“So, what do you say, pare?” Matamlay na lumingon si Keith kay Gabe. “A-ano nga uling tinatanong mo?” “Seryoso ka?” Nagkunot ng noo si Gabe. Umupo siya sa tapat ni Keith na bahagyang nakasulong. “Kanina pa ako nagsasalita dito, ‘yon pala hindi mo ako naririnig?” “Narinig kita,” bulong ni Keith. Muli niyang tiningnan ang screen ng kanyang cellphone at pinindot ang number ni Irish. “Pero siguro hindi lang kita naintindihan dahil may iniisip lang ako.” Pagkagising ni Keith ngayong umaga, napansin niyang tila matamlay ang dalaga, bagaman nakahanda na ang almusal. Sumasagot naman ito na ayos lang kapag tinatanong niya kung may problema. Ngumingiti naman ito lalo na kapag nagpapatawa siya. Iyon nga lang, hindi katulad ng dati na bigay na bigay ang pagtawa. Ano ba talagang problema, Irish?

