Makalipas ang dalawang araw . . .
Masakit.
Napakislot si Isla, pilit na inililihis ang mukha mula sa matalim na sinag ng araw na tumama sa kanyang mga mata. Parang espada ang liwanag na pumutol sa kanyang katahimikan. Mabigat ang talukap ng kanyang mga mata, ngunit mas mabigat ang pakiramdam sa buong katawan niya—parang may humigop ng lahat ng lakas niya at iniwang walang-laman ang kanyang kaluluwa.
Unti-unti niyang inilibot ang kanyang paningin sa paligid.
Puting kisame. Puting dingding na may guhit ng kahoy. Hindi ito ang kwartong alam niya—walang poster ng paborito niyang banda, walang maliliit na libro sa tabi ng kama, at higit sa lahat, walang bakas ng sarili niya sa lugar na ito.
Pinilit niyang igalaw ang katawan. Dahan-dahan. Para siyang idinaraan sa alon—hindi niya alam kung nahihilo ba siya o umiikot talaga ang paligid. Niyakap niya ang sarili habang sinusubukang bumangon, kinukumbinsi ang sariling hindi siya tuluyang gugupo sa nararamdamang hilo at panghihina.
“Nasaan ba ako…?” bulong niya, halos hindi na marinig ng sarili. Ang boses niya'y tila dayuhan, tuyot at mahinang-mahina.
Ang silid ay parang kuhang-kuha mula sa isang magazine: minimalist pero elegante. Ang mga muwebles ay gawa sa de-kalidad na kahoy na animo’y pinakinis ng panahon at pagmamahal. Dalawang halaman ang maingat na nakaayos sa gilid ng mesa, ang mga dahon nito’y sumasayaw sa dampi ng hangin na pumapasok mula sa isang malawak na salaming bintana.
Sumilip siya roon. Sa labas, isang malawak na damuhan ang bumungad sa kanya—berdeng-berde, parang niyurakan ng mga diwata. Mga puno, malalaki at mayayabong, tila mga bantay ng paraiso. Tila ba nasa isang resort siya, at pinatotohanan iyon ng malamyos ngunit patuloy na ugong ng rumaragasang alon mula sa di-kalayuan.
Sinubukan niyang tumayo.
Ngunit—
Click.
Bumukas ang pinto, dahan-dahan, at isang pigura ang lumitaw mula sa labas.
Matthias.
Bumalik ang lahat—ang pagkalito, ang takot, ang eksena bago siya mawalan ng malay. Ang katawan niyang puno ng tensyon, ang huling paghinga bago siya tuluyang binitawan ng ulirat. Sinikap pa niyang labanan ang pagdilim ng paningin noon, pero wala rin siyang nagawa.
At ngayon, kahit gising na siya, para pa rin siyang hindi tunay na naroroon. Parang lantang gulay ang buong katawan niya—wala ni isang himaymay ng sigla. Nakatitig lang siya kay Matthias, habang ang alon sa labas ay patuloy na humahaplos sa katahimikan ng silid, na para bang sila’y nasa pagitan ng isang panaginip at katotohanan.
"Isla, you should’ve called me the moment you woke up."
Agad na lumapit si Matthias sa kanya, ang boses niya’y halatang may bahid ng pag-aalala. Napansin ni Isla ang maliit na kampana sa bedside table, may kasamang nakatiklop na papel. “I left a note... I asked you to ring the bell if you needed anything,” dagdag niya, at may bahagyang paninisi sa sarili ang kanyang tinig—tila ba kinukwestyon kung sapat ba ang mga inihanda niya para sa kanya.
Walang pag-aalinlangang hinaplos niya ang noo ni Isla, marahan, parang natatakot na baka masaktan siya sa kahit gaanong kaliit na galaw. Ilang segundo siyang hindi gumalaw, nakatitig lamang habang sinusuri kung may lagnat pa ito.
"Hindi ka na mainit," aniya, at sa wakas ay naupo sa gilid ng kama, ang balikat niya’y tila bahagyang bumagsak sa ginhawang nadama.
“Here,” bulong niya, halos parang pag-aalay, sabay abot ng basong tubig na kanina pa pala nakahanda sa mesa. "Drink this slowly, okay? No rush."
May kakaibang lambing sa boses niya. Hindi ito utos kundi paalala—maingat, maalaga.
Tahimik na tinanggap ni Isla ang baso at tumango. “Salamat. Nasaan ba tayo?”
Napangiti si Matthias, at sa ngiting iyon, may halong hiya at kaunting pag-aalinlangan. “I’d like to apologize for bringing you here without your permission,” aniya, tumayo na tila hindi mapakali at ipinasok ang dalawang kamay sa bulsa ng kanyang pantalon. “This place... this is Del Fuego’s haven. One of my father’s properties, not mine.”
Tahimik si Isla habang sinusundan siya ng tingin. Kahit pa wala sa porma, dama niya ang pinanggagalingan ng kanyang pag-aalala. May bigat sa likod ng kilos ni Matthias—parang hindi lang basta bisita ang turing niya sa kanya.
Napatingin siya nang mas matagal. Gaano man niya gustong hindi mapansin, hindi niya maitangging kaakit-akit si Matthias. Malinis, matikas, may sariling mundo sa likod ng mga mata. Halos kasing-tangkad ni Clay, ngunit ang presensya nito ay kabaligtaran—kalmado, ligtas, hindi mapaglaro.
Napasinghap si Isla. Biglang sumingit sa kanyang alaala si Clay. Ang sakit, muling sumiklab na parang sariwang sugat. Naalala niya ang babaeng kausap nito, ang katotohanang piniling hindi siya ipaglaban.
Walang babala, uminit ang gilid ng kanyang mga mata. Mabigat sa dibdib, parang may humigop ng hangin sa kanyang paligid.
Hindi na kinailangan ng salita. Agad na lumapit si Matthias, dahan-dahang inabot ang kanyang kamay at marahang hinaplos iyon. Mainit ang palad niya—totoo, totoo ang presensya niya.
"Hey..." bulong niya, at nang magtama ang kanilang mga mata, naroon ang lambing, ang pag-unawa. “What’s wrong?”
Walang sapilitan sa tanong, walang pagdududa. Para bang sinasabi nitong handa siyang makinig, kahit hindi pa buo ang mga salitang lalabas.
Kung siya lang sana ang nauna. Kung si Matthias lang sana ang nakilala niya bago pa ang lahat ng sakit. Baka ibang kuwento na ito.
"Wala ito," wika niya at huli na nang maramdaman niyang tumutulo na pala ang kanyang luha at agad naman itong pinunasan ng binata.
"Hindi kita pipilitin na sabihin sa akin kung ano ang nangyari sa 'yo noong araw na iyon. But I want to tell you that you are safe here," wika nito at tumango naman si Isla. "Do you want to go home?" dagdag pa nito at hindi naman malaman ni Isla kung ano ang isasagot sa katanungan nito.
"Ilang araw na ba ako rito?" tanong niya at tumanaw sa labas.
Napabuntong-hininga naman si Matthias. "You've been here for two days," sagot naman nito at nagulat naman si Isla sa kanyang narinig.
Dalawang araw na pala siyang nawawala. Hindi naman literal na nawawala siya ngunit sa mga oras na ito ay sigurado siyang nag-aalala na ang lahat sa kanya. Hinanap din ba siya ni Clay? Ano ang ginagawa nito sa mga oras na ito? Maraming mga katanungan ang tumatakabo sa kanyang isipan at tila nababasa naman itong lahat ng binata.
"I called your parents and they visited you here. Nag-aalala sila sa 'yo," wika naman ni Matthias at hindi naman makapaniwala si Isla sa ginawa ng binata.
Nahihiya siya sa pang-iistorbong ginawa niya rito. "Pasensya ka kung nakakaabala na ako sa 'yo. Don't worry uuwi na ako," wika niya at umiling naman ang binata.
Kung alam ng kanyang magulang kung nasaan siya ay paniguradong nakaabot na ito kay Clay ngunit bakit tila wala naman itong paramdam? Ano ba ang inaasahan niya rito? Ang kunin siya? Ang sunduin siya? Pagkatapos ng lahat ng kanyang mga narinig?
"Stay please... kailanman ay hindi ka naging abala sa akin. Kung gusto mong umuwi ay ako na ang maghahatid sa 'yo."
Tatayo na sana si Matthias nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa noon si Clay na tila nagtatagis ang mga bagang nang makita si Matthias. "What the hell did you do to my wife?" sigaw nito na halos dumagundong ang buong silid.
Hindi naman umimik si Matthias at pinagkatitigan lamang siya nito. Lumipat naman ang mga tingin ni Clay kay Isla na ngayon ay gulat na gulat sa kanyang presensya. Umiigting ang mga panga nitong naglakad patungo sa direksyon ni Isla.
"Tumayo ka riyan at uuwi na tayo," utos nito sa kanya at hindi naman makapaniwala si Isla sa tinuran nito sa kanya na animo ay may malaki siyang kasalanan. "Don't make me repeat myself again, Isla!" sigaw nito at pumisik naman si Isla sa pagsigaw sa kanya.
"Don't shout on her!" sigaw ni Matthias at dinambaan ng isang malakas na suntok ang mukha ni Clay.
Nawalan naman ng balanse si Clay at napaupo sa sahig dahil sa lakas nang pagkasuntok sa kanya. Ngunit bago pa man siya makatayo ay agad na umawat si Isla at tumayo kahit na masama pa ang kanyang pakiramdam.
"Tama na, Matthias. Uuwi na kami," wika niya at tinapunan ng tingin si Clay at nilagpasan.
Nagulat naman si Clay sa inasal ni Isla sa kanya ngunit agad din naman siyang tumayo at sumunod na parang isang ligaw na aso sa kanyang asawa.
Sinundan naman ng tingin ni Matthias ang paglabas ng dalawa hanggang sa lulan na nito ng sasakyan at mawala na sa kanyang paningin.