Nang makaalis ang hindi nakikilalang lalaki ay nilapitan ni Eila ang kama kung saan nakapatong ang napakaraming shopping bags at mga kahon. Hindi niya tuloy maiwasang hindi maalala kung paano siya mag-shopping noon. Halos mapuno na ang walk-in closet niya sa dami ng mga damit niya. Bawat okasyon o kahit wala ay may bago siyang damit, sapatos, bag at iba’t ibang accessories. Hindi rin siya nalilibanan nang pagpapa-treatment ng buhok o pa-facial. She had everything.
Subalit ang lahat ng iyon ay mga alaala na lang.
She missed it, but didn't want it back. Masaya na siya sa simpleng buhay na meron ngayon.
Inisa-isa ni Eila ang laman ng paper bag. May mga dress, pants at blouse na sa unang tingin pa lang niya ay alam niyang mga branded at mamahalin. Nakakapagsuot pa rin naman siya ng branded ngayon pero madalang na. Mas nagugustuhan na niya ngayong mamili sa mga tiangge o sa online shop. Sa dalawang daang piso ay makakailan na siyang t-shirt o kaya ay may magandang dress na. Isa sa mga natutunan niya noong mag-isa na lang siya ay ang magtipid.
Bumili lang ng kailangan at makakapaghintay ang luho.
Hindi pwedeng mauna ang luho o magugutom siya.
Alam niyang hindi mangyayari iyon dahil tutulungan siya ng kaniyang Tita Gen. Pero kung aasa siya masiyado rito, hindi niya mahaharap ang ama ng taas-noo. Gusto niyang patunayan sa ama na may higit pa sa kayamanan at kaya niyang mabuhay nang wala ang kayamanan na iniingatan ng ama.
Nagpapasalamat na lang siya dahil maraming pagkakataon na binibigyan siya ng kaniyang Tita Gen ng damit at ilang gamit. Sa kaniyang Tita Gen rin galing ang cellphone at laptop na ginagamit niya sa pag-aaral. Mga gadgets ito na pinaglumaan ng mga anak. Gusto man siyang bilhan nito ng bago, tumanggi siya.
Nang makahanap si Eila ng angkop na damit ay mabilis siyang nagbihis. Isang terno ng beige corduroy blouse and pants ang napili niyang suotin. Sa lahat ng damit na nasa paper bag iyon na ang pinakasimpleng tingnan.
Matapos magbihis, tiningnan naman niya ang laman ng mga kahon. Gaya ng mga damit, may iba’t ibang klase rin ng sapatos, sandals at flip-flops. Kinuha niya ang huli, isinuot at lumabas na ng silid.
Pagkalabas niya ng silid ay naabutan niyang naghihintay na roon ang lalaki. Tuwid na nakatayo ito na parang isang sundalo na nagbabantay.
“Sumunod ka sa akin,” simpleng saad nito bago umuna sa paglalakad. Gaya kanina ay hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin.
Tahimik namang nagpatianod siya. Alam niyang dapat siyang kabahan pero nananatiling kalmado ang dibdib niya. Pilit niyang kinakapa ang matinding takot na naramdaman nitong nagdaang gabi pero nanatiling payapa ang kalooban niya. Nakakapagtaka pero labis niyang ipinagpapasalamat.
Tinunton nila ang mahabang hallway kung saan may nadaanan pa silang ilang silid. Kapansin-pansin rin ang hilera ng mga painting sa dingding at ilang estatwang dekorasyon sa bawat sulok na madaanan nila. May mga halaman rin sa paso na sa unang tingin ay magdadalawang-isip ka kung totoo bang halaman o hindi.
Ilang segundo pa at narating din nila ang hagdan. Bago bumaba ay bahagya pa siyang natigilan nang mapansin na split staircase ang disenyo ng pagkakagawa ng hagdan. Pinagmasdan niya ang kasalunta na hagdan. Malawak na ang binaybay nila kaninang pasilyo kaya tiyak na mas malawak pa sa inaakala niya ang bahay na pinagdalahan sa kaniya.
Habang naglalakad pababa ay palihim niyang iginala ang tingin sa paligid. Ang mahabang hagdan ay napaka-elegante nang pagkakagawa. Ang mga mwebles at kasangkapan na nasa living room ay halatang mamahalin at piniling mabuti.
Kahit ang malaki at nagliliwanag na chandelier sa gitna ng bahay ay naka-prestihiyoso ng dating. Pamilyar sa kaniya ang ganitong imahe… imahe ng kahapon.
Imahe ng dati niyang tahanan.
Lihim na naipilig ni Eila ang ulo upang palisin ang lahat ng isipin.
Tumungo sila sa kusina kung saan nadatnan nila ang mahabang dining table. May mga candelabra at bulaklak sa ibabaw ng mahabang mesa na nalalatagan ng kulay pula at puting tela.
Sa paglapit nila sa mesa napagtanto niyang ang tangi lang buhay na kandila ay ang nasa dulong bahagi kung saan nakaupo si Logan.
Lihim na napalunok si Eila nang makita ang lalaki. Nagsisimula na naman siyang kabahan nang mapagmasdan ito. Naalis na nito ang suot na coat kanina. Sa ngayon ay naka-white long sleeve ito na ang dulo ng manggas ay nakatupi hanggang sa may siko. Medyo gulo ang buhok nito pero hindi nakabawas iyon sa kagwapuhan nito, bagkus tila mas napakagwapo nitong tingnan. Para siyang modelo sa isang magazine. He looked rough and dangerous, but in a gorgeous way.
“Good thing you're here.” Tumayo mula sa pagkakaupo si Logan nang makita siya.
“Hmmm...” Tumigil siya sa paghakbang dalawang upuan mula rito. Gusto niya nang umalis pero hindi alam kung anong dapat sabihin. Ayaw naman niyang maging bastos rito.
“Maupo ka,” paanyaya ni Logan sa kaniya sabay mwestra ng upuan sa kanan nito. “Nagpahanda ako ng agahan.”
Sa hapag ay isa-isang inihahain ng kasambahay ang mga pagkain. Tatlo lang sila sa silid pero nakakapagtakang napakarami ng pagkain.
Hinila ng lalaking sumundo sa kaniya sa silid ang upuan bago sinulyapan siya. Hindi nito kailangang magsalita para maunawaan kung anong ibig sabihin nito.
Binalingan niya si Logan bago tumingin sa mga pagkaing nakahain sa mesa. Marahil tuluyan na ngang lumipas ang takot na nararamdaman niya mula sa nangyari kagabi dahil nakakadama na siya ng gutom.
Gusto niya na lang magpakabusog ngayon subalit wala ng oras si Eila sa mga ganitong bagay.
“Kung okay lang sa’yo, uuwi na ako. Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin.”
Naikiling ni Logan ang ulo dahil sa sinabi niya. Nagsalubong pa ang dalawang kilay nito dala nang pagtataka. Sinenyasan nito ang lalaking sumundo sa kaniya. Tumango ang lalaki at walang salitang iniwan silang dalawa. Nang maiwan sila at tsaka nagsalita si Logan.
“You can go home after you eat.” Logan way of speaking reminded her of Easton Montenegro, her father. It was conditional and firm.
Pinalis niya sa isip ang ama.
Umiling-iling siya. “Hindi na kailangan. Sobra nang abala itong nagawa ko. Hindi ko na alam kung paano pa kita pasasalamatan.”
“If you’re really thankful, please sabayan mo ako.”
She blinked. That’s not the response she was expecting. “Pero…”
“Ipapahatid kita pauwi. At isa pa…” Inilapag nito sa ibabaw ng mesa ang cellphone niya.
“Ang aking cellphone!” bulalas niya sabay lapit rito para kuhanin ang aparato sa ibabaw ng mesa.
“Nakita namin iyan sa damuhan kaso sira na."
“Sira na?” pag-uulit niya sa sinabi nito.
May malaking basag na nga ang screen ng cellphone. Marahil napabagsak iyon habang nagpipilit siyang tumakas sa mga lalaki kagabi. Sa sobra niyang takot at pagkataranta, hindi na rin niya naisipang tawagan ang kaniyang Tita Gen kahit alam niyang matutulungan siya nito.
“I don’t think magagamit mo pa iyan.”
Ngumiti siya. “We’ll see.”
“Siguro mas makakabuti kung mauupo ka muna habang tinitingnan mo kung maaayos mo pa ang cellphone mo.”
Salitan niyang tiningnan si Logan na nananatiling nakatayo at ang upuan kung saan siya pinauupo nito. Napakarami na niyang utang na loob rito. Iniligtas siya nito, binihisan, ibinalik ang gamit niya at ngayon naman ay pinakakain siya. Kabastusan na kung magpipilit siyang umalis na.
“Maraming salamat,” aniya sa mahinang tinig bago inukopa ang upuan.
Umupo na rin si Logan. “Mabuti pa ay kumain ka muna para mabawi mo ang lakas mo. May masakit pa ba sa’yo?”
“Wala na naman. Salamat.”
“Kanina ka pa nagpapasalamat. I’m asking you to eat but you’re not eating anything.” Iniabot nito sa kaniya ang plato na may lamang sandwich. Tiningnan niya iyon pero hindi kinuha. “Or do you want rice?”
Lumipat ang mga mata ni Eila sa mukha ni Logan. He seemed cold and rough, yet the way he treated him made him a gentleman. She felt special in some way.
“Hey…”
Eila blinked rapidly as her mind pushed the thought of Logan being a gentleman. “Oh, I’m sorry. I-iyang sandwich na lang. Salamat.” Hindi magkandatutong aniya habang inaabot ang plato mula sa binata. Nilagyan niya ang pinggan ng sandwich kahit hindi siya sigurado kung makakakain siya ng maayos.
“Bubuksan ko lang muna ang cellphone ko. Baka hinahanap na ako.”
“Sure,” tugon ni Logan habang hinahalo ang kapeng nasa harapan.
Muling kinuha ni Eila ang cellphone at sinubukang buhayin. Hindi talaga siya sigurado kung gumagana pa ang cellphone niya pero dahil wala naman siyang ibang maiipalit roon ay minabuti niyang piliting buhayin iyon.
“Do you think gagana pa iyan?” pag-uusisa ni Logan.
“Siguro nam—nabuhay siya! Nabuhay pa!” Napalakas ang pagkakasabi niya na sinabayan pa niya nang isang matinis na irit. “May magagamit pa ako.” Sinulyapan niya si Logan na pinapanood siya habang sumisimsim ng kape. Bahagya siyang nakadama ng hiya nang ma-realize kung paano siya kumilos. “Sorry.”
Umupo ng ayos si Eila at ibinalik ang mga mata sa cellphone. Pilit niyang pinipigil ang excitement na nararamdaman.
“Bakit kailangan mong mag-sorry? You can act the way you want.”
Isang tipid na ngiti lang ang itinugon niya rito. His thoughtful words were messing inside her head.
Nang tuluyan niyang mabuhay ang cellphone, bahagya siyang nakadama ng dismaya nang mapagtantong ang sulok ng cellphone ay nagkulay itim. Gumagana pa ang cellphone at nakikita pa niya ang malaking bahagi ng screen pero ang bahagi kung saan may nagkulay itim ay hindi niya makita.
“It’s broken.”
Kagyat na naitago ni Eila ang cellphone sa kandungan nang marinig na nagsalita si Logan. “Magagamit pa naman siya.” May tabinging ngiti na bulong niya.
“Do you think so?”
Tumango-tango siya. “Hindi naman ako palagamit ng cellphone.”
“I see.” Muling sumimsim si Logan ng kape habang nakatingin sa ibabaw ng mesa. “Mabuti pa’y kumain ka na at ipapahatid na kita sa bahay mo.”
“Salamat pero hindi mo na talaga kailangang mag-abala pa. Utang na loob ko na iniligtas ninyo ako. Pinahiram mo pa ako ng damit at sapatos, at ngayon ay pinakakain mo pa ako. Just tell me the wa—"
“Tinulungan na kita kaya lulubusin ko na. Isa pa, wala akong balak pabayaan kang lumabas ng ganitong oras. Mag-uumaga na pero madilim pa sa labas.”
Tama ito. Alas-singko na ng umaga pero sobrang dilim pa rin sa labas. Tila ba napakatagal ng gabi.
“Kung ganoon,” simula ni Eila habang may matamis na ngiti sa labi. “Ipagbe-bake na lang kita ng cookies or cupcakes bilang pasasalamat. Wala akong kahit anong maiibigay sa’yo bilang pasasalamat maliban sa mga cookies at cupcakes.”
“Do what makes you happy.”
Determinadong tumango si Eila na may malawak na ngiti sa labi. Hindi alintana ang pagbabago ng kislap ng mga mata ni Logan habang nakatitig sa kaniya.
*****
ShimmersErisJane