Malayo na ang kotseng naghatid kay Eila sa kaniyang bahay ay nananatili siyang nakatayo sa loob ng terrace. Ilang segundo siyang nasa ganoong posisyon hanggang nanghihinang napaupo sa upuan. Ngayong nakauwi na siya, tsaka pa lang nagsi-sink sa isip niya ang mga nangyari.
Muntik na naman siyang mapahamak. Napakapalad lang niya't may nagligtas sa kaniya.
Ilang minuto pa ang dumaa't pumasok na siya sa loob ng bahay. Dumiretso siya sa loob ng kwarto niya't nahiga sa kaniyang kama. Wala naman siyang ginawa maliban sa kumain at makipag-usap kay Logan, pero tila hinang-hina ang katawan niya.
Ipinikit niya ang mga mata't unang sumalimbay sa isip niya ay ang imahe ng binata. Kanina habang kausap niya ang binata, tila kabaligtaran ng sinasabi ng kaniyang Tita Gen ang lalaki. Mukha man itong nakakatakot at nakaka-intimidate, natakluban iyon ng pagiging gentleman nito.
Iiling-iling na lang na niyakap niya ang unan at hinayaan ang sariling anurin ng kung ano-anong isipin.
*****
Makalipas ang ilang oras, naalimpungatan si Eila sa sunod-sunod na pagtunog ng kaniyang cellphone. Pupungas-pungas na bumangon siya at inabot ang cellphone mula sa mesa. Bago siya tuluyang makatulog kanina ay nag-charge siya ng cellphone. Nang matitigan niya ang cellphone, napakagat-labi siya nang makita ang sira ng aparato. May ipon na siya pero nakalaan iyon sa iba. Mahaba-haba pang ipunan bago siya makabili ng bagong cellphone.
Binuksan niya ang cellphone para tingnan kung sino ang mga nag-message. Unang lumabas ay ang mensahe ng kaniyang Tita Gen. Napakamot siya sa batok nang makita ang sunod-sunod na mensahe nito.
‘Eila, ‘wag nang lalabas ng bahay.’
‘Maaga ka bang natulog?’
‘Message me kapag nagising ka na.’
‘It’s already 6 o’clock in the morning, hindi ka pa rin nagre-reply.’
‘May sakit ka ba? I’ll send someone there.’
Marami pa itong messages pero bago niya basahin ang iba pa'y nag-reply na siya. ‘Sorry, Tita Gen. Napasarap po tulog ko tapos na-lowbat cellphone ko kaya ngayon lang ako nakapag-message.’
Ilang beses niyang binasa ang mensahe bago pinindot ang send. Hindi naman siya nagsinungaling sa sinabi. Ngayon lang uli siya nagising. Lowbat rin cp niya kanina. Ang hindi lang niya sinabi'y kung anong nangyari sa kaniya kagabi. Tiyak na mag-aalala ito kapag nalaman ang nangyari. Kapag nagkataon, mawawalan siya ng dahilan para tumangging manirahan sa mga Oliviera.
Napabuntonghininga na lang siya habang sunod na binubuksan ang mga mensahe ni Lyza. Habang binabasa ang mga messages nito'y tsaka lang pumasok sa isip niya ang cake na ipinapagawa nito.
Napatingin siya sa orasan. It’s already 8:30 in the morning.
“Oh God!” bulalas niya sabay tampal sa noo.
‘Eila, na-bake mo ang cake?’
‘Sarapan mo ha! 😊’
‘Send pic while doing the batter and the icing… Thank you…’
‘Eila, why are you not replying? Busy ka ba? Sinisimulan mo na ba? Hehe’
Lyza knew how she worked. Alam nitong kagabi o kaninang madaling-araw pa siya magpapasimulang gumawa. Tambak na ng message nito simula pa kagabi hanggang ngayon at parang pinipiga ang dibdib niya habang nagbabasa.
‘Eila, need ko ang cake by 8 ‘clock. 'Wag mong kakalimutan. Please, reply back. Muwahhh…’ Message ito noong alas-dose ng madaling-araw na nasundan pa simula alas-kwatro ng umaga. May mga missed calls at voice message pa na halos mangiyak-ngiyak na ito.
‘Bakit hindi ka nagse-seen? Okay ka lang ba?’
‘Eilaaaaa… Seen ka, please. Answer my call.’
‘Gagawin mo ba ang cake? It’s already 5. Sabihin mo naman sa akin kung hindi.’
‘Darating na ang mga bisita nina mommy at daddy. They are expecting it. Don’t disappoint me.’
‘Andito na sila. Galit na si mommy sa’kin. Bakit mo naman ginawa ito? Sana sinabi mo na lang na hindi mo magagawa.’
Wala sa loob na naisabunot niya ang daliri sa buhok. Nawala na rin sa isip niya ang cake nito dahil sa nangyari. Nagsimula siyang mag-type. “Sorry, Lyza. Something went up kagabi. Bumili ako ng kulang kong ingredients pero may mga lalaking big—”
Umiling-iling si Eila. Kapag sinabi niya kay Lyza ang nangyari kagabi baka makarating pa sa kaniyang Tita Gen iyon. She didn’t want to take the risk. She breathed in and deleted the message she typed. Then typed again, “I’m really sorry, Lyza. Magbe-bake sana ako kagabi pero sumama ang pakiramdam ko. Hindi ko talaga kinaya kaya hindi ko magawang mag-reply. I’m really sorry.”
Matapos mai-send ang message ay naghintay siya ng ilang minuto sa reply ni Lyza subalit wala siyang nakuha. Natapos na ang araw, wala siyang nakuhang reply mula rito.
A pang of pain crawled inside her chest. Lyza was her only friend. Hindi niya matitiis na galit ito sa kaniya.
*****
Eila always began her Monday morning with full smiles and so much sweetness. Bitbit ang isang box ng bagong bake na orange roll, dumiretso siya sa office ng kaniyang Tita Gen. Maaga pa kaya kokonti pa lang ang tao. Pumasok siya sa loob at iniwan ang box sa ibabaw ng table ng office nito.
Pagkalabas niya ng office ay bumalik siya sa bench kung saan tiyak na makikita niya kaagad si Lyza. Six-fifteen pa lang naman. Madalas ay dumarating ito ng six-thirty.
Simula noong Sabado ay hindi nito sinasagot ang messages at tawag niya. Alam niyang malaki ang tampo nito sa kaniya at nauunawaan naman niya ito.
Pero hindi niya hawak ang sitwasyon.
Tumindi ang inis niya sa mga lalaking muntik nang manakit sa kaniya. Gusto talaga niya silang ihabla pero gagawa iyon ng issue kaya nang sabihin ni Logan sa kaniya na ang ito na ang bahala sa mga lalaki, sumang-ayon na lang siya kahit hindi niya alam kung anong kahulugan ng bahala nito.
Thinking of Logan, kagabi pa niya iniisip kung anong babagay na ibigay rito o kung paano ito makikita para pasalamatan muli. Hindi naman niya maaaring tanungin ang kaniyang Tita Gen dahil tiyak na magdududa ito.
“Good morning, Eila.”
Napalingon si Eila sa nagsalita. Kaagad na sumilay ang ngiti niya sa labi. “Good morning, Mang Jun.” Tumayo siya't hinintay makalapit ito. “Buti at nakita ko po kayo dito.”
“Bakit? May kailangan ka ba?”
Umiling-iling siya. “Wala naman po pero may ibibigay po ako.” Kinuha niya ang tub na nakapatong sa bench. “Para po sa inyo.”
“Aba't may dala ka na naman pala.”
“Opo.”
“Dapat hindi ka nag-abala pa. Pagkain mo na ito o kaya'y pambenta.” Binuksan ni Mang Jun ang tab at sinilip ang laman. “Mukha pang sosyal ang mga gawa mo.”
Napahagikhik siya. “Binola ninyo na naman po ako. Isipin ninyo na lang po na pasasalamat ko po iyan dahil marami na akong nakukuhang bunga ng mga gulay.”
“Nakapag-harvest ka na ba?”
“Marami na po! Nakapanguha na ako ng mga talong at okra kahapon. Mamayang hapon ay titingnan ko naman po ‘yung mga mustasa't lettuce.”
“Magaling kung ganoon. Makakatipid ka na'y sigurado pang masustansiya ang kinakain mo.”
“Salamat po sa in—”
“Kaya naman pala napakarumi ng paligid ngayon.”
Sabay na napukaw ang atensiyon nina Eila at Mang Jun nang nagsalita. Nakatayo malapit sa kanila si Ebony Hatchett. Nakatayo sa tabi nito ang kaibigang sina Darcy at Carmella. Lahat sila ay hindi naka-uniporme bagkus ay nakasuot ng kulay purple na mga damit. At gaya ng dapat asahan, kahit color coding sila, dapat pinakaangat ang suot ni Ebony. Masasabi niyang pinakamaganda naman nga ito sa grupo lalo na suot nitong puff-sleeve purple chiffon dress. Hindi nga lang siya mukhang papasok kundi parang a-attend ng party.
At kung gaano ito kaganda, siya namang kabaligtaran ng ugali nito.
“Hindi ba dapat naglilinis kayo kesa nakatayo lang kayo diyan?” saad pa ni Ebony.
“Duh, sayang ang ibinabayad sa inyo,” sabat ni Darcy.
“Dumadagdag pa sila sa kalat sa paligid,” wika naman ni Carmella sabay bagsak ng hawak na pinag-inuman ng kape. Taas-noo pa siyang tiningnan nito.
“Hindi mo ba nakikita na bawal magtapon rito?” Pasimple niyang ikiniling ang ulo patungo sa direksyon ng paskil na, ‘No Littering.’
“So? Ano bang ginagawa ninyo diyan? Hindi ba’t trabaho ninyo naman iyan?” mataray na wika ni Ebony.
“Sumosobr—”
“Hayaan mo na, Eila. Lilimutin ko na lang,” pigil sa kaniya ni Mang Jun na akmang lalapitan ang ibinagsak na lalagyan ni Carmella pero kaagad niyang pinigilan ito sa braso.
“Oh my gosh! So ewww… She touched him.” Sabay-sabay na irit ng tatlo. Halos napalingon sa kanila ang iba pang estudyante. “See that? I told you, mag-tatay talaga sila.” Mas lalong nag-inarte pa si Ebony.
Nag-iinit ang bait niya. Gusto niya itong sabunutan pero pinigilan niya ang sarili. Hindi siya magpapakababa sa level nito.
“Ano naman ngayon?” Taas-noo siyang humakbang palapit sa mga ito pagkabitaw kay Mang Jun. “Does it make you happy when you belittle someone? Does it make you even prettier and smarter?” Umangat ang sulok ng labi niya. “Well, it’s not. because it makes you look disgusting.”
“Ang kapal mo rin naman, ano?”
“Hindi kaya mas makapal ang mukha mo?”
Natigilan si Eila at ang iba pa nang malalaki ang hakbang na lumapit sa kanila si Lyza. “Lyza?”
“Just admit it, hindi naman dumadagdag sa mga pagmumukha ninyo ang panlalait na ginagawa ninyo. Kung meron man rito na kailangang linisin si Mang Jun, kayo ‘yun. Mga basura ng lipunan.”
Sinupil ni Eila ang ngiti sa labi dahil sa sinabi ni Lyza. One thing she loved about Luza, she’s strong to hold ground for others, especially for her. Wala itong pakialam sa sinasabi ng iba't sasabihin nito kahit ang pinakamasamang salita na alam niya.
“What?” Minulagaan pa ang mga ito ni Lyza. “Bumabaho ang paligid, so just go!”
“Heck!” Pinipigilan na lang ni Ebony na mag-hestirikal. Pasimple itong lumingon sa paligid at nang mapansin na marami nang nakatingin sa kanila ay nagdadabog itong naglakad palayo kasunod ang mga mala-giraffe ang leeg na mga kaibigan nito.
“You know what, minsan naiinis na ako sa mga kulay kapag nakikita ko ang suot nila. Daig pa nila ang mga M&M’s na hindi tinanggap sa lalagyan.”
Natatawang pinanood niya ang pagra-rant ng kaibigan. Hindi pa ito natatapos magsalita'y niyakap niya na ito. “Thank you…”
Ramdam niyang natigilan ito dahil sa ginawa niya. Gumanti ito ng yakap bago pabirong nagsalita, “Girl, baka mapagkamalan tayong fan ng GL.”
Natatawa pa ring humiwalay siya rito. “Sira.”
“Just saying.”
“Salamat.”
“Sus, wala iyon. Alam kong kahit hindi ako dumating ay kayang-kaya mo sila. Hindi ba, Mang Jun?” Nilingon ni Lyza ang janitor sabay kindat.
“Opo, Miss. Napakatapang na'y napakagaling pang mag-Ingles.”
“That’s true.”
“Mabuti pa’y maiwan ko na po kayo. Maraming salamat kanina at para rito, Eila.”
“Sige po, Mang Jun. Salamat rin.”
Nagpaalam na ang matandang lalaki. Nang maiwan sila ay inabot niya ang isang medium-sized na tub kay Lyza. “Peace offering ko ito. I’m really sorry at hindi kita napag-bake.”
Malungkot na ngumiti si Lyza. “Aminado akong nagtampo ako. Galit na galit si mommy sa akin pero sa huli na-realize kong hindi mo naman ginusto ang nangyari. Sorry rin.”
“Tapos na iyon. So… okay na tayo?”
“Kung sasamahan mo akong kumain nito mamaya, bakit hindi?”
“Sure!”
“Pwede ko na bang tikman?”
Humalakhak siya. “Of course!”
Excited na binuksan ni Lyza ang tub. Pagkabukas pa lang ay amoy na nila ang mabangong aroma ng tinapay.
“Orange rolls! Thank you!”
Masayang pinagmasdan ni Eila ang kaibigan na excited kumuha ng roll. Mapalad siya na nakatagpo ng kaibigang gaya ni Lyza. Sana magtagal pa ang kanilang samahan.
*****
ShimmersErisJane