Nasa kalagitnaan pa lang kami ng paglalakad rito sa hallway ay tanaw ko na ang pigura ni Mama na kausap ang kaninang doktor. Katabi nito si Papa na taimtim ding nakikinig sa kung anuman ang sinasabi ng kanilang kaharap. Mas binilisan ko ang paglalakad habang patuloy pa ring nakasunod sa akin si Ross.
Sakto nang makalapit kami ay mukhang patapos na rin magpaliwanag ang doktor. Kasabay niyon ang paglingon sa akin ni Mama at gayon din ni Papa. Ngayon ko lang napagtanto kung ano ang sasabihin ko tungkol kay Ross lalo pa na sabay nilang tiningnan ang katabi ko.
"Ma, ano raw ang sabi?" tukoy ko sa sinabi sa kanila ng doktor na ngayon ay may inaasikasong kung ano kay Rookie.
"Nagbilin tungkol sa kalagayan ng kapatid mo. Nagbabayad na rin ang Kuya mo bago tayo makalipat ng ospital. Tumawag ka na rin pala ng tricycle habang may inaasikaso pa kay Rookie," anito.
Akmang magsasalita na sana ako para ipaliwanag ang tungkol sa napag-usapan namin ni Ross pero naunahan na niya ako.
"Mawalang galang na ho, hindi ko sana intensiyon na makialam sa inyo, pero kaibigan ako ni Rosie. Kung ayos lang po sa inyo, ako na lang ang maghahatid sa sa lilipatan ninyong ospital," imporma ni Ross.
Nabakas ko naman sa mukha nina Mama at Papa ang bahagyang pag-aliwalas ng kanilang mukha nang marinig iyon. "Naku, iho. Nakahihiya man, pero tatanggapin namin ang alok mo. Salamat kung ganoon," pasasalamat ni Papa.
"Ayos lang po," tangong tugon naman nito.
Napalingon naman kami nang makitang palapit sa amin si Kuya Paeng habang may hawak na maliit na resibo sa kanyang kamay. Katulad nina Mama at Papa kanina, naroon din sa mukha nito ang pagtataka sa taong nasa tabi ko.
"Nakapagbayad na po ako. Nakapagtawag na ba ng tricycle para makaalis na tayo?" bungad nitong saad.
"Ayun nga at buti na lang kasama nitong kapatid mo ang kaibigan niya. Nagpresinta na rin na ihahatid raw tayo sa paglilipatang ospital," si Mama na ang sumagot.
Tumango naman si Kuya sa gawi ni Ross. "Salamat, brad," ani Kuya.
Pinagtulungan nina Kuya at Papa si Rookie na buhatin habang sinisigurado ni Mama ang pagkakaayos ni Rookie sa bisig ni Papa.
"Ano pala ang sabi ng Tita mo, Rosie? Nakahiram ka man lang ba kahit na magkano pandagdag para sa ida-downpayment natin?" baling sa akin ni Mama habang inaasikaso si Rookie.
Tila napipi ako kasi hindi naman na ako nakadaan pa kila Tita dahil una kong pinuntahan itong si Ross para kuhanin sana ang ipon ko pero nagpresinta naman din siyang tutulungan niya raw ako. "A-Ah kasi, M-Ma . . . "
Tumikhim naman ang katabi ko kaya nalipat ang atensiyon namin sa kanya. "Lumapit po kasi ang anak ninyo sa akin para sana kuhanin ang parte niya sa iniipon niyang pera, pero naisip ko ho na, tutulungan ko na lang siya para hindi na niya kailanganing galawin ang sarili niyang ipon," paliwanag nito. "Kahit ako na lang po ang sumagot sa downpayment na kakailanganin ninyo. Iyon ay kung hindi niyo ho sana mamasamain ang pagtulong ko," magalang na dagdag pa nito.
Sa mga oras na ito ay parang gusto ko na lang maiyak ulit dahil sa labis-labis na kabutihan ni Ross. Ilang segundo pa ay narinig ko nang humihikbi si Mama habang nagpapasalamat sina Kuya at Papa kay Ross.
"Salamat, iho. Huwag kang mag-alala, ibabalik na lang namin ang pera mo. Sa ngayon kasi ay . . . hirap na hirap talaga kami. H-Hindi namin alam kung saan lalapit," umiiyak na sambit ni Mama. Hindi ko na napigilan pa at maluha-luha na rin akong umiwas ng tingin sa kanila. Hindi ko lang akalain na maaari pala kaming humantong sa ganitong sitwasiyon. Hindi ko rin makayanang makita sa ganitong pagkakataon sila Mama.
Ngumiti nang bahagya si Ross. "Wala ho iyon. Huwag niyo na lang po munang isipin ang tungkol doon," saad nito.
Ilang minuto rin ay naghanda na kami para makaalis. Nakasunod kami ng pamilya ko kay Ross papunta sa sasakyan niya. Buhat-buhat naman ni Papa si Rookie na ngayon ay nakasuot ng sumbrero at nakakumot ang jacket ni Kuya sa katawan nito para hindi lamigin lalo pa na mahamog na.
Tinulungang alalayan ni Ross na makapasok sila Mama. Ako na rin ang naupo sa unahang bahagi at katabi ko si Ross na ngayon ay naghahanda nang paandarin ang sariling sasakyan. Bago pa kami umalis ay iniabot ni Ross ang puting supot kila Mama na kanina ay binili niya sa convenience store. Nagpasalamat naman sila sa kanya.
Hindi ko maiwasang sundan ng tingin si Ross habang minamaniobra ang sasakyan. Nag-iinit ang aking puso dahil sa mga nagawa at ginagawa niya ngayon. Naisip ko, paano kaya kung hindi ako naging malapit sa kanya? May malalapitan din kaya ako na katulad niya, bukod kay Vince?
Lumingon din ito sa akin dahil na rin siguro naramdaman niyang nakatingin ako sa kanya. Ibinuka ko ang aking bibig para umusal ng pasasalamat nang walang lumalabas na tinig. Ngumiti naman ito sa akin nang sinsero saka tumango na para bang ipinapahiwatig na wala lang iyon. Hiyang-hiya na ako sa kanya dahil alam kong wala pa siyang pahinga dahil kalalabas niya lang galing trabaho, pero ganoon pa man ay nagpapasalamat ako sa kanya.
Higit bente o trenta minuto rin siguro ang itinagal ng biyahe namin. Hindi naman na rin ganoon ka-traffic dahil mag-a-alas onse na ng gabi. Kaagad kaming pumasok sa loob. Mas maayos na ospital ito dahil pribado ito kaya walang mga pasiyente ang nasa gilid ng hallway o ano pa man. Hindi hamak na mas kalmado ang atmospera dito. Sila Mama na rin ang humarap sa counter at napirmi akong nakamasid sa kanila.
Hinabol ko pa ng tingin si Ross dahil umabante siya papunta kila Mama. Lumapit din ako nang kaunti para malaman kung ano ang gagawin nito. May sinabi ito sa nurse at kasunod niyon ang paglapit sa amin ng ibang personnel para asikasuhin si Rookie. Mukhang ipapasok na siya sa isang kuwarto.
Naiwan naman kami nila Kuya rito habang si Ross ay naroon pa rin sa tapat ng counter. Mas'yado nang marami kung susunod pa kami roon at mukhang pagbabawalan din kami kaya pumirmi na lang muna kami rito.
Napabuntonghininga ako dahil kahit papaano ay napanatag ako sa kaalamang mas maaasikaso ngayon ang kalagayan ni Rookie. Iyon nga lang, pera ang poproblemahin.
"Rosie." Napalingon ako sa aking tabi nang tawagin ako ni Kuya. "Sigurado ka bang kaibigan mo lang iyang kasama mo?" tila imbestigador na tanong sa akin ni Kuya.
Napairap naman ako sa kanya. "Ang malisyoso mo, Kuya. Kaibigan at kaklase ko iyan si Ross. Siya ang tumutulong sa akin saka siya lang ang masasabi kong kaibigan bukod kay Vince."
"Sigurado ka? Mamaya hindi naman pala magkaibigan lang tapos hindi mo man lang ipinakilala nang maayos sa amin."
"Kuya!" Bahagya ko siyang nahampas sa kanyang braso pero nagawa niya pang tumawa. Pero hindi maitatanggi sa mukha nito ang pagod.
Mayamaya ay nagpaalam sa akin si Kuya para sumunod kila Mama para i-check si Rookie. Nagsabi ako na susunod na lang ako at hihinti ko pa si Ross. Nakahihiya naman na sobra-sobrang abala ang naidulot ko sa tao tapos iiwan ko.
Napatingin ako sa may labasan nang makitang may malapit na tindahan doon. Nilingon ko muna saglit si Ross at mukha namang hindi pa siya tapos sa harapan ng counter kaya lumabas muna ako saglit. Kinapa ko ang bulsa ng aking short. Mabuti na lamang at may pera ako ritong nakasiksik. Bumili ako ng mumurahing cup noodle at pinalagyan ko na rin ng mainit na tubig. Nang masigurong ayos na ay saka ako bumalik sa loob. Naabutan ko itong nakatayo sa isang tabi habang nagpapalinga-linga at hawak sa kabilang kamay ang cellphone.
"Ross," tawag ko sa kanya. Lumingon naman ito kaagad sa akin. Nang makalapit ay inabot ko sa kanya ang mainit-init pang cup noodle na tinanggap niya rin. "Pasens'ya na, iyan lang kinaya ng pera ko," hinging paumanhin ko habang nahihiyang napakamot sa ulo. "Hala, wala kang tubig!" taranta kong sabi nang maalalang wala na akong perang pambili ng inumin niya.
"It's okay, mayroon naman ako sa kotse," ngiting aniya. Bahagya akong napahinga nang maluwag.
Iginiya ko siya sa isang mahabang upuan at doon naupo para makakain siya nang maayos. Nakatingin lang ako sa kanya habang kinakain niya ang ibinigay kong cup noodle.
"Ross, sorry," mahinang usal ko. Taka naman itong tumingin sa akin.
"Para saan ang sorry mo?"
"Sa lahat. Simula sa abala, pati na iyong . . . pagbabayad mo ngayong gabi. Huhulog-hulugan ko na lang iyon sa iyo, ha. Babayaran namin iyon. Sobra-sobra na ang mga nagawa mo sa amin lalo na sa akin, hayaan mo at babawi rin ako sa iyo. Promise!" sinsero kong sabi sa kanya.
"Hindi mo kailangang humingi ng sorry, Rosie. Hindi mo ginusto ang mga nangyari at ako mismo ang nag-initiate ng tulong na iyon. Ang mahalaga ngayon ay ang kalagayan ng kapatid mo. Iyon na muna ang isipin mo at hindi ang nagawa ko. Hindi rin naman ako humihingi ng kapalit doon, Rosie," banayad na saad niya sa akin. Hindi naman kasi talaga ako emosyonal na tao, eh pero sa mga oras na ito ay hindi ko talaga mapigilan.
Hindi ko alam kung ano ang nagawa kong maganda kay Ross para tratuhin niya ako nang ganito. Nakita kong tuluyan nang naubos ni Ross ang kanyang kinakain. "Ako na ang magtatapon," presinta ko pero tumanggi siya.
"Ayaw mo bang silipin na muna ang kapatid mo sa kuwarto?" tanong nito sa akin.
"Pero wala kang kasama rito."
"Sasama ako. Gusto ko rin makita ang lagay niya."
Matapos niyang maitapon sa kalapit na basurahan ang wala nang laman na cup noodle ay sumabay na rin siya sa akin papunta sa kuwarto na kinasasadlakan ngayon ni Rookie. Tahimik na ang buong hallway dahil malalim na rin ang gabi at pawang mga nagpapahinga na ang ibang pasiyente na narito din. Nang makarating doon ay tulog pa rin si Rookie. Nakamasid lang sila Mama sa kanya habang taimtim na nag-uusap para hindi maistorbo ang kapatid ko.
Nilingon nila kami ni Ross nang tuluyan kaming makapasok. "Nagising na pala kanina si Rookie. Hinahanap ka nga, eh. Pero saglit lang at nakatulog siyang muli. Natural lang daw iyon sabi ng doktor kanina dahil pagod at nanghihina ang kapatid mo," pagbibigay alam sa akin ni Mama.
Napangiti naman ako nang bahagya habang nakatingin kay Rookie. Nasa ganoong sitwasiyon kami nang biglang may tumunog na ringtone at napalingon ako sa aking tabi dahil sa bulsa ni Ross nanggaling ang tunog na iyon. Humingi naman ito ng paumanhin at saka in-excuse ang sarili para sagutin ang tawag. Sa paglabas niya ay roon na napunta sa akin ang atensiyon nila.
"Anak, napakabuti ng kaibigan mo. Ano nga ang pangalan niya? Kanina pa ako pasalamat nang pasalamat pero hindi ko man lang magawang banggitin ang pangalan niya," sabi sa akin ni Mama habang may munting ngiti sa kanyang labi, pero hindi naman niyon maitatago ang pagod at lungkot sa mukha.
"Si Ross po. Mabait po talaga iyon," nakangiti kong sang-ayon.
"Kaibigan ba talaga?" rinig kong mahinang tanong ni Kuya na halata namang inaasar lang ako. Pasimple ko naman siyang sinamaan ng tingin bago nagpaalam na lalabas muna para tingnan si Ross.
Pagkalabas ko ng kuwarto ay nakita ko si Ross sa isang tabi na nakatayo habang may kausap sa cellphone nito. Tahimik akong lumapit nang kaunti sa kanya pero huminto rin sa kalagitnaan para bigyan siya ng privacy pero lumingon na rin ito kaagad nang maramdaman siguro ang presensiya ko. Balak ko kasing pauwiin na siya para naman makapagpahinga na siya. Hindi naman sa itinataboy ko siya pero nakahihiya na kasi kung idadamay ko pa siya rito kung p'wede naman na siyang makapagpahinga nang maayos sa bahay nila.
"Yes, Ma," rinig kong usal ni Ross sa kausap sabay baba ng tawag.
Siya na ang lumapit sa puwesto ko habang isinusuksok sa kanyang bulsa ang cellphone. Tiningala ko siya saka nginitian. "P'wede ka naman nang umuwi, Ross. Alam kong pagod ka na at kailangan mo nang makapagpahinga. Mas'yado ka na naming naaabala," panimula ko.
Tumango naman ito habang nakatingin sa akin. "Kailangan mo ring magpahinga. I-chat mo na lang ako kapag may kailangan ka," anito.
Um-oo na lang ako kahit alam kong hindi ko naman iyon gagawin. Ang kapal na ng mukha ko kung lalapit lang ako sa kanya tuwing may kailangan. Muli siyang pumasok sa kuwarto para makapagpaalam kina Mama, Papa, at Kuya. Nakailang pasalamatan pa muna bago tuluyang makaalis si Ross. Hinatid ko siya hanggang sa labas kung saan naka-park ang kanyang sasakyan.
"Mag-iingat ka sa pagda-drive, ha," bilin ko pa nang mabuksan na nito ang pinto ng kanyang sasakyan. "Salamat ulit, Ross. Hindi mo alam kung gaano mo ako natulungan at ang pamilya ko kaya thank you," muli kong pasasalamat.
Lumapit ito sa akin saka tinapik ang kanang balikat ko bago ngumiti. "Sapat na sa akin ang maging maayos ang kalagayan ng kapatid mo."
Bago pa man niya tuluyang paandarin ang sasakyan ay nagkatanguan pa kami. Habol tingin ko pa ang sinasakyan niya hanggang sa lumiit na lang ito sa aking paningin hanggang sa mapagpasiyahan kong pumasok na ulit.
Naabutan kong tulog sa maliit na sofa si Papa at si Mama naman ay nasa bangko na nakatabi sa kama ni Rookie. Si Kuya ay nasa bangko rin pero nakapikit ang mga mata. Akmang tatabi na sana ako ng upo kay Papa nang magmulat ng mata si Kuya. Hiniram ko na rin muna sa kanya ang cellphone para mag-check ng inbox ko at makikibalita ako sa mga GC.
Matapos niyon ay dumako ako sa profile ni Ross hanggang sa naisipan ko siyang i-chat. Humingi lang ako ng pabor na mag-reply siya kapag nakauwi na siya para mapanatag ako nang bahagya. Nagpaabot na in ako ng paumanhin para sa magulang niya dahil ginabi siya nang sobra kahit na kanina pa naman siya nag-out sa trabaho niya. Nagpalipas pa ako ng ilang minuto para sana hintayin kung magre-reply ba siya sa akin pero sadyang tumitiklop na ang aking mga talukap hanggang sa tuluyan na nga akong nilamon ng antok dala nang sobrang pagod.