CHAPTER TWELVE

4601 Words
Magaan ang pakiramdam ko pagkagising. Siguro dahil alam kong may inaasahan akong gagawin ngayong araw. Naisip ko rin kasi na hindi bagay sa aking mag-emote at dapat lumalaban ako. Sapat na iyong naging mahina ako noong mga nakaraang araw, atleast ngayon ay nakaipon na ulit ako ng energy para kahit na may pinagdaraanan ay laban lang. Kung mahina si Rookie sa mga pagkakataon na ito, puwes, magiging malakas ako para sa kanya. Si Rookie kasi talaga ang masasabi kong happy pill ko tuwing pakiramdam ko ay hindi maganda ang lagay ng isip ko. Kaya ngayon, ibabalik ko iyon sa kanya. Ako na lang ulit ang nandito sa bahay. Maagang umalis sila Papa para pumasok at madalas silang magsabay ni Kuya lalo na kung natataong parehas sila ng shift. Bago ako mag-asikaso para sa aking sarili ay inuna ko munang ihanda ang mga dadalhing gamit para kila Mama sa ospital. Hindi naman na ako natagalan pa roon dahil kagabi ko pa iyon inayos. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko para magsuot ng bulaklaking damit pang-itaas, siguro dahil alam kong sa flower shop ang punta ko. Hindi ako laging nagsusuot ng mga ganitong klase ng damit pero madalas naman akong bilhan ni Mama ng mga ganitong uri ng kasuotan. Marahil, ako lang naman kasi ang nag-iisang babae na anak nila. Tinernuhan ko lang ng isang maong na pantalon at isang pares ng doll shoes ang floral kong damit. Habang nagmu-multitasking ako, binuksan ko rin ang data ng aking cellphone at kasabay niyon ang pagtunog hudyat na may mensahe akong natanggap. Bahagya pang tumaas ang aking kilay dahil nakita ko ang pangalan ni Ross. Nag-reply siya sa tinanong ko sa kanya kagabi at mukhang ngayong umaga lang niya nakita ang message ko na iyon. Ross Xedric Sarmiento Hiningi ko sa Class Rep. Nasa directory niya. Ross Xedric Sarmiento Nandito na ako sa convenience. I'll wait for you. Eksaherada akong napamaang nang mabasa ko ang huling sinabi nito. Ang hilig niya sa mga ganitong klase ng linyahan. Hindi na ako nag-reply pa at mabilis na lang na nag-asikaso para makaalis na. Malayo pa lang ako ay tanaw ko na si Ross habang nakatayo siya sa tabi ng kanyang sasakyan. Nang makita niya ako ay saka siya naglakad papunta sa akin, kaya imbes na tatawid na sana ako ay inunahan niya ako. Sinalubong ako nito at walang tanong-tanong na kinuha ang bag na aking bitbit. "Sa ospital na muna tayo dumiretso bago kay Mama," imporma niya sa akin. Wala na akong naging sagot dahil tutal naman ay alam na niya rin bago ko pa sabihin kaya sumunod na lang ako sa kanya habang inaalalayan ako patawid. Ang balak ko pa naman ngayon ay bubungaran ko siya ng pagiging hyper ko pero hindi ko na maituloy dahil siya itong nanggugulat sa akin. Bakit ba kasi likas sa kanya ang ganitong ugali? Nakakatakot. Baka masanay ako. Pagkasakay sa loob ng sasakyan ay mabilis niya rin iyong pinaandar. "Kumain ka na ba?" pagkuwa'y tanong niya sa akin habang nagmamaneho. "Ah, nag-kape lang ako. Ikaw ba?" balik kong tanong sa kanya. Tumango ito sa akin nang hindi inaalis ang paningin sa kalsada. "Hindi kami pinapaalis sa bahay nang walang laman ang sikmura," aniya. Napangiti ako nang marinig iyon. Hindi ko pa man nakikilala ang mga magulang niya ay masasabi ko nang maganda at maayos ang paraan ng pagpapalaki sa kanilang magkapatid. Ngayon pa nga lang kung paano tumrato ng ibang tao si Ross ay masasabi mo na kaagad na isa siyang responsableng tao. "Ross, may tanong ako," tawag ko sa atensiyon niya. Mabilis niyang ibinaling ang tingin sa akin, sapat na para hindi ka mabangga. Ngumisi ito. "Hinihintay kong sabihin mo sa akin iyan. Mas gusto ko iyang marami kang tanong kumpara sa tahimik ka," komento nito sa akin. "Talaga lang, ha. Baka mamaya niyan ay marindi ka na naman sa akin tapos tatanungin mo ako kung bakit hindi ako nag-MassComm," naghihinampo kong sabi. Pumailanlang ang tawa nito na siyang lagi kong ikinatutuwa dahil para bang achievement kong maituturing kapag napapatawa ko ang lalaking ito. "Ano pala iyong itatanong mo?" Ipinihit ko sa gawing puwesto niya ang aking katawan at pumirmi sa ganoong pagkakaupo. "Ayos lang ba itong suot ko? I mean, akma naman sa pupuntahan natin, 'di ba?" may bahid ng kaba ang pagtatanong ko. Pansamantalang tumigil ang sasakyan dahil traffic kaya nagawa akong tingnan nang maayos ni Ross. "Sobrang akma, Rosie. Huwag ka lang pupuwesto sa may labas banda at baka mabili ka nang wala sa oras." Naroon na naman sa hitsura niya ang pang-aasar kaya wala akong ibang nagawa kung hindi ang mag-make face sa kanya. "Oh, bakit? Mali ba ako? Baka mapagkamalan kang bulaklak doon at pag-agawan ka pa ng mga customers," dagdag niya pang depensa na para bang bulaklak talaga ang tingin niya sa akin. Mahina ko siyang sinipa kaya tatawa-tawa na naman ito bago muling pinaandar ang kanyang sasakyan. Halo-halong bagay ang napag-usapan namin habang nasa kalagitnaan ng biyahe kaya kapwa kaming nalibang. May pagkakataon pa na tinatanong niya ako na may kinalaman sa subjects namin para daw kahit papaano ay may nare-recall ako. Katulad ng sinabi niya ay idinaan niya na muna ako sa ospital. Noong una ay akala ko ako lang ang papasok sa loob pero sumama rin siya at siya na ang nagbitbit ng bag. Naabutan namin si Mama na kinakausap si Rookie habang may isang nurse ang naroon at may chine-check sa kapatid ko. Nanlaki rin ang mga mata ko dahil nakita kong gising si Rookie kaya mabilis akong lumapit sa kanila. "Rookie! Kumusta, ha? Ano nararamdaman mo?" kaagad kong tanong sa kapatid ko nang malapitan ko siya. Naroon pa rin ang mapungay nitong mga mata pero kahit papaano ay masaya ako dahil nakita ko na rin siyang gising. "Miss ka na ni Ate. Pagaling ka na kaagad, ha para may kalaro na ako," banayad kong sabi sa kanya. Tumango naman sa akin si Rookie. "M-Malaki ka na, A-Ate. Hindi mo na kailangan ng k-kalaro," sagot niya sa hirap na boses. Hindi ko na namalayan pa ang pagpatak ng luha ko dahil narinig ko rin siyang sumasagot ulit sa akin. Ibig sabihin ay may lakas-lakas na siya kaysa kung ikukumpara mo noong mga nakalipas na araw. "Kahit malaki na ako, kailangan pa rin kita. Hindi p'wedeng hahayaan mo si ate. Tingnan mo, oh. Pinaiiyak mo ako. Hindi ka ba naaawa sa akin?" tanong ko habang pilit na nagpapaawa sa kanya. Nakaluhod na ako rito sa gilid ng kanyang kama para lang madali ko siyang makausap. Dama ko naman ang panonood nila Mama sa amin maging na noong nurse. Nakangiting umiling sa tanong ko si Rookie. Halatang inaasar ako. Tipikal na bunso namin kapag gustong-gusto na nang-iinis. "Magaling ka na, eh. Inaaway mo na ako," kunwari ay reklamo ko. Matapos makipagbiruan nang sandali kay Rookie ay kinausap ko si Mama para magpaalam. Hindi ko sinabi ang dahilan kung saan ang punta naming dalawa pero pinayagan niya ako. Naabutan ko sina Ross at Rookie na magkatinginan. Pinagmamasdan ni Ross ang kapatid ko samantalang ang isa naman ay pakiwari ko'y kinikilala kung sino ang nasa harap niya. Pinakilala ko sila sa isa't isa at nagawa pa nga nilang mag-fist bump. Nagkaroon lang nang kaunting pag-uusap ang dalawa bago namin napagdesisyunang umalis na. Habang tinatahak ang hallway palabas ng ospital ay nagsabi ng mga komento sa akin si Ross patungkol sa kapatid ko. Kesyo nakatutuwa raw ito at nagagawa pa ring makipag-asaran at makipag-usap ng kaswal kahit na may nararamdaman. Hanggang sa makapasok kami sa loob ng sasakyan ay patuloy akong nagkukuwento sa kanya ng mga bagay na tungkol kay Rookie. Halata rin namang naeengganyo siyang makinig dahil tuwang-tuwa siya sa mga sinasabi ko. Siguro kasi siya ang bunso sa kanilang dalawa ng ate niya kaya parang naghahanap din siya ng katulad sa amin, na may mas bata pa sa iyo. Mayamaya pa ay hindi ko na maiwasang makaramdam ng kaba dahil palapit na nang palapit at alam kong anumang oras ay makararating na rin kami. Tumikhim ako para maagaw sana ang atensiyon ni Ross at mabuti na lamang ay hindi siya bingi at manhid  kaya nilingon niya rin naman ako kaagad nang may nagtatanong  na mukha. Minsan hindi niya na rin kailangan pang magsalita o magtanong dahil kung babase ka rin lang sa emosyon na mababanaag mo sa mukha niya ay pihadong mahuhulaan mo rin naman ang gusto niyang ipahiwatig. "Gusto ko lang din sanang itanong . . . para ready rin ako, 'di ba?" pagsisimula ko. Nanatili siyang nakikinig habang hinihintay ang sasabihin ko. "Ano ba . . . attitude ng Mama mo? Like, matapobre ba siya? Masungit? O kaya naman ay maselan? Baka kasi mamaya may magawa ako nang hindi ko sinasadya at ikagalit niya, eh. Nakahihiya naman," dagdag kong tanong pa sa kanya. Wala naman akong ibang intensiyon sa tanong ko na iyon pero para makasiguro na rin na wala akong magagawang hindi niya magugustuhan. Pinagmasdan ko ang mukha ni Ross matapos kong itanong iyon. Ngumiti siya pero hindi ko alam kung dapat ko ba iyong ikapanatag o ikatakot. "Just be yourself, Rosie," tipid niyang tugon. Hindi nakatulong ang sagot niya pero hindi na ako nagtanong pa dahil hindi na ako aasa pa na sasagutin niya pa ako. Iyong daang tinatahak namin ay daan din papuntang school, may iilan lang na nililikuan pero alam kong malapit lang ito sa school. Ilang minuto pa ang lumipas nang unti-unting huminto ang sasakyan ni Ross. Nagpalingon-lingon ako sa paligid. Masasabi kong nasa sentro o pinaka-bayan kami dahil marami-rami ding establisyemento ang nagsikalat dito. Habang pababa ako ay napatingin ako sa katapat naming shop. Hindi naman ito kalakihan pero maganda ang interior design. Makikita mula rito sa labas ang mga samu't saring bulaklak. May ibang naka-vase at mayroon namang naka-boque. Iginiya ako papasok sa loob ni Ross. Tumambad sa akin ang maaliwalas at mabangong loob ng shop.  Magkahalong bango mula sa air freshener at sa mga bulaklak. Hindi pa man ako tapos sa pagmamasid ay mayroon nang lumapit sa aming isang babae na sa tingin ko ay nasa edad kuwarenta, pero wala naman sa itsura nito ang ganoong katanda. Mukhang bagay nga lang sa kanya ang itinayo niyang negosyo. "Siya ba si Rosie, anak?" bungad na tanong nito kay Ross habang may panaka-nakang pagsulyap sa akin. Hindi ko man narinig na nagsalitang sumagot si Ross ay alm ko namang tumango siya sa kanyang ina bilang tugon na rin. "Good morning po . . . Ma'am," bati ko sa kanya. Ngumiti ito sa akin at binati rin ako pabalik. "Ayos lang ba sa iyo ang inalok ko tungkol dito sa flower shop?" tanong niya nang maigiya niya kami papasok sa isang maliit pa na kuwarto. Mukhang mini office niya rito. Minimalist ang disenyo ng kuwarto pero ang lakas maka-elegante ng buong atmospera. Pinaupo niya kami at malugod ko ring sinunod ang ginang. Nakasunod lang ako sa bawat galaw niya. May inabot siyang isang paperbag sa ibabaw ng lamesa at may kinuha sa loob niyon. Pasimple kong sinusuri ang kabuuan ng Mama ni Ross dahil halata sa itsura nito  ang pagiging maganda noong siya ay dalaga pa kaya hindi rin maitatanggi ang kagandahan nito magpahanggang ngayon. "I'm sorry kung sakali mang mababanggit ko iyong tungkol sa kapatid mo na na-ospital, pero noong mabanggit kasi sa akin iyon ni Ross ay naisipan ko na baka gusto mong pumasok dito para pandagdag tulong mo rin sa mga magulang mo. Pero hindi naman kita pinapangunahan, ano," bahagyang nakatawa nitong aniya habang may inihahaing mga pagkain sa harapan namin. "P'wede mo namang subukang pumasok kahit mga 1-3 days para ma-experience mo at malaman mo kung gusto mong ituloy. Gusto ko lang din sanang makatulong ba," dagdag na paliwanag niya sa akin na nagpalambot ng puso ko. Ngayon ko lang naman siya nakita pero nakagagaan ng loob ang presensiya niya. Mukhang isa sa namana ni Ross sa kanya. Tahimik lang sa tabi ko si Ross pero kalaunan ay tumayo siya at nagpaalam sa Mama niya at sa akin na sa labas na lang daw muna siya. Privacy raw. Matapos makalabas ni Ross ay mas inilapit sa akin ng Mama ni Ross ang mga pagkain at iniaalok sa akin. Mga pastry lang naman ito kaya kumuha na lang din ako. Nakahihiyang tumanggi sa kanya at baka isipin niya ay nag-iinarte ako. Saka mukha rin namang masarap. Nang kumagat ako ng isa, nakita ko pa siyang nakaabang sa akin. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang manuot sa aking bibig ang sarap ng lasa nito. "Masarap ba?" nag-aabang nitong tanong sa akin. Panay ang tango ko habang ngumunguya. "Opo. Kayo ho ba ang gumawa?" tanong ko saka muling kumagat ng bago. Umaliwalas ang mukha nito sa naging tanong ko. "Paano mo nalaman?" manghang tanong niya sa akin. Akmang sasagot na sana ako nang magsalita siyang muli. "Paano mo nalamang mali ka ng hinala?" Nagulat pa ako dahil akala ko ay siya mismo ang nagluto base na rin sa reaksiyon na ipinapakita niya. "Biro lang. Oo, ako ang nagluto. Naisipan ko kasing mag-experiment na naman at sakto na ngayon ka nga raw pupunta kaya idinala ko na rin para ipatikim sa iyo." Naparami pa kami ng kuwentuhan tungkol sa niluto niya hanggang mangalahati na rin ang iba't ibang putahe na inihain niya sa akin. Matapos kong lumagok sa inumin ko ay lumunok muna ako nang malalim bago siya hinarap. "Ah, Ma'am . . . tungkol po pala kay Ross noong nakalipas na araw, iyong ginabi na ho siya ng uwi. Gusto ko ho sanang humingi ng paumanhin doon. Pagkatapos niyia ho kasing mag-out sa trabaho niya ay sinamahan at tinulungan niya pa ho kami ng pamilya ko na mailipat ang kapatid ko sa ibang ospital. Pasens'ya na ho sa naidulot kong abala," sinsero at nahihiya kong hingi ng paumanhin. Nginitian ako nito at bahagya pang hinimas ang aking braso. "Naiintindihan namin iyon, iha. Naipaliwanag niya na rin sa amin ang tungkol doon at no need to feel sorry about it, okay? Tama lang naman ang ginawa ng anak ko sa inyo kaya it's okay. We are praying for your brother," marahang anito. "And by the way, huwag mo akong tawaging Ma'am. Kahit Tita Rubina na lang. O kaya ay Tita Rubi, kung saan ka sasaya," dagdag na biro pa niya na ikinatawa ko. "Sige ho, Tita Rubi." Matapos niyon ay sinimulan na niyang magbilin ng mga instructions at reminders sa akin. Bukas ay babalik ako para sa training o demo niya sa akin lalo na sa pag-aayos ng mga bulaklak para magmukhang boque. Na-excite naman ako nang dahil doon. Sa paglabas ko ng opisina ni Tita Rubi ay naabutan ko roon si Ross habang may kausap na isang babaeng customer. Mukhang hindi naman nalalayo sa edad namin pero maganda siya. Mukhang namimili ang babae at si Ross na ang nag-accomodate dahil nasa loob kami kanina ni Tita Rubi. Nagtingin-tingin na lang ako sa buong shop para kahit papaano ay maging pamilyar na rin ako bukas. Mayamaya rin naman ay umalis na rin ang babae matapos makapagbayad saka ako nilapitan ni Ross. "Ang bait ng Mama mo. Iyong kaba ko kanina, nawala bigla. Feeling close na nga ako, eh," natutuwang panimulang kuwento ko sa kanya. Nkangiti naman itong nakikinig sa akin. Hindi na rin ako nagtagal pa roon at nagpaalam na rin dahil maaga rin naman akong babalik dito bukas. Mag-iisip pa ko ng idadahilan kay Mama kung saan ang punta ko kaya dapat iyong dahilan ay reasonable at iyong paniniwalaan nila. Tinatahak na namin ang daan pabalik ni Ross. Nagkuwento lang ako sa kanya ng ilang mga bagay na napag-usapan lang din naman namin ni Tita Rubi. May pagkakataon na nagbibigay siya ng komento tungkol sa Mama niya na tinatandaan ko rin dahil makakasama ko in si Tita Rubi. This time ay sa mismong kanto namin na ako hinatid ni Ross. Ilang minuto pa kaming nag-debatehan kung bakit hindi niya na dapat ako ihatid, pero sa huli ay siya pa rin ang nanalo. Ano ba namang magagawa ng debate kung siya naman itong may hawak at kontrol ng manibela? "Salamat sa pagsama at paghatid mo," sabi ko nang maihinto na niya ang sasakyan sa tapat ng kanto namin. "Papasok ka na ba?" tanong ko pa habang tinatanggal sa pagkakasukbit ang seatbelt. "Oo, didiretso na ako." Tumango naman ako. "Mag-iingat ka pala sa pagmamaneho mo pag-uwi. Ay, umiinom ka ba ng kape?" pagkuwa'y tanong ko sa kanya. "Oo, bakit?" "Gusto mo ba gawan kita ng kape? Ano ba ang gusto mo, cold or hot? S'yempre cold kasi cold iyong iinom, eh. Pero p'wede rin namang hot kasi hot ang magtitimpla ng kape mo," masigla kong suhestiyon sa kanya na siyang nagpatawa na namang muli sa kanya. "Sige, I go with hot coffee," natatawa nitong tugon na sinamahan pa ng pag-iling. "Okay, let's go!" Nakasunod lang siya sa akin papasok sa eskinita namin. Nang makapasok sa bahay ay inaya ko siyang pumasok, mabuti na lamang at naiwan kong malinis ang bahay kahit paano kaya hindi mas'yadong nakahihiya sa kanya. Pinaupo ko siya sa sofa saka ako dumiretso kaagad sa kusina. Ipapahiram ko na lang sa kanya iyong thermos flask ko para manatiling mainit ang kape niya. Habang abala ako sa pagtitimpla ay pinakikiramdaman ko kung ano ang ginagawa niya sa sala. "Hoy, huwag mong pi-picture-an iyang mga pictures ko na nakasabit sa dingding, ah!" babala ko sa kanya nang maalala ang laging ginagawa ng mga kaklase ko noon sa tuwing pumupunta sila rito sa bahay. Ganyan kasi ang mga gawain nila tapos ginagamit na pang-birthday greeting sa iyo lalo na kapag puro childhood pictures mo ang mga naka-display sa sala. "I didn't." Nakahinga ako nang maluwag dahil sa isinagot niya sa akin. Malabo rin naman kasing gawin niya iyon, malayo sa ugali niya para gumawa ng ganyang kalokohan. Kasalukuyan ko nang tinatakpan ang thermos na pinagtimplahan ko at mabilis na pumaroon sa sala kung saan ko siya naabutang nakatayo sa tapat ng hagdanan namin habang hawak-hawak ang kanyang cellphone at kinukuhanan ang mga naka-display kong pictures doon. Tinakbo ko ang puwesto niya saka siya inundayan para  maagaw sa kanya ang cellphone. Tawa ito nang tawa habang inilalayo sa akin ang kanyang cellphone hanggang sa maipasok niya iyon sa bulsa ng kanyang pantalon. Masama ko siyang tiningnan pero mukhang walang talab iyon sa kanya kasi mas lalo lang siyang natawa. "Sabi mo kanina hindi mo pi-picture-an?" panunumbat ko. "Hindi naman talaga dapat. Eh kaso, binigyan mo ako ng idea kaya ginawa ko. Naabutan mo lang ako," natatawa niya pa ring depensa. "Magtimpla ka ng bago mong kape!" Akmang tatalikod na sana ako nang makita kong pumasok si Vince na nakasuot pa ng kanyang uniporme sa trabaho. Dire-diretso ito. "Hoy, Rosie! Isusumbong kita sa Papa mo, nagdadala ka ng lalaki rito," pagwawala nito. Mabilis ko siyang dinaluhan para pigilan. "Vince, ano ba? Kumalma ka nga. Alam mo namang tamang hinala ang mga kapitbahay natin, mamaya kung ano-anong kuwento na ang naiisip ng mga iyan kapag narinig ka, eh," saway ko sa kanya. Kumalma naman ito saka tumingin sa akin matapos niyang sulyapan si Ross. "Eh sino ba siya? Alam ba iyan nila Paeng?" pagtatanong nitong muli. "Kagagaling mo lang sa trabaho tapos kung ano-ano na pinag-iisip mo." Binalingan ko si Ross na ngayon ay nasa likuran ko lang. Nilapitan ko ang lamesa kung saan ko ipinatong ang thermos flask na may lamang kape. Iniabot ko iyon sa kanya at sinabihang ihahatid ko na siya sa labas ng eskinita. Nagpaalam na rin muna ako saglit kay Vince at tumango naman ito. Nang makarating na kami satapat ng kanyang sasakyan ay hinarap niya ako habang bitbit niya na ang kapeng itinimpla ko sa kanya. "Pasens'ya ka na ro'n kay Vince, ha. Ganoon lang talaga iyon pero mabait naman iyon," hinging despensa ko. "Ayos lang, may remembrance naman ako, eh," nakangising sagot niya. Hindi na siya nagtagal pa dahil papasok na rin naman siya kaya tuluyan na itong umalis matapos magpasalamat sa kapeng itinimpla ko para sa kanya. KINAUMAGAHAN ay mabilis ang naging pagkilos ko para maghanda na sa pag-alis. Ako na ang nagpresinta kay Ross na ako na lang mag-isa ang pupunta sa flower shop ng Mama niya para naman malaman ko rin ang daan ng ako lang. Hindi naman kasi p'wedeng ihahatid o isusundo niya ako lalo na at may trabaho rin siya. Isang simpleng T-shirt at pantalon lang ang suot ko. Matapos ng ilang paghahanda ay umalis na rin ako. Binibigyan lang ako ng guide ni Ross sa pamamagitan ng pag-uusap namin sa chat. Nasa bahay siya nila at mamaya ay pupunta rin sa flower shop. Hindi naging madali ang biyahe para sa aking first time na pupunta roon nang mag-isa pero mabuti na lamang at madaling kausap ang driver ng jeep na nasakyan ko. Pagkarating doon ay ang nakangiting si Tita Rubi ang bumungad sa akin. Nagkaroon pa kami nang kaunting batian at pinagsaluhan namin ang dala niyang pagkain ulit para sa almusal. Matapos niyon ay sinimulan na niya ang pagtuturo sa akin. Nagsimula siya sa mga simpleng instructions sa akin pagdating sa mga kustomer at kung paano sila ia-accomodate. Sunod niyon ay itinuro niya kung saan makikita ang mga bulaklak na nakasalansan base na rin sa mga category nito. Hindi iyon naging madali sa akin lalo pa at may mga pangalan nang kasama. "Ayos lang iyan. Hindi mo naman kailangang malaman o makabisado kaagad ang mga iyan. Bibigyan kita ng copies na may picture at pangalan niyan para mas madali mong malaman at makabisado," pagpapagaan nito ng aking loob nang makitang nahiya ako dahil hindi ko natandaan ang mga kategoryang itinuturo niya sa akin. Matapos ng ilang oras na pagtuturo niya sa akin sa mga iyon ay sinabi niyang magpahinga na raw muna saglit at baka natutuyo na raw ang utak ko. Naglabas siyang muli ng pagkain para naman madiligan din ang utak ko na ikinatawa ko pa. Kasabay niyon ay ang pagdating ni Ross na nakakunot ang noo nang makitang nagtatawanan kami. Halatang naguguluhan at nagtataka sa pinagtatawanan naming dalawa ni Tita Rubi. Iniwan kami pansamantala ni Tita at may aayusin lang daw sa loob ng mini office niya. "Kumusta naman ang training mo?" tanong nito sa akin habang nakikitingin sa hawak kong clearbook na may mga lamang iba't ibang pictures at pangalan ng mga bulaklak na available rito sa shop nila. "Ayos naman. Masaya kasi nagkakaroon ako ng dagdag na kaalaman tungkol sa mga bulaklak. Wala pa naman akong hilig sa mga ganito pero nang magsimula kami kanina ng Mama mo, naengganyo ako bigla. Hindi ko alam kung magaling lang talaga siyang magsalita kaya ako nagkaroon ng interes bigla. "Pero ayun, hindi naman din siya ganoon kadali. Pero yakang-yaka naman," dagdag kong sagot. "Mas magiging gamay mo rin iyan paglipas ng araw. Hindi mo naman kailangang madaliin, eh," pag-aalo nito na sinuklian ko lang ng isang malapad na ngiti. Pumunta ako sa isang sulok kung saan naroon ang mga kumpol ng bulaklak. Ito yata ang sunod naming gagawin ni Tita Rubi. Boque of flowers. Isa ito sa kinananabikan ko kahapon pa lang nang bigyan niya ako ng overview tungkol dito. Sinusuri ko ang bawat tangkay ng samu't saring halaman at bulaklak na nasa mesa. Halos hindi naman ako pamilyar sa mga narito bukod sa sunflower at red roses na nakikita ko. "Marunong ka ba nito, Ross?" tanong ko sa katabi ko habang nakapamulsa ito sa aking unahan. "Marunong pero hindi magaling." "Ako kasi . . . hindi ko alam. Baka pati sa pagde-design o pagpapares-pares nito ay hindi ko magawa. Baka imbes na matuwa ang costumer natin ay isampal pa sa akin ang magagawa ko," pagbibiro ko. "I doubt it. Naniniwala akong magagawa mo ito. Imposible namang wala kang sense of art ni katiting sa katawan mo. Kahit sa simpleng pamimili lang ng damit na susuotin mo ay alam mo kasi iyon ang sa tingin mong maganda at babagay sa iyo," aniya habang mataman itong nakatingin sa akin. Bigla akong nagkaroon ng interes sa mga sinasabi niya. "P'wede mong gawing basehan ang mga simpleng bagay na ginagawa mo sa araw-araw. It will help you to think even more. Dito naman kasi ay either, it's your own preference or their preference. May mga mae-encounter ka na customer na sa iyo babase kasi, hindi naman maalam pagdating sa bulaklak. At may iba naman na magiging detalyado at iyon ang mas challenging. Kailangan mong makuha ang taste nila o ang taste mo na makuha nila," paliwanag niya. "Pero para sa akin naman, hindi naman na kailangan ng sariling taste-taste pagdating dito sa bulaklak. Isang bulaklak pa lang ay maganda na. Mas gumaganda at nabibigyan lang ng emphasis ang isang kumpol kasi hinahalo mo na siya sa ibang uri ng bulaklak. Iyong alam mong magko-compliment," dagdag kong saad base sa aking opiyon. Nakangiting tumango sa akin si Ross. "Right." "Aba, mga flower enthusiasts naman pala ang mga ito." Kapwa kami napalingon ni Ross nang marinig namin ang tinig ni Tita Rubi na kalalabas lang mula sa kanyang opisina. "Oh, sige. Subukan nating lagyan nang kaunting challenge ang training part na ito ni Rosie. Ako ang magsisilbing judge at kayong dalawa ang contestant. Bibigyan ko kayo ng mga tips and guides kung paano gumawa ng isang boque, pero gagamitin ninyo ang sari-sarili ninyong taste." Nag-alangan man ako sa una dahil pakiramdam ko ay wala akong magagawang matino, pumayag pa rin ako dahil nakaka-excite. Kaagad na nagsimula si Tita Rubi at nagbigay ng paunang instructions sa amin. May pagkakataon pa nga na natatawa ako sa kanilang dalawang mag-ina dahil parehas lang naman silang nagsusungitan paminsan-minsan. Kapwa pa kami nagkakatinginang dalawa ni Ross sa tuwing gusto naming kumustahin o ipagkumpara ang mga nagagawa na namin. Sa huli ay kapwa nagustuhan ni Tita Rubi ang output namin ni Ross. Parehas daw kasing may meaning base sa kanya dahil na rin sa mga bulaklak na napili naming gamitin. Um-oo na lang ako kahit na ba hindi ko alam kung ano ang meaning ng mga ito. Nang matapos ay nagpresinta na ako na iligpit ang mga ito pati ang ilang mga nagupit na tangkay. Pinagtulungan na namin iyon ni Ross. Panay ang kuwentuhan at tawanan naming dalawa ni Tita Rubi pero si Ross ay nakikinig lang sa aming dalawa hanggang sa may pumasok na isang lalaki. Base sa pagkakatingin ko ay mas matanda lang siya sa akin ng ilang taon. Hindi ko alam kung bakit nagpresinta ako para asikasuhin ang costumer na pumasok. Gusto ko lang din subukan kong may naalala ba ako sa pinaggagawa namin simula pa kanina. "Good morning, Sir!" bungad ko rito. Tumingin ito sa akin saka ako nginitian at binati. Sinubukan ko siyang tulungan sa gusto niyang mangyari sa bulaklak niya pero hindi kami nagkaintindihan kaya humingi na ako ng back-up mula kay Tita Rubi. Tumabi na lang ako kay Ross habang pinagmamasdan si Tita sa ginagawa niya. "Nakatanggap ka na ba ng bulaklak?" pagkuwa'y tanong nito sa akin. Nagulat naman ako sa biglaan nitong tanong kaya hindi ko maiwasang panlakihan siya ng mga mata. "Hilig mong mambigla," biro ko nang maka-get over ako kaagad. "Hindi pa. Ay! Noong elementary ako, may nagkamaling magbigay sa akin ng bulaklak. Plastic nga lang iyon." Tila nakuryoso namana ito kaya bahagya pa itong humarap nang maayos sa akin. "Bakit ka raw binigyan?" "Tinapon daw kasi ng crush niya na pinagbigyan niya noong una. Eh sakto na ako ang nakita niya, kaya ayun. Binigay niya sa akin," natatawa kong pagkuwento sa kanya nang maalala ang alaalang iyon. Napatawa rin ito nang mahina. "Ikaw? Nagbigay ka na ba ng bulaklak?" "Yes," walang kagatol-gatol niyang sagot. "Wow! Hearthrob," biro ko sa kanya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD