Chapter 7: Familiar

1536 Words
Hindi nag-aksaya ng oras si Vivoree at agad na pinuntahan ang presinto kung saan naroon ang kanyang kapatid subalit nang makarating siya sa tapat ng police station, natigil siya sa paglalakad at agad na nakaramdam ng habag. Ilang beses pa siyang huminga ng malalim bago tuluyang tumuloy sa loob. Medyo malayo pa lang siya nang makita niyang nagkakagulo sa loob. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang kanyang kapatid na malakas na dinuro-duro sa ulo ng isang ginang na may magarang kasuotan. Ni hindi man lang ito pinigilan ng mga pulis na nakapaligid. Mabilis siyang lumapit sa mga ito at inihinarang ang sarili sa kapatid niya. "Sandali lang po Ma'am, wag niyo naman pong saktan ang kapatid ko—" "Ikaw pala ang kapatid ng magnanakaw na yan! Mabuti at nandito ka na nang magkaliwanagan tayo!" Mataray nitong asik. "M—magnanakaw?" "Oo! Magnanakaw yang kapatid mo! Alam mo kayo talagang mga mahihirap, mga salot kayo sa lipunan. Palibhasa mga tamad kayo kaya wala kayong asenso at asa lang kayo sa pagnanakaw para may makain kayo! Mga hampaslupa!" Malakas nitong singhal. "B—baka nagkakamali lang po kayo. Hindi po yan magagawa ng kapatid ko," depensa niya. "Anong hindi magagawa? Eh ginawa na nga! Bobo ka ba!" Ilang beses siyang napalunok bago dahan-dahang lumingon kay Fabio na nakayuko. "Fabio, totoo ba ang sinasabi niya?" Tanong niya. Unti-unting nag-angat ng tingin si Fabio bago marahang umiling. "Wala akong alam sa sinasabi niya." "Anong walang alam! Nahuli kang pumasok sa pamamahay ko at kinuha mo ang mga alahas ko! Alam mo ba kung magkano ang halaga ng mga iyon? Dalawang daang libong piso lahat! Malamang hindi ka pinalaki ng maayos ng nanay mong hampaslupa din kaya lumaki kang magnanakaw! O baka naman mana ka sa tatay mo na magnanakaw rin!" "Hindi nga ako ang nagnakaw! At mas lalo ng wag mong idamay ang nanay at tatay ko ditong sinungaling ka!" Singhal ng kanyang kapatid saka tumayo at akmang susugurin ang ginang. Mabuti na lang at naging maagap ang mga pulis at napigilan si Fabio. Humarang na rin siya para pakalmahin ang kanyang kapatid. "Tama na Fabio, ano ba?! Nasa presinto tayo!" "Wala akong pakialam! Hindi ako kasing hina kagaya mo na hahayaan na lang ang ibang tao na aapak-apakan ka!" Nagpupumiglas nitong sigaw. "Utang na loob Fabio tumigil ka na!" Sigaw niya pabalik. "Ang dami-dami ko ng problema dumadagdag ka pa!" Sa sinabi niya ay tumalim ang titig nito sa kanya. "Bakit? Sinabi ko ba sayo na puntahan mo ako dito? Kaya ko ang sarili ko at hindi kita kailangan kaya umalis ka na!" Mariin siyang napapikit. Pakiramdam niya ubos na ubos na siya dahil sa mga nangyayari ngayon. Subalit agad din siyang napadilat nang marahas siyang hinablot ng ginang na siyang nagreklamo kay Fabio. "Wag niyo akong madaan-daan sa padrama-drama ninyong dalawa! Lumang tugtugin na yan! Kapag hindi ibinalik ng kapatid mo ang mga alahas ko, ikaw ang ipapakulong ko!" Pagbabanta nito bago siya marahas na binitawan at umupo na sa desk ng nakatokang pulis. "Hindi makakalabas ang kapatid mo dito hangga't hindi ninyo nababayaran ang mga ninakaw niya," maya maya'y anunsyo ng pulis. Nanlaki ang kanyang mga mata at kunot noo itong tiningnan. "Hindi ba't bawal ninyong ikulong ang kapatid ko? Kinse anyos pa lang si Fabio. Menor de edad po yan!" Tutol niya. "Menor de edad o hindi, nagnakaw ang kapatid mo. Siya ang huling nakita sa CCTV na pumasok sa mansion ni Donya Anita," tugon ng lalaking pulis. "Pero chief..." "O baka naman gusto mo ikaw na lang ang pumalit sa pwesto ng kapatid mo," anito bago siya nilampasan. Nanghihina siyang napaupo sa kalapit na silya. Hindi niya mapigilan ang sarili na muling umiyak. Iyon lang ang tanging alam niyang paraan para ilabas ang lahat ng sama niya ng loob. Ilang sandali pa'y pinahid na niya ang kanyang mga luha at nilapitan ang kanyang kapatid na nakaupo sa isang sulok ng selda. "Fabio, hintayin mo ako dito ha? Hahanap ako ng paraan para mailabas ka sa kulungang to," masuyo niyang ani at marahang pinisil ang kamay nito. Wala siyang nakuhang sagot mula sa kanyang nakababatang kapatid. Pinili na lamang niyang tumayo at lisanin ang presinto para mag-isip ng paraan kung paano ilalabas ito ilabas sa kulungang iyon. Walang direksyon siyang naglakad sa abalang kalsada. Gulong-gulo na ang utak niya dahil sa patong-patong na problemang kanyang kinakaharap. Sana lang huwag tuluyang bumigay ang utak niya kagaya noon. Ayaw niyang iwanang muli ang mga mahal niya sa buhay dahil lang naging mahina siya sa pagsubok na ibinigay ng Diyos sa kanya. Minsan naiinggit siya sa kalagayan ni Roda dahil kahit kagaya nilang mahirap ang babae, kasundong-kasundo nito ang sariling mga kapatid. Bagay na nawala sa kanya dahil na rin sa mga maling desisyon at pagtitiwala niya. Sana may kapatid din siyang katuwang para naman kahit papaano gumaan ang mabigat niyang pasan. Naramdaman niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Ngayon niya lang din napagtantong hindi pa pala siya kumakain mula kagabi. Nanginginig na ang kanyang laman. Nagpalinga-linga siya sa paligid para maghanap ng murang kainan. Binuksan niya ang kanyang sling bag para tingnan kung may pera pa ba siyang natira. Nanlumo siya ng makitang isang daang piso na lang ang meron siya. Paano nga ba niya pagkakasyahin ang perang iyon gayong dalawa na ang problemang kinakaharap niya? Maya maya pa'y nakakuha ng kanyang atensyon ang isang pamilyar na calling card. Hindi niya namalayang kasama pala iyon sa perang pinulot niya sa sahig kagabi. Dahan-dahan niyang inilabas ang card at binasa ang pangalang nakasulat doon. Tristan Miller Liu. Tatlong letra pero maraming emosyon ang nabubuo sa kanyang dibdib sa tuwing sumasagi sa isipan niya ang mga katagang iyon. Pagmamahal. Kasiyahan. Panghihinayang. Pagsisisi. Kalungkutan. Kabiguan. Tumingala siya sa dapit hapong kalangitan. Siguro nga kailangan niyang panindigan kung paano siya nito ilarawan. Isang masama at mababang uri ng babae. Lulunukin niya lahat ng galit at pang-iinsulto nito kung kapalit niyon ang kaligtasan ng kanyang ina at kapatid. Hindi bale ng sumuong siya sa apoy at tuluyang matupok dahil kahit kailan hindi na siya magiging buo pa. Sa nanginginig na mga kamay, idinial niya ang numerong naroon. Mabuti na lang at hindi pa expire ang kanyang load kundi gagastos na naman siya. Ilang sandali niyang hinintay na may sumagot. Abot langit ang kaba sa kanyang dibdib. Hindi niya alam kung ano ang magiging kahihinatnan ng gagawin niya pero bahala na. "Hello, this is Mr.Tristan Liu's secretary, how may I help you?" Magalang na bungad sa kabilang linya. Napatikhim siya. "Ahm... Si Vivoree Escalante to. May sadya sana ako kay Mr.Liu," kagat labi niyang ani. "Vivoree Escalante?" "Yes Ma'am..." "Okay, wait lang po ha. I will get back to you in a minute..." Ilang sandali siyang naghintay bago muling nagsalita ang nagpakilalang sekretarya ni Tristan. "Hello Miss Vivoree, pinapatanong po ni Mr.Liu kung bakit kayo napatawag?" Mariin siyang napapikit. "Uh, m—may pinag-usapan kasi kami noong nakaraan. Ang sabi niya tawagan ko daw siya kapag pumayag na ako sa alok niyang trabaho." Natahimik ito ng ilang segundo. "Okay Miss Vivoree, I will text you the exact address where you will meet Mr.Liu today. Please be sure to be there on time. Mr.Liu hates someone who gets late to their meetings." "Okay, thank you," halos pabulong niyang sagot saka dahan-dahang ibinaba ang kanyang cellphone. Humugot siya ng hangin para palakasin ang kanyang loob. "Kaya mo'to Vivoree... Kakayanin mo..." Akmang maglalakad na siya patungo sa isang karinderya nang bigla na lang may nakabunggo sa kanya. Mabuti na lang at mahina lang ang impact dahil kung hindi, baka pareho silang bumagsak sa lupa. "Naku Miss, pasensya ka na," ani ng isang boses. Hindi niya alam subalit bahagya siyang natigilan nang masilayan ang mukha ng babae. Parang namamalikmata siya at nakita niya ang batang bersyon ng kanyang ina sa kanyang kaharap. "Miss, ayos ka lang ba?" Untag nito sa kanyang pagkatulala. "Uh, a—ayos lang..." "Mari! Hintayin mo naman ako! Takbo ka ng takbo akala mo di ka buntis!" Ani ng isang medyo morena at may katabaang babae. "Ambagal mo kasi. Nakaalis na tuloy yung mamang nagtitinda ng sorbetes," nakasimangot nitong sambit. "Sorry naman," anito bago bumaling ang tingin sa kanya. "Magkakilala kayo?" Tanong pa nito. Agad na umiling ang babae na nagngangalang Mari. "Hindi. Aksidente ko lang siyang nabangga." Tumango naman ang kasama nito. "Ganun ba? Halika na. Baka mamaya hanapin ka na naman ng Fafang Koreano mo." Ngumiti sa kanya ang babae. "Pasensya na talaga Miss. Maiwan ka na namin ha." Tumango siya at tipid din itong nginitian. "Ayos lang Ma'am..." Hinatid tanaw niya ang dalawa. Hindi sinasadyang napahawak siya sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang babaeng kanyang nakabanggaan. Parang bang kakaiba ang pintig ng kanyang puso. Parang masaya siya na hindi niya maintindihan. Yung pakiramdam na matagal na niya itong kilala kahit na unang beses pa lang niya itong makita? Nagpakawala siya ng isang buntong hininga bago nagtuloy sa paglalakad pero hindi paman siya umabot sa karinderya, nakatanggap na siya ng isang text message galing sa hindi niya kilalang numero. "This is Tristan. Meet me at Goldenscape Hotel room number 107... I am giving you thirty minutes, Vivoree. If you won't be here on time, consider our meeting over..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD