Gado POV
"MAGANDANG umaga." Bati ko sa mga kasambahay pagpasok sa malawak na kusina.
Sabay sabay naman napalingon sa akin ang apat na kasambahay na abala sa kanilang mga ginagawa. Ngumiti sila sa akin.
"Dumating ka na pala Gado." Ani Melinda. Ang pinakamatanda sa mga kasambahay at pinaka matagal ng naninilbihan kay Boss Wallace.
"Mag aalmusal ka na ba?" Tanong pa ni Melinda.
"Nag almusal na ako sa bahay Melinda. Magkakape na lang ako." Sabi ko at lumapit sa counter para magtimpla ng kape.
"Ako na ang magtitimpla ng kape mo Kuya Gado." Presinta ni Denden na ngiting ngiti. May hawak na syang tasa. Sya ang pinakabata at pinaka maliit pero cute naman. Hindi nga sya umabot sa kilikili ko.
"Hindi, ako na ang magtitimpla ng kape ni Gado." Presinta rin ni Ikang na yakap na ang coffe maker.
"Nauna akong magpresinta Ate Ikang."
"Eh ano naman? Mas matanda ako sa imo day."
Ngumuso si Denden. "Huu! Dinadaan mo naman ako sa edad Ate Ikang. Eh ano rin naman kung mas matanda ka? Nauna pa rin akong magpresinta kaya ako ang magtitimpla ng kape ni Kuya Gado." Hindi papatalong giit nya.
"Huwag mo ng ipilit day. Mas masarap akong magtempla ng kape."
"Mas masarap akong magtimpla."
"Matamis kang magtimpla day. Magkakadyabitis lang si Gado sa kape mo."
"Ikaw naman mapait magtimpla. Baka maging bitter pa si Kuya Gado kapag natikman ang kape mo."
Napakamot ako sa ulo dahil sa pagtatalo ng dalawa sa kung sino sa kanila ang magtitimpla ng kape ko.
"Huy ano ba kayong dalawa? Tumigil na nga kayo dyan. Hindi na kayo nahiya kay Gado." Saway ni Melinda sa dalawa na mga nakausli na ang mga nguso at umiirap sa isa't isa.
"Para wala ng away ako na lang ang magtitimpla ng kape ni Gado." Presinta rin ni Lorna na lumapit pa sa akin at ngiting ngiti habang pakurap kurap pa ng mga mata.
Ngumisi naman ako at umiling iling. "Hindi na, ako na ang magtitimpla. Ituloy nyo na ang mga ginagawa nyo. Baka maabutan pa kayo ni boss pagalitan pa kayo." Sabi ko.
Agad naman silang bumalik sa kanilang mga gawain. Malaya na akong makakapagtimpla ng kape. Sanay na ako sa pagpapacute ng tatlong kasambahay. Hinahayaan ko lang sila dahil naaaliw ako sa kakulitan nila at para ko na rin silang mga kapatid.
Kahit malaki na ang pinagbago ng ugali ni Boss Wallace mula ng maging asawa si Alona ay ilag pa rin ang mga kasambahay at mga tauhan sa kanya. Bagama't mahinahon na sya ngayon ay istrikto pa rin lalo na sa oras ng trabaho. Si Alona lang ang hindi ilag sa kanya dahil tiklop sya dun.
Humigop ako ng kape at lumapit sa plato na may lamang piniritong hotdog. Kumuha ako ng isa at kinagat.
"Si Boss at Alona bumaba na ba?" Tanong ko sa mga kasambahay.
"Ay oo, nasa garden sila at nagpapaaraw habang naglalakad." Sagot ni Melinda.
Tumango tango ako at sinubo na ang kalahati ng hotdog. "Balita ko nagkagulo raw kagabi?"
Tumawa naman ang mga kasambahay.
"Si ser kasi masyadong praning. Hindi pa naman pala manganganak si Alona tinakbo na sa hospital. Aligaga tuloy lahat kami." Wika ni Lorna na naghihimay ng sitaw.
"Nag aalala lang syempre si ser. Paano nga naman kung manganganak na. Lalo pa at kabuwanan na rin ngayon ni Alona." Ani Melinda.
"Kahit naman hindi pa kabuwanan ni Alona praneng na talaga ser." Sambit naman ni Ikang.
"Ganun kasi kamahal ni ser si Ate Alona. Kaunting sakit lang itatakbo na nya kaagad si Ate Alona sa hospital. Sanaol." Si Denden na nagpupunas ng mga bagong hugas na pinggan.
Nakinig na lang ako sa usapan ng mga kasambahay tungkol kay Boss Wallace at Alona habang inuubos ang kape.
Si Boss Wallace ay nag iisang anak ni Senyor Melchor na dating gobernador ng probinsya. May anak na sya sa una. Pero hindi sila kasal ng ina nito na nasawi sa isang aksidente kasama ang asawa ilang buwan pa lang ang nakakalipas. Likas na babaero si Boss Wallace noong hindi pa nya nakikila si Alona. Wala syang steady girlfriend pero maraming fling. Nagbago lang ang lahat ng makilala nya si Alona. Tinamaan talaga sya ng husto sa babae at agad nya itong pinakasalan. Mabait si Alona at pasensyosa. Sya na nga ang kinikilalang ina ng unang anak ni Boss Wallace na may special need. Maswerte si Boss Wallace at nakatagpo sya ng babaeng gaya ni Alona.
Napangisi ako at napailing. Inisang lagok ko na ang natitirang kape sa tasa. Nag excuse na ako sa mga kasambahay at lumabas na ng kusina. Dumiretso ako sa garden para magreport kay Boss Wallace para malaman nyang nakabalik na ako.
Naabutan kong alalay ni Boss Wallace si Alona sa paglalakad. Malaki na ang tiyan nito at mukhang anomang oras ay manganganak na. Ang unang anak naman ni Boss Wallace na si Wayne ay naglalaro sa garden. Bantay naman sya ng kanyang Yaya Doring.
"Sweetie baka pagod ka na. Pasok na tayo sa loob. Mataas na rin ang araw at mainit na."
"Mamaya na. Gusto ko pang maglalakad dito sa labas. Saka di pa naman ganun kainit."
"Baka sumakit na naman ang tiyan mo."
Ngumiti si Alona at inabot ang mukha ni Boss Wallace.
"Masyado kang nag aalala sa akin mahal."
"Tss. Ayoko lang maulit yung kagabi. Parang aatakehin na ako sa puso." Malambing na wika ni Boss Wallace.
Natawa si Alona. "Bawas bawasan mo na kasi ang kape mahal nagiging nerbyoso ka na. O baka naman sign of aging na yan."
Ngumisi si Boss Wallace. "Ah, sinasabi mo bang matanda na ako?"
"Hindi ko sinabi yan."
"Pero yun ang ibig mong ipakahulugan sweetie."
"Hindi kaya -- ay!" Tumili si Alona ng yakapin sya ni Boss Wallace sa likuran at sinibasib ng halik sa leeg.
Tumikhim ako ng malakas para kunin ang atensyon nila. Tumingin sa akin si Alona at namilog ang mga mata. Tinapik tapik nya ang mga braso ni Boss Wallace.
"Mahal si Gado nandito." Aniya at alanganing ngumiti sa akin habang pilit kumakawala sa yakap ni Boss Wallace.
Napangisi na lang ako. Ang agang pda.
Kunot noong nag angat naman ng mukha si Boss Wallace at tumingin sa akin. Sineryoso ko naman ang mukha.
"Good morning boss." Pormal na bati ko.
Ngumisi si Boss Wallace at bumitaw na ng yakap kay Alona at umakbay na lang.
"Nakabalik ka na pala Gado. Kanina ka pa?"
"Wala pang isang oras boss. Nagkape lang ako sa kusina."
"Good. May pupuntahan tayo mamaya."
Tumango ako at sinuksok ang dalawang kamay sa bulsa.
Tumaas naman ang kilay ni Alona. "Saan kayo pupunta ni Gado mahal?"
Ngumisi si Boss Wallace. "Secret sweetie."
Umusli ang nguso ni Alona at nagdududang tiningnan kami ni Boss Wallace. Napangisi na rin ako.
Natawa naman si Boss Wallace at dinampian ng halik si Alona sa buhok.
"Pupunta lang kami sa Pulang Bato sweetie. Bibisitahin ko lang ang bahay ni mama room na pinaparenovate ni papa."
Napangiti na si Alona. "Okay."
"May gusto ka bang ipabili para daanan na lang namin mamaya sa bayan pauwi?"
Saglit na nag isip si Alona at mayamaya ay nagliwanag ang kanyang mukha. "Gusto ko ng duhat. Daan ka kay Ka Densio mahal."
"Okay sweetie." Muling dinampian ni Boss Wallace ng halik sa buhok si Alona.
--
"SALAMAT ho sa duhat Ka Densio." Ani Boss Wallace ng ihatid kami ni Ka Densio sa labas ng gate nya na gawa sa kahoy.
"Walang anuman iho. Ikamusta mo na lang ako sa asawa mo." Mabait na sabi naman ng matanda.
"Oho. Maraming salamat ho ulit. Mauuna na ho kami." Paalam ni Boss Wallace.
"Sige mag iingat kayo." Sinarado na ni Ka Densio ang kahoy nyang gate.
Nauna ng sumakay si Boss Wallace sa likod ng sasakyan bitbit ang supot ng duhat. Umikot naman ako sa driver seat at si Elvis naman ay sumakay na sa front seat.
Pagkatapos naming pumunta sa Pulang Bato kanina ay dumiretso kami sa site sa kabilang bayan, pagkatapos ay sa opisina naman at ngayon ay pauwi na kami pero dumaan muna kami dito kay Ka Densio para manghingi ng duhat. May panungkit na ngayon si Ka Densio kaya hindi na kailangan ni Boss Wallace na umakyat gaya ng una.
"Kamusta ang dalawang araw na pahinga Gado?"
Sinulyapan ko si Boss Wallace sa rear view mirror. Prente syang nakaupo sa back seat.
"Ayos lang boss. Nakapahinga naman sa bukid." Sagot ko at tumingin sa kalsada.
"Don't tell me sa bukid ka lang naglagi?"
"Anihan na kasi ng gulay boss at tumulong ako sa pag aani."
Umiling iling si Boss Wallace at ngumisi. "Paano kang makakapag asawa nyan kung ibuburo mo ang sarili mo sa trabaho at bukid."
Ngumisi rin ako. "Sa araw lang naman ako naglalagi sa bukid boss. Sa gabi naman ay lumalabas ako para maglibang."
Tumawa si Boss Wallace. "Oh yeah I forgot di ka nga pala santo." Makahulugang sabi nya.
Napailing iling na lang ako habang nangingisi. Pati si Elvis na katabi ko sa front seat ay nakangisi rin.
Nitong mga nakaraang linggo ay madalas na rin akong buyuin ni Boss Wallace na mag asawa na. Pinagkikibit balikat ko na lang. Tadhana na lang ang magsasabi kung makakapag asawa pa ba ako o tatanda na lang mag isa.
Tumunog ang cellphone ni Boss Wallace. Dinukot nya ito sa bulsa ng suot na khaki pants at sinagot.
"Yes papa kasama ko si Gado."
Muli akong sumulyap sa kanya sa rear view mirror ng mabanggit nya ang pangalan ko. Tumingin din sya sa akin.
"Sige ho pa, didiretso kami dyan." Binaba na nya ang cellphone.
"May problema boss?" Agad kong tanong.
"I don't know. Pero pinapaderetso tayo ni papa sa mansion. Gusto ka raw nyang kausapin."
Tumango ako at bahagyang tinulinan ang takbo ng sasakyan. Makalipas ang mahigit sampung minuto ay nakarating na kami sa mansion ni Senyor Melchor. Sinalubong kami ng tatlong tauhan.
Pumasok na kami ni Boss Wallace sa loob ng mansion at naiwan naman sa labas si Elvis.
"Nasa library office ho ang senyor at hinihintay kayo." Sambit ni Manang Ditas ang mayordoma ng mansion.
"Salamat ho manang." Saad naman ni Boss Wallace at naglakad na papuntang library.
Tipid ko namang nginitian si Manang Ditas bilang pagbati saka sumunod kay Boss Wallace.
Sa loob ng library office ay hindi lang si Senyor Melchor at Senyora Jacinta ang naroon. Naroon din si Sir Delfin ang nakababatang kapatid ng senyora. Lumapit si Boss Wallace kay Sir Delfin at nagmano.
"Magandang hapon ho Senyor Melchor, Senyora Jacinta, Sir Delfin." Bati ko naman.
Nginitian ako ng senyor at senyora. Si Sir Delfin naman ay mataman lang akong tiningnan.
"Maupo ka Gado." Ani Senyor Melchor at minuwestra ang single couch. Umupo naman ako roon. Si Boss Wallace ay umupo naman sa tabi ng senyora.
"Bueno Delfin, kilala mo naman na si Gado. Limang taon syang nanilbihan sa akin bilang personal bodyguard ko at ngayon naman ay kay Wallace."
"Yes I know him kuya. Pero mapagkakatiwalaan ko ba sya?" Tanong ni Sir Delfin na binigyan pa ako ng nagdududang tingin.
Naguguluhang tumingin naman ako kay Senyor Melchor.
"Of course Delfin. Matapat sa serbisyo si Gado at mahusay sa trabaho. Ilang beses ko ng napatunayan yan. Kahit si Wallace ay makakapagpatunay nyan dahil isang beses na syang niligtas ni Gado ng saluhin nya ang bala." Saad ni Senyor Melchor at tumingin sa akin. May pagmamalaking nakaguhit sa kanyang mukha.
"Yes tito, mahusay sa kanyang trabaho si Gado at well trained din sya dahil dati syang pulis." Dugtong pa ni Boss Wallace.
Bumuntong hininga si Sir Delfin at tumango tango. "Kung ganun magtitiwala na rin ako sa kanya dahil may tiwala ako sa inyo ng anak mo kuya."
"Huwag kang mag alala Delfin. Mabait at mapagkakatiwalaan si Gado." Anang Senyora Jacinta.
Lalo naman akong naguluhan sa tinatakbo ng usapan. Pero isa lang ang tinutumbok nito. Mukhang si Sir Delfin ngayon ang bago kong pagsisilbihan.
"Teka ano bang meron papa? Kailangan ba ni Tito Delfin ng serbisyo ni Gado?" Kyuryosong tanong pa ni Boss Wallace.
"Yes, kailangan ni Delfin ng serbisyo ni Gado. Pero hindi para sa kanya kundi para sa pinsan mo."
Kumunot ang noo ko sa sinabi ng senyor.
"Si Lilliana?"
Tumango si Senyor Melchor. "Yes son, dito na mag aaral si Lilliana at si Gado ang magiging bodyguard nya."
*****