Six years later
Anim na taon na ang nakalipas pero hindi pa rin mawaglit sa isip ni Erica ang insidente ng pambabato ni Trixxie sa kanya. Matapos kasi itong ipatawag ng guidance office ay napilitan itong humingi ng tawad sa kanya kahit na alam niyang napilitan lang ito. Sa pag- aakala na matapos nito humingi ng paumanhin ay lulubayan na nito si Erica ay nagkamali siya. Mas sumidhi pa ang pambubully ni Trixxie kay Erica. Ang malala pa ay nakisali na rin ang kapatid nitong si Harvey. Kung dati ay nasaktan siya ng pisikal, lahat naman ng kalokohan ay ginawa nila sa kanya.
Natigil lang iyon ng gumradweyt na ng high school si Harvey sa edad na dise nueve. Masyado kasi itong naging bulakbol at pasaway kaya pitong taon ito sa high school. Muntik ng ma-expel ito ng makipag rambulan sa kanyang karibal sa naging nobya niya noong fourth year siya. Buti na lang ay nadala sa masinsinang pakiusap ng mga magulang nila ang school principal. Kapalit noon ay ang pagbibigay donasyon para sa pagsasaayos ng flagpole ng paaralan.
Kasabay na nawala sa kanilang paaralan ang magkapatid na Angeles. Bali-balita ay sa America na sila pinag-aral ng mga magulang nila. Doon sa kapatid ni Senyora Anatalia na si Anastacia. Kaya si Erica ay napanatag na ang loob. Mas lalo na ang mga guro ng paaralan dahil umalis na ang mga sutil na estudyante.
Kasalukuyan siyang nagpapakain ng mga isda nang biglang dumating ang tumatakbong si Tinay.
"Masamang balita Erica! Dumating na ang magkapatid na sutil," ang hinihingal niyang saad. Napatigil siya at ibinaba ang timba na lagayan ng feeds.
"At ano ang problema?"
"Hindi ka ba natatakot na baka gawan ka ulit ng mga kabulastugan ng magkapatid na iyon?" tanong nito kay Erica at parang ito pa ang takot na takot para sa kaibigan. Alam kasi ni Tinay ang lahat ng pambubully ng magkapatid na Angeles sa kanya.
"Matagal na iyon. Siguro naman nagbago na ang mga iyon. Anim na taon na rin ang nakalipas. Dala lang siguro ng kabataan nila ang kasutilan nila," wala sa loob na paliwanag niya dito. Ayaw niyang mag-isip ng masama sa kapwa at siguro naman naituwid na nila ang mga baluktot nilang pag-uugali.
"Ewan ko sayo! Basta mag-iingat ka pa rin. Iba pa rin ang pakiramdam ko sa mga iyon. Ipapaputol ko talaga ang hinliliit ko sa kamay kung tunay ngang bumait na sila," ang mahabang sermon ni Tinay kay Erica na di kumbinsido sa mga sinabi niya.
"Ano? Huwag mo kalimutan ha! Sayawan na sa makalawa. Sige na sumama ka na para payagan ako ni Nanay at Tatay. Alam ko naman na kapag ikaw ang nagpaalam sa akin ay tiyak na papayag sila," kumbinse nito kay Erica.
"Oo na. Ipagpapaalam kita. Pupunta ako mamayang hapon sa inyo."
"Yes, ambait talaga ng BFF ko kaya labs na labs kita eh!" At binuhat pa niya si Erica sa sobrang tuwa.
Umuwi si Tinay na masaya at pinag patuloy I Erica ang pagpapakain sa mga isda. Trenta minutos pa at natapos din ang gawain niya. Bumalik na siya sa bahay at naghanda na ng almusal. Tulog pa ang tatay niya dahil di pa ito nahimasmasan sa kalasingan nito. Wala namang bago sa ganitong sitwasyon. Lumaki s'yang laging lasing ang ama. Pero sa kabila ng lahat ay hindi naman ito naging hadlang sa pagiging mabuting ama niya kay Erica Hindi na nga naisipan ng ama na mag-asawang muli kahit na kwarenta anyos pa lang ito. Gwapo din si Tatay Enrico. Parang siyang si Ian Veneracion na moreno. Sabi nila girl version daw siya ni Tatay Enrico na maputi at tuwid ang buhok.
Samantalang natural na maalon ang buhok ng ama.
Patay na patay nga ang tiyahin ni Tinay na si Criselda sa Tatay nya. Dangan lamang at walang amor ang tatay nya sa pagkakaroon ng bagong asawa. Sapat na daw siya para rito. Ang nag-iisang alaala ng nag-iisang babae na kanyang minahal: si Nanay Angela.
Sa mga larawan n'ya lang ito nakita dahil dalawang taon pa lang daw s'ya nang mamatay ito sa sakit na matris. Hindi ito naipagamot ni tatay dahil sinadyang ilihim ito sa kanya ng Nanay.
Ang masayahin at puno ng buhay na si tatay ay naging lasenggo magmula noong mabiyudo. Kamuntikan pa nga daw siyang kunin ng lola sa ina kung di daw umayos si tatay. Buti na lang at naagapan kaya hindi siya nakuha ng lola. Pero paminsan ay napapasabak pa rin ang tatay nya sa mga inuman at iniintindi na lamang n'ya iyon.
Matapos na magluto ng almusal ay ginising na n'ya ang ama. Nagtimpla na din siya ng kape nilang dalawa. Sinangag na maraming bawang at daing na bangus ang niluto n'ya . Gumawa rin siya ng instant noodles na may malunggay para mabawasan ang hangover ng ama.
Saktong alas nueve ng matapos sila ng almusal. Hinugasan n'ya muna ang pinagkainan nila atsaka n'ya hinarap ang paglilinis ng buong kusina at sala. Kailangan malinis dahil bisperas na ng fiesta sa makalawa. Nakapag laba na s'ya kahapon kaya hindi na s'ya nagmamadali sa gawain.
Gaya ng pinangako n'ya ay nagpaalam s'ya sa mga magulang ni Tinay na magkakasama silang pupunta sa sayawan sa makalawa. Wala namang tutol si Aling Iska at Mang Lino.
*****
Matuling lumipas ang mga araw at bisperas na ng Fiesta. Lahat ay abala sa paghahanda. Naroong may nag uumpisa ng magkatay ng mga baboy, manok, kalabaw at baka. Ang mga kababaihan ay punong abala sa paggayak ng mga tahanan para maging presentable sa mga panauhin.
Kinagabihan ay ang pinakahihintay ng mga dalaga at binata : ang sayawan. Nakapustura pa nga ang iba na animo dadalo ng JS prom. May mga dalaga rin na parang nasipa ng kabayo ang mukha sa kapal ng blush on at ang mga labi ay mahihiyang dumapo ang langaw sa kintab at napaka pula. May nakasalubong pa sila na halos ipaligo na ang pabango at ansakit pa sa ilong pag nalanghap mo. Nabahing tuloy si Erica.
Pero si Tinay ay sadya namang napakaganda sa suot nitong sabrina style na red fitted blouse na pinares sa high waist skinny jeans. Nagsuot ito ng three inch na nude pumps. Hindi mo iisipin simpleng promdi ito lalo at bumagay sa katangkaran niya at pigura ang suot at ang light makeup nito. Aakalain mong mag a-audition siya bilang ramp model.
Samantala ay simpleng puting long sleeve blouse na pinatungan n'ya lang ng maong jacket at blue skinny jeans lang ang get up ni Erica. Simpleng high cut rubber shoes lang din ang suot n'ya at di na rin s'ya nag abala pa maglagay ng kahit ano sa mukha. Magiging chaperone lang naman s'ya ni Tinay dahil sadyang ligawin talaga ito at mabenta sa sayawan.
Maaga ang magkaibigan sa sayawan. Hindi pa tapos ang setup ng sound system ay andun na sila. Alas otso pa mag-uumpisa ang disco pero dagsa na ang mga kabataan. Tahimik lang s'yang nakamasid kay Tinay.
Kailangan n'ya itong mabantayan ng maige dahil lagot s'ya sa mga magulang nito. Iyon pa naman ang kabilin bilinan ng mga ito.
Eksaktong alas otso y kinse ay nag-umpisa na ang programa. May emcee pa na inarkila ang taga Barangay at mukhang taga-Maynila pa talaga. Nagsalita din ang kanilang kapitan pati na ang punong barangay tanod na nagpapaaala sa kaligtasan ng lahat.
Hiyawan ang lahat ng umpisahan ang disco. Parang mga bakang nakawala sa kural ang mga naroon. Hataw kong hataw sila sa saliw ng tugtugin. Mamayang alas dose pa ang sayawan kung saan pipipili ang mga opisyal ng Barangay ng mga dalagang isasayaw ng mga binata.
Bale kung sino ang interesadong lumahok ay isusulat ang pangalan sa papel atsaka bibilotin para sa palabunutan. Bente lang bubunutin at kung sino ang gusto isayaw ng nga binata ay magbibigay sila ng pera. Kung sino ang may kakayanang magbigay ng pinakamataas na halaga ay siyang maging kapareha ng mga napiling dalaga.
Sinimulan na ang pagbunot ng mga kalahok.
"Ang ikawalong kalahok, Cristina Mondejar! Palakpakan naman dyan! Mga binata maghanda na ng inyong mga pera!" Ang pang-eenganyong sigaw ng emcee. Nagkandahaba na ang leeg ng mga binatang inaabangan si Tinay. Merong tiningnan ang laman ng mga wallet at ang iba na walang wala ay nagkasya na lang sa pagtanaw kay Tinay.
Napabuntong-hininga s'ya dahil tinawag na ang ang ika-labinsiyam na kalahok. Nasa sulok lang s'ya para mabantayan n'ya ng maige si Tinay. Nang biglang sumigaw ang emcee.
"Erica Santillan, nasaan ka? Ikaw ang ika-dalawampung kalahok!"
Napapikit si Erica. Alam niyang kagagawan ito ni Tinay. Tiningnan niya ang kaibigan ng masama pero ang lukaret, anlaki ng ngisi. Nag-peace sign pa siya kay Erica na siyang mas lalo n'ya pang ikinainis. At sinong loko-lokong binata ang nanaisin maisayaw ang isang katulad n'ya na nagmumukhang basahan kung itatabi sa mga napiling dalaga? Walang choice si Erica kundi pumunta na sa gitna dahil siya na lang ang kulang.
Nang mag-anunsyo ang emcee na pwede na lapitan ang napupusuan ng mga binata ay mahaba ang pumila kay Tinay at sa lima pang ibang dalaga. May mga nakatokang bantay kada dalawang dalaga na siyang magsisilbing tagasuri kung sino ang may mas mataas na kapasidad na magbayad. May nagtulakan pa nga at muntik ng magka sapakan ang mga ito. Kampante naman s'ya na walang lalapit sa kanya. Kaya nagulat s'ya ng lumapit sa kanya ang taga-kabilang barangay na si Gavin Mendez. Pinandilatan n'ya ito dahil alam niyang pinagtitripan lang siya nito. Ito yata ang muntik na ding maexpel noon dahil sa pakikipag rambulan ky Harvey.
Balita sa kanila na isa na itong Civil Engineer na kasalukayang may proyektong ginagawa sa munisipyo dahil ang construction firm na pinagtatrabahuhan nito ang nanalo sa bidding ng pagsasaayos ng mga barangay Road sa buong San Bartolome.
Nagbigay ito ng isang libo para maisayaw si Erica. Hahapitin na sana ang kanyang baywang nang may nagsalita.
"Dodoblehin ko ito dalawang libo," humugot ito ng dalawang libong piso sa kanyang wallet. Nagtama ang kanilang paningin. Hindi ito pamilyar sa kanya pero nang naningkit ang mata ni Gavin ay naalala n'yang si Harvey nga pala ang mortal na kaaway nito.
"Tatlong libo,"si Gavin.
"Limang libo,"si Harvey.
"Sampung libo at special number para sa amin ni Erica Santillan. Karagdagang dalawang libo." Binagsak nito ang pera sabay hapit sa baywang ni Erica at idiin ang mukha nito sa mukha niya. Napaatras ang ulo ni Erica at bumaling siya sa kanan. Naaasiwa siya sa posisyon nila!
Natuon sa kanilang tatlo ang atensyon ng lahat dahil sa pataasan ng halaga ng dalawang binata. Alam niyang naiipit lang siya sa rivalry ng dalawa. Kaya pinalapit niya si Tinay at dahan dahan siyang tatakas ng mahuli siya ng bantay.
"Saan ka pupunta Erica?" Ang tanong ni Kagawad Linda.
"Naiihi po kasi ako, babalik kaagad ako. Si Tinay na muna ang isasayaw nila" ang palusot niya.
"Hindi pwede!" magkasabay na sigaw ng magkaribal.
"Sige, oy Gigi samahan mo muna si Erica para hindi makatakas," utos nito sa anak na nasa gilid.
"Opo Inay."
Hindi nga siya nakatakas. Pabalik na siya ng nakasalubong n'ya ang nakasimangot na si Harvey. Hindi niya ito pinansin kaya sinadya nitong banggain ang balikat niya. Napaaray siya pero tuloy lang sa pagbalik sa dance floor na parang walang nangyari.
Ayaw niya itong asarin pa lalo na at nagkabangayan nanaman sila ni Gavin.
Nang makabalik siya sa sayawan ay kaagad siyang sinalubong ni Gavin. Anlaki ng ngiti nito dahil naisahan niya ang isang Harvey Angeles. Pagbalik niya galing nagbanyo ay minuwestra ni Gavin ang kamay sa emcee. Inanunsyo ang special dance nila kaya pinakiusapan na tumabi muna ang lahat. Nag-umpisa na ang saliw ng tugtugin nang umpisahan nito ang diga sa kanya.
"May maganda pala dito, ngayon ko lang nalaman, " ang panimulang bola nito kay Erica.
"Naku po, Engr.Mendez, 'yong naunang mong nakasayaw si Cristina Mondejar single yon atsaka maganda at sexy. Bagay po kayo." Ang seryoso niyang panrereto dito kay Tinay.
"Ikaw ang gusto ko eh, hindi siya. May nakapagsabi na ba sayo na maganda ka?" usisa nito.
"Tatay ko po" pamimilosopo niya.
"Mapagbiro ka pala! Pwede makahingi ng number mo?" Ang pangungulit ni Gavin. Nagpapacute pa yata ang mokong!, ang nasa isip ni Erica.
"Wala po akong cellphone."
"Ayaw mo lang magbigay ng number mo eh," nagtatampong sabi nitong nakausli pa ang nguso.
"Ang cute mo talaga." Nilapirot niya ang pisngi nito at nagtawanan pa sila.
Aakalain talaga ng nasa paligid nila na nagkakamabutihan ang nga ito. Mabait naman kung tutuusin si Gavin. Medyo may pagkabulakbol nga lang noong high school. Gugustuhin siya ng kahit sinong liligawan niya lalo't isa na itong ganap na inhinyero. Pero hindi pwede kasi patay na patay pa naman ang BFF niyang si Tinay sa lalaking ito. Kung makapagpantasya pa naman si Tinay dito ay wagas.
Kasarapan ng kwentuhan namin ng mag iba ang tugtug. Budots naman ang isinalang ng DJ. Tuwang tuwa siya dahil game ang kanyang kapareha. Pinalapit niya naman si Tinay at tatlo na silang magkaharap. Nang sa pakiramdam niya ay tila may nakatitig sa kanila. Paglingon ni Erica sa kaliwa ay ang nagbabagang tingin ni Harvey ang nasalubong. Ano kaya problema ng lalaking iyon? Hinayaan niya lang at napa-indak na din siya. Hataw din itong dalawa eh habang nagpapalitan ng numero sa cellphone.