Chapter 4

2105 Words
“KAILANGAN ba talagang sumama pa ako sa inyo? Diba dapat kayong dalawa lang ang lalabas ngayon? Bakit isasama niyo pa ako?” magkakasunod na tanong ni Sayon kay Aira habang binibistahan nito ang suot niyang damit. Nasa harap sila ng isang full-length mirror sa loob ng kanyang silid. Nameywang ito. “I think kailangan mong palitan ‘yang suot mo.” Sa halip ay sabi nito saka tinungo ang closet niya. Hindi sinagot ang tanong niya. Tinatamad na naitirik niya ang mga mata. “Aira! Ayos na sa akin ito. Tinatamad na akong maghalungkat. Okay na ito. Maganda na ito.” aniyang binistahan ang sariling repleksiyon sa salamin. Isang puting turtle neck at sleeveless na cotton ang pang-itaas niya at fitted na maong jeans sa baba. Flats na sneaker shoes ang suot niya sa paa. “Hindi na ako magpapalit. Kumportable na ako sa suot ko.” Dugtong niya. Umalis siya sa harap ng salamin at kinuha ang kulay kremang denim jacket sa ibabaw ng kanyang kama. Isinuot niya ito. “Hindi mo sinasagot ang tanong ko.” “Mas okay iyan.” Anito ng maisuot niya ang jacket at itinuro pa ang suot niya. Dinampot na nito ang purse na nasa ibabaw din ng kanyang kama. “Gusto ko lang mag-enjoy kasama ka ngayong gabi. Ayaw mo bang makasama ako ngayong birthday ko?” paglalambing nito. Iningusan niya ito. “Magda-drama ka pa riyan. If I know, may modus nanaman kayo ng jowa mo sa akin.” “You got it!” humagikhik ito. “Kaya tara na. Kanina pa naghihintay si jowa ko sa labas.” Tinungo na nito ang pinto at binuksan iyon. “Bilisan mo riyan!” pahabol pa nito at nagpatiuna ng lumabas. Isang sulyap pa sa salamin at nang makuntento sa sarili ay sumunod na siya sa kaibigan. Iyon ang unang gabing lalabas ulit siya pagkatapos ng anim na buwan – pagkatapos niyang ma-broken hearted for the third time. Nasa daan na sila – sakay ng magarang kotse ni Jacob dahil mula rin sa mayamang angkan ang binata - ng maalala niyang magtanong kung saan ang punta nila sa gabing iyon. Kaarawan ni Aira at hindi ito pumayag na hindi siya sumama sa mga ito kahit na dapat ay date ng dalawa ang mangyayari. Si Jacob ang sumagot. Sa isang bar daw ang tungo nila na pag-aari ng pinsan nito. Halos abutin sila ng isang oras sa daan dahil sa traffic bago humimpil ang kotse ni Jacob sa tapat ng may isang kalakihang bar sa bahaging iyon ng Quezon City. Sabay-sabay silang bumaba ng sasakyan. Halata sa lugar na maraming tao ng gabing iyon dahil maraming sasakyan ang nakahilera sa tapat ng bar. Maluwang ang parking lot at puno sa gabing iyon. Bukod doon ay medyo dinig niya ang malakas na tugtog na nagmumula sa loob. Iyon ang unang beses niya sa lugar na iyon. Pagpasok nila sa loob ay may mga bumati kaagad kay Jacob na mga parokyano sa bar. Mukhang kilala roon ang lalaki. Maging ang mga guwardiya roon ay kilala rin ang binata. Nagkatinginan sila ni Aira. Pareho silang nakasunod sa binata habang magkahawak-kamay ang dalawa. Siya naman ay hindi humihiwalay sa kaibigan. Bumulong ito sa kanya na hindi na niya masyadong maintindihan dahil kalat na sa buong paligid ang malakas na indak ng musika. Naglakad sila sa loob habang iginigiya sila ni Jacob sa magiging mesa nila. Napatingin siya sa gitna kung saan naroon ang dancefloor. Ilang mga babae roon ay maharot ang pagsasayaw at hindi niya naiwasang mapangiwi dahil hindi niya kayang gawin ang nakikita sa mga ito. Ni hindi niya kayang isuot ang pa-backless effect at luwa ang cleavage na kasuotan ng mga ito. Nakatutok ang atensiyon niya sa mga iyon ng maramdaman niya ang kamay ng kaibigan na humila sa kanyang kamay. Nakipagsiksikan sila sa mga taong naroon at sa wakas ay narating nila ang isang VIP area. Couch ang upuan doon at maaring makaupo ang humigit-kumulang walong katao. “Pinsan mo kamo ang may-ari ng bar na ito?” hindi niya napigilang itanong kay Jacob ng makaupo na sila. Pareho pa silang parang nakahinga ng maluwag ni Aira pagkatapos nilang makipagsisikan sa mga tao. Sabay rin silang nagpapalinga-linga sa paligid. Pareho sila ni Aira na bihirang makapasok sa ganitong klaseng lugar. Hindi kasi sila socialite at simple lamang ang alam nilang pamumuhay. Hindi naman sila mahirap pero hindi naman niya masasabing mayaman sila. Hindi lang nila trip pumunta sa ganitong lugar. Tumango ang binata. “Yes!” Malakas nitong sagot. “He’s the sole owner.” Dugtong nito. Napatango-tango siya saka muling iginala ang tingin sa paligid. “Malakas huh.” Komento niya. Ibig niyang sabihin ay malakas ang kita ng bar dahil maraming taong naroon. Ibig sabihin ay sikat ang bar na iyon. Dumating ang isang waiter at bumati kay Jacob pagkatapos ay sa kanila saka nito tinanong ang kanilang mga order. Kaya pala kilala roon ang nobyo ni Aira ay dahil pinsan nito ang may-ari. Nasisigurado na niyang madalas ding nagpupunta roon ang binata. “Ladies, what would you like to drink?” Tanong sa kanila ni Jacob. Ito ang nakipag-usap sa waiter. Nagkatingin sila ng kaibigan at parehong nagkibit-balikat. “Kung ano kay Aira, ‘yun na rin sa akin.” Aniya. Binalingan naman ng kaibigan niya ang binata at sinabi ang order nila. Kinausap ni Jacob ang waiter at sinabi ang mga order nila. Eksaktong kakaalis ng waiter ng may sumulpot na isang lalake sa mesa nila. Matangkad ito at maganda ang hubog ng katawan – iyon ay base sa nakikita niyang pagkakahapit ng katawan nito sa suot nitong mapusyaw na asul na long sleeves polo na itiniklop hanggang siko at maong na pantalon. Bagamat maskulado ay hindi malaking-malaki ang katawan nito. Hindi nalalayo sa katawan ni Jacob at hindi rin nalalayo sa taas nito. Tumayo si Jacob at nagkamay ang dalawa. Kaagad niyang napansin ang ruggedly-handsome look nito. May hawig ito kay Jacob bagamat mas pormal lang tingnan ang nobyo ng kaibigan niya. Napansin din niya ang buhok nitong marahil ay aabot hanggang balikat na nakapusod. “Hey bro!” nagbatian ang dalawa habang sila ni Aira ay nakasunod ang tingin sa mga ito. Naramdaman niya ang pagsiko sa kanya ng kaibigan. Nang sulyapan niya ito ay inginuso nito ang lalaking bagong dating. Inilapit nito ang mukha at bumulong sa teynga niya. “Ang guwapo niya ha.” Pagpansin nito sa bagong dating. “Loko, marinig ka ng jowa mo.” Pabulong ding niyang usal. Tumaas ang isang sulok ng labi nito. “Loka. Hindi ko sinasabi para sa sarili ko ‘yun. Para sa’yo ‘yun.” Naitirik niya ang mga mata sa tinutumbok ng kaibigan. Hindi nalang siya sumagot. Inilayo ni Aira ang mukha sa kanya ng tumingin ang dalawang lalaki sa kanila. Napatumingala sila sa dalawang lalaki. “Noah, I want you to meet these two ladies.” Ani Jacob. Bumaling ito sa kaibigan niya. “Meet Aira. My girlfriend.” “Hi!” masiglang bumati rito si Aira. Nakipagkamay si Noah kay Aira na inabot naman ng kaibigan niya. “Nice to finally meet you, Aira. Totoo ang kumalat na balitang napakaganda mo. No wonder, hindi ka na pinakawalan nitong pinsan ko. And by the way, happy birthday.” Sandaling napatingin si Aira sa nobyo saka ibinalik ang tingin kay Noah. “Nice to meet you too, Noah. Hindi ko alam na may kumakalat na ganyang balita.” Anang kaibigan niya. Totoong maganda ang kanyang kaibigan. Kung tutuusin ay puwede itong sumali sa internation beauty pagent. “You have no idea how Jacob tell a story about you.” Matalinhagang pahayag ni Noah. Tumikhim lang si Aira at tumingin sa kanya habang si Jacob ay natawa. Pagkatapos ay siya naman ang ipinakilala. “And this is Sayon. Aira’s bestfriend. Girls, this is my cousin and the owner of this place, Noah Sebastian.” Doon bumaling si Noah sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. Nakipagkamay ito sa kanya. Napatingin siya sa mga kamay nila ng maramdaman niya ang mumunting elektrisidad na dumaloy sa balat niya. Nang mag-angat siya ng mukha ay siyang pagsasalubong din ng mga kilay niya. “Sayon right?” narinig niyang untag ng bagong kakilala. Salubong pa rin ang kilay na tumango-tango siya. Napatitig siya rito. Hindi niya napansin na medyo nawala ang pagkakangiti ni Noah dahil sa pagtitig na ginawa niya dito. “Hi Sayon! Nice meeting you.” Anito habang nagkakamay sila. Bahagyang tumabingi ang mukha ni Noah dahil nakatitig pa rin siya rito. Siniko siya ni Aira ng hindi siya sumagot. Saka lang niya napagtanto ang inaakto. Malakas siyang tumikhim siya at tumuwid ng upo. “Hi Noah. Maganda itong bar mo.” Pinakaswal niya ang tinig. Siya na ang bumitaw sa magkadaop nilang palad. Lihim niyang nasita ang sarili dahil sa iniakto. Asiwang tumawa si Noah. “I hope you guys enjoy your stay here. Ako ang bahala sa inyo dito. Order anything you want.” Nagpasalamat silang dalawang magkaibigan dito. Bumaling na ito kay Jacob at nag-usap ang dalawa. Habang siya ay nakasunod pa rin ang tingin sa lalaki. Muli niyang naramdaman ang pagsiko ni Aira. Bumaling siya sa kaibigan. “Hindi masyadong halatang gusto mo siya Say.” Wika nito. Nagsalubong ang mga kilay niya. “Huh?” Tumaas ang dalawang kilay nito. “O huwag mong i-deny. Kitang-kita riyan sa itsura mo dahil kanina ka pa nakatitig sa kanya.” Napasimangot siya. “Hindi ko siya gusto ano.” Aniyang muling sumulyap sa dalawang lalaking nag-uusap. Eksaktong tumingin din sa kanya si Noah. Para siyang napahiya ng magtama ang kanilang paningin. Nag-iwas siya ng tingin at muling bumaling kay Aira na ngayon ay nakakaloko ang pagkakangisi sa kanya. “Hindi?” tumikas ang isang kilay nito. Umiling siya. “Hindi. Hindi kagaya ng iniisip mo.” Minulagatan na siya nito. “E ano kung hindi kagaya ng iniisip ko?” Kumunot ang noo niya. “Parang pamilyar siya sa akin eh. Parang nakita ko na siya kung saan pero hindi ko lang maalala.” Aniyang muling hinagilap sa isip kung kailan niya nakita ang binata. Sigurado siyang nakita na niya ito pero hindi talaga niya maalala. Humalukipkip si Aira. “Baka naman sa magazine. Hindi malayong ma-feature sa isang magazine ang isang kagaya niya na nagmamay-ari ng ganitong klase ng bar. At tingnan mo naman ang itsura. Modelong-modelo ang peg.” Umiling siya. Sunod-sunod. Nag-iisip pa rin. “Hindi…” “O kaya naman, nasalubong mo kung saan. Hindi naman talaga kalimot-limot ang ganyang itsura. Kagaya ng hindi ko pagkalimot ng makita ko si Jacob.” Anitong kinilig ng maalala ang first encounter nito at ng kasintahan. Naitirik niya ang mga mata at umayos ng upo. “Hindi. Wala sa sinabi mo. Basta, nakita ko na siya.” At muling tumingin sa binata. Muling nagtama ang kanilang paningin. Sa pagkakataong iyon ay hindi siya nag-iwas ng mata. Lalo pa niya itong pinagmasdan. Saka naman ito nagpaalam sa kanila na may gagawin lang sandali pero babalik din kaagad. Pareho silang tumango ni Aira habang si Jacob ay tinabihan na ang kasintahan. Naging abala ang dalawa sa pag-uusap habang siya ay naging abala naman sa paghalungkat sa kanyang isip kung saan niya nakita si Noah. Kahit ang pangalan nito ay pamilyar sa kanya. Hindi siya matatahimik hanggat hindi nasasagot ang tanong sa kanyang isip. Noah… Wala siyang kilalang Noah ang pangalan pero parang narinig na niya kung saan ang pangalan nito – at hindi sa telebisyon o kung saan. Hanggang sa dumating ang kanilang order at magsimula silang magkasiyahan ay hindi pa rin tumitigil ang utak niya sa paghahagilap kung sino ba talaga si Noah. Nagsabi ang dalawang kasama na sasayaw pero wala siyang balak sumayaw kaya naiwan siya sa puwesto nila. Nakatitig siya sa ladies drink niya na nasa ibabaw ng mesa ng isang eksena ang biglang nag-flash back sa kanyang diwa mahigit isang buwan na ang nakakalipas. Ganoon nalang ang pagliwanag ng mukha niya ng maalala ang pangyayari. Napasinghap siya kasabay niyon ang pag-angat ng likod niya sa pagkakaupo at napapitik sa ere. Bahagya nalang niyang napansin ang ilang napatingin sa kanya sa naging aksyon niya. “Siya ‘yun! Sigurado akong siya ‘yun!” bulalas niya na tila may kausap. Tumango-tango pa siya. Sigurado siyang si Noah ang lalaking dinala niya sa ospital dahil nasaksak ito mahigit isang buwan na ang nakakaraan. Sisiguruhin niyang makumusta ang binata kapag bumalik ito sa mesa nila. Sa naisip ay mabilis niyang kinuha ang kanyang inumin at inisang lagok ang laman niyon. Nagkandaubo-ubo siya ng maramdaman ang paghagod ng alak sa kanyang lalamunan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD