Kabanata 9

2132 Words
Sumusuot ang pag-aalala sa dibdib ni Keith nang pumasok siya sa gym ng RnJ. Batid niyang naiiba siya sa lahat ng naroon dahil sa kanyang katawan. Mataba siya, tanggap niya iyon. Kahit kailan ay hindi pa siya nagtungo rito dahil sa trabaho. Ngayon mapipilitan siyang sumuong sa 'chiselling' dahil na rin sa trabaho. Pagpasok pa lang sa transparent na double door ay bumaling na ang ilang mapanuring mga mata sa kanya. Batid niyang mga kapwa husbando ang naroon dahil sa ganda ng pangangatawan. Gayunman, nagpapaganda pa rin ng kalamnan ang mga ito upang maging mas kaaya-aya sa kliyente. Tila nais tuloy niyang matunaw. Maaaring hinuhusgahan na siya ng mga ito. Maaaring iniisip nilang wala na siyang pag-asa. Malaki siyang tao ngunit nanliliit siya sa sarili. Ano kaya kung bumalik na lang ako sa ibang araw kapag walang gumagamit ng gym? Gayunman, batid niyang imposible 'yon dahil sa dami nila at batid niyang araw-araw ang training nila. Tatalikod na sana siya nang may tumawag sa kanya… o sa peke niyang pangalan. "Hi Papi Kanye." Mabagal siyang pumihit at pinahapyawan mula ulo hanggang paa ang pinanggagalingan ng malambing na tinig.  "Yes?" "Hello, I'm Strawberry. Ang magiging gym instructor mo," aniya. Nakasuot lang siya ng racerback sports bra at high-waisted compression leggings. Perpekto ang curves ng katawan niya na kahit sino'y matatawag ang pansin. Nakapako na nga sa kanya ang malagkit na tingin ng ilang husbando. "How lucky of you, brother," anang isang husbando na kasalukuyang tumatakbo sa treadmill. Ngumisi ito sa kanya at kumindat naman sa babaeng gym instructor.  "Flirt," bulong ni Strawberry sabay irap. "For your info, I'm not La Diva, alright? Tara na nga Papi Kanye."  Mahigpit na hinawakan ni Keith ang dala-dalang backpack at halos patakbong sinundan ang babae. Itinuro siya nito sa gagamiting locker at pagkatapos ay nagpalit siya ng workout clothes sa dressing room. Malaki ito at may mga shower areas at whirlpool tubs pa. May ilang husbando ang nakalublob doon at kaswal na nagkukwentuhan. Karamihan ay walang pakialam na palakad-lakad sa kanyang likuran kahit naka-tuwalya lang. Ang iba naman ay talagang walang saplot. Hindi naman niya masisisi ang mga ito dahil maipagmamalaki naman talaga ang mga katawan nila. Sa isang pribadong cubicle ay mabilis siyang nagbihis ng asul na short sleeve tee at elasticized shorts. Pinareha niya rito sa signature niyang sneakers. Kahapon lang siya bumili sa mall ng mga gagamitin sa gym na kinailangan pa niya ang tulong ni Gabe upang pumili ng akmang pananamit.  Naninibago man sa bagong routine na kanyang sisimulan, may isang parte pa rin sa pagkatao niya ang nagagalak. Kung hindi pa dahil sa RnJ ay hindi niya maiisipang magpa-improve ng katawan. Kaya nga ipinangako niya sa sarili na kahit gaano kahirap, sisikapin niyang makuha ang akmang pangangatawan hindi lang dahil siyang husbando kundi dahil sa kanyang sarili. Ano ba naman ang kasabihang 'health is wealth'? Nang lumabas siya sa dressing room ay nakita niya kaagad ang balingkinitang pigura ni Strawberry. Nangangiti itong kumakaway sa kanya. Nang kanyang lapitan ang instructor ay nakatawag-pansin din sa kanya ang malaking barbel at sa ilalim nito'y ang incline bench. Napalunok niya. "Ito ba ang uunahin ko?" "Yes, Kanye." Pinagsalikop ni Strawberry sa kanyang dibdib ang mga payat na braso. "Your five-day workout split routine will include chest and triceps on Mondays, back and biceps on Tuesday, shoulders and triceps on Thursday, legs and biceps on Fridays, and core and cardio on Sunday. Your Wednesdays and Saturdays are going to be rest days. Pwede kang pumunta rito during those days only to indulge yourself in our jacuzzi.” Napahawak sa batok si Keith. "Gusto ko ang idea ng hot tub. Pero tungkol sa training, sa briefing pa lang mukhang mahirap na."  “You are right, Papi Kanye. Pero lahat naman ng husbandos dito, talagang dumaan sa butas ng karayom, magkaroon lang ng katawang pang-Greek God." Tumango si Keith. "Kaya ba nire-required ninyo kaming pumasok araw-araw? Hindi ba pwedeng mag-setup ako nito sa bahay?" "Sa kanila pwede dahil dati nang batak ang katawan." Pinahapyawan ni Strawberry ang binata. "Pero dahil mas challenging ka, mandatory ang pagkikita natin araw-araw. Kailangang ma-track kita, Papi Kanye. Kailangang tutukan kita nang maigi para makasama ka sa gagawing Husbando Gala. That will be six weeks from now." "Six weeks?" Lumukot ang mukha ni Keith. "Ibig sabihin, sa loob ng anim na linggo lang ako magti-training? Kaya ko ba iyon?" "Actually, four weeks lang ang program mo sa 'kin, Papi Kanye. After mo kasing mag-chiselling, papasok ka sa klase ni La Diva for the seduction class. Kapag naipasa mo 'yon, ready ka na for the gala." Hinaplos ni Strawberry ang nakatahimik na barbel, saka lumapat ang mga kamay niya sa dibdib ng binata. "Give this thing everything you've got, Papi. Exert yourself. Don't leave any doubt in your mind that it’s impossible. Because seriously, you can do this. Ako na ang nagsasabi sa 'yo, with the right diet, this program will work for you."  Nagbuntong-hininga si Keith at nakangiting yumuko sa kanya. Pakiramdam niya'y isang kaibigan ang dalaga na maaari niyang pagsabihan ng lahat niyang problema at insecurities. "Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako sa 'yo, Strawberry. Hayaan mo, gagawin ko ang lahat ng sasabihin mo. Hindi na ako magrereklamo.” "Yay!” Napapalakpak si Strawberry. “Oh my! Kapag na-toned up ka na, ikaw ang maituturing kong pinakamaganda kong obra, Papi. Hindi na ako makapaghintay sa transformation mo from fat to fit!” Halos mamula ang mukha ni Keith nang tumingin siya sa paligid. Mabuti na lang at may kanya-kanyang mundo ang mga husbando. Iba’t iba ang equipments ang pinagkakaabalahan ng mga ito. Ang iba’y solo, ang iba naman ay may sariling instructor din. “O, sige. Paano tayo magsisimula. Ano ang unang gagawin natin?” Isang madibdibang breathing exercise at imposibleng stretching ang ipinagawa sa kanya na halos ikapugto ng kanyang paghinga. Malamig ang loob ng gym at presko ang hangin ngunit tumatagaktak na agad ang kanyang pawis. Nang magsimula sila sa unang phase ay halos isang balde ang kanyang nilusaw.  Nang matapos ang session sa araw na iyon ay kulang na lang pigain ang kanyang workout clothes. Sabon na nga lang ang kailangan niya dahil naliligo siya sa pawis nang bumalik sa dressing room.  Humarap siya sa salamin habang tinutungga ang isang bote ng flavored water. Pagod man ang mga kalamnan ngunit buhay na buhay ang katawan niya. Pakiramdam niya'y masiglang dumadaloy ang kanyang dugo sa bawat ugat ng kanyang katawan. Mas maayos na tumitibok ang kanyang puso. "Simula pa lang 'to. Pero lahat kakayanin ko para sa kompanya." o0o "SIGURADO KA NA ba, sis? Aalis ka na naman?" Isa-isang pinagmamasdan ni Sugar ang mga damit na itinutupi ni Irish sa maleta. "Sugar, alangan namang hindi," bulong niya at inirapan ang kaibigan niyang umaakto na umiiyak. "Five branches ng Love’s World ang magbubukas sa America. Sa tingin mo ba, hindi ko kailangang puntahan ‘yon?” Bumagsak ang mga balikat ni Sugar. “Sabi ko nga, eh.” Sumisinghot siya kahit hindi naman sinisipon. “Sobrang saya ko para sa ‘yo kasi bilyones na naman ang ihahatid mo sa Pinas ‘pag uwi mo. Pero pagdating sa lovelife, ikaw na yata ang pinakamahirap na kilala ko. Kumbaga pagdating sa pag-ibig, mas mahirap ka pa sa daga!” “Pag-ibig?” Nagtaas ng isang kilay si Irish habang namimili ng damit sa walk-in closet niya. “Sis, nakakain ba ‘yon?” “Bahala ka!” bulyaw ni Sugar at nang-aasar na nilabasan siya ng dila. “Belat!” “Alam mo, Sugar, sa ngayon mas importante para sa akin ang gumawa ng pera. At least makakakain ako at si Mommy, ‘di ba? Anyway, para na rin akong may lovelife kapag nakikita kong successful ang business ko. Pakiramdam ko, sa Love’s World ako kasal.”  “Ewan ko sa ‘yo. Palusot mo lang ‘yan.” Tinapunan ni Irish ng masamang tingin ang kaibigan, Kulang na lang ay ibato rito ang pares ng heels na hawak niya. “Kumontra ka pa at hindi kita papasalubungan ng bagong diamond necklace.” “Sabi ko nga, kailangan mo nang umalis ngayon at baka maiwan ka pa ng flight. Wait, ako na ang mag-aayos ng gamit mo.” Nagniningning ang mga mata ni Sugar nang siya pa mismo ang maingat na naglagay ng mga damit sa maleta. Isinara niya ang zipper nito makalipas ang ilang minuto. “Chat-chat na lang, okay? Ma-mi-miss talaga kita nang sobra.” Natatawang umiiling si Irish nang damputin ang handbag sa mesa. “Pakiramdam ko, mas bestfriend mo ang diamonds kaysa sa akin.”  “Bestfriend natin pareho ‘yon, no. Basta mag-ingat ka, ha. At huwag papalipas ng gutom.” Biglang natigilan si Irish sa sinabi ng kaibigan. Tila bumalik siya sa tagpo kung kailan ito huling narinig. Hindi na nga niya napansing umakyat sa mesa ang alagang pusa upang magpapansin sa kanya. “Kawawang Midnight, maiiwan na naman ng amo niya.” Nanghihinayang ang tono ni Sugar habang nakatitig sa itim na pusa. Ngunit nagsalubong ang kanyang mga kilay nang mapansing tila naging yelo ang kaibigan. Hindi ito kumikilos at nakatingin lang sa salamin. “Hoy, sis! Anyare!” Napasinghap si Irish nang lumingon sa kanya. “H-huh? W-wala.” Kinarga niya ang pusa at hinimas ito sa ulo. “Wala? Bakit parang na-hypnotize ka diyan? Ano bang naalala mo? Or should I ask, sino?” tanong ni Sugar na nakangisi. “Wala naman. Bigla ko lang naalala si Keith. Sinabi din kasi niya ‘yong sinabi mo.”  “Wow, iniisip mo pa pala si Mr. Chubby, ha. Bakit, miss mo ba siya? Or in love ka na sa kanya?” Pinamulahan ng mukha si Irish. “Naalala ko lang ‘yong sinabi niya, in love agad? Paano kung bigla ko ring maalala ‘yong lecture ng masungit nating professor sa Accounting? Huwag mong sabihing in love na rin ako do’n?” Napahiga si Sugar sa kakatawa. “Hala siya! Ikaw sis, ha. Napaka-defensive mo! Ibig sabihin, totoo.” “Ewan ko sa ‘yo. Isipin mo kung anong gusto mo,” bulong ni Irish habang ipinagpapatuloy ang pagsuklay.  Gayunman, hindi niya maikakaila sa sarili na laging naaalala si Keith. Isang buwan na ang nakalilipas noong nag-dinner ito sa kanila. Simula niyon, madalas na niyang maalala ang binata. Hindi pa rin niya nakakalimutan ang mapait na ekspresyon ng mukha nito. Nakaukit pa rin sa kanyang isipan ang sakit na idinulot ng kanyang mga salita. Umabot pa nga siya sa puntong hingiin kay Ginang Imelda ang contacts nito upang  i-text ito o i-chat ngunit walang tugon. Ganoon ba talaga kasama ang ginawa ko sa kanya? O talagang hindi siya interesado na kausapin ako?  “Ako na nga ang nagso-sorry, hindi pa niya tinatanggap. Bahala nga siya! Ako ba ang nawalan?!” Nanlalaki ang mga mata ni Sugar nang bumangon siya sa higaan. Pati ang pusa ay napatalon sa gulat. “Hala, sis? Sinong kaaway mo diyan?” “H-huh?” Mabuti na lang at pumasok si Ginang Luz. Kung hindi ay natunaw na sa pagkapahiya si Irish sa harap ng kaibigan at ng kanyang pusa. Magkahalong saya at lungkot ang nakaukit sa matanda ngunit maganda nitong mukha. “Anak, nakahanda na ang sasakyan.” “Oh, really? Great!” Hinila na niya ang maleta nang hindi tinitingnan si Sugar. Ngunit humalik muna siya sa pusa bago nila linasin ang kwarto. Makalipas ang isang oras ay nasa airport na sila. Hindi na inusisa ni Sugar kung sino ang tinutukoy nito kanina. Nakayakap na lang siya sa kaibigan habang hindi pa tinatawag ang flight nito. “Kung wala akong asawa, sasamahan kita, sis. Baka kasi mas matagalan ka do’n!” Natawa si Irish. “Ano ka ba naman, Sugar. Hindi naman ako titira sa New York. Kapag nasigurado ko lang na maayos ang takbo Love’s World, babalik din ako kaagad.” “Mabuti naman. Ang akala ko talaga doon ka na titira porque malamig doon.” Kumindat siya. “Loka ka talaga. Hindi ko ipagpapalit ang Pilipinas kahit mainit dito,” aniya at bumaling sa ina. Niyakap niya ang ginang at hinalikan sa noo. “Babalik lang ako agad, Mommy.” “Oh, come on, anak. Huwag mo akong alalahanin. Hindi ka pa nga umaalis, pagbalik na ang iniisip mo?” Nagtatakang tinitigan ni Irish ang ina. “Why? You don’t want me to go home?” “HIndi naman sa ganoon. Pero may kondisyon ako sa ‘yo para makauwi ka sa akin?” “At ano naman ‘yon, Mommy?” Abot tainga ang pagngisi si Gng. Luz. “Kapag umuwi kang single pa rin, wala kang choice, ipapakasal kita kay Keith Levi De Asis.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD