"SORRY, late. Naparami lang ng kinain," hinging paumanhin ko nang maupo ako sa harapan ni Ross.
"That's okay. Atleast, hindi ka naman late pumasok kanina," aniya habang isinasarado ang librong kanyang binabasa para mapagtuunan ako ng pansin. Kimi akong nagpasalamat sa kanya kahit na sinabi niya namang ayos lang. Pakiramdam ko kasi sa tuwing sumasang-ayon siya sa mga sinasabi ko ay parang hindi totoo. Parang tunog sarkastiko lagi sa pandinig ko.
Vacant time kasi naman ngayon at bago matapos ang naging klase namin kanina ay sinabihan niya akong magkita raw kami rito sa library pagkatapos kong mananghalian. Nahuli nga lang ako ng halos sampung minuto rin bago nakarating.
"Ah... kumain ka naman na siguro, ano?" usisa ko. Tumango naman si Ross bilang sagot. Iyon nga lang, hindi ko naiwasang mapangiwi dahil mukhang tinatamad na naman siyang magsalita ngayon.
Pero sa recitation, kulang na lang ay palitan niya ang Professor namin sa pagsasalita.
Tumikhim ito kaya tuluyang napunta ang buong atensyon ko sa aking kaharap. "Nasabi ko naman na sa iyo kahapon ang tungkol sa attendance kaya hindi ko na rin uulitin. Common sense na lang naman ang kailangan doon."
"Mayroon naman ako niyon, kaya huwag kang mag-alala," sabat ko. Panandalian niya akong tiningnan na para bang handa pa makipagdebate sa akin anumang oras. "Sabi ko nga ititikom ko na ang bibig ko," dugtong ko pa. Sigurado ako na hindi ako namamalikmata dahil nagawa niya akong irapan nang hindi ganoon kahalata. Bakit ba parang ang high blood niya lagi sa akin?
"Are you being serious?"
Natameme ako sa biglaang pagtatanong nito sa akin sa mas pinaseryosong boses at mukha niya.
Bumuntong-hininga muna ako bago siya hinarap ng seryoso rin. "Yes. I am being serious, Mr. Sarmiento. Sinusubukan ko lang naman maging light ang ambiance sa tuwing nagkakasama tayo dahil feeling ko inis na inis ka sa akin. Mas'yado kang seryoso. Kung sasabayan kita, baka hindi na tayo magkaintindihan," saad ko.
"I'm sorry. Naiintindihan ko. Siguro nga... mas mabuti kung pagagaanin ko lang ang set-up natin," aniya.
Napansin ko ang pag-iba ng reaksyon sa kanyang mukha. Para bang nahiya siya sa akin o sadyang na-offend ko lang siya?
"I'm sorry din. Hindi ko naman intensiyon na sabihin sana iyon. K-Kaso, mas'yado ka kasing seryoso, eh. Dinadaan ko lang sa mga ganoon para naman mabawasan iyong pagka-intimidate ko sa iyo," pag-amin ko na mukhang nakapagpukaw sa kanya ng atensiyon.
"Don't be intimidated to me. Please."
Natigilan ako.
"Ayaw kong may nai-intimidate sa akin. As long as magawa kong makisama sa iba nang hindi naipaparamdam sa kanila iyon, mas better. So, please. Continue what you're doing."
Napatango-tango ako dahil mukhang naiintindihan ko na rin siya ngayon. Mukhang hindi naman siya inis talaga sa akin. Sadyang ito lang ang attitude niya na taliwas sa akin kaya hindi ko kaagad nakuha kung paano siya pakikisamahan. Sabagay, paano ko nga naman malalaman kaagad, eh kakikilala lang naman namin.
"Okay, gets, gets! Ang cute nga, eh. Maba-balance natin kasi ikaw itong seryoso, tapos ako itong abnormal. Atleast, mababalanse natin ang sitwasyon. Hindi ba?" natutuwa kong sabi na tinanguan niya rin. "So, ano na pala mangyayari ngayon?"
"Naisip ko, mas maganda kung hindi lang ikaw ang natutulungan ko. Hahayaan kita na tulungan at turuan mo rin ako."
Hindi napigilang mapakunot ng aking noo. "Huh? Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Mag-aaral tayo nang sabay. Kung gusto mo rin, mag-iipon tayong dalawa."
"Para saan naman? Paluwagan ba iyan?"
This time, ang kilay naman niya ang tumaas sa naging tanong ko. "Hindi siya paluwagan. Mag-iipon tayo for important purposes. Same amount kung ano ang sa tingin mo ang kaya mo. Kukuhanin lang natin ang savings kapag kinailangan lang," paliwanag niya. Nakuha naman niya ang atensiyon ko kaya napaayos ako ng upo.
Maganda ang plano niya. Kapag pinipilit ko kasing mag-ipon nang mag-isa, napupunta rin talaga sa convenience store na malapit sa amin, eh. Ngayon na may kasama akong mag-ipon, mas sigurado ang ipon ko dahil mahihiya akong kuhanin iyon para lang sa walang kuwentang bagay.
"Deal! Bet ko iyang idea mo. Ikaw na lang din ang maghawak ng pera. Wala akong tiwala sa sarili ko, eh," biro ko pa.
"Wala kang tiwala sa sarili mo, pero nagawa mo akong pagkatiwalaan?" manghang komento ni Ross.
"Bakit? Hindi ba dapat kita pagkatiwalaan?"
"Hindi mo ako magagawang pagkatiwalaan kung wala kang tiwala sa sarili mo. The moment you trust me, that's the moment you've trust yourself too. Pinagkatiwalaan mo ang desisyon mo na pagkatiwalaan ako," imporma nito. Again, laglag na naman ang panga ko. May punto nga naman siya.
"Oo na. Hindi na ako papalag, wala na akong maisasagot sa iyo. Pero, hindi ba mas'yadong ma-effort kung tutulungan mo ako lagi? Like, pati talaga sa lahat ng schoolworks?" Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin talaga maintindihan kung bakit ganito na lang siya katutok sa akin para tulungan ako. P'wede niya naman kasi akong matulungan sa mababang paraan lang.
"Let me clear this to you, ang tulong na sinasabi ko ay iyong paghihirapan mo pa. Paghihirapan nating dalawa. Hindi ito iyong tulong na basta lang ibibigay sa iyo at tatanggapin mo na lang. I am doing this, because I know na matutulungan mo rin ako."
Wala sa sariling napahampas ako sa ibabaw ng lamesa kaya kaagad akong pinagtinginan ng ilang estudyante na narito sa Library. Mabuti na lamang at medyo may kalayuan ang puwesto ng Librarian.
"Anong klaseng tulong iyang naiisip mo, ha?" gulat ko pang tanong sa kanya. "Sabi ko naman sa iyo na wala ka namang mapapala sa akin."
Nagkibit-balikat lang ito. "Hindi ko rin alam. Feeling ko lang."
"Pambihira," usal ko. "Alam mo bang ikaw pa lang ang nakikilala kong lalaki na ganyan," wika ko.
"Ano'ng ibig mong sabihin sa "ganyan"?"
"Ayan! Basta may kakaiba, eh. Parang alam na alam mo iyong pupuntahan mo. May direksyon lahat, eh. May iba naman akong kakilala rin na lalaki na matino, pero hindi iyong tulad mo. Like, papunta ka na sa pagiging Santo Papa. Matanong ko nga, inosente ka ba?" intriga ko sa kanya.
"What the—"
"Oh, oh! Mukhang hindi ka inosente. Ang daming ibig sabihin ng salitang "inosente" pero mukhang iba yata ang naisip mo. Bit it's okay. Gets ko naman," ngiting-ngiti kong sabi sa kanya.
"Talagang dito mo natanong iyan?" inis niyang wika.
"Aba! Saan mo ba gusto kong itanong sa iyo? Kapag tayong dalawa lang? Mas better nga na rito ko nabanggit, eh," balewala kong sagot.
Iiling-iling ito habang nakatingin sa akin. "Well, atleast, kahit hindi ka inosente may prinsipyo pa rin," pang-aasar ko pa sa kanya.
"Tumigil ka na," walang kangiti-ngiti niyang saway sa akin. "Magre-review tayo sa Compensation para naman sa susunod na magpa-essay si Sir, mangalahati man lang ang isusulat mo sa papel."
Binalewala ko ang sinabi niya at sinunod ko ang gusto kong pag-usapan. "Nakatutuwa, ano? Ikaw itong lalaki sa ating dalawa pero mas lalaki pa ako sa kilos at gawa," natatawa kong sabi.
"Beware, Miss Rosie. Hindi mo pa alam ang iba kong nagagawa bilang lalaki," aniya.
Nanlaki ang aking mga mata habang nakatakip ang mga kamay sa tapat ng bibig ko saka inilapit ang mukha sa kanya. "Talagang dito mo nasabi iyan, Ross?" kunwa'y gulat kong sambit.
Napapikit siya nang mariin. Mukhang napipigtas na ang pasens'ya niya sa akin. Ayos lang, atleast, matatantiya ko kung gaano kahaba lang ang itinatagal ng pasens'ya niya.
"What is perquisites?" pambabalewala niya rin sa sinabi ko.
"Hindi ba dapat nag-i-introduce yourself muna tayo bago mag-klase?"
"Para saan pa? Eh, alam ko naman ng makulit ka."
"Judgemental ka, ha. Pero hindi nga, 'di ba dapat getting to know each na muna tayo?"
"Hindi na. Makikilala mo rin naman ako."
"Hindi rin. Malay ko ba kung pina-plastic mo ako," biro ko pa.
"Miss Rosie, hindi mahaba ang pasens'ya ko para makipag-plastikan. Hindi ko kayang magpabago-bago ng ugali para lang pakisamahan ka. Kung paano kita pakisamahan ngayon, iyon na iyon."
"Ako hindi mo ako kikilalanin?"
Natigilan siya at bahagya pang itinagilid ang kanyang ulo na para bang sinusuri niya ako sa ganoong paraan.
"Hindi ba una kitang nakilala? Kaya nga tayo nauwi sa ganito?"
Napakamot ako sa aking ulo dahil naalala ko ang una naming pag-uusap noong nasa convenience store kami. "Oo nga pala," kasabay ng hilaw kong pagtawa.
"Don't worry, I'm harmless."
"But I'm harmful."
"Pansin ko naman."
Napamaang ako roon. Kung close lang kami tulad ng pagka-close namin ni Vince, baka nahampas ko na siya sa braso. Kaso mas'yado siyang karespe-respetado. Hindi ko nga alam kung magagawa ko siyang mabara man lang nang sobra, eh.
"Kanina ko pa rin alam na iniiwas mo ang usapan kung bakit tayo narito. Allow me to discuss the agenda, shall we?"
Napangiwi ako. "Wala naman akong choice."
Bukod sa mas'yado siyang pormal, mukhang wala rin akong magiging kawala lalo na sa mga susunod na araw kapag nagsimula na talaga kaming magtulungan kuno. Sana mahawaan niya man lang ako ng ilang ugali niya.
Matapos ang ilang minuto ay naipaliwanag niya naman sa akin ang lahat. Masasabi kong kahanga-hanga talaga ang ugali niya. Siguro ngayon ay wala pa sa kalahati ng fifty percent ang pagkakakilala ko sa kanya, pero pambihira na kaagad. Mas may direksyon ang buhay niya kaysa sa akin.
Kung ang prinsipyo niya ay para sa lahat, taliwas naman niyon ang akin. As long as na wala akong tinatapakang ibang tao, goods tayo roon.
Pauwi na kaming dalawa nang mag-alok siyang p'wede kaming magsabay pauwi. Pumayag na lang din ako. Sabay naming tinatahak ang daan palabas ng campus, pero as usual, marami siyang nakababatian.
"Ang dami mo namang kaibigan," komento ko nang minsang makalagpas kami sa nakabatian niya.
"Not totally a friend. Kakilala't close lang pero hindi tulad ng nasa isip mo," tugon niya.
"Pero may mga kaibigan ka naman, 'di ba?" tanong ko sa kanya habang nakatingala kay Ross.
"Mayro'n." Ibinalik niya ang tingin sa akin. Nagtataka siguro kung bakit nakatingin at parang may hinihintay ako sa kanya.
"Naghihintay akong dagdagan mo pa ang sagot mo."
"Required ba dapat na maraming sasabihin?"
"Hindi naman, pero ngayon, mukhang ipapa-required ko na lalo sa iyo." Lumipas ang ilang minuto at wala na akong narinig pa sa kanya. "So, iyon nga, 'no. Hindi na siya nagsalita pa."
Natigilan ako sa paglalakad nang mapansin kong nasa terminal na kami. Nilingon ko siya.
"Magje-jeep ka?" Tumango ito. "Nasaan ang kotse mo?" usisa ko.
"Coding."
Sumakay na kami sa loob ng jeep. Hindi ko alam pero nakakapanibago na makita ko siyang kasabay ko rito. Mukha namang walang kaso sa kanya dahil komportable at mukhang sanay siyang sumasakay sa mga pampublikong sadakyan.
Nasa kalagitnaan kami ng biyahe pero nakatutok lang ako sa aking cellphone habang nagtitingin ng kung ano-anong memes nang maka-receive ako ng chat mula kay Kuya.
Nang mabasa ko ang message niya ay hindi ko pa napigilang mag-react kaya ramdam ko ang palingon sa akin ni Ross sa gawi ko. Sa sobrang tuwa ko ay sinabi ko sa kanya ang dahilan kahit hindi naman niya tinatanong.
"Tinawagan na raw ng agency si Kuya. Training na raw siya," nagagalak kong imporma sa kanya sa paraang siya lang ang makaririnig. Mahirap magpaka-iskandalosa sa loob ng jeep.
Tumango ito habang may maliit na ngiti ang nakaplaster sa kanyang labi. "Congrats."
Mukhang lucky charm itong si Ross, ah. Nasabi ko na lamang sa aking isipan habang nagtitipa ng ire-reply kay Kuya. Paniguradong matutuwa nito sila Mama't Papa.
Kinalabit ko si Ross sa kanyang tagiliran kaya lumingon ito kaagad sa akin. "Makikinig na ako sa iyo next time," nakangiti kong sabi sa kanya.
Hindi man ito umimik pero alam kong natuwa siya dahil mukhang mababawasan ang sakit sa ulo niya nang dahil sa akin. Ewan ko pero pakiramdam ko guardian angel si Ross. Nakatatawa mang pakinggan pero ganoon iyong feeling, eh. Siguro bibigyan niya ako ng pag-asa to strive even more.
Pagkababa namin ng jeep ay nagpaalam na rin ako sa kanya. Excited akong makauwi dahil makikibalita pa ako kay Kuya. Pero bago pa man ako makatawid ay tinawag niya pa ako.
"Ingat." Kasabay niyon ang pagtalikod at pumasok na sa loob ng convenience store. Napakurap-kurap ako dahil hindi ko inaasahan ang sasabihin niyang iyon. Hindi ko man lang nagawang magpasalamat.