CHAPTER ELEVEN

2774 Words
Lakad-takbo ang ginagawa ko para lang makarating sa classroom at hindi maging late, pero base sa hawak-hawak kong cellphone ay huli na ako ng tatlong minuto. Inis akong napailing lalo na nang makita ko na nasa unahan na ng classroom ang Prof namin. Pinapasok niya rin naman ako pero markado na akong late. Habol-hininga ako nang makaupo sa aking silya. Kasabay niyon ang pagtatagpo ng aming paningin ni Ross. Bahagya ko siyang nginitian at ako na rin ang naunang nag-iwas ng tingin. Hindi sana ako papasok ngayon dahil walang kasama si Mama sa ospital para magbantay kay Rookie, pero sinabihan ako ni Mama na pumasok na lang daw. Nagpaalam siya sa kanyang amo at naunawaan naman siya nito kaya pinayagan siya. Nag-alok pa nga ito ng tulong na siyang ipinagpasalamat namin nang sobra. Sina Papa at Kuya naman ay pumasok din sa trabaho para kung sakali raw ay may pandagdag kami na pera para panggastos sa ospital. Tila walang pumapasok sa utak ko kahit na ba mukha akong nakikinig sa itinuturo ng propesor namin. Hindi ko magawang makapag-concentrate kahit na ano ang gawin kong pakikinig. Natapos ang klase namin nang lutang ako, ultimo nga ang paggalaw ko rito sa kinauupuan ko ay hindi ko magawa. Nanatili akong nakaupo habang nakamasid sa mga kaklase kong nakangiti at nagtatawanan palabas ng kuwarto. Kahit na nakikita ko ang ilan sa kanila na mukhang masaya, alam kong may kanya-kanya rin silang kinahaharap na problema. Ito lang kasi ang pagkakataon na masasabi mong pansamantala kang makalilimot kasi pakiramdam mo ay hindi ka nag-iisa. Magagawa mo ang bagay na ikasisiya mo, kahit pansamantala lang. Naputol lang ang pag-iisip ko nang maramdaman kong may nakatayo sa gilid ng aking silya. Nakaabang sa akin si Ross. Doon ko lang din napansin na tuluyan na palang nakaalis ang mga kaklase namin at tanging kaming dalawa na lang ni Ross ang natitira dito sa apat na sulok ng silid na ito. Tumayo na ako saka isinukbit ang bag sa aking balikat. Hinarap ko siya kasabay nang pagngiti ko nang kaunti. "Sorry, na-late ako. Nanggaling kasi ako ng ospital, hindi ko alam na maiipit ako sa traffic," paliwanag ko. Nagsalubong ang mga kilay nito. "Bakit ka ba laging nagso-sorry? Hindi naman kasalanan iyan." "Baka kasi sabihin mo hindi ko sineseryoso iyong mga turo mo sa akin," pagbibiro ko pa na hindi naman niya tinawanan. "Rosie, nakaiintindi ako ng mga sitwasiyon. Don't feel sorry kung alam mong hindi mo naman ginusto ang mga hindi magagandang bagay." Tumango ako saka siya inayang lumabas na. "Kumusta naman sila sa ospital?" kalauna'y tanong niya sa akin habang lumalabas ng building para pumunta sa food hall. "Maayos naman . . . kahit papaano. Mino-monitor pa rin si Rookie ng doktor. Severe man iyon o mild dengue, basta ang mahalaga ay gumaling siya. Naniniwala ako roon kay Rookie," nakatawa kong sagot. "Sa sobrang bibo ng kapatid ko na iyon, hindi siya papayag na nakahiga lang doon," nakangiti kong dagdag. "Naniniwala rin naman ako na gagaling din siya kaagad." Nang makahanap kami ng bakanteng puwesto ay nagpresinta na si Ross na siya na raw ang bibili para sa akin at hinayaan ko na lang. Tutal, ang pakiramdam ko ngayon ay para lang akong nakalutang at wala sa sarili. Siguro dahil kulang din ako sa maayos na tulog at pagod. Pagkarating ni Ross kasama ang mga pagkain ay kaagad akong nagsimulang kumain sa marahang paraan. Wala rin kasi ako gaanong gana. Parang bigla na lang nawala iyong kagustuhan kong kumain. Hindi katulad noon ay tahimik lang ako habang ngumunguya. "Ano pala ang sabi ng parents mo? Pinagalitan ka ba? Alam ba nila iyong tungkol sa pera na . . . ipinahiram mo sa amin?" Nang maalala ko ang tungkol sa bagay na ito ay hindi ko na napigilang tanungin siya. Nakahihiya kasi sa magulang niya at baka kung ano na ang isipin. "Hindi naman sila nagalit. Huwag mo nang isipin ang tungkol doon, Rosie." "Ross," tawag ko sa pangalan niya makalipas ang ilang minuto naming pananahimik. Tapos na kaming kumain at nagpapahinga na lang dito para bumaba ang kinain namin. "Hmm?" "Kailangan ko na talaga ng trabaho. Baka may alam kang trabaho na hindi ganoong pagsususpetsahan nila Mama? Para mas lumaki-laki lang din ang ihuhulog ko sa ipon natin at iyon ang gagamitin kong pantulong sa kanila," desidido kong sagot sa kanya. Tumikhim ito at saka umayos ng upo bago ako tuluyang tingnan. "Actually, nabanggit ko kila Mama ang tungkol sa iyo. Naialok niya rin sa akin na kung gugustuhin mo raw ay kukuhanin ka niyang kasa-kasama sa flower shop niya," naninimbang na imporma sa akin ni Ross. Tila nabuhayan naman ako ng dugo kaya panay pagtango ang ginawa ko. "Oo, ayos na ayos lang sa akin, Ross. Tatanggapin ko," pagpayag ko. Tumango-tango naman ito sa akin. "Sasabihin ko kay Mama. Saka 'wag kang mag-alala, ilang oras lang naman ang kailangan mong bunuin doon at hindi naman mahirap ang trabaho." "Kahit ano pa iyan ay ayos lang sa akin." "Kung ayos lang sa iyo at may oras ka bukas, dadalhin kita kay Mama para makausap mo siya." Kaagad akong pumayag at sinabihan niya ako na iiwanan na lang niya ako ng message kung ano ang oras nang pagkikita namin bukas. Natapos ang buong maghapon ko sa pag-attend ng mga klase nang wala man lang retention na nangyari sa mga itinuro sa amin. Halo-halo na ang nasa isip ko, simula sa kung paano ko ililihim sa mga magulang ko ang tungkol sa pagpasok ko sa Mama ni Ross. Naiintindihan ko naman kung bakit hindi pa nila gusto sa ngayon na maghanap ako ng trabaho dahil ayaw nilang mahati ang atensiyon ko, pero hindi ko na kasi kaya, lalo pa ngayon na nakikita ko silang nahihirapan kung paano kami makasu-survive sa araw-araw. Kaya ko naman, eh. Kakayanin ko. Kasi ano naman nga ba ang choice ko ngayon? Wala. Pagkarating sa bahay ay nag-asikaso kaagad ako ng mga gagawin. Naabutan ko pa nga noong isang araw, nang magbalik ako rito, sa lababo ang naiwan kong bigas na sasaingin dapat pero dahil sa pagmamadali ay hindi ko na naasikaso at naintindi pa. Pagkatapos ko magluto ay nag-ayos ako ng mga damit na dadalhin ko bukas sa ospital, idadaan ko roon, para may mga pamalit sila na gagamitin. Nasa kalagitnaan ako ng pagtutupi nang may kumatok sa labas ng bahay at bahagyang nakasilip ang ulo nito. Inaaninagan ko pa kung sino iyon dahil bahagyang madilim doon. "Oh, Vince," usal ko nang mapagsino kung sino ito. Pumasok na rin kasi siya nang makita niya ako. Hindi na ako nag-abala pang tumayo dahil sanay na naman siya rito sa bahay. Naupo ito sa katabi kong sofa habang itinutuloy ko ang pagtutupi. "Kumusta na si Rookie? Pasens'ya na at ngayon ko lang nalaman ang nangyari. Hindi kita nasaman," panimula niya. Nilingon ko siya saglit bago sumagot. "Ayos lang iyon. Naiintindihan ko naman na may sarili ka ring buhay," tugon ko saka siya nginitian bilang paniniguro sa kanya na ayos lang iyon. "Dadalhin mo ba iyan doon ngayon?" tanong nito habang tinutukoy ang iniimpake kong mga gamit. "Bukas ko pa idadaan." Nagdaan ang ilang minuto nang walang umiimik sa amin. Patuloy lang ako sa ginagawa ko at batid kong nakamasid lang siya sa bawat galaw ko. Hindi ko alam pero ayaw ko talaga ng katahimikan. Kapag tahimik kasi, ang bigat sa loob. Doon mo naririnig lahat, doon mo naiisip ang lahat, at doon mo nararamdaman lahat ng mga bagay na pilit mong kinikimkim. Dama ko na ang pangangatog ng kalamnan at mga kamay ko kaya unti-unting bumibili ang bawat pagtutupi ko sa tela nang walang kasiguruhan kung tama pa ba ang ginagawa ko. Basta ginagawa ko lang siya para mapunta roon ang buong atensiyon ko. Pero kasabay niyon ang pag-iinit ng aking mga mata at maging ang pagbigat ng aking dibdib. Para ko nang hinahabol ang sarili kong paghinga. "Ako na lang ang magtutuloy niyan, Rosie." Mayamaya ay alok ni Vince sa akin nang mapansin ang kilos ko. At iyon ang nagsilbing 'go signal' ko para mapakawala ang aking hikbi na kanina ko pa pinipigilan. Palakas nang palakas ang pag-iyak ko. Hindi ko na rin inalintana pa kung nababasa ko na ngayon ang hawak-hawak kong T-shirt. Kaagad kong naramdaman ang banayad na paghagod ng kamay ni Vince sa aking likuran. Wala siyang sinabi na kahit na ano pero nagkasya na lamang siya sa pagmamasid sa akin. "H-Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit ako umiiyak ngayon," hikbi kong imporma sa kanya. "Basta n-na lang akong naiyak. Ang sakit sa dibdib, eh k-kaya hindi ko na napigilan. S-Sorry." "Mas kailangan mo iyan ngayon. Okay lang iyan. Umiyak ka lang. Naiintindihan naman kita." Ganoon nga ang ginawa ko. Sinunod ko ang sinabi niya. Hindi ko nagawang umiyak nang ganito noong nakaraang araw dahil pakiramdam ko hindi tama, na wala namang magagawa kung iiyak lang ako. Minsan, nakakatakot umiyak kung alam mong hindi lang naman ikaw ang nakararanas niyon, na hindi lang ikaw ang nahihirapan o ang may problema. Na mayroon namang mas grabe pa sa pinagdaraanan ko, pero bakit ako iiyak, hindi ba? Naiisip ko, may karapatan ba akong umiyak kung wala naman akong nagagawa para tulungan ang sarili at ang mga taong nasa paligid ko? "Uminom ka na muna." Iniabot sa akin ni Vince ang bagong kuha niyang tubig mula sa aming kusina bago siya naupong muli sa tabi ko. Itinabi niya na rin pansamantala ang mga damit na hindi ko pa natutupi para hindi marumihan o mabasa. Natahimik muli ang buong paligid pero naroon pa rin ang mumunting ingay na galing sa mga kapitbahay at maging ang mahihinang pagsinok-sinok ko. Wala naman ng luha pa ang lumalabas pero hapdi naman ang nararamdaman ko ngayon. Siguradong maga na ito. Bumuntonghininga ako. "Alam mo iyong . . . pakiramdam na makita iyong kapatid mo na nahihirapan t-tapos . . . ginigising mo siya, pero a-ayaw dumilat ng mga mata niya. Hindi ko alam gagawin ko ng mga oras na iyon. Mag-isa lang ako. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong gawin," garalgal kong kuwento sa kanya. Mataman naman itong nakikinig sa akin. "Tapos maglalakad ka sa gitna ng kalsada kahit na madilim para lang makauwi k-kasi . . . kailangan ng pera pero hindi mo alam kung kanino ka lalapit o kung may malalapitan ka ba? Ang hirap maging mahirap," pagpapatuloy ko na sinundan ko pa nang bahagyang tawa. "May pera ka nga, pero hindi naman sapat. May mga taong nakapaligid nga sa iyo, pero hindi mo naman masasabi kung nandiyan pa rin sila sa mga oras ng pangangailangan mo. Kasi, 'di ba? May kanya-kanya tayong buhay." Tumango-tango sa akin si Vince. "Pero alam mo iyong nakatutuwa? Na sa kabila ng mga iyon, may nahingian ako ng tulong—at hindi ko inaasahan na sa kanya pa," nakangiti kong sambit. "Bago ko pa kayo malapitan, natulungan niya na ako. Nasanay ako noon na ikaw ang lagi kong nalalapitan kaya naisip ko . . . baka nagsasawa ka na sa akin." "Pero mukhang ikaw itong nagsasawa na sa akin," nakatawa nitong pagsingit na siyang tinawanan ko rin. "Hindi totoo iyan. Aaminin ko, habang naglalakad ako nang mag-isa noong gabing iyon, sinasabi ko sa sarili ko na bakit . . . bakit ngayon ka pa wala? Bakit ngayon kung kailan kailangan ko nang makakasama? Pero na-realize ko rin na hindi pala iyon ganoon. Hindi porke nasanay ako na ikaw nang ikaw, ay hindi na ako tatanggap pa ng iba. Ganoon pala talaga sa buhay, hindi p'wede lagi iyong mga bagay na nakasanayan lang natin. Dapat matuto tayong makita ang ibang bagay—o tao, na maaari pa nating mas makilala. Kailangan pala natin ma-appreciate iyong iba." "Hindi ko ito sinasabi kasi nanunumbat ako o ano pa man. Sinasabi ko ito para ipahatid sa iyo na naiintindihan ko—naiintindihan ko na, Vince. Alam ko kasi na magso-sorry ka sa akin kasi wala ka noong gabing iyon pero, Vince . . . ayos lang iyon. Hindi mo kailangang mag-sorry, kasi hindi iyon kasalanan," nakangiti kong paliwanag. Mas lalong lumapad ang pagkakangiti ko dahil alam ko kung kanino ko natutuhan ang mga salitang iyon. Kay Ross. Ikinatuwa ko lalo nang makitang nakangiti sa akin ang kaibigan kong si Vince. "Nakaka-proud naman. Ganap ka ng tao, Rosie!" panloloko nito habang dahan-dahan pang pumapalakpak. Kalaunan ay huminga ito nang malalim saka ako hinarap ng seryoso. Wala na roon ang kaninang nang-aasar niyang mukha. "I'm happy, Rosie dahil . . . hindi ko lang inaasahan na ganyan na pala ang mga takbo ng isip mo. Parang nag-matured ka bigla. Nagulat lang ako. Pero hindi mo pa rin maiaalis sa akin na humingi ng sorry kasi kaibigan kita, hindi ko man lang nagawang samahan ka o natulungan man lang sa kahit maliit na paraan." Batid ko sa boses ni Vince ang lungkot at sinsero nito. Para mabawasan man lang ang malungkot na atmospera ay pumalakpak ako nang malakas para mabaling sa ibang bagay ang atensiyon namin. "Naku, itigil na natin ito. Kaya lang naman ako naiyak kasi nag-iinarte lang ako kanina," pilit kong pagpapagaan sa sitwasiyon saka tumayo upang iligpit sa kusina ang ginamit kong baso. "P'wede namang tumanggap ng bisita kay Rookie, 'di ba?" rinig kong tanong nito mula sa sala. "Oo naman. Nga pala, paano mo nalaman ang tungkol kay Rookie, eh hindi ko pa naman nababanggit sa iyo?" taka kong tanong nang pabalik na ako sa kinapupuwestuhan niya. Sarkastiko itong tumawa. "Para namang hindi mo kilala ang mga kapitbahay natin. Minsan nga parang mas kilala ka pa nila kaysa sa sarili mo, eh." Napaingos naman ako. "Sabagay. Bakit pa nga ba ako nagtaka?" "Nasaan pala sila Paeng?" tukoy nito kay Kuya. "Pumasok sila ni Papa. Mas pursigido nga ngayon na mag-overtime nang mag-overtime, eh kasi kailangan." "Sa darating kong sahod ay magbibigay rin ako sa inyo para makatulong man lang." Nilingon ko siya. "Vince, hindi naman kailangan, eh," nahihiya kong sabi sa kanya. "Ako na ang bahala, Rosie. Ang tulong ay hindi dapat tinatanggihan," aniya. "Sino pala iyong tinutukoy mong tumulong sa iyo?" kalauna'y tanong niya sa akin nang maalala ang tungkol doon. "Kaibigan at kaklase ko." Iyon lang ang ibinigay kong sagot sa kanya at saka iniba ang usapan. Naalala ko kasi si Kuya kung paano niya paghinalaan si Ross na hindi ko lang daw iyon kaibigan. Ayaw ko rin naman na ganoon din ang isipin ni Vince sa aming dalawa dahil nakahihiya rin kay Ross. Baka kung ano na ng isipin niyon, eh. Ang dami ko na ngang atraso at abalang nagawa sa kanya tapos dadagdagan ko pa ba? Nagawa pang magtagal ni Vince sa bahay at tinulungan na rin akong mag-impake ng mga damit na kakailanganin nila Mama sa ospital bago siya nagpaalam na uuwi na rin  dahil kinabukasan ay may trabaho pa siya. Nakapagligpit na rin ako ng mga pinagkainan ko at naihanda ko na rin maging ang kakainin nina Papa at Kuya mamaya sa pag-uwi nila. Saktong paglabas ko ng kusina ay siya ring pagtunog ng aking cellphone. Sinagot ko iyon kahit na nagtataka ako kung sino iyon dahil unknown number naman ito. "Sino ito?" sagot ko mula sa kabilang linya. "Si Ross ito." Natigilan ako nang marinig ang boses niya. Hindi kaagad ako nakasagot dala ng gulat at labis na pagtataka kung paano niya nalaman ang aking numero. "R-Ross, bakit ka n-napatawag?" "Nakausap ko na si Mama. Susunduin na lang kita sa tapat ng convenience store bukas ng umaga. Makapupunta ka ba?" ani Ross. "Oo, makapupunta ako. Salamat!" Pagkatapos niyon ay kapwa kami natahimik na dalawa. Tanging ang aming mga paghinga ang maririnig sa bawat linya. Hindi ko rin naman kasi alam kung ano pa ang sasabihin ko dahil nahihiya naman ako sa kanya lalo pa at hindi ako sanay na may kausap sa tawag. "Kumusta naman ang kapatid mo?" pagkuwa'y tanong nito sa akin. Naupo ako sa sofa at marahang isinandal ang aking likuran bago sumagot sa kanya. "Ganoon pa rin, eh," mahinang tugon ko. "Ikaw?" "Anong ako?" "Kumusta ka?" Natahimik ako at pinagnilayan na muna ang aking sarili bago sumagot. "Ayos naman," tipid kong sabi. Pagkatapos niyon ay nagpaalam na rin siya at ganoon din ako saka natapos ang tawag. Nalimutan ko pang itanong sa kanya kung paano niya nalaman ang number ko. Para sa ikatatahimik ko at para na rin makatulog ako nang mahimbing ay naisipan ko siyang i-chat. Rosie Monticildez: paano mo pala nalaman ang number ko?   Naghintay pa ako ng ilang minuto kung magre-reply ba ito kaagad pero nainip na lang ako ay wala pa rin kaya pinatay ko na ang data ng aking cellphone. Baka abutin pa ng ilang araw bago mag-reply iyon. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD