Lilliana POV
TAHIMIK ang hapag kainan habang kami ay nag aagahan. Tanging kalansing lang ng mga kobyertos at pinggan ang maririnig sa komedor. Tahimik si papa na tuloy tuloy lang sa pagkain. Si Tita Blesilda naman at si Madel ay nagtitinginan na parang nakikiramdam. Ako naman ay walang pakialam na tuloy din sa pagkain. Dapat nga ay mamaya pa ako babangon pero makulit ang kasambahay namin sa paggising sa akin. Utos daw ni papa na gisingin na ako. Hindi pa ako kinakausap ni papa gaya ng sabi nya kagabi, siguro ay pagkatapos naming mag agahan.
Tumikhim si Tita Blesilda. "Honey, holiday ngayon at walang pasok sa school ang mga bata. Balak sana naming magmall." Untag nya kay papa.
Umikot ang mata ko. Heto na naman sila. Kunwari gusto akong isama. Pero gagawa ng paraan para di ako makasama at silang mag ina lang ang gagala. Well it's fine with me. Ayoko rin silang kasamang gumala. At kanino pa bang pera ang gagamitin nila pang shopping, syempre kay papa.
"Sure honey, pero mag uusap muna kami ni Lilliana." Malambing na sabi ni papa kay Tita Blesilda. Pero ng dumako ang tingin nya sa akin ay naging seryoso ang mukha.
Tumingin din sa akin ang mag ina. Bagama't nakangiti si Tita Blesilda ay amoy na amoy ko naman ang kaplastikan nya gaya ni Madel. Mabait sila sa akin kapag kaharap si papa. Pero kapag nakatalikod ay nagiiba ang anyo. Mabuti na nga lang talaga ay hindi pa naikakasal si papa kay Tita Blesilda. Pero alam ko ay balak na talaga nilang magpakasal. Ewan ko kung ano ang problema at wala akong pakialam. Pabor nga sa akin na hindi sila ikasal. Ngayon pa nga lang na hindi pa sila kasal ay feeling donya at senyorita na ang mag ina. Ayaw sa kanila ng mga kasambahay namin. Yung mga dati nga naming kasambahay ay mga nag alisan na dahil hindi na kinaya ang mga ugali nila. I know pera lang ni papa ang habol nila.
"Ahm, ano pala ang pag uusapan nyo honey?" Usisa pa ni Tita Blesilda.
Hindi sumagot si papa at ngumiti lang. Ako naman ay napataas ang kilay sa pagiging usisera ni Tita Blesilda.
"Baka about last night ma." Sabat ni Madel.
Saglit akong natigilan sa sinabi ni Madel. Nakataas ang isang kilay na tiningnan ko sya. Pero ngumisi lang sya sa akin.
"Ano yun anak?" Curious na tanong naman ni Tita Blesilda at tumingin sa akin. Inikutan ko lang sya ng mata.
"Narinig ko kasi sila ni Tito Delfin na nagtatalo na naman. Paano, mag a-alas dose na sya umuwi kagabi galing sa club."
"Oh my god Lilliana iha. Hindi na tamang uwi ng isang dalaga ang alas dose ng gabi. Tsk tsk." Iiling iling na sabi ni Tita Blesilda na akala mo ay concern talaga sa akin.
"Right ma, masyado nyang pinag aalala si Tito Delfin. Hindi na sya naawa." Gatong pa ni Madel.
"You're so selfish Lilliana. Hindi mo man lang iniisip ang papa mo at puro na lang sarili mo. Ang bata bata mo pa nag iinom ka na."
Nagpupuyos sa inis ang dibdib ko sa mga pinagsasabi ng mag ina. Humigpit ang hawak ko sa kutsara at tinidor dahil sa inis. Ang kakapal ng mga mukha nila na pagsalitaan ako.
"I'm sure ma, puro paglalandi lang ang inaatupag nyan at hindi pag aaral. Sayang lang ang allowance na binibigay ni tito sa kanya."
"Sure din ako dyan anak. Well what do we expect -- "
"Enough!" Mabalasik na sigaw ni papa sabay hampas sa mesa na ikinapitlag naming lahat. Tiningnan nya kami ng matalim. Pero mas matalim ang tingin nya kay Tita Blesilda at Madel na hindi na nakaimik at parang mga naestatwa.
"You two don't have the rights na pagsalitaan ng kung ano ano si Lilliana." Mariing sabi ni papa.
Napaawang ang labi ko. Hindi ko inaasahan na pagsasabihan ni papa si Tita Blesilda at Madel. At ito ang unang pagkakataon na sinigawan nya ang mga ito sa harap ko.
"B-But we're just concern honey -- "
"Hindi ko nararamdaman na concern kayo. Mas nararamdaman kong iniinsulto nyo sya at sa harap ko pa talaga."
Lalong natameme ang mag ina. Napangisi naman ako.
"Kahit ano pa ang ginawang hindi maganda ni Lilliana wala kayong karapatan na pagsalitaan sya ng kung ano ano. Ako lang ang may karapatan dahil ama nya ako. Maliwanag?" Matiim na tiningnan ni papa ang mag ina.
"Y-Yes honey I understand hindi na mauulit." Alanganin ang ngiting sambit ni Tita Blesilda at pasimpleng siniko nya si Madel.
"Y-Yes tito. We understand naman."
"Good. Tapusin nyo na ang pagkain nyo."
Tinuloy na namin ang pagkain. Mas tahimik na ngayon ang hapag kainan. Tumingin ako sa mag ina na mga nakatingin din pala ng pailalim sa akin. Binigyan ko lang sila ng nakakalokong ngisi. Pakiramdam ko ako ang nagwagi ngayon. May pakialam pa rin pala sa akin si papa. Akala ko ay wala na at ang importante na lang sa kanya ay ang mag ina.
"Mauna na ako sa library. Lilliana, sumunod ka kapag tapos ka na." Bilin ni papa ng tapos na syang kumain at tumayo na. Naiwan na lang kaming tatlo sa mesa.
Inubos ko na lang ang natitirang pagkain ko. Ang mag ina naman ay hindi na kumakain at mataman lang nakatingin sa akin. Pero nakaguhit naman sa kanilamg mukha ang inis.
"What?" Nang iinis pang tanong ko.
"Tss! You know what Lilliana, ang malas ng papa mo ikaw ang naging anak nya." Nanunuyang sabi ni Tita Blesilda.
"Tama ka dyan ma." Sang ayon pa ni Madel at inirapan pa ako.
Nagkibit balikat ako at nagpunas ng napkin sa bibig. Nanguuyam na ngumiti ako sa mag ina. "Wala na tayong magagawa dyan Tita Blesilda kahit magngangawa kayo ni Madel. Anak na ako ni papa. Legit na anak at may karapatan sa lahat."
"Aba't -- " Naputol ang sasabihin ni Tita Blesilda ng tumayo na ako at nilapag ang napkin sa tabi ng plato.
"Mauna na ako sa inyo. Mag uusap pa kami ng papa ko." Tumalikod na ako at lumabas sa komedor.
"Bastos na bata talaga!"
"Hayaan mo na sya ma. Siguradong pagagalitan na naman sya ni tito."
Umikot ang mata ko sa mga sinabi ng mag ina. Dumiretso na ako ng lakad papunta sa library kung nasaan si papa at naghihintay sa akin.
"Nag usap kami kanina ng Tita Jacinta at Tito Melchor mo."
Napaupo ako ng tuwid sa couch sa sinabi ni papa. Nakaramdam ako ng excitement ng marinig ang pangalan ng paborito kong tiyahin at tiyuhin na nasa probinsya.
"Pupunta tayo ng probinsya papa?" Excited na tanong ko.
Bumuntong hininga si papa at matiim akong tiningnan.
"Yes pupunta tayo ng probinsya."
"Kelan papa? Ngayong weekend ba?"
Hindi ko na maitago ang ngiti sa excitement. Kagabi lang ay wini-wish ko na sana ay umuwi kami ng province. Ngayon ay nagkatotoo na. Yii! Makikita ko ulit si Daddy Gado. Thank you Lord! Super lakas ko talaga sa inyo.
"Bukas."
"Bukas? Pero may pasok na ako bukas papa. Sa weekend na lang." Gustusin ko mang bukas na agad pero may pasok pa ako sa school.
"Hindi mo na kailangan pumasok bukas. Ipapaasikaso ko sa secretary ko ang mga papers mo sa school. Doon ka na sa probinsya mag aaral."
"What??"
.
.
Gado POV
BUMUNTONG hininga ako pagkatapos kong ilapag ang bulaklak sa gilid ng lapida ng dati kong kasintahan. Tinanggal ko pa ang ilang tuyong dahon na tumatabing sa kanyang pangalan. May mga natuyo ding mga bulaklak ang nasa gilid ng lapida pero di ko na yun pinakialaman.
Pitong taon na ang nakakaraan mula ng mamatay sya o mas tamang sabihin na pinatay sya ni Congressman Tolentino na kasalukuyan ngayong nakakulong at pinagbabayaran ang krimeng ginawa. Malaki talaga ang utang na loob ko kay Senyor Melchor na syang tumulong sa akin na mapawalang sala at malinis ang aking pangalan. Kung hindi dahil sa kanya ay malamang hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ako at pinagbabayaran ang kasalanang di ko naman ginawa. Maimpluwensyang tao si Congressman Tolentino. Kayang kaya nyang paikutin ang batas. Pero mas maimpluwensyang tao si Senyor Melchor. Habang buhay akong tatanaw ng utang na loob sa kanya. At nangangako akong pagsisilbihan ko sila sa abot ng aking makakaya.
Hinaplos ko ang lapida ng dating kasintahan. Nakakapanghinayang na maaga syang nawala. Kababata ko sya at tatlong taon din kaming nagkaroon ng relasyon. At kahit nagkahiwalay na kami ay nanatili pa rin ang aming pagkakaibigan. Kaya masakit para sa akin na maaga syang nawala.
Muli akong bumuntong hininga at tumayo. Tumama sa aking mukha ang sinag ng araw. Sinuot ko ang dark aviator at sandaling pinagmasdan ang lapida ng dating kasintahan bago tumalikod.
Tapos na ang dalawang araw na pahinga ko. Oras ng bumalik sa trabaho.
Pinarada ko ang big bike ko sa harap ng barracks. Eksaktong alas syete ay nakarating na ako dito sa compound ng mansion ni Wallace Andrada. Pinatay ko na ang makina ng motor at bumaba. Hinubad ko ang helmet. Sumaboy sa aking mukha ang malamig na ihip ng hangin.
"Gado nandyan ka na pala." Bati sa akin ng driver na si Ka Andy. Kalalabas lang nya ng barracks at may hawak syang tasa ng kape na umuusok pa.
"Magandang umaga Ka Andy." Bati ko at tinanggal ang suot na dark aviator.
"Kape?" Alok pa nya sa akin.
Tumango lang ako at ngumisi.
"O nandyan ka na pala pare." Bati rin sa akin ni Elvis na kalalabas lang din ng barracks habang nagbubutones ng polo. Kumpare ko sya dahil inaanak ko ang panganay nya.
"Kamusta pare?" Nag fist bump kaming dalawa.
"Heto puyat walang masyadong tulog."
Kumunot ang noo ko. "Bakit? Nagkaproblema ba kagabi?"
Kumamot sa ulo si Elvis. "Nagkagulo kasi kagabi."
"Anong nangyari? May nanloob ba?" Bumangon ang pag alala sa dibdib ko.
Tumawa si Ka Andy. "Wala Gado. Nagkagulo lang dahil akala namin manganganak na si Alona. Sumakit kasi ang tiyan nya. Si Boss Wallace naman sobrang aligaga. Kulang na lang maghamon ng away sa sobrang pag aalala. Ayun dinala namin sa hospital kagabi. Hindi pa naman pala manganganak at naparami lang ng kain. Noong nakadighay na naginhawaan na."
Napangisi ako at napailing iling sa kinuwento ni Ka Andy. Parang nakikita ko na ang hitsura kagabi ni Boss Wallace. Sya pa naman pagdating kay Alona ay praning.
Nag excuse ako sa dalawa at pumasok ng barracks. Dumiretso ako sa kwarto ko. May sarili akong maliit na kwarto. Anim kaming tauhan kasama si Ka Andy na magkakasama sa barracks. Maayos naman ang barracks namin. Hindi mainit sa loob. Tig iisa kami ng single bed at tig iisa rin ng electric fan. May malaki rin kaming tv para paglibangan. May kusina din kami para paglutuan. Pero minsan lang namin nagagamit sa pagluto iyon dahil ang pagkain namin ay niluluto ng mga kasambahay sa mansion.
Hinubad ko ang leather jacket at hinanger. Hindi na ako nagsusuot ng uniporme kagaya sa mga kasamahan ko dahil wala naman ako noon. Simpeng t-shirt lang at kupas na maong ang uniporme ko. Ang importante lang naman ay araw araw naliligo.
Lumabas na ako ng barracks. Nakasalubong ko pa ang mga kasamahan kong tauhan at nagbatian. Umpisa na ng trabaho namin. Hindi naman mabigat ang trabaho namin yun lang ay delikado kung minsan. Magbabantay lang sa gate, magmamasid kung may umaaligid sa paligid na banta sa pamilya. Ako naman ay laging kasama ni Boss Wallace saan man man sya magpunta para siguraduhing ligtas sya bagama't kayang kaya naman nyang protektahan ang kanyang sarili. Pero sa ngayon ay wala namang banta sa kanya. Tapos na ang alitan nila ni Congressman Marasigan at nagkaayos na sila. Pero hindi pa rin dapat magpakampante. Magaling na negosyante si Boss Wallace at marami syang nakakabangga. Ang ilan ay nagtatanim ng galit sa kanya. Bilang kanang kamay ay mahigpit pa rin ang bilin ko sa mga kasamahang tauhan na laging alerto at higpitan pa ang pagbabantay.
*****