Mabilis na dumaan ang araw at kasabay niyon ang pagkakaroon muli ng trabaho ni Papa. Si Kuya naman ay mas lalong pinagbubuti ang trabaho sa bago niyang pinapasukan ngayon. Si Mama naman ay patuloy pa rin sa pagtatrabaho sa dati nitong amo. Kapag weekdays at wala akong pasok na tulad ngayon ay ako lang ang natitira sa bahay para mag-asikaso sa mga gawaing-bahay. Pagsapit ng hapon ay susunduin si Rookie, pero kapag may pasok ako ay sumasabay siya sa kapitbahay namin para umuwi dahil sumasakto rin naman ang uwi ko sa uwi niya. Nagkataon kasi na parehas morning shift sina Papa at Kuya, madalas din sila kung mag-overtime.
Samantalang ako naman ay patuloy pa ring tinutulungan ni Ross lalo na noong nagdaang midterm exam namin. Minsan ay gumagawa rin naman ako ng paraan para matulungan din siya kahit sa maliit na bagay lang. Mas lalo rin akong naging komportable at sanay sa presensiya niya, at mukhang ganoon din naman siya sa akin. Mas lumala kasi ang pakikipag-asaran niya sa akin. Wala rin namang kaso dahil mas gusto ko naman iyon kumpara sa noong una naming pag-uusap.
Marahan kong sinalat ang noo ni Rookie pero ganoon pa rin ang init ng katawan nito. Apat na araw na siyang may lagnat at apat na araw na rin siyang naka-excuse sa klase nila dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito gumagaling.
"Pagaling ka na, bunso," mahina kong usal habang sinusuklay ang kanyang buhok. Kasalukuyan itong tulog kaya wala akong nakuhang sagot mula sa kanya. Naninibago ako na makita si Rookie na ganito dahil madalas siyang bibo kaya nalulungkot ako ngayon na makitang nanghihina at walang gana kumain ang kapatid ko.
Iniwan ko na muna siya sa kuwarto para makapagsaing na dahil maghahapunan na rin. Hindi pa rin naman nakauuwi si Mama at mamaya pa ang uwi nina Papa at Kuya. Nasa kalagitnaan ako nang paghuhugas ng bigas nang marinig ko ang nanghihinang boses ni Rookie mula sa kuwarto kaya iniwan ko na muna ang bigas para daluhan siya.
Pagkapasok ay naabutan ko itong gising na pero naroon pa rin ang panghihina sa mukha lalo na ang pamumungay ng kanyang mga mata. Nilapitan ko siya sa kama at doon ko nakitang nanginginig ito.
"A-Ate, si M-Mama," mahinang sambit nito. Mabilis akong nataranta dahil patuloy ang panginginig niya. Hinawakan ko ang mga kamay niya pero kulang na lang ay mapaso ako sa sobrang init ng mga palad niya.
"W-Wala pa si Mama, eh. Mayamaya ay darating na rin iyon, ha. Gustom ka na ba?" pagkausap ko sa kanya.
"S-Susuka a-ako . . . " nahihirapang sabi nito kaya mabilis ko siyang ibinangon mula sa kama. Pero bago pa siya makatayo ay naiduwal na niya iyon kaya mabilis kong kinuha ang palanggana na nasa tabi lang ng kama. Naka-ilang beses na rin kasi siya kanina na sumuka kaya ilang beses ko na rin itong nalinis.
Hinagod-hagod ko ang likuran nito habang may kirot sa aking dibdib. Gusto ko na lang maiyak habang nakikita siyang ganito pero hindi naman p'wede at baka mas lalo itong manghina.
"May iba ka pa bang nararamdaman, Rookie? Sabihin kay Ate para gagamutin ka kaagad, ha?"
Humawak ang kanyang kamay sa ibabaw ng ulo. "S-Sakit," naiiyak nitong tugon. Pinigilan kong sumabay sa pag-iyak niya bagkus hinalik-halikan ko ang tuktok ng kanyang ulo.
"Mawawala rin iyan. Pagagalingin ka ni Papa God, 'di ba? Ano gagawin ni Ate? Sabihin mo," sabi ko.
Muli itong sumuka at pinagpapawisan na rin ng malamig kaya mas lalong dumoble ang kabog ng dibdib ko. Hindi na talaga ako napapanatag kung ano ba ang gagawin sa kanya. Sa sobra kong taranta hindi ko na alam ang nangyayari. Yakap-yakap ko lang siya dahil sobra na ang panghihina ng katawan niya. Ultimo ang mga braso nito ay lumulupaypay.
Iniyuko ko ang aking ulo para matingnan siya nang mas maigi at doon ko na hindi napigilang mapaiyak dahil sa lagay ng itsura ni Rookie. Pumipikit-pikit ang mga mata na para bang pinipigilang makatulog kaya malakas kong tinatawag-tawag ang pangalan nito. Taranta ko siyang binuhat sa aking mga bisig kahit na nangangatog na rin ako sa sobrang kaba. Wala na ring tigil ang pag-alpas ng mga luha ko. Hirap akong buhatin si Rookie dahil wala na rin sa pokus ang buong atensiyon ko.
"Rosie?"
Narinig ko mula sa labas ng kuwarto ang boses ni Mama na mukhang kararating lang.
"Ma, si Rookie! Mama!" sigaw ko kasabay nang malakas kong paghikbi. Panay na ang pagsinok-sinok ko habang inaayos sa pagkakabuhat si Rookie.
Mabilis na dumalo si Mama at inalalayan ako. Nabakas ko kaagad sa kanyang mukha ang labis na pagtataka pero naroon ang takot at kaba. "Ano ang nangyari? Bakit?"
Inilipat ko sa bisig ni Mama si Rookie. "Ilang beses na siyang sumuka ngayong a-araw, tapos tinatawag ko ang pangalan niya p-pero hindi niya na ako sinasagot. M-Ma, hindi na bumaba ang lagnat niya. Hindi k-ko na alam ang gagawin," sagot ko sa halos buhol-buhol na boses.
Kapwa na kaming natataranta ni Mama hanggang sa sinabi niyang dalhin na nga sa ospital si Rookie. Nauna siyang lumabas ng bahay dahil iniutos niya sa akin ang wallet niya na nasa bag niya. Madalian ko lang na binunot ang ilang mga nakasaksak na appliances namin at saka isinarado ang pintuan.
Mabilis akong nakahabol kay Mama na ngayon ay nagtatawag ng tricycle habang buhat-buhat si Rookie. Sinalubong ko na ang parating na tricycle para lang makasakay na kaagad sila Mama. Tumulong pa nga ang driver at mukhang naiintindihan ang nangyayari. Wala ng hinintay pa ang tricycle driver at mabilis ding pinaharurot para makaalis na.
Hindi ko na halos maintindihan ang nasa paligid dahil ang tanging nasa isip ko lang ay ang makarating na kaagad ng ospital. Hindi ko alam kung nagising ba ngayon si Rookie o wala pa rin siyang malay dahil nandito ako sa labas nakaupo.
Nang makarating ay iniabot ko kaagad kay manong ang bayad at mabilis na dinaluhan si Mama para tulungan siya. Wala na akong pakialam sa kung ano ang hitsura ko ngayon lalo na nang tuluyan kaming makapasok sa loob.
Mabuti na lamang at may nag-asikaso kaagad kay Rookie. Nakasunod lang ako sa bawat galaw nila kahit na wala naman akong naiintindihan sa mga ginagawa nila. Nahinto lang kami sa pagsunod ni Mama nang pagsabihan kami ng isang nurse na maghintay na lang daw muna.
Doon lang nag-sink in sa utak ko na may posibilidad na hindi lang basta simpleng lagnat ang sakit ni Rookie kaya mas lalo akong naging tensiyonado. Sobra na ang pangangatog ng mga kamay at tuhod ko. Hindi na rin natuyo ang mga mata ko dahil halo-halo na ang mga naiisip ko na lihim kong ipinagdarasal na sana ay hindi iyon malubha at nag-over react lang ako.
Lumapit ako kay Mama na umiiyak na rin. Kumapit ako sa kanyang braso. "Ma, hindi man lang ba nagising kanina si Rookie?" tanong ko sa nanginginig na tinig.
"H-Hindi nga, eh. Tinatapik-tapik ko na ang pisngi pero hindi man lang d-dumidilat. A-Ano ba ang nangyari kanina, Rosie?" baling nito sa akin.
Mas lalong lumakas ang hikbi ko kaya bahagya akong nahirapang magsalita dahil sa bara sa aking lalamunan. "H-Hindi ko rin alam, Ma. Basta simula kaninang umaga ay hindi na humupa ang init ng katawan niya. P-Panay na rin ang lagay at punas ko ng bimpo sa noo at katawan niya pero hindi naman t-tumatalab. Tapos k-kanina pagkatapos niyang s-sumuka saka na siya nanghina lalo hanggang sa hindi na siya dumidilat," hirap kong pagkukuwento kay Mama. Panay ang hagod nito sa aking braso.
"Ipagdasal na lang natin ang kapatid mo na sana ay h-hindi iyon malubha," anito.
Nanatili kaming nakatayo rito habang naghihintay. Ilang minuto rin ang nakalipas nang mamataan namin ang doktor na lumapit kanina kay Rookie.
"Kayo ho ba ang pamilya ng pasiyente?" bungad na tanong nito sa amin.
Sabay naman kaming tumango ni Mama. "O-Opo."
"May high fever ito kaya umabot ng 40°C ang temperature ng bata. Ilang araw na ang lagnat niya?" pag-uusisa nito sa amin.
"Apat na araw na ho," sagot ko.
"Nagsusuka ho ba?"
"Opo. Nasa tatlong beses na ho simula kanina," tugon kong muli.
Tumango-tango ito. "High fever, rashes, vomiting, four days sickness, and bleeding from gums ay ilan po sa mga sintomas ng dengue," anito na nagpapikit sa akin nang mariin habang pinipigilang maiyak. "Sa kalagayan niya, kinakailangan niyang mai-confine para ma-monitor ang lagay niya at malaman kung mild or severe dengue ba ito. Pero sa rami ho ng mga pasiyente na mayroon ngayon ay hindi ho namin makakayanang ma-accomodate ang anak ninyo. Mas mainam po na mailapit natin kaagad sa ibang ospital ang bata para mabigyang lunas ito at hindi na lumala pa," dagdag na paliwanag nito.
Pansamantalang natahimik kami ni Mama dahil hindi namin alam kung ano at paanong reaksiyon ba ang dapat naming ipakita. Inaasahan ko na rin naman dahil ano nga ba naman ang aasahan mo sa mga pampublikong ospital? Punuan at pahirapan ang sistema kaya hindi mo rin masasabi kaagad kung maaasikaso kaagad ang pasiyente.
"S-Sige ho, Doc. P'wede ho ba na rito muna ang anak ko pansamantala habang hindi pa kami nakahahanap ng pagkakataon para mailipat ang anak ko?" pakiusap ni Mama.
Tumango ang doktor na kaharap namin. "Ayos lang naman po, pero hindi ho namin maipapangako na magiging sapat ang akomodasiyon namin sa anak ninyo. Kulang po kami ng mga personnel ngayon samantalang kailangan kaagad ng atensiyon ng anak ninyo," sabi pa nito. Sa pagkakataon na ito ay si Mama naman ang tumango.
"Sige po. Hahanap lang po kami ng paraan kaagad. Salamat po."
Nang makaalis ang doktor ay tila nag-uusap kami sa tingin ni Mama. Kapwa hindi alam ang dapat na gawin. Nilingon ko ang kinalalagyan ni Rookie at hanggang ngayon ay tulog pa rin ito. May ikinakabit sa kanya ang ilang nurses na suwero at kung ano-ano pa na hindi naman ako ganoon ka-pamilyar, pero ang tanging alam ko lang ay pansamantala lamang iyon.
"Rosie, subukan mo ngang makalapit sa Tita mo at baka sakaling may kaunting pera siya na maipahihiram sa atin ngayon. O kung sino sa kanila ang p'wede pa na malapitan. Emergency lang kamo. Ite-text ko na rin ang Papa at Kuya mo at baka makahiram din. Hihingi na rin ako ng tulong sa amo ko, ha?" imporma nito sa akin. Panay tango lang ang ginawa ko at pilit na isinisiksik sa utak ang mga bilin ni Mama.
Hindi na ako naghintay pa ng ilang minuto at nagpaalam na rin ako kay Mama para umalis. Tanging sapat na pamasahe lang ang dala-dala ko ngayon. Mabibilis ang bawat hakbang ng mga paa ko pero tuliro naman ang aking isipan. Iniisa-isa ko na kung sino pa ba ang p'wedeng malapitan dahil alam kong malaki-laking pera ang kakailanganin namin lalo pa na ia-admit sa ibang ospital si Rookie. Naalala ko na may naipon na rin pala akong pera sa sarili ko. Hindi man ganoon kalakihan pero alam kong malaking tulong ang magagawa niyon.
Madilim ang daan na tinatahak ko palabas ng pampublikong ospital pero hindi ko iniisip iyong sarili ko na baka may mangyari sa aking masama o ano. Mas iniisip ko ang kalagayan ng kapatid kong si Rookie. Kung sa ibang pagkakataon ay baka namumuo na ang takot ko dahil mag-isa lang akong naglalakad ngayon, pero mas nangingibabaw ang takot ko sa maaaring mangyari kay Rookie.
Bahagya nang nakagulo ang aking buhok at basa na rin ng luha ang suot kong T-shirt. Nakapambahay lang din ako na short at tsinelas. Hindi ko nga nagawang madala na ang cellphone ko sa sobrang taranta kanina. Gusto ko pa naman sanang kontakin ngayon si Vince para makahingi rin ng tulong kahit na papaano.
Malapit na ako sa sakayan nang biglang pumasok sa isipan ko ang mukha ni Ross. Hindi ko alam pero tila nabuhayan ako ng loob na para bang alam ko na ngayon kung saan ako unang pupunta—lalapit. Mabilis akong sumakay sa nakaparadang jeep at mabuti na lamang ay hindi na naghintay pa nang matagal dahil umalis din naman kaagad.
Blangko ang isipan ko habang nasa biyahe. Ang tanging iniisip ko lang nang paulit-ulit ay kung nagising na ba si Rookie, kung kumusta si Mama roon, at kung alam na ba kaya nina Papa at Kuya ang nangyari? Dahil sa wala ako mas'yado sa aking sarili, hindi ko na namalayan pa na tanaw ko na mula rito ang pamilyar na convenience store. Napalingon ako sa aking katabi na kasalukuyang may hawak na cellphone kaya nagtanong ako sa kanya ng oras.
"Nine o' eight," sagot niya sa akin. Nagpasalamat naman ako sa kanya bago bumaba.
Kaagad na hinanap ng aking mga mata ang sasakyan nito sa tapat ng store at ganoon na lang ang pagluwag ng pakiramdam ko dahil nandoon pa iyon. Ibig sabihin ay hindi pa siya nakauuwi. Kapag may klase kasi kami, saka siya nagpapanggabi. Kapag wala naman ay umaga ang pasok niya bilang agreement na rin daw nila ng manager ng store.
Sumilip muna ako mula rito sa labas at tanaw ko siya na nasa tapat ng counter habang may dalawang customer na inaasikaso. Hindi na siya naka-uniform kaya mukhang pa-out na rin siya. Humakbang lang ako palapit nang kaunti bilang buwelo ko na rin oras na matapos siya sa kanyang mga kustomer.
Bago pa man siya matapos ay nagpang-abot na ang aming mga paningin. Napa-second look pa nga ito sa akin na para bang tinitingnan niya kung tama ba siya nang pagkakakita sa akin. Sa pagkakataon na iyon ay nilakasan ko na ang aking loob at pumasok na rin ako nang marahan dahil patapos na rin naman ang dalawang kustomer niya.
Panay ang sulyap nito sa akin kahit na may ginagawa siya pero iniiwas ko na lang ang paningin ko sa kanya. Itinutok ko ang aking paningin sa paanan ko. Medyo marumi na rin ang paa ko kaya bahagya akong nahiya. Hindi ko alam kung paano ako nakabiyahe nang ganito na pala ang itsura ko.
Nang makalagpas ang dalawang babaeng kustomer niya sa akin ay saka ako nag-angat ng tingin sa kanya na kasalukuyan na palang naglalakad palapit sa akin.
"H-Hey," bati nito sa akin na halatang nagtataka. Hindi humiwalay ang pagkakatitig niya sa akin na para bang sinusuri ako.
Lumunok muna ako bago siya binati pabalik. "Ross," panimula ko nang tuluyang makaharap ko siya. Hindi maiwasan ng mga mata ko ang maglilikot dahil hindi ko kayang matingnan siya nang matagal sa hindi ko malamang dahilan. "Ah . . . p-pumunta ako kasi . . . ano, p'wede ko bang makuha na muna iyong parte ko sa ipon?" lakas-loob kong sabi sa kanya.
Hindi ito umimik pero nanatili siyang nakatingin sa akin. At dahil sa ginagawa niyang ito ay hindi mapigilang mag-init ng sulok ng aking mga mata. "Kailangan ko lang kasi n-ngayon. Pero itutuloy ko pa rin naman iyong pag-iipon," nakangiti kong dagdag.
"Huwag mo na lang kuhanin," sambit nito na ikinataka ko. "Magkano ba kailangan mo?" sunod nitong tanong.
Hindi ko na napigilan pa ang unti-unting paglabo ng aking paningin dahil sa nagbabadya kong mga luha. Bago pa man iyon tuluyang bumagsak ay narinig ko na siyang sumigaw.
"'Tol, alis na ako. Ikaw na ang bahala rito!"
"Oo, sige. Salamat, ingat ka!" rinig kong tugon ng isa na ngayon ay nagsusuot ng sumbrero habang palapit sa counter. Bago pa man ako nito makita ay mabilis na akong inakbayan ni Ross palabas ng convenience store at kasabay niyon ang pagtulo ng aking mga luha. Unti-unti na ring lumalakas ang hikbi ko habang dama ko ang paminsan-minsang pagpisil nang banayad ni Ross sa aking balikat.
Huminto kami nang matapat kami sa tabi ng kanyang sasakyan pero nanatili akong nakayuko habang panay ang pagpahid ng luha sa aking mukha.
"Ano'ng nangyari?" malumanay na tanong nito sa akin. Pilit niya pang sinisilip ang aking mukha pero panay ang iwas at pagyuko ko.
Kahit anong kontrol ang gawin ko para lang matigil ang sarili sa pag-iyak ay hindi ko magawa. Pilitin ko mang pahintuin maging ang pagsinok-sinok ko dala nang sobrang pag-iyak ay hindi ko rin mapigilan. Lumipas ang ilang minuto nang maisipan ko nang magsalita dahil nabawasan ang tila bumabara sa aking lalamunan.
"K-Kailangan ko lang iyong pera k-kasi nasa ospital ngayon iyong k-kapatid ko. H-Hindi ko kasi alam kung saan hahagilap ng pera o kung . . . may mahahagilap ba ako. Naisip ko sana na ipandagdag kahit papaano iyong ipon ko sa iyo. Pero hindi mo naman kasi dala iyon ngayon, kaya kahit bukas ko na lang sana kuhanin," utal-utal kong wika.
Naramdaman ko ang pagpunas nito ng aking mga luha kahit na nakayuko pa rin ako. Hindi niya ako pinipilit na tumingala o ano. "Huwag mong isipin iyon. Kahit huwag mo nang kuhanin ang ipon mo, okay? Bibigyan kita ngayon."
Nang marinig ko ang sinabi niya ay saka na ako napatingala. "H-Huh? Hindi . . . hindi na. Iyong sa ipon ko na lang. Baka hindi ko mabayaran kaagad iyang ibibigay mo sa akin ngayon. O kaya, iyong ibibigay mo sa akin ngayon, ito na ang sa ipon ko at sa iyo na iyong pera ko na nasa iyo," pagtutol ko.
"Bigay ko ito ngayon kaya hindi ito utang. Sabihin na nating tulong kaya huwag mo nang kuhanin ang ipon mo," paliwanag nito.
"P-Pero, Ross . . . nakakahiya sa iyo," naiiyak kong sambit.
Muli nitong pinunasan ang mga nagsisibagsakan kong panibagong luha. "Kailangan mo ng tulong kaya tutulungan kita. Walang nakahihiya roon kung kinakailangan mo man ng tulong ngayon."
Dahil sa bugso ng aking damdamin, hindi ko na naiwasan pang yakapin nang mahigpit si Ross. Kasabay niyon ang pagtangis ko nang mas malakas dala ng pasasalamat. Ibinalik niya rin sa akin ang yakap at hinayaan akong umiyak sa bisig niya. Saka ko lang na-realize na nakahihiya pala dahil bihis na bibis pa naman siya ngayon tapos dinikitan ko pa siya.
Ako na ang naunang humiwalay mula sa pagkakayakap. "Salamat nang sobra, Ross."
Ngumiti naman ito sa akin. "Wala pa akong nagagawa, Rosie," aniya.
Umiling naman ako. "Marami ka nang nagawa para sa akin. Hindi ko na alam kung paano ka pa masusuklian," nahihiya kong pag-amin.
Hindi na siya sumagot pa bagkus ay pinunasan na lang ang muling pagbagsak ng bagong luha sa aking pisngi.
"Halika na. Samahan na kita pabalik sa ospital," imporma nito sa akin kalaunan habang inaakay ako papasok sa loob ng sasakyan niya. Siya na rin ang nagbukas ng pinto niyon para sa akin. Bago pa niya tuluyang maisarado ay dumungaw pa siya sa akin. "Hindi ka pa kumakain, ano?" tanong nito na kimi kong inilingan. Tumango ito sa akin bago isinara ang pinto.
Akala ko ay papasok na rin siya pero bumalik lang siya ulit sa loob ng convenience store. Ilang minuto ang itinagal niya bago siya muling nakabalik na may bitbit na puting plastic bag. Iniabot nito sa akin ang isang cup noodle na may laman ng mainit na tubig. Nakita ko pa na marami-rami nang kaunti ang binili niyang pagkain pero hindi ko na lang pinakialaman at baka hindi pa rin siya kumakain.
Wala akong ibang ginawa sa gitna ng biyahe kung hindi ang ubusin ang kinakain ko. "Hindi ka ba kakain?" tanong ko naman sa kanya nang maubos ko ang cup noodle.
"Tapos na akong kumain," sagot niya. Tumango na lang ako at hindi na siya inusisa pa. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod kaya isinandal ko ang aking likuran sa upuan. "Ikaw lang mag-isa kanina pabalik dito?" mayamaya'y tanong ni Ross sa akin.
"Oo. Naiwan si Mama sa ospital kasama ni Rookie. Hindi pa kasi nakauuwi sina Papa at Kuya galing sa trabaho. Hindi ko rin alam kung alam na rin ba nila ang nangyari," mahina kong sagot. Muli ko na namang naalala kung paano ko makitang nanghihina ang kapatid ko habang nasa bisig ko. "Kailangan daw ilipat sa ibang ospital si Rookie dahil hindi raw nila mabibigyan nang sapat na accomodation kami lalo't kailangang ma-monitor ng kapatid ko para malaman kung mild o severe dengue ba iyon," pagkukuwento ko.
Mabilis ang naging biyahe namin pabalik sa ospital. "Salamat sa paghatid, Ross. Hindi mo naman na kailangang ihatid pa ako, eh. Pasens'ya na rin sa abala," sabi ko sa kanya nang makababa kami mula sa sasakyan.
"Hindi ito abala, Rosie," aniya. "Tara na, samahan na kita," alok nito na nagpagulat sa akin.
"H-Huh? H-Hindi na. Mas'yado na kitang naiistorbo, Ross. Kailangan mo na ring magpahinga lalo at kagagaling mo lang sa trabaho."
"Sasamahan ko na kayo hanggang sa mailipat sa ibang ospital ang kapatid mo. P'wede ko naman kayong ihatid na ro'n," sabi pa niya na siyang nagpagulat talaga sa akin. "Tara na, sayang oras," dugtong pa niya sabay hila sa aking kamay papasok sa loob.