CHAPTER FOURTEEN

2017 Words
"Makalalabas na raw ang kapatid mo, anak," natutuwang balita sa akin ni Mama nang sagutin ko ang tawag niya. Hindi pa man ako nakapagsasalita ay ito na kaagad ang ibinungad sa akin. Natigilan ako sa aking paglalakad at saka tumabi nang kaunti sa gilid para naman hindi ako nakaharang sa gitna ng daanan. Kararating ko lang dito sa school at tinatahak ko na ang daan papuntang room nang makatanggap ako ng tawag kay Mama. "Talaga, Ma? Kailan daw?" sabik kong tanong sa kanya habang matiim na nakikinig mula sa kabilang linya. "Baka raw bukas. O-obserhan na lang daw ngayon lalo pa na mabuti na ang lagay ng kapatid mo. Normal na rin ang temperature niya at masigla na nga ito, eh," paliwanag ni Mama sa akin. Akmang magsasalita sana ako nang biglang sumabat sa kabilang linya si Rookie. Mukhang inagaw ang cellphone mula kay Mama kaya bahagya pa akong natawa. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang kausap si Rookie. Kinukumusta ko siya at mukha nga namang maayos na dahil bakas sa boses nito ang pagkasigla. Tuwing nadaan kasi ako roon sa ospital ay hindi ko siya naaabutang gising at laging tulog kaya hindi ko tuloy mawari nang lubusan kung may pagbabago ba sa sigla ng katawan niya. Ngayon naman na kahit sa tawag lang kami nagkakausap ay masasabi kong nasa mabuting kalagayan na siya. "Rookie, ibababa ko na ang tawag, ha. Papasok na si ate, eh. Pakisabi na lang kay Mama, ah," paalam ko. "Okay po. Ba-bye!" anito sa nakatutuwang boses. Balak ko pa sanang sumagot pa sa kanya pero siya na itong unang pumutol sa tawag kaya naiiling kong inilagay sa loob ng bulsa ang aking cellphone. Nasa bandang bukana kasi ako ng hagdanan kaya pansamantala muna akong tumigil sa paghakbang. May mumunting ngiti sa aking labi habang papasok ng aming classroom. Bahagya man akong nagulat dahil nakita ko sa katabing silya ko si Ross na roon nakaupo. Sa kabila ng aking pagtataka ay isinantabi ko na lamang iyon at saka naupo na sa kanyang tabi. "Are you happy?" bungad na tanong ni Ross sa akin. Marahil ganoon na nga lang ang ginhawa at sayang nararamdaman ko ngayong araw kaya hindi maitatangging nahalata niya iyon kaagad sa aking mukha. "Oo," ngiting tugon ko. Gusto ko pa sanang dagdagan ang sagot ko pero naputol na iyon kaagad sa sinabi ni Ross sa akin. "Congratulations! You did it, Rosie," magiliw na bati niya sa akin habang naroon sa kanyang mukha ang pagkaaliwalas na siyang ikinapagtaka ko. Hindi ko alam kung para saan iyon. Kung tungkol ba kay Rookie? Dahil kung tungkol naman sa kapatid ko, paano niya nalaman kaagad nang hindi ko pa naman naibabalita sa kanya? Ganoon pa man ay nagawa ko pa ring ngumiti sa kanya pabalik lalo na at alam kong malaki ang utang na loob at pasasalamat ko sa lalaking ito. "Thank you, Ross. Salamat nang marami sa iyo, ah. Kung hindi dahil talaga sa iyo ay hindi ko talaga alam kung saan ako pupulutin noong mga oras na iyon," sinsero kong sambit sa kanya. Tinapik niya ang balikat ko. "Maliit lang na bagay iyon, Rosie. Tinulungan lang naman kita. Sa huli, ikaw pa rin naman ang trumabaho ng lahat doon." Maliit na bagay ba iyon? Halos ang laki nang naitulong niya sa amin noong gabing iyon lalo na at hindi ko talaga alam kung saan lalapit ng mga oras na iyon. Kung sa tutuusin, p'wede niya na nga lang iabot at ipahiram sa akin ang perang iyon pero hindi, eh. Sinamahan niya kami at siya pa ang naghatid talaga sa nilipatan naming ospital. Sobrang laki talaga ng pasasalamat nina Mama, Papa, at maging ni Kuya Paeng noon sa kanya. Bago pa man ako makapagsimula ng argumento ko tungkol sa bagay na iyon ay dumating na rin ang propesor namin kaya napaayos na ako nang pagkakaupo at itinuon na ang atensiyon sa harap. "I want to congratulate everyone who did a great job for this semester. You deserve a recognition for all your hardworks kaya palakpakan ninyo ang mga sarili niyo," anang guro namin matapos niya kaming batiing lahat ngayong umaga. Kasabay niyon ang pagpapalakpakan ng mga kaklase ko at maging ni Ross na katabi ko lang ngayon habang nagbabatian sila. Wala pa akong konkretong ideya kung para saan. Baka dahil tapos na ang examinations namin at mayroon ng result ng mga grades namin. "At para naman sa mga hindi man napasama sa scholarship, huwag kayong malungkot. Marami pang semestre para makabawi kayo. Ang mahalagay ay may natututunan ang lahat na maaari ninyong maidala kahit graduate na kayo, lalo na kung nasa trabaho na mismo kayo," dugtong pa nitong saad. Samu't saring reaksiyon ang maririnig mula sa apat na sulok ng aming silid. Napamaang pa ako nang lumingon sa akin ang isa kong kaklase na nasa unahan ko lang naman sa ako binati. "Congratulations, Rosie! Pa-burger ka mamaya, ha," anito na ikinakunot ko ng noo. Hindi ko tuloy siya nasagot kaagad at tanging “huh?” lang ang nasambit ko sa sobrang pagtataka. Tatanungin ko pa sana ito kaya lang ay hindi na ito nakalingon sa akin kaya naman si Ross na ang binalingan ko. Bahagya akong dumikit sa kanya para tanungin siya. "Ross, bakit ako ni-congratulate?" pabulong kong usisa. Kumunot ang noo nito sa akin. Halatang nagtataka kung bakit ko iyon naitanong sa kanya. "Hindi mo alam?" paniniguro pa niya. "Magtatanong ba ako kung alam ko?" pabalang kong sagot sa kanya. "Hindi mo nakita ang mga naka-post sa bulletin board na nasa baba?" Umiling naman ako. "Hindi. Ano ba mayro'n doon?" Napapalatak ito sa akin. "Akala ko pa naman nakita mo kasi ngiting-ngiti kang pumasok. Eh para saan ang pagpapasalamat mo sa akin kanina?" Bakas na bakas ko na sa kanyang mukha ang labis na kaguluhan. "Doon sa pagtulong mo sa amin kay Rookie. Nakausap ko kasi sa tawag kani-kanina lang si Mama at ang sabi ay io-observe na lang daw ngayon si Rookie at bukas ay baka p'wede na raw siyang i-discharge kaya nagpasalamat ako sa iyo," paliwanag ko. Napatango-tango naman ito. "Ibang bagay naman iyong sinasabi ko sa 'yo kanina. I was congratulating you kasi nakapasok ka sa scholarship ngayong sem," paglilinaw ni Ross sa akin na labis kong ikinalaki ng aking mga mata. Wala sa sariling nahawakan ko siya sa kanyag braso at mahinang napatili. Mabuti na lamang at hindi ko pa nakalilimutan na nasa loob pala kami ng classroom dahil kung hindi ay baka napapalahaw na ako sa sobrang tuwa. "T-Talaga ba? For real? Walang halong joke?" muling paniniguro ko. Tumango naman ito sa akin. "Omg! Full scholarship ba?" puno ng pag-asa kong tanong sa kanya habang hinihintay ang sagot niya. "Partial scholarship, Rosie," imporma ni Ross sa akin na nagpababa ng balikat ko. "You don't need to be sad. Magandang start iyan—paunti-unti. Hindi naman naidadaaan sa biglaan ang magandang resulta. Atleast ngayon, alam nating pareho na kaya mo kasi ang ibig sabihin lang niyan ay may mas ikakaya ka pa," banayad na pahayag niya sa akin na ikinatango ko. Sang-ayon ako sa sinabi niya. Siguro hindi ko lang naiwasang umasa kaagad nang ganoon kataas pero masaya naman ako dahil kahit papaano ay nakasabit pa ako. Magandang pang-motivation ito. Stepping stone kumbaga. Ibig sabihin lang din nito na may magagawa pa pala ako kung magsusumikap pa ako lalo. Matapos ang maikling oras ng klase naming iyon ay nagpasama ako kay Ross sa tapat ng bulletin board para tingnan at matiyak ko mismo sa aking sarili na totoo nga ang sinabi ni Ross at ng kaklase ko sa akin. Hindi ko rin nga napigilang magtatatalon-talon sa harap niyon nang makita ko ang pangalan ko kasama ng aking GPA. Kinuhanan ko pa ng picture para naman may pruweba ako kapag ibinalita ko kila Mama. Maaga akong pumasok sa flower shop ni Tita Rubi nang matapos ang klase ko ngayong araw. Puro farewell at class picture ang ginawa namin kanina dahil panibagong semester na naman kami at panibagong mga professors ulit. Hindi na ako nagpahatid pa kay Ross at umuwi na rin muna siya para makapagpahinga bago pumunta sa shop. Pupunta na lang daw siya kapag malapit na ang oras ng uwi ko para maisabay na niya ako dahil papasok naman siya sa convenience store na malapit lang din naman sa amin. Masaya kong iginugol ang oras sa pagtatrabaho roon. Naipamalita ko na rin kay Tita Rubi ang tungkol kay Rookie at gayon din naman sa pagkapasok ko sa scholarship para sa semester na ito ngayon. "Nakaka-proud naman, Rosie. Pagbutihin mo iyan at malayo ang mararating mo sa buhay. Basta ba alam mo kung paano pa rin makababalik sa pinanggalingan, ha. Congratulations sa iyo! Alam kong mapa-proud ang mga magulang mo pag-uwi mo mamaya," nakangiting sabi nito sa akin matapos kong sabihin sa kanya ang good news ko. "Thank you ho, Tita! Sa totoo lang po, malaki talaga ang utang na loob ko r'yan sa anak niyong si Ross. Siya ho kasi talaga ang tumulong sa akin kung bakit ako ngayon napasama sa scholarship. Akala ko nga ho noong una, iyong tulong na iniaalok niya ay iyong simpleng pagpapakopya ba," natatawa kong kuwento sa kanya nang minsang maalala ko kung ano ang nasa isipan ko noong mga oras na iyon. "Pero grabe ho sa pagkadamot niyang si Ross pagdating sa mga sagot lalo na sa quiz. Lagi pa akong pinagagalitan na kesyo tinuruan niya naman daw po ako, bakit pa ako nanghihingi ng sagot? Masama ho bang maniguro? Like, checking lang," pagbibiro ko pang dagdag na ikinatawa ni Tita Rubi. "Ganoon talaga ang batang iyon. Ang sabi ko nga sa kanya ay mas bagay pa yata sa kanya ang mag-abogado kaysa sa ate niya na napakabait," komento pa nito. Nagkaroon pa kami nang kaunting kuwentuhan pero naputol lang din nang may pumasok na customer kaya kaagad kong inasikaso at muli namang bumalik sa opisina si Tita Rubi dahil may inaayos siyang ilang mga bulaklak doon. May ilang minuto pa ako bago mag-out nang dumating din si Ross. Bagong ligo ito at nakasuot lang ng isang simpleng puting damit na pang-itaas. Abala ako sa pagliligpit at paglilinis ng ilang mga kalat dito nang mapansin kong pumasok sa loob si Ross. Ilang minuto rin ay nauna nang nagpaalam si Tita Rubi at ibinilin na lang daw kay Ross ang pagsasarado ng shop. Nagpaalam na rin naman ako sa kanya bago pa siya tuluyang makaalis. Nang handa na akong umalis ay kinatok ko na mula sa loob ng mini office si Ross dahil hindi pa rin ito lumalabas. May ilang segundo rin siguro ang itinagal bago niya ako pagbuksan. "Tara na. Nakapagligpit na ako rito sa labas," anyaya ko saka siya tinalikuran para mag-last minute check muli sa kabuohan ng shop. Tulad ng bilin ni Tita Rubi, si Ross na nga ang nagsara ng shop. Bago pa kami makapasok sa kanyang sasakyan ay nagawa pa naming i-double check ang paligid bago tuluyang sumakay. Kasasakay pa lamang niya nang abutan ako nito ng isang simpleng kumpon ng mga bulaklak na siyang ikinagulat ko kung para saan. Hindi pa man ako nakapagtatanong ay sinagot na niya ako kaagad. "Congratulations ulit, Rosie. I believe in you," sinserong sabi sa akin ni Ross habang iniaalok ang mga bulaklak sa aking harapan. "Ngayon may nagbigay na sa iyo ng bulaklak na may magandang dahilan," pahabol na biro niya pa matapos kong tanggapin iyon sa kanya kaya kaagad na siyang nag-maniobra ng sasakyan nang makaalis na kami. Ilang minuto ang nakalipas bago pa ako nakatugon sa kanya. "Salamat, Ross. Ikaw naman talaga ang dahilan kung bakit ako nakapagpursigi ngayong sem, eh. Tamo, nakapasok ako sa scholarship. Iyon nga lang, partial lang at hindi full. I'm sorry. Babawi na lang ako ulit sa susunod na semestre," nahihiya kong wika. "Stop saying sorry, Rosie. I'm still proud of you," seryosong sabi naman niya sa akin nang hindi man lang ako nililingon. Nanatiling tutok ang kanyang paningin sa daan pero ganoon pa man, dama ko ang pagiging sinsero niya sa kanyang sinabi. Para sa akin, sapat na iyon. Kasi kahit na papaano, may isang Ross na naniniwala sa akin—na kaya ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD