5

1437 Words
Hatid Balisa ako nang makauwi ako sa bahay. Agad napansin iyon ni Tiya Elena kaya lumapit siya sa ‘kin at tinanong ako. “Okay ka lang ba, Hija?”May pag-alala sa boses niya. Umiling ako at umupo sa kawayan na upuan. Nanginginig pa rin ang aking kamay at hindi ko maiwasan ang kabahan lalo na’t siya nga ‘yon. Naalala ko rin ang sinabi niya sa ‘kin dati bago ako umalis sa puder niya. Na kukunin niya ang anak ko kapag nakaanak na ako at pipirmahan ko ang annulment paper. Pero inunahan ko na siya at umalis ng walang paalam. “Balisa ka…” Nilingon ko si Tiya na ngayon ay nakatingin sa akin. Ang kanyang mukha ay may pag-alala dahil sa naging kilos ko. “Si Amer?” Iyon agad ang unang tanong ko. Agad akong tumayo at naglakad patungo sa may pintuan ng kwarto namin. “Tulog na kakahintay. Kinuha ko siya mula kay Crisanta.” Mahina kong binuksan ang pinto at tinanaw ang anak ko na mahimbing ang tulog. Natatakot ako sa mga possibleng mangyari lalo na’t nandito si Harry. Hiling ko lang ay sana hindi na niya ako guguluhin dahil hindi ko ibibigay ang anak ko kahit kailan. Tsaka siguro ay may asawa na ito lalo na’t ilang taon na rin ang nakakalipas. Siguro may anak na rin kaya ‘wag na sana niyang pag-interesan ang anak ko. Namumuhay kami ng tahimik dito. Kinabukasan ay dumeretso na ako sa trabaho ko sa native restaurant malapit lang sa Kawasan falls. Ako ang taga-luto, kaming dalawa ni Tiya Elena. Ang iba naman ay sa isa pang restaurant na malapit lang din sa Lambug Beach. Kadalasan sa mga customers namin ay mga dayuhan. Mamahalin kasi ang mga pagkain dito pero masarap kaya dito kumakain ang mga galing at papunta pa lang sa falls. Minsan nga, may sikat din na artista na dumadayo. Ang iba ay vlogger pa at mga sikat sa social media. “Pinuri pala kagabi ng Mayor ang luto mo, Bea,” maligayang sambit ng manager namin nang nilapitan ako. Tipid akong ngumiti at nagpatuloy sa ginagawa. Ayaw ko nang maalala ang kagabi. Ang kanyang madilim na titig at ang kanyang nakakalusaw na tingin. ‘Hindi ka dapat magpapadala sa mga gano’n Bea, dahil ang katulad ni Harry ay ang mga walang kwentang lalaki at walang magawa kundi ang manakit ng damdamin.’ sambit sa aking isip. “Talaga ba?” manghang tanong ni Tiya sabay lingon sa akin. “Hindi ka man lang nagkwento sa ‘kin kagabi, hija! Mabuti at nagustuhan ng Mayor ang luto!” “Oo, Tita Els, hindi ko akalain na malaki na ang pinagbago nitong alaga mo sa pagluluto. Naalala ko pa rati na hindi pa siya masyado marunong!” Hindi ko na lang pinakinggan ang kanilang pag-uusap at nagpatuloy na lang sa ginagawa. “Bea, may lechon pa ba?” Tumingala ako galing sa pagyuko nang lumapit si Leo sa akin na ngayon ay nakahilig na ang siko sa counter habang ang kanyang mata ay nakatingin sa akin. Sinilip ko ang lalagyan at nakita ko na meron pa kaya tumango ako. “May bagong customer, gustong kumain ng lechon! ‘Yong special daw!” anito bago umalis sa harapan ko. Tumango ako at kumuha na ng pinggan para ilagay ang lechon doon. Nagtimpla rin ako ng sauce na original na gawa ko. Natutunan ko ito dahil paborito ng anak ko ang mga sauce na gawa ko. Siya kasi ang inspirasyon ko sa pagluluto. Mayamaya ay bumalik si Leo para kunin ang ino-order ng customer. Pero mayamaya ay bumalik si Leo na hinihingal dahil gusto raw ng juice. Binigay ko naman pero nagtaka ako nang bumalik muli si Leo, pagod na pagod na. Ano ba naman ‘yan? “Bea,” hinihingal nitong tawag sa akin. “Ikaw muna ang magbigay ng beef steak! Naiihi na ako!” Nilapag niya ang tray at nagmamadaling naglakad patungo sa CR. Bumuntonghininga ako at kinuha ang tray. Ako na mismo lumabas sa pinanggalingan ko habang may apron pa rin na nakapulot pa katawan ko. Busy rin kasi ang ibang waitress at waiter dahil marami ang customer. Tiningnan ko ang tray at may number ng table kaya agad ko itong hinanap. Nang makita ko na ay naglakad na ako patungo roon at nilapag ang beef steak na ino-order ng customer na ito. Nakita ko sa lamesa na may laman pa rin ang kanyang pinggan at hindi pa ginagalaw ang juice na kanina ay in-order niya. “Here is your beef steak, sir!” magalang kong sabi at bahagyang yumuko. Akmang maglalakad na sana ako pabalik sa counter nang magsalita ito na ikinatigas ko. Rumehistro ang kaba at takot sa buong mukha ko at nanginginig ang kamay kong nakahawak sa tray. “You’re here,” malamig n’yang sabi at ginalaw ang kutsara na nasa pinggan niya. Nang mag-angat siya ng tingin sa akin ay umiigting ang kanyang panga. Madilim ang kanyang tingin at parang nagpipigil siya. “Oo.” Nilakasan ko ang loob ko. “Narito nga ako.” Lumunok ako nang humalakhak siya. “Single m-mom?” Natatawa n’yang tanong at mas lalong pina-igting ang panga. Humugot ako ng malalim na hininga at nilingon siya. Medyo nagulat siya nang lumingon ako kaya muntik niyang mabitiwan ang kutsara na nasa kamay niya. “Kung wala na po kayong order, SIR, aalis na po ako. Hindi po ako ang waitress dito. Kung meron pa kayong gustong e-order, approach one of our waitress.” Nang matapos ko ‘yong sabihin ay naglakad na ako pabalik at naubusan na ng hininga. Ang puso ko ay bumibilis ang t***k at nagwawala pa. Ano ba ang ginagawa niya rito? At talagang dito pa? Sa malayong parte? Hindi ko mapigilan ang kabahan lalo na’t hindi kalayuan ang bahay namin ni Tiya Elena dito. “Sa lahat ng customer, si Mr. Pogi na masungit lang yata ang nagtagal dito.” Narinig kong bulong ng kasamahan ko habang may sinisilip. Dahil curious ako ay sumulyap din ako ng tingin at suminghap ako nang makita ko si Harry na nakaupo pa rin sa inuupuan niya kanina. Sumulyap ako sa orasan at nakita ko na alas kwatro na ng hapon. At narito pa rin siya? “Baka may hinihintay?” “Luh, ngayon ko pa ‘yan nakita rito, dayo ‘yan! Mukhang foreigner eh.” Dahil oras na ng time out ko ay kinuha ko na ang bag ko at sinablay sa balikat ko. Nauna na si Tiya Elena kasi hanggang alas dos lang naman siya rito at ako naman hanggang alas kwatro dahil may bago na namang papasok sa hapon hanggang gabi. Dumaan ako sa mini door at dumeretso na patungo sa labas. Hindi pa man ako nakarating sa tuktok ng exit ay nakita ko si Harry sa may parking lot, nakasandal at parang may hinihintay. Napalunok ako sa kaba. Kung ang pinunta niya rito ay komprontahin ako at sumbatan at babantaan na kunin niya sa ‘kin ang anak ko, hindi ko hahayaan na mangyari iyon. Tinapangan ko ang loob ko at nagpatuloy sa paglalakad. Napansin niya ang paglabas ko kaya umayos siya sa pagtayo at sinalubong ang lakad ko. Humigpit ang hawak ko sa bag ko at tumigil sa paglalakad. Huminga ako ng malalim at tiningnan siya. “Ano ang ginagawa mo rito?” tanong ko sa kanya na ngayon ay madilim na nakatingin sa akin. “K-Kung nandito ka para k-kunin ang anak ko…hindi ko hahayaan na mangyari ‘yon!” Salubong ang kilay nito at nakakunot ang noo pero nang marinig niya ang sinabi ko ay lumambot ang ekspresyon niya. Hindi ko rin hahayaan ang sarili ko na masaktan ulit. Tama lang din na ayaw niya sa ‘kin noon pa man, dahil na-realize ko na hindi ko kailangan ipilit ang sarili ko sa isang lalaking walang puso. “Uuwi ka na?” tanong niya at umamba pang lumapit pero umatras ako kaya tumigil siya umigting ang panga. Hindi ko sumagot at nag-iwas ng tingin. “Ihahatid kita,” aniya na siyang ikinagulat ko. Kunot-noo ko siyang tiningnan na ngayon ay naglalakad na sa kanyang kotse. Umiling ako at binilisan na lang ang lakad. Hindi ako magpapa-uto sa ‘yo. Kung ano man itong pinaplano mo at bigla kang bumait sa ‘kin, sigurado ko na may gusto kang kunin. Hindi ko pa rin makalimutan ang sakit na pinaranas niya sa ‘kin noon. Kung gaano ako naging desperada mahalin lang niya. At ngayon na nakaharap ko siya, naalala ko na naman ang katangahan ko sa kanya. Hindi na muli ako magpapauto sa ‘yo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD