hindi ko na rin siya pinagtuunan pa ng pansin pero nagulat ako nang makitang papunta si Ross sa direksyon ng babae. Hindi ko tuloy alam kung susundan ko pa ba si Ross o ano, pero sa huli ay alanganin akong sumunod sa kanya. "Ano ang ginagawa mo rito?" dinig kong bungad na tanong ni Ross sa babae nang makalapit na siya. "Wala lang. Bawal ba?" pamimilosopo nito. "Maaga kasi tapos ng klase ko ngayon kaya naisipan kong abangan ka na lang din kasi ayaw ko pa namang umuwi. Tapos na ba klase niyo?" Nahinto at nanatili ako sa likuran ni Ross. Bahagya ko lang nasisilip ang babaeng kausap niya. Mas matangkad siya sa akin, bukod sa nakasuot ito ng may heels na sapatos, alam ko nang mas matangkad talaga siya. Nakapuyod nang maayos ang mga buhok niya at may light make-up sa mukha. Halata namang Tourism student base na rin sa uniform at ayos niya. Bagay rin naman sa kanya. Ako nga na hanggang balikat lang ni Ross, samantalang siya ay abot hanggang tainga, pero kung tatanggalin ang heels baka hanggang baba ni Ross ang tangkad niya. "Oo, pauwi na ako." "Ayun! Sasabay na lang din ako. Nag-ubos lang din talaga ako ng oras," nakatawang wika nito. "Commute ka ba ngayon?" muling tanong nito. Umiling ang nasa harapan ko. "Dala ko ang sasakyan." Aktong haharap na sana sa akin si Ross nang muli siyang humarap sa babae. "Nag-commute ka nang ganiyan ang ayos mo?" bakas sa boses ni Ross ang gulat at inis. Tumawa lang ang babae at hinampas pa sa braso si Ross. "OA, ah! Nakisabay ako sa isa kong kaibigan na may sasakyan papunta rito. Eh tutal, susunduin niya raw ang girlfriend niya kaya nakisabay na ako," kaswal na sagot niya. Hahakbang sana ako paatras dahil medyo nakaiilang na narito ako habang nag-uusap sila, samantalang hindi ko naman kilala ang babae. Baka sabihin ay nakiki-tsismis ako. Pero bago ko pa magawa iyon ay nabaling na ang tingin nito sa akin. "Hala! May kasama ka pala," reaksiyon niya nang makita ako. Tila nawindang naman ang sistema ko dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin o sasabihin ko lalo na at wala akong ideya kung sino ba talaga siya. Imposible namang siya ang ate ni Ross, eh hindi naman mukhang pang-law ang uniporme niya. Saka ang bata mas'yado ng mukha nito para. O baka, girlfriend? Pero parang naitanong ko na sa kanya kung may girlfriend siya at ang sagot naman niya ay wala raw? O baka, mali lang ako nang pagkakaalala? Nakalingon na sa akin silang dalawa kaya mas lalong hindi ko alam kung ano ang dapat na iakto sa harapan nila. "Rosie—" hindi natuloy ni Ross ang sasabihin niya sana sa akin nang umabante ang babae para lapitan ako. "Hi! I'm Suzy," pagpapakilala niya sabay abot ng kamay niya sa akin. Mabilis ko naman iyong tinanggap para makipagkamay na rin. "Ako naman si Rosamie. Rosie na lang. Kaklase ako ni Ross," imporma ko kaagad. Tumango-tango naman ito sa akin habang nakangiti. "Alam ko kung ano ang english name mo," kalauna'y sabi ko na nagpakunot ng noo sa kanilang dalawa. Halatang naguguluhan siya sa akin. "Huh? A-Ano iyon?" "Key kapag singular. Keys naman kapag plural," tugon ko. Nanatiling kunot ang noo ng dalawa sa akin at para hindi na mapahiya pa sa ginawa kong pagjo-joke sana, dahil hanggang ngayon ay buffering pa rin ang utak nila sa sinabi ko, nagpatiuna na ako sa tabi ng sasakyan ni Ross. "Sasabay ka kay Ross, 'di ba? Pasok ka na," sabi ko sabay turo sa front seat. Gusto ko sana siyang pagbuksan pa ng pinto kaso naka-lock pa at hindi pa binubuksan ni Ross. "Oh! Sasabay ka rin ba?" tanong nito sa akin. Hindi naman offensive ang tono nang pagkakatanong niya sa akin. "Oo. Kung okay lang?" "Yeah, of course, it's okay," aniya. Ako na ang naupo sa likurang bahagi ng upuan at sa tabi naman ni Ross si Suzy na nasa unahan din. Nang magsimulang paandarin ni Ross ang sasakyan ay hindi na ako nagtangka pang magsalita at baka mapahiya na naman ako. Saka, ang tahimik din ng dalawa sa unahan. Ayaw ko namang sirain ang pananahimik nila at baka maisipan pa nila akong itulak pababa rito. Nagulat ako nang biglang pumalakpak si Suzy na para bang may naalala. "Omg! Now gets ko na!" malakas nitong sambit dahilan nang pagtingin namin sa kanya. Lumingon ito sa aking gawi. "Kaya mo sinabi kanina na may english term ang pangalan ko kasi "Suzy" sounds "susi" kaya "key" ang english name ko. Am I right?" masaya pa nitong paliwanag sa akin. Sandali akong napatulala sa mukha niya dahil mukhang inisip niya pa talaga nang malalim ang joke ko kanina. Lihim akong napangiwi pero kalauna'y ngumiti rin ako nang malapad saka ko sinundan ng pagpalakpak na katulad ng ginawa niya kanina. "Oo, tama ka! Iyon nga iyon. Ang galing mo! Paano mo nalaman iyon? Alam mo bang ikaw pa lang ang nakatama niyan?" kunwari'y manghan kong komento. Nanlaki naman ang mga mata nito na para bang gulat na gulat at hindi makapaniwala sa sinabi ko. "Really? Thank you! Sabi na, eh at matalino rin ako," aniya sabay baling naman kay Ross na abala sa pagmamaneho. "See? Hindi lang ikaw ang matalino rito, Xed," pagmamalaki niya pa. Tumango lang ito sa huli. Napalingon ako sa labas ng bintana at doon lihim na tumawa. Alam kong maloko rin ako paminsan-minsan, pero masasabi kong ito ang pinaka-epic na nasaksihan ko, so far. Hinayaan ko na lang silang dalawa na nag-uusap ng kung ano-ano at inabala ang aking sarili sa pagtingin-tingin sa labas. Ganitong oras kasi ang maraming tao at sasakyan dahil oras ng uwian para sa nakararami. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong ideya kung sino o kaano-ano ba talaga ni Ross itong si Suzy. Baka kamag-anak? Pinsan, ganoon? Maganda siya at maputi. Halatang sanay ang balat sa aircon o kaya ay mahilig mangolekta ng sabon kaya ganito na lang kakinis ang balat. Hindi ko pa masabi kung mabait o ano, pero wala naman akong nade-detect na bad vibe mula sa kanya. Parang . . . okay lang naman. Walang itim na usok na lumalabas mula sa likuran niya kaya tingin ko ay harmless siya. Iyon nga lang, medyo slow. "Ay, Xed. Pakibaba na lang pala ako sa Trece. Nag-text kasi si Mommy na kitain ko raw siya sa SM, eh," biglang saad ni Suzy habang nakatingin sa kanyang cellphone. Nilingon siya saglit ni Ross. "Sigurado ka ba?" "Ito naman kung magtanong akala mo laging niloloko," pagbibiro ni Suzy. Nagkibit-balikat lang naman si Ross at hindi na sumagot pa. Nang makarating sa Trece, sa may crossing banda, ay nagpaalam na rin si Suzy. "Ingat sa pagda-drive, Xedric. Nice meeting you, Rosamie!" paalam nito. Kinawayan ko siya kahit na naasiwa ako nang bahagya dahil tinawag niya ako sa kumpletong pangalan. Mas'yado kasing nakaka-babae ang buong pangalan ko na 'Rosamie', eh. Ilang segundo na rin ang nakalipas magmula nang makababa si Suzy pero hindi pa rin pinapaandar ni Ross ang sasakyan. Kaya nilingon ko siya na kasalukuyan din palang nakatingin sa akin gamit ang rear view mirror. Binigyan ko siya ng nagtatanong na tingin pero tinaasan niya lang ako ng kilay. Tingnan mo itong lalaki na ito. "Bakit hindi pa tayo umaalis?" taka kong tanong sa kanya. "Ikaw? Bakit hindi ka pa rin lumilipat dito?" "Okay lang naman ako rito, eh." "I prefer you here," tugon niya. Natigilan naman ako. Napakurap-kurap ako habang nakatingin sa kanya. "Hindi Taxi ang sasakyan ko, Rosie. Mas lalong hindi ako Taxi driver kaya lumipat ka na rito," paliwanag niya. "Ah . . . Ikaw naman kasi, eh. Mga linyahan mo rin, 'no," komento ko pa sabay labas ng sasakyan para lumipat sa harapan. "Bakit, ano ba ang mayro'n sa sinabi ko?" tanong nito nang makalipat na ako sa tabi niya. "Wala, Sarmiento," nakairap kong sagot. Kalauna'y narinig ko siyang mahinang tumatawa habang iminamaniobra ang sasakyan. "Aminin mo, kaya tahimik kanina kasi iniisip mo rin iyong joke ko kanina, ano?" pang-aakusa ko sa kanya nang muling nagpatuloy ang biyahe namin. "It was a joke?" nagtataka nitong tanong sa akin. Napamaang ako sa naging reaksiyon niya kaya hindi ko napigilang hampasin ang balikat niya dala ng inis. "Hey, bakit?" "Iniinsulto mo ang pagiging komedyante ko, alam mo ba iyon? Hiyang-hiya na nga ako kanina lalo na noong hindi rin pala na-gets ng girlfriend mo iyong sinabi ko," pagmamaktol ko. Dito na siya tuluyang natawa. "Bakit parang kasalanan pa namin na hindi nagmukhang joke iyong sinabi mo kanina?" pang-aasar niya pa. "Saka, hindi ko girlfriend iyon si Suzy. Kaibigan ko lang siya," paglilinaw nito. "Wala akong pakialam kung girlfriend mo siya o hindi, Ross! Ang isyu rito, tinatapakan niyo iyong kapasidad ko bilang isang joker," paghihimutok ko pa. "I am telling you, Rosie. You don't have enough capabilities to become comedienne," anito. "Ganyan ka mang-motivate ng tao?" gigil kong tanong sa nakangising si Ross. "Pang-matalino mas'yado ang mga jokes mo, Rosie," nang-aasar nitong sagot pa. "Kung pampalubag-loob iyan, Ross, manahimik ka na lang. Hindi nakatutulong." "What the hell, Rosie? Hindi ko alam na sa ganitong bagay ka pala mapipikon," komento nito habang wala nang tigil sa katatawa. Nilingon ko siya kaya nasaksihan ko ang pagngiti niya na nauuwi rin naman sa pagtawa. Wala sa sariling napatawa na rin ako dahil ngayon ko lang nakita na may itatas pa pala ang lebel ng kasiyahan niya. So far, ito ang masasabi ko na nakita ko siyang tumawa nag ganito. "Hindi naman ako pikon. Sinasakyan lang kita," depensa ko pa. "Hindi ko rin alam na ganito ka pala mamikon." "Bakit?" "Wala naman. Hindi ko lang in-expect. Siguro nga, hindi ako capable maging komedyante. Pero ikaw, malaki ang potential mo sa pamimikon." "Oh, bakit? Sino ba ang tutor ko?" Nailing na lang ako at saka natawa. Kung ganoon pala, hindi maganda ang naituturo ko sa kanya kung ikukumpara sa turo na ginagawa niya sa akin. "Gaano na kayo katagal magkaibigan niyon ni Suzy?" pang-uusisa ko pa. "I'm not sure sa exact na tagal, pero kababata ko siya. Magkapit-bahay lang din kami." Tumango naman ako. "Mas matanda ba siya sa atin? O same lang?" muli kong tanong. "Dalawang taon ang agwat ng edad naming dalawa. First year pa lang din siya." "Ah . . . Bakit, ilang taon ka na ba?" "Twenty-one." "So, nineteen years old pala siya. Isang taon lang ang tanda ko sa kanya. Tourism siya, ano?" "Oo." "Sabagay. Maganda kasi siya saka ang tangkad niya rin. Bagay sa kanya iyong course niya. Siya ba talaga ang may gusto niyon?" Hindi ito kaagad nakasagot dahil abala siya sa pagtingin sa kalsada para i-check. "It's her choice. Hindi naman siya pinapakialaman ng magulang niya pagdating sa ganoong klase ng bagay." Ako naman ang napatango. "Buti naman kung ganoon." "Ikaw ba? Hindi mo ba binalak MassComm?" Taka naman akong napalingon sa gawi niya. "Huh? Hindi naman. Bakit?" "Bagay sa iyo. Hindi ka nauubusan ng follow-up questions." Sinamaan ko siya ng tingin kaya natawa na naman itong muli sa akin. "Parehas pala tayo. May kaibigan din kasi ako, si Vince, kababata ko rin siya kaya matagal na kaming magkaibigan. Pero mas matanda iyon sa akin. Nasa twenty-three na iyon saka may work," kuwento ko. "Share ko lang," dugtong ko na ikinatawa niya. Katulad nang nakagawian, inihinto niya ang sasakyan sa tapat ng convenience store na pinagpa-part-time-an niya. Tatawid na lang ako at nasa bungad na rin naman ang subdivision namin. "Salamat, Xed!" wika ko habang ginagaya ang tawag sa kanya ni Suzy. Umasim ang mukha nito kaya bahagya akong natawa. "Stop, Rosie." "Bakit na naman?" "Just Ross." "Oo na. Ito naman, GG ka kaagad, eh. Si Suzy lang ang tatawag sa iyo niyon," pang-aasar ko. "Tsk. Mas gusto ko ang Ross." "Bakit? Para matchy-matchy sa name ko?" pang-aalaska kong muli. Bahagya itong natawa. "Sabi ko naman sa iyo, hindi bagay sa iyo maging komedyante," ganti nito. "Tse!" komento ko saka siya tuluyang tinalikuran. Napahalakhak naman ito. "Ingat!" Kumaway lang ako sa kanya nang hindi lumilingon. Nang makatawid na ako mula sa kabila ay roon ko lang tinanaw ang tapat ng convenience store. Akala ko ay pumasok na siya pero mali ako. Naabutan ko pa siyang nandoon malapit sa tabi ng kotse niya kung saan kami huling nakatayo kanina. Nakatanaw sa akin. Mukhang hinihintay pa yata akong makapasok sa loob ng subdivision namin. Kumaway na lang ako ulit, pero this time, ay nakatingin na ako sa kanya. Nakapamulsa ito noong tumango lang sa akin bilang tugon sa ginawa kong pagkaway sa kanya. Hindi ko inaasahan na magiging malapit ako sa kanya na dating tsinitsismis ko lang sa sarili ko noong first day of class namin. Noong gabing inilibre niya ako ng cup noodle nang minsang nagawi ako sa loob ng convenience store na siya mismo ang bantay. Tapos ngayon na tinutulungan niya ako. Ross is good timing indeed.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD