"Rosie, kasama mo naman si Ross, hindi ba?"
"Opo, Ma'am. Hindi na ho ba talaga kayo sasama?" tanong ko habang sine-save ang file na katatapos ko lang gawin.
"Hindi na muna. Sabay kaming magdi-dinner ng asawa ko, eh," tugon nito sa akin na ikinangiti ko rin sa huli. "Pero may regalo naman ako kay Gelo. Iaabot ko ngayon," dagdag pa nito at saka itinaas ang isang paper bag na hawak-hawak niya.
Hinawakan ko naman ang paper bag at kinapa-kapa iyon para damhin kung ano nga ba ang nasa loob niyon. "Wow naman! Mukha namang mamahalin," komento ko pa.
"Hindi naman. Sapat lang," nakatawa nitong sabi.
Kaarawan kasi ngayon ni Gelo at inimbitahan kami sa bahay nila pagkatapos ng trabaho. Sabay-sabay na lang kaming aalis. Hindi naman makasasama sa amin ngayon si Ma'am Tiffany pero may regalo naman siya para kay Gelo. Samantalang kami naman ni Ross ay nagsalo sa iisang regalo. Noong nakaraang araw pa namin iyon biniling dalawa. Talagang brainstorming pa ang ginawa namin para lang makaisip sa kung anong ireregalo sa kanya.
Nagsabay na kaming lumabas ni Ma'am Tiffany sa opisina. Saka rin namin nakasalubong ang tatlo na mukhang kami rin ang sadya.
"Gelo, hindi ako makasasama ngayon, ah. Kailangan kong umuwi ng maaga. Pero may gift naman ako for you," panimula ni Ma'am Tiffany saka iniabot ang paper bag na siyang regalo niya kay Gelo.
Nakasimangot man noong una si Gelo pero kalaunan ay ngumiti rin lalo na nang abutin ang regalo. "Nakahihiya naman ito, Ma'am. Nag-abala pa ho kayo. Salamat po! Titirhan na lang namin kayo ng lumpiang shanghai," ani Gelo.
"Oo nga, Ma'am. Initin niyo na lang iyong lumpia, oks pa iyon," dugtong pa ni Dylan.
Napailing pa ako sa dalawang ito na kahit kailan talaga ay loko-loko pa rin. Napasimangot naman si Ma'am Tiffany. "Linggo bukas. So, sa Lunes niyo pa maibibigay ang lumpia?" maktol pa nito.
"Gusto mo, Ma'am i-deliver na namin sa inyo mamaya?"
"Ewan ko talaga sa iyo! Oh, siya at ako ay mauuna na nang makaalis na rin kayo habang may liwanag pa," wika ni Ma'am Tiffany at saka kami niyakap nang isa-isa. Sa aming lima kasi ay mas matanda siya sa amin kaya para na rin siyang tumatayong ate sa aming apat. "Ingatan ninyo itong si Rosie, ah! Kaya ikaw, Ross, huwag ka mas'yadong mag-iinom at uuwi pa kayong dalawa," bilin pa nito sa amin bago tuluyang nagpaalam.
Tulad nang nakagawian ay nag-convoy na lang kami dahil parehas naman ding may dalang sasakyan sina Dylan at Gelo. Hindi naman ganoon kalayuan mula sa kompanya ang bahay nila Gelo kaya nakarating din kami kaagad.
Sakto lang ang laki ng bahay nila Gelo pero masasabi kong maganda at kalmante ang buong paligid. Sabay na kaming pumasok sa loob ni Ross. Hindi naman ganoon karami ang tao na nasa labas, pero mukhang mayroon din na nasa loob. May iilan kaming ka-trabaho na naroon din pero bilang lang sa daliri.
Kaagad naman kaming sinalubong ng pamilya at kamag-anak ni Gelo. Kaunting pakilala lang at naupo na rin kami sa isang tabi. Kabilaan ang pag-aalok sa amin ng pagkain kaya naman nagkanya-kanya na rin kami ng sandok. Naging abala rin nang bahagya si Gelo kaya itinuon na lang namin sa pagkain ang mga sarili.
Sa kalagitnaan ay puro mga nakaaaliw na tagpuan ang naabutan namin. Madalas ay puro sa mga ibang kaibigan ni Gelo na nagawa pa siyang basagan ng itlog na talaga naming ikinagulat pero sa huli ay natawa na rin kami. Akala ko kasi sa mga teenager lang iyon uso. Pero mukhang uso pa rin pala para sa mga kaibigan niya kahit na matatanda na sila.
Mayamaya pa ay dumating na muli sa lamesa namin si Gelo habang may dala-dalang malalaking bote ng alak sa kanyang dalawang kamay. Halatang bagong ligo ito dahil nakapagbihis na siya ng bago.
"Loko talaga ang mga iyon. Uuwi na nga lang ay babasagan pa ako ng itlog sa ulo. Tumanda lang sila sa edad pero sa ugali ay ganoon pa rin. Mga crazy," bungad na sabi ni Gelo nang makaupo kasama namin.
Nagpaalam na rin kasi kaagad ang iba niyang kaibigan pero bago makaalis ay may nakahanda pala na isang dosena ng itlog at iyon ang ipinagbabato sa kanya. Walang umawat at tumulong kay Gelo dahil halos lahat kami ay tawang-tawa sa nangyayari.
"Tol, ang lansa mo!" komento ni Dylan sabay hawak sa kanyang ilong na bahagya pang lumayo kay Gelo. "Naligo ka ba o nagwisik lang?" gatol pa niya.
"Hindi ko pa nga nabubuksan itong alak, hilo ka na. Mahina ka pala, Dylan," panunukso ni Gelo. Lumingon naman siya sa gawi naming dalawa ni Ross. "Iinom ka, Rosie?" baling niya sa akin. Akmang sasagot na sana ako nang unahan ako ni Ross sa pagsasalita.
"Hindi siya iinom," ani Ross. "Ako lang," dugtong pa niya na ikinalingon ko. Bahagya akong nagulat kasi never ko pa siyang nakitang uminom noon kaya hindi ko alam kung umiinom ba talaga siya o first time niya.
"Alam kong magkalapit ang pangalan ninyong dalawa ni Rosie, Ross pero bakit ikaw ang sumagot? Dapat na ba kaming kiligin?" natatawang ani Gelo.
"Ship! Ship!" sabat pa ni Dylan habang iwinawaksi ang isang bote sa ere.
"Kayong dalawa, para kayong araw-araw lasing," biro ko kaya natawa sila sa sinabi ko. "Hindi naman din kasi talaga ako umiinom kaya kayo na lang. Makita ko pa lang kayong dalawa, feeling ko lasing na ako."
"S'yempre. Ikaw ba naman makakita ng ganito kaguwapong mukha, nakalalasing talaga." Nagawa pang mag-pogi sign ni Gelo kaya nakatanggap siya ng tissue mula kay Ross nang ibato iyon sa kanya.
"Ito namang si Ross, tutol kaagad. Hindi ba p'wedeng suportahan mo na lang kami kahit ngayon lang. Ngayon lang kami pogi, eh," tila naghihinakit na sabi pa ni Dylan. Hindi na ako matigil-tigil sa pagtawa dahil sa dalawang ito.
Nagawa pang mag-apir nina Dylan at Gelo. "Oo nga. Huwag kang mayabang d'yan, Ross," muling gatol ni Gelo. "Huwag ka madamot," dagdag pa nito.
"Kung binubuksan niyo na iyan, 'di sana tulog na kayo, 'di ba?" biglang sabi ni Ross at siya na ang nagbukas ng alak na ikinatawa nang malakas ng dalawa.
Naiiling na lang ako sa kanila dahil sanay naman na ako sa dalawang ito. Sa halos araw-araw ba naman na sila rin ang nakasasama ko, lalo na sa oras ng lunch time sa trabaho, hindi malabong makasanayan ko ang kakulitan ng mga ito. Tuwang-tuwa sila lagi kapag nakikipagsabayan sa kanila si Ross sa oras ng asaran dahil alam nilang kailangan na nilang tumigil kapag ganoon.
Knowing Ross, he is lowkey savage. At danas ko na iyon.
Nakapagsimula na rin silang uminom habang ako ay nakikinig lang sa pinag-uusapan nila at paminsan-minsang sumasali rin sa usapan. Iyong pulutan nga dapat nila ay ibinigay na sa akin. Talagang inilagay ang plato sa tapat ko at iyon ang pinapapak ko.
"Umiinom ka pala," sabi ko kay Ross nang maiwan kaming dalawa. Nagpaalam kasi na gagamit ng banyo saglit si Dylan. Samantalang si Gelo naman ay kumuha ng yelo sa loob ng bahay nila.
"Kapag may okasiyon lang. Mahina ako sa alak," tugon nito sa akin na ikinatango ko.
"Lasing ka na ba?" curious kong tanong sa kanya na nagpataas ng kilay niya habang nakalingon sa akin. "Paano ko malalaman kung lasing ka na?"
"Titigil naman ako nang kusa kapag alam kong kailangan na," pagbibigay-alam niya sa akin.
Naunang nakabalik si Dylan at kasunod niya rin kalaunan si Gelo na may kasamang isang babae. Mukhang mas matanda sa akin nang kaunti dahil mas mukha siyang matured tingnan kung ikukumpara sa akin.
"Pinsan ko nga pala. Si Kitty," pakilala ni Gelo sa kanyang kasama. Binati naman namin ito at inalok din na makisali sa amin kaya naupo rin siya katabi ni Gelo na katapat naman ni Ross.
Pasado alas nueve na rin ng gabi at paunti na nang paunti ang mga bisita. Marami at halo-halo na rin ang napag-uusapan nila. Minsan pa nga ay naaabutan ko ang madalas na pagsulyap ni Kitty sa gawi ni Ross. Ewan ko lang kung napupuna rin ba ng katabi ko o baka ako lang.
Habang tumatagal ay napapansin ko ang pagiging madaldal na ni Ross kaya panay na ang pagtingin ko sa kanya. Bawat galaw niya ay binabantayan ko na.
Umusog ako nang kaunti kay Ross para bulungan siya. Kaagad kong naamoy sa kanya ang alak na iniinom kaya bahagya pa akong napangiwi dahil hindi ko talaga gusto ang amoy nito.
"Okay ka pa ba? Lasing ka na yata," mahinang usal ko sa kanya kaya nilingon niya ako. Nagulat pa ako sa biglaan niyang paglingon kaya mabuti na lamang at mabilis akong nakaatras dahil mas'yadong malapit ang mukha namin sa isa't isa.
Una kong napansin sa kanya ang mga namumungay na mata. "You think so? Should I stop then?" tanong niya pa sa akin.
"Iyong tinanong kita pero sinagot mo ako ng tanong din. Confirm. Lasing ka na nga, Mr. Ross Xedric Sarmiento. Uuwi pa tayo," pabirong sermon ko.
Tinawanan lang ako nito at nagawa pa talagang pisilin ang pisngi ko. Hindi niya ito ginagawa sa akin dahil hindi naman siya ganoon ka-touchy. Sa aming dalawa ako itong mas madikit o linta—nang walang halong malisya.
"Stop na ako, 'tol. Magmamaneho pa ako pauwi, eh," imporma ni Dylan kay Gelo. Kung ira-rank ko silang tatlo, si Dylan ang nasa wisyo at maayos pa. Si Ross naman ay nasa katinuan pa naman pero mukhang kaunting lagok pa nito sa alak, tulog na ito. Pero si Gelo, siya talaga itong hindi na maaawat dahil mas nadagdagan ang pagkakulit at pagkadaldal niya.
Si Kitty naman na nakisali rin kanina sa inuman nila ay mukhang ayos pa naman. Hindi pa naman siya naduduling kaya tingin ko makatatayo pa naman siya nang hindi natutumba. Baka nga kaya niya pang mag-balanse ng tatlong libro sa ibabaw ng ulo niya.
Nagpapaalamanan na ang dalawa pero mukhang natagalan si Dylan dahil makulit sadya si Gelo. Samantalang ako ay bahagya nang natataranta rito kay Ross dahil mukhang matutulog na anumang oras.
Tinapik ko siya sa balikat habang sapo-sapo ng isa kong kamay ang pisngi niya. "Ross, uuwi na tayo. Pero paano tayo uuwi kung bagsak ka na?" usal ko sa kanya.
Umungol lang ito at saka tumango. Hindi ko alam kung para saan ang ginawa niyang pagtango. Nilingon ko si Dylan na palapit na sa gawi namin habang akay-akay si Gelo na halos nakalambitin na kay Dylan. Kung wala lang ako sa sitwasyong ito dahil kay Ross, baka pinagtatawanan ko na ang lagay ng dalawa at nakuhanan ko pa sila ng picture.
"Dylan, may tama na si Ross," nakangiwi kong imporma kay Dylan nang maibalik niya sa pagkakaupo si Gelo.
Nilingon naman niya ang katabi ko na nakasandal na ang ulo sa akin. Napapalatak naman si Dylan. Mukhang nangungunsumi na rin sa dalawang kaibigan.
"Kanina ko pa nga pansin. Sumabay na lang kayo sa akin. Iwan ninyo na lang muna rito ang sasakyan niyan ni Ross at balikan bukas. Ihahatid ko na kayo," paliwanag ni Dylan sa akin na bahagya kong ikinahinga nang maluwag. "Saglit lang. Magtatawag lang ako ng tao sa loob para ipasok na itong loko na ito," tukoy niya kay Gelo na nakasubsob na ngayon sa lamesa. Tumango naman ako saka ito pumasok sa loob ng bahay nila Gelo.
"Kailangan mo ba ng tulong kay Ross?" biglang salita ni Kitty na ngayon ay tumatayo na mula sa upuan niya.
"Pakibantayan na lang muna itong dalawa rito. Pupunta lang ako sa sasakyan ni Ross para kuhanin ang mga gamit namin," sagot ko sa kanya. Mabilis naman itong pumalit sa puwesto ko para alalayan si Ross.
Yumuko ako nang bahagya para dukutin ang susi sa loob ng bulsa ng slacks ni Ross. Medyo nahihirapan pa ako dahil nakararamdam ako nang pagkailang sa ginagawa ko.
"Boyfriend mo ba siya?" mayamaya ay tanong ni Kitty sa akin kaya napabaling ako sa kanya na ngayon ay nakatingin din sa akin.
Umiling ako. "Ah, hindi. Magkaibigan lang kami," sagot ko. Nginitian ako nito saka siya tumango. "Bakit mo naitanong?" habol kong sabi sa kanya matapos makuha ang susi.
Ngumiti ito sa akin nang nahihiya kaya medyo kinutuban ako sa dahilan niya kung bakit. "B-Balak ko kasi sanang hingiin ang number niya," sagot nito sa akin. Napamaang naman ako sa pagiging honest nito.
"May number niya ako," saad ko na nagpasigla sa mukha niya. "Pero hindi ko sa iyo ibibigay nang walang permiso niya. Itatanong ko na lang muna sa kanya kung ayos lang ba sa kanya," dugtong ko pa. Bahagya kong napansin ang paglungkot ng mukha ni Kitty pero kaagad rin namang ngumiti sa akin.
"Sige. Salamat."
Nang mabuksan ko ang sasakyan ni Ross ay mabilis kong kinuha lahat ng mga mahahalagang gamit namin saka siniguro na maayos kong naisarado ang bintana at pintuan ng kotse niya. Matapos niyon ay kaagad rin akong bumalik dahil iniwan ko lang si Ross na kasama si Kitty. Medyo duda ako sa babae na iyon kahit na ba pinsan siya ni Gelo. Maaari kasing mabait si Gelo, pero hindi ang pinsan niya. Hindi naman sa nanghuhusga ako pero naniniwala ako sa kutob ko.
Saktong pagkabalik doon ay naroon na rin si Dylan at kasalukuyan nang inaalalayan ng dalawang kapatid si Gelo. Nilabasan pa kami ng mga magulang ni Gelo para ihatid at pasalamatan. Ganoon din naman ang ginawa namin saka nagpaalam na rin. Saglit lang din namin na ibinilin ang ipaiiwan naming sasakyan ni Ross at babalikan na lang kinabukasan.
Pinagtulungan naming dalawa ni Dylan si Ross na maipasok sa sasakyan ni Dylan. "Lagot sa akin itong dalawa na ito sa Lunes," komento ni Dylan habang ipinapasok na namin sa likurang bahagi si Ross.
Natawa naman ako. "May ipanlalaban ka na sa kanilang dalawa. Lalo na roon kay Gelo. Malakas mang-asar iyon, eh," suhestiyon ko pa.
"Lalong-lalo talaga sa loko na iyon," natatawang dagdag pa niya. "Diyan ka na lang din sa tabi ni Ross. Kailangan ng alalay niyan. Ngayong gabi lang ako magpapaka-driver," biro pa nito. "Sige na, pasok ka na, Rosie. Sandali lang, ah. Tatawagan ko lang ang asawa ko. Baka isipin niyon, nambababae na ako," paalam pa nito sa akin.
Pumasok na ako sa loob at tinabihan si Ross. Nakita ko pa na may kausap na nga sa cellphone si Dylan. Nagawi ang atensiyon ko ulit kay Ross na ngayon ay bahagyang bumubukas-bukas ang mata hanggang sa magtagpo ang mga mata naming dalawa.
"Oh, ano? Eh, 'di lasing ka ngayon," bungad ko sa kanya.
Ngumiti ito sa akin nang bahagya. "I'm sorry," aniya saka ipinatong ang kamay sa ibabaw ng ulo ko. Banayad naman ang pagkakahaplos niya sa buhok ko. "Ang ganda mo," dugtong nitong usal sa mababa at paos na boses.
Labis akong natigilan sa sinabi nito dahil ito ang unang beses na sinabihan niya ako ng ganito. Nag-uumapaw na sana ang pagbubunyi ko nang maalala kong wala siya sa wisyo ngayon.
Inis kong tinanggal ang kamay niya na nasa ibabaw ng ulo ko. "Tigilan mo ako, Ross! Gumaganda talaga ako sa paningin ng mga lasing," sagot ko pa sa inis na tono.
Tumawa naman ito nang mahina. "I mean it, Rosie. Lubusin mo na ngayon," nasa tono nito ang pang-aasar.
"Lasing ka ba talaga o inaartehan mo lang ako?"
"I don't know. Alam ko pa naman ang ginagawa ko pero umiikot ang paningin ko—"
"Tapos sasabihan mo akong maganda, eh umiikot naman iyang paningin mo? Ako ba pinagloloko mo, Ross?"
Muli itong tumawa. "Medyo dislocated lang nang kaunti iyong mukha mo. Pero maganda ka pa rin naman," depensa pa niya.
"Ewan sa iyo! Sabihin mo iyan sa akin kapag hindi na umiikot ang paningin mo."